“Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtamasa sa mga Pagpapala ng Simbahan ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagtamasa sa mga Pagpapala ng Simbahan ng Panginoon
Sa panahong bumababa ang bilang ng nagsisimba sa iba’t ibang relihiyon sa maraming lugar sa buong mundo, maaaring lalong mahalagang pagsikapang unawain nang mas malalim kung bakit nagtatag si Jesucristo ng simbahan noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo at pagkatapos ay ipinanumbalik ito sa mga huling araw. Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano naghatid o makapaghahatid ng dagdag na layunin, lakas, at kagalakan ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon.
Bahagi 1
Anong mga natatanging pagpapala ang matatamo lamang sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng Simbahan ng Panginoon?
Isinulat ni Apostol Pablo na ang Simbahan ni Jesucristo ay “itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok” (Efeso 2:20). Noong Kanyang mortal na ministeryo, pumili si Jesucristo ng labindalawang kalalakihan at inordenan sila na maging Kanyang mga Apostol. Ibinigay Niya sa kanila ang awtoridad at mga susi ng priesthood upang mapamunuan nila ang Kanyang Simbahan, maituro ang Kanyang ebanghelyo, patotohanan na buhay Siya, at kumilos sa Kanyang pangalan (tingnan sa Mateo 10:1, 7–8; 16:19; Mga Gawa 1:21–22; Doktrina at mga Tipan 107:23).
Matapos mabuhay na mag-uli si Jesucristo, patuloy Niyang pinamunuan ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang mga Apostol, na mayhawak ng mga susi ng priesthood upang pamahalaan ang gawain ng kaligtasan. Gayunman, marami ang sumalungat sa mga tagapaglingkod na Kanyang tinawag, at nagsimulang malihis ang mga miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ng kamatayan ng mga Apostol, “binaluktot ng mga tao ang mga alituntunin ng ebanghelyo at gumawa ng mga di-awtorisadong pagbabago sa organisasyon ng Simbahan at sa mga ordenansa ng priesthood. Dahil sa laganap na apostasiyang ito, kinuha ng Panginoon ang awtoridad ng priesthood mula sa mundo” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Apostasiya,” SimbahanniJesucristo.org). Ang panahong ito ay kilala bilang ang Malawakang Apostasiya.
Ang panahong ito ng apostasiya ay nagpatuloy hanggang sa magpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith noong 1820 (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–20). Ilang taon matapos ang pagpapakitang ito, nagpadala si Jesucristo ng mga sugo mula sa langit kay Joseph Smith, na nagkaloob sa kanya ng awtoridad at mga susi ng priesthood (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72; Doktrina at mga Tipan 110:11–16; 128:19–21). Sa pamamagitan ng banal na awtoridad na ito, tumawag si Jesucristo ng mga bagong Apostol at muling itinatag ang Kanyang Simbahan sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:30).
Ngayon ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang may hawak ng lahat ng awtoridad at mga susi ng priesthood na kailangan upang pamahalaan ang Simbahan ng Panginoon. Napakahalaga nito lalo na sa bawat isa sa atin na gustong maging mas mabuti at mas mapalapit kay Cristo.
Tungkol sa kahalagahan ng pagsisimba para sa lahat ng mga “relihiyosong tao,” sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Ang pagdalo at aktibidad sa simbahan ay tumutulong sa atin na maging mas mabubuting tao at mabubuting impluwensya sa buhay ng iba” (“Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan,” Liahona, Nob. 2021, 24). Pagkatapos ay sinabi niya:
Pinatototohanan natin na ang mga banal na kasulatan, noon at ngayon, ay malinaw na nagtuturo ng pinagmulan at pangangailangan para sa isang simbahan na pinamumunuan ng ating Panginoong Jesucristo at sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad. Pinatototohanan din natin na ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay itinatag upang ituro ang kabuuan ng Kanyang doktrina at gamitin ang Kanyang awtoridad ng priesthood upang maisagawa ang mga ordenansang kinakailangan para makapasok sa kaharian ng Diyos [tingnan sa Juan 3:5]. Ang mga miyembrong hindi dumadalo sa Simbahan at umaasa lamang sa sariling espirituwalidad ay inihihiwalay ang kanilang sarili sa mahahalagang bahaging ito ