Institute
Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Nagagalak sa Banal na Pagsilang ni Jesucristo


“Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Nagagalak sa Banal na Pagsilang ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Behold the Lamb of God [Narito ang Kordero ng Diyos], ni Walter Rane

Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Nagagalak sa Banal na Pagsilang ni Jesucristo

Ang mahimalang pagsilang ni Jesucristo ay isang maluwalhating pangyayari. Ang mga sugo ng langit ay umawit ng mga papuri sa Diyos (tingnan sa Lucas 2:11–14), sinamba ng mga mapagpakumbabang pastol si Jesus na nasa sabsaban (tingnan sa Lucas 2:15–16), at sinamba Siya ng mga Pantas na Lalaki na may dalang mga kaloob (tingnan sa Mateo 2:11). Ang mga lesson sa unit 3 ay magbibigay sa iyo ng pagkakataon na mapalalim ang iyong pang-unawa sa mortal na ministeryo ni Jesucristo. Ang Kanyang pagsilang at Kanyang buhay ay tunay na nagbibigay-inspirasyon sa “magandang balita ng malaking kagalakan … sa buong bayan” (Lucas 2:10). Maaari mong panoorin ang video na “The Nativity [Ang Pagsilang]” (2:59) para makatulong sa pagtutuon mo sa iyong pag-aaral.

2:58

Bahagi 1

Paano nakadaragdag ang nauunawaan ko tungkol sa mga magulang ni Jesucristo sa pagtitiwala ko na maililigtas ako ng Kanyang kapangyarihan?

Tulad ng mga natatanging katangiang namana mo mula sa genetika [genetics] ng iyong mga magulang, si Jesucristo ay natatangi sa namana Niya mula sa Kanyang mga magulang. Sa Aklat ni Mormon, ipinropesiya ni Alma na ang Tagapagligtas ay “isisilang ni Maria … siya na isang birhen, isang mahalaga at piniling nilikha … at [siya ay] magsisilang ng isang anak na lalaki, oo, maging ang Anak ng Diyos” (Alma 7:10). Isipin kung paano nauugnay ang mga magulang ng Tagapagligtas sa Kanyang kakayahang isagawa ang pagbabayad-sala para sa lahat ng tao.

Nakikinig si Maria sa anghel na si Gabriel

Nagsisimula na nating makita ang kaugnayang ito sa pagitan ng mga magulang ng Tagapagligtas at ng Kanyang kapangyarihang magligtas nang magpakita ang anghel na si Gabriel kay Maria at sinabi sa kanya na magsisilang siya ng isang anak na lalaki na pangangalanang Jesus (tingnan sa Lucas 1:26–31).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Lucas 1:32–35, at pansinin kung paano inilarawan ni Gabriel ang Anak na isisilang ni Maria. Paalala: Ang mga banal na kasulatan na tumutukoy sa paglilihi kay Jesucristo ay nagbibigay-diin na Siya ang Anak ng Diyos ngunit hindi naghahayag kung paano naganap ang himalang ito [tingnan sa Mateo 1:18–20; 1 Nephi 11:15, 18–21; Alma 7:10].)

4:19

Nang ibalita ng anghel ang pagsilang ni Jesucristo sa mga pastol na nasa kalapit na parang, tinukoy niya ang sanggol bilang “Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon” (Lucas 2:11; tingnan din sa Lucas 2:9–10). Ang kakayahan ni Jesucristo na maging Tagapagligtas natin ay posible dahil Siya ay isinilang sa isang imortal na Magulang (ang Ama sa Langit) at sa isang mortal na magulang (si Maria). Dahil sa Kanyang mortal na ina, lubos na mararanasan ni Jesus ang mga pasakit, kalungkutan, at tukso ng mortalidad (tingnan sa Mga Hebreo 4:15). Ang mga karanasang ito ay magtutulot sa Tagapagligtas na “malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12). Dahil sa Kanyang imortal na Ama, makakayanan ni Jesus ang lahat ng hamon ng mortalidad.

Dahil sa Kanyang mortal na ina, maaaring mamatay si Jesus. Dahil sa Kanyang imortal na Ama, madaraig Niya ang kamatayan.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Juan 10:17–18, at isipin kung paano naging posible ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo dahil sa Kanyang mga natatanging magulang.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang misyon [ni Jesucristo] ay ang Pagbabayad-sala. Ang misyon na iyon ay sa Kanya lamang. Isinilang sa isang mortal na ina at imortal na Ama, Siya lamang ang maaaring mag-alay ng Kanyang buhay at ibangon itong muli (tingnan sa Juan 10:14–18). Ang maluwalhating bunga ng Kanyang Pagbabayad-sala ay walang katapusan at walang-hanggan. Inalis Niya ang tibo ng kamatayan at ginawang pansamantala ang pighati ng libingan. (“Ang Misyon at Ministeryo ni Jesucristo,” Liahona, Abr. 2013, 34)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang itinuturo sa iyo ng dalawang katangiang ito ni Jesucristo tungkol sa Kanyang kakayahang makaugnay sa iyo sa buhay na ito at iligtas ka tungo sa kawalang-hanggan?

