“Lesson 13 Materyal ng Titser: Paglilingkod na Tulad sa Tagapagligtas” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 13 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 13 Materyal ng Titser
Paglilingkod na Tulad sa Tagapagligtas
Sa Kanyang buhay, nagministeryo ang Tagapagligtas sa iba, pinalakas Niya ang kanilang pananampalataya, binasbasan sila, pinagaling, pinanatag, at pinatawad. Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng maglingkod na tulad sa Tagapagligtas. Isasaalang-alang din nila ang mga paraan na makapaglilingkod sila nang katulad ni Cristo sa mga nakapaligid sa kanila.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang Tagapagligtas ang perpektong halimbawa kung paano maglingkod nang may pagmamahal.
Maaari mong simulan ang klase sa pagpapakita ng isang larawan ng Tagapagligtas na naghuhugas ng mga paa ng Kanyang mga Apostol.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa paglilingkod mula sa paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng Kanyang mga Apostol? (Maaari mong rebyuhin ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
Ipaalala sa mga estudyante na matapos hugasan ang mga paa ng mga Apostol, binigyan sila ng Tagapagligtas ng bagong kautusan. Maaari ninyong magkakasamang basahin ang Juan 13:34–35 at ipakita ang sumusunod na katotohanan: Makikilala tayo bilang mga disipulo ni Cristo kung mahal natin ang isa‘t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin.
Sa pag-anyaya mo sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang kahulugan ng katotohanang ito sa pagiging disipulo nila, maaari ninyong talakayin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano maaaring makaimpluwensya sa paraan ng inyong ministering o paglilingkod ang pagmamahal sa iba nang tulad sa pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas?
-
Ano ang nakatulong sa inyo na magminister o maglingkod nang may higit na pagmamahal na tulad ng kay Cristo?
-
Paano natin malalaman kung sino ang nangangailangan ng ating tulong at ano ang magagawa natin? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari ninyong rebyuhin at talakayin ang mga pahayag nina Pangulong Russell M. Nelson at Pangulong Henry B. Eyring sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano nila nadama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa kanilang buhay nang maglingkod sila sa iba o habang naglilingkod sa kanila ang iba.
Maaari mong ipakita sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Maaari tayong maglingkod nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo kapag tayo ay …
Ipaalala sa mga estudyante na sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda sila ay inanyayahang pag-aralan at pagnilayan ang halimbawa ng paglilingkod ng Tagapagligtas. Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Sabihin sa kanila na rebyuhin ang mga halimbawa sa banal na kasulatan na pinag-aralan nila at ang anumang impresyong isinulat nila. Idispley o bigyan ang bawat grupo ng kopya ng mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na magkakasamang talakayin ang mga ito.
-
Ano ang pinakatumimo sa inyo tungkol sa kung paano nagministeryo at naglingkod ang Tagapagligtas sa banal na kasulatan na pinag-aralan ninyo?
-
Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa kapag naglilingkod tayo sa iba? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari ninyong magkakasamang rebyuhin ang mga pahayag nina Pangulong Jean B. Bingham at Sister Sharon Eubank sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda at ibahagi ang nagustuhan ninyo mula sa mga ito.)
-
Paano nakatulong sa inyo ang mga pagsisikap ninyong maglingkod na tulad sa Tagapagligtas para mas mapalapit kayo sa Kanya?
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang pinakamahalagang natalakay nila sa kanilang grupo. Maaari kang magdagdag ng ilang idurugtong sa hindi kumpletong pahayag sa pisara habang nagbabahagi ang mga estudyante.
Matututuhan nating mahalin at paglingkuran ang lahat ng anak ng Diyos.
Maaaring rebyuhin ng buong klase ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano sa Lucas 10:25–37. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na ikumpara ang mga pag-uugali at ginawa ng saserdote at Levita sa mga pag-uugali at ginawa ng Samaritano. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa talinghaga tungkol sa paglilingkod sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. Para makahikayat ng mas malalim na pag-iisip at makabuluhang pagbabahagi, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:
-
Sa inyong palagay, bakit pinili ng Tagapagligtas ang isang Samaritano bilang halimbawa na dapat nating tularan?
-
Paano maihahalintulad kay Jesucristo ang Samaritano sa talinghaga?
-
Ano ang maaaring humadlang sa atin sa paglilingkod sa iba tulad ng gagawin ng Tagapagligtas? Paano tayo makahihingi ng tulong sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para madaig ang mga sagabal na ito?
Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan kung paano sila makapaglilingkod sa mga paraang katulad ng kay Cristo, ipakita o ibigay ang isang papel na may mga sumusunod na sitwasyon (maaari ka ring mag-isip ng sarili mong mga sitwasyon). Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumili ng ilan sa mga ito at talakayin ang mga hamong nakasaad roon at gayon din ang mga paraan na katulad ng kay Cristo para makapaglingkod sa bawat sitwasyon. Maaari mong ipagawa sa mga estudyante ang aktibidad na ito sa klase o sa maliliit na grupo.
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan at isulat ang kanilang mga naisip tungkol sa mga sumusunod na tanong:
-
Sino ang nadama mo na dapat tulungan, palakasin, o hikayatin?
-
Anong paglilingkod na tulad ng kay Cristo ang magagawa mo para sa taong ito?
Maaari mong patotohanan ang kahalagahan ng pagkilos ayon sa mga espirituwal na impresyon upang pagpalain ang buhay ng iba at ang kagalakang dulot ng paglilingkod na tulad sa Tagapagligtas.
Para sa Susunod
Sa buong linggo, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang sumusunod na mensahe o ang isang mensahe na ginawa mo: Habang pinag-aaralan mo ang materyal sa paghahanda para sa lesson 14, isipin kung anong pinakadakilang himala ang maaari mong maranasan.