Institute
Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtitiwala kay Jesucristo bilang Ating Hukom


“Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtitiwala kay Jesucristo bilang Ating Hukom” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Jesus Christ [Jesucristo], ni Harry Anderson

Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtitiwala kay Jesucristo bilang Ating Hukom

Isipin ang maiisip at madarama mo kung inanyayahan ka ngayon na pumunta sa kinaroroonan ng Panginoon. Balang araw “bawat isa sa atin ay tatayo upang hatulan Niya ayon sa ating mga gawa at naisin ng ating mga puso” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org; tingnan din sa 2 Nephi 9:15). Ang mararanasan natin sa pagharap sa Tagapagligtas ay depende sa kung paano natin inihanda ang ating sarili (tingnan sa Alma 5:16–25). Sa iyong pag-aaral, isipin kung ano ang magagawa mo para maging panatag at kumpiyansa ka sa pagharap sa Kanya sa Huling Paghuhukom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45).

Bahagi 1

Bakit mapagkakatiwalaan ko si Jesucristo na maging hukom ko?

Dahil sa banal na katangian ng Tagapagligtas at sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, makatitiyak tayo na Siya ay magiging “makatarungang Hukom” (Moises 6:57) kapag dumating ang araw na iyon na tumayo tayo sa Kanyang harapan upang magbigay-ulat tungkol sa ating buhay (tingnan sa Roma 14:10–12). Lubos Niyang matutukoy ang antas ng kaluwalhatian na karapat-dapat nating tanggapin. Sa aklat ng Mga Awit mababasa natin, “Hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan, at ang mga tao’y pantay-pantay niyang hinahatulan” (Mga Awit 9:8; tingnan din sa 96:13).

Patungkol sa mga kwalipikasyon ng Panginoon na maging hukom natin, sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

Tinaglay ni Jesucristo ang mga kabutihan na hindi kayang taglayin ng ibang nilalang. Siya ay Diyos, si Jehova, bago pa Siya isinilang sa Betlehem. Hindi lamang ibinigay sa Kanya ng mahal Niyang Ama ang Kanyang katawang espiritu kundi si Jesus ang Kanyang Bugtong na Anak sa laman. Ang ating Guro ay nabuhay nang perpekto, walang-sala at dahil dito hindi na Niya dapat tugunin ang hinihingi ng katarungan. Siya ay perpekto sa lahat ng katangian, kabilang na ang pag-ibig, awa, tiyaga, pagsunod, pagpapatawad, at kababaang-loob. …

Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng di-masayod na paghihirap at walang kapantay na pagdurusa, nakamtan ng Tagapagligtas ang karapatan na maging ating Manunubos, ating Tagapamagitan, ating Huling Hukom. (“Matitiyak ng Pagbabayad-sala ang Inyong Kapayapaan at Kaligayahan,” Liahona, Nob. 2006, 42)

Meeting the Savior [Pagharap sa Tagapagligtas], ni Jen Tolman

Ganito ang sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, na dating Utah Supreme Court Justice, tungkol sa natatanging katungkulan ng Tagapagligtas na hatulan tayo:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ang Kanyang karunungan sa lahat ng bagay ay nagbibigay sa Kanya ng ganap na kaalaman sa lahat ng ating mga gawa at naisin, kapwa yaong mga hindi napagsisihan o hindi binago at yaong mga pinagsisihan o matwid. Samakatwid, matapos ang Kanyang paghuhukom ay tatanggapin nating lahat “na ang kanyang mga paghahatol ay makatarungan” (Mosias 16:1). (“Ang Dakilang Plano,” Liahona, Mayo 2020, 96)

icon, pagnilayan

Magnilay upang Makapaghanda para sa Klase

Mag-isip ng isang katangian ni Jesucristo na nagpapalakas sa iyong pagtitiwala na Siya ay magiging makatarungang hukom. Halimbawa, maaari mong isipin kung gaano Siya mapagmahal, nakaaalam ng lahat, makapangyarihan, matalino, maawain, makatarungan, mahabagin, may mahabang pagtitiis, maamo, o mapagpatawad. Maging handang ibahagi sa klase ang katangiang pinili mo.

Bahagi 2

Paano ako hahatulan?

Ang pag-iisip tungkol sa Huling Paghuhukom ay kapwa nakamamangha at nakapupuspos. Kung minsan maaaring maisip natin kung magiging handa ba tayo na mahatulan ng Panginoon. Ang aklat ng Apocalipsis ay nagbibigay ng mahahalagang katotohanan kung paano tayo hahatulan ng Panginoon.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Apocalipsis 20:12, at alamin ang isang paraan kung paano tayo hahatulan.

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee:

Pangulong Harold B. Lee

Ang “mga aklat” na binanggit ay tumutukoy sa mga talaan [ng inyong mga gawa na] iningatan sa lupa. … Ang aklat ng buhay ang talaang iningatan sa langit. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 266)

Sa isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal, nagkaroon si Propetang Joseph Smith ng karagdagang kaalaman tungkol sa Huling Paghuhukom. Itinuro ng Tagapagligtas: “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” (Doktrina at mga Tipan 137:9; idinagdag ang pagbibigay-diin). Itinuro ng propetang si Alma na mananagot din tayo sa ating mga salita (tingnan sa Alma 12:14).

Itinuro ni Pangulong Oaks na ang Huling Paghuhukom ay higit pa sa pagsusuri ng ating mga inisip, sinabi, at ginawa:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ginawa natin. Ito ay pagtanggap sa huling epekto ng mga ginawa at inisip natin—kung ano ang kinahinatnan natin. … Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko ng langit. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin. (“Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 40)

Mahalagang tandaan na gaano man natin sikaping ipamuhay ang ebanghelyo, kung wala ang tulong ng Panginoon, hindi tayo magiging katulad ng nais ng Ama sa Langit na kahinatnan natin. Salamat at hindi lamang si Jesucristo ang ating hukom kundi ang ating “tagapamagitan sa Ama” (Doktrina at mga Tipan 110:4; tingnan din sa 1 Juan 2:1).

Meeting the Savior [Pagharap sa Tagapagligtas], ni Jen Tolman

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang ibig sabihin ng tagapamagitan ay “isang tinig na nagtatanggol para sa iba” o “isang taong nagsusumamo para sa iba” (“Jesus the Christ—Our Master and More” [Brigham Young University devotional, Feb. 2, 1992], 4, speeches.byu.edu). Bilang ating Tagapamagitan si Jesucristo ay “nakaaalam ng kahinaan ng tao at kung paano masasaklolohan sila na natutukso” (Doktrina at mga Tipan 62:1). Isasamo Niya ang ating kapakanan at mamamagitan para sa atin kapag nanampalataya tayo sa Kanya (tingnan sa Moroni 7:28; 2 Nephi 2:9; Mga Hebreo 4:15–16).

Ganito ang sinabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa ginagampanan ni Jesucristo bilang ating Tagapamagitan:

Elder Dale G. Renlund

Ang pagtatanggol ni Cristo para sa ating kapakanan ay hindi pagsalungat sa plano ng Ama. Si Jesucristo … ay hindi susuportahan ang anumang bagay maliban sa yaong ninanais ng Ama noon pa man. Walang alinlangang natutuwa at sinasang-ayunan ng ating Ama sa Langit ang ating mga tagumpay.

Bahagi ng pagtatanggol sa atin ni Cristo ang ipaalala sa atin na nagbayad Siya para sa ating mga kasalanan at ibinigay sa lahat ng tao ang awa ng Diyos. (“Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104–5)

Meeting the Savior [Pagharap sa Tagapagligtas], ni Jen Tolman

Sa isang paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph noong 1831, inilarawan ni Jesucristo ang ginagampanan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa Kanyang pamamagitan para sa mga naniniwala sa Kanya.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:3–5, at alamin kung paano nagsusumamo si Jesucristo para sa atin.

icon, pagnilayan

Magnilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin kunwari na naririnig mo ang pagsamo ng Tagapagligtas para sa iyong kapakanan sa harapan ng Ama. Ano kaya ang madarama mo habang pinakikinggan mo Siya na nagsasalita para sa iyo?

Bahagi 3

Paano ko mas masusuri ang aking mga paghahanda para sa Huling Paghuhukom?

Itinuro ni Pangulong Oaks, “Ang layunin ng Huling Paghuhukom na ito ay upang malaman kung nagawa natin ang inilarawan ni Alma bilang ‘malaking pagbabago ng puso’” (“Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi,” Liahona, Mayo 2019, 93). Ang pagbabagong ito ay natatamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at taos-pusong pagsisisi.

Nang turuan ni Alma ang mga tao ng Zarahemla, tinanong niya sila upang masuri nila ang kalagayan ng kanilang puso at alamin kung gaano sila kahanda na mahatulan ng Tagapagligtas (tingnan sa Alma 5:14).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 5:15–16, 19, 26–27, at mag-ukol ng oras para sa matapat na pagninilay sa sarili habang iniisip mo ang iyong mga isasagot sa mga tanong. Tukuyin ang isang tanong na nagmumungkahi ng isang aspeto kung saan maaari kang magpakabuti ngayon.

babae na pinagninilayan ang mga banal na kasulatan

Habang iniisip mo kung ano ang magagawa mo para mas makapaghanda para sa Huling Paghuhukom, tandaan ang sumusunod na matalinong payo ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu:

Elder Larry R. Lawrence

Maipapakita sa atin ng Espiritu ang ating mga kahinaan, ngunit maipapakita rin Niya sa atin ang ating mga kalakasan. Kung minsan kailangan nating itanong kung ano ang ginagawa nating tama para mapasigla at mahikayat tayo ng Panginoon. … Natutuwa siya sa tuwing humahakbang tayo nang pasulong. Sa Kanya, ang ating patutunguhan ay mas mahalaga kaysa sa ating tulin o bilis.

Maging masigasig, mga kapatid, ngunit huwag panghinaan ng loob. (“Ano pa ang Kulang sa Akin?Liahona, Nob. 2015, 35.)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Mag-ukol ng ilang minuto para isulat ang sagot sa tanong na natukoy mo mula sa mga salita ni Alma na nagmungkahi ng isang bagay na magagawa mo ngayon mismo. Maaari mo ring tukuyin ang isang tanong na nagmumungkahi ng isang bagay na ginagawa mo nang tama at isulat din ang sagot sa tanong na iyon.