Bahagi 2

Paanong ang pagsilang at buhay ni Jesucristo ay pagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa akin?

Isipin sandali kung gaano kamangha-mangha na ang Dakilang Jehova, na lumikha ng mundo, ay paparito sa lupa bilang isang walang-lakas na sanggol. Sa isang pangitain, nakita ni Nephi ang pagsilang na ito bilang pagpapakita ng pagmamahal.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Nephi 11:13–22, at isipin kung ano ang maituturo sa iyo ng pagsilang ng Tagapagligtas tungkol sa pagmamahal Niya at ng Kanyang Ama sa iyo. (Paalala: Ang ibig sabihin ng salitang pagpapakababa ay kusang pagbaba sa isang mas mababang katayuan o kalagayan mula sa mas mataas na katayuan. Isipin kung paano maiaangkop sa Ama at sa Anak ang pagpapakababang inilarawan sa banal na kasulatang ito.)

karga ni Maria ang sanggol na si Jesus

Tungkol sa pagpapakababa ni Jesucristo, itinuro ni Pangulong Tad R. Callister, dating Sunday School General President:

Pangulong Tad R. Callister

Ipinagpalit ng Diyos Anak ang kanyang tahanan sa langit kasama ang lahat ng mga selestiyal na palamuti nito sa isang tahanan dito sa lupa na primitibo ang gayak. … Ipinagpalit niya ang pamumuno ng isang diyos para arugain bilang isang sanggol. … Ang ginawa Niya ay hindi mapapantayan. … Ang dakilang Jehova, ang lumikha ng mga daigdig na hindi mabilang, na walang hanggan ang kabanalan at kapangyarihan, ay isinilang sa daigdig na ito at ibinalot sa lampin at inihiga sa sabsaban. (The Infinite Atonement [2000], 64)

Nalaman pa ni Nephi ang tungkol sa pagpapakababa ni Cristo nang makita niya sa pangitain na naglilingkod ang Tagapagligtas sa mga tao at pinagagaling ang kanilang mga paghihirap (tingnan sa 1 Nephi 11:26–31).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Nephi 11:32–33, at isipin kung gaano nagpakababa ang Tagapagligtas para sa iyo (tingnan din sa 2 Nephi 26:24).

pinapasan ni Jesus ang Kanyang krus

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

Kapag pinag-uusapan natin ang pagsilang ni Jesucristo, napagninilayan din natin ang sumunod na naganap. Lubhang mahalaga ang Kanyang pagsilang dahil sa mga bagay na Kanyang mararanasan at pagdudusahan upang higit Niya tayong matulungan—na magtatapos lahat sa Kanyang Pagkapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Alma 7:11–12). Ngunit kabilang din sa Kanyang misyon ang kagandahan ng Kanyang paglilingkod, ang mga himala ng Kanyang ministeryo, ang kapanatagang dulot Niya sa mga nagdurusa, at ang galak na inalay Niya—at patuloy na iniaalay—sa mga nagdadalamhati. (“Maging Payapa,” Liahona, Dis. 2015, 30)

Hinuhugasan ni Jesus ang mga paa ng Kanyang mga Apostol

Isipin ang walang katulad na halimbawa ng pagpapakababang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin. Ipinaliwanag ni Bishop Richard C. Edgley, na naglingkod sa Presiding Bishopric:

Bishop Richard C. Edgley

Ano ang ibig sabihin nito para sa atin? Ang nauunawaan natin tungkol sa pagpapakababa ni Cristo ay dapat higit pa sa pagkamangha at malalim na pasasalamat. Bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan, na tinawag upang kumatawan sa Kanya at magpatotoo tungkol sa Kanya, ang malaking pagkakataon natin ay sikaping tularan Siya. …

Tulad ng Tagapagligtas, ang ating pinakadakilang kabutihan ay maaaring magawa sa pamamagitan ng pagtulong sa “pinakamaliit sa mga kapatid kong ito” [Mateo 25:40]. Dapat nating tandaan na sa anumang kalagayan sa buhay o partikular na tungkulin, bawat tao ay minamahal na anak ng Diyos; at responsibilidad nating maglingkod maging sa pinakaaba at maglingkod sa kanila tulad ng gagawing paglilingkod ng Panginoon sa kanila. (“The Condescension of God,” Ensign, Dis. 2001, 20, 21)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Mag-ukol ng oras na basahin o pakinggan ang mga titik ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na himno. Pagkatapos ay itala ang mga naisip at nadama mo. Isipin na ang Tagapagligtas ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 88:6) upang maligtas ka Niya. Isipin din kung paano mo matutularan ang Kanyang halimbawa sa paglilingkod mo sa iba.