Institute
Lesson 28 Materyal ng Titser: Tumayo Bilang mga Saksi ni Jesucristo


“Lesson 28 Materyal ng Titser: Tumayo Bilang mga Saksi ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 28 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 28 Materyal ng Titser

Tumayo Bilang mga Saksi ni Jesucristo

Sa buong kursong ito, nagkaroon ang mga estudyante ng pagkakataong pag-aralan, pagnilayan, at talakayin ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo. Hinikayat silang palakasin ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at kumilos nang may pananampalataya upang maging higit na katulad Niya. Sa lesson na ito, pag-iisipan ng mga estudyante ang nadama, natutuhan, at naranasan nila. Aanyayahan silang ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay nagpapatotoo tungkol sa Kanya.

Paalala: Upang mabigyan ng maraming oras ang mga estudyante na pagnilayan at ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa oras ng klase, mas kaunti ang mga ideya sa pagtuturo sa lesson na ito.

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon sa pagsisimula mo ng klase:

Isipin kunwari na isang malapit na kaibigan ang dumalo sa kanyang unang fast and testimony meeting o bumalik sa simbahan pagkaraan ng maraming taon ng paglayo. Kung ibabahagi mo ang iyong patotoo, ano ang sasabihin mo? Ano ang inaasam mo na ibahagi ng iba?

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang maaari nilang sabihin sa kanilang mga patotoo. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Ano ang madarama ninyo kung walang nagpatotoo tungkol kay Jesucristo? Bakit napakahalaga ng pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo? (Habang nagtatalakayan ang mga estudyante, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Ang buod ng patotoo [natin] ay lagi nang pananampalataya at kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon” [“Ang Bisa ng Personal na Patotoo,” Liahona, Nob. 2006, 38].)

  • Paano kayo nagkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo? (Maaari ninyong rebyuhin ang Alma 5:46–48 at ang pangalawang pahayag ni Elder Uchtdorf sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Kung nais mo, maaari mong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang katulad ng sumusunod: Maaari tayong magkaroon ng tiyak na patotoo kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.) Ano ang naging impluwensya ng Espiritu Santo sa naunawaan ninyo tungkol sa Tagapagligtas at sa pagmamahal ninyo sa Kanya?

Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante bago magklase na maging handa na ibahagi sa klase kung paano napagpala ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pakikinig sa patotoo ng iba tungkol kay Jesucristo. Pagkatapos ay maaari mong itanong:

  • Ano ang ilang paraan na makatatayo tayo bilang mga saksi ni Jesucristo? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Neil L. Andersen sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

  • Bakit maaaring mahalagang ibahagi ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas, kahit nadarama natin na hindi ito napakalakas? (Maaari ninyong rebyuhin ang unang pahayag ni Pangulong Uchtdorf sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagbabahagi ng patotoo ay hindi lamang nagpapala sa taong nagbahagi nito kundi napapalakas din nito ang pananampalataya at mga patotoo ng iba. Ang patotoo ay maaaring isang simpleng pagpapahayag ng pinaniniwalaan, inaasam, o alam ng isang tao na totoo.

Ipaalala sa mga estudyante na inanyayahan silang maghanda para sa klase sa pamamagitan ng pagpili ng isang aktibidad sa pag-aaral na tutulong sa kanila na pagnilayan ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo. Bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga isinulat at maghanda ng isang bagay na ibabahagi.

Kung malaki ang iyong klase, maaari mong hatiin sa malilit na grupo ang mga estudyante para magkaroon ng pagkakataon ang lahat na magbahagi. Hikayatin ang mga estudyante na isaisip ang oras na gugugulin nila para makapagbahagi sa klase o grupo ang lahat ng nais magbahagi. Bagama’t lahat ng estudyante ay dapat hikayating magbahagi, hindi dapat madama ng sinuman na pinipilit sila.

Tapusin ang klase sa iyong pagpapatotoo at paghihikayat sa mga estudyante na patuloy na palakasin ang kanilang patotoo kay Jesucristo at maghanap ng mga pagkakataong ibahagi ang patotoong iyon tungkol sa Kanya.

Bago matapos ang klase, hikayatin ang mga estudyante na patuloy na mag-enroll sa institute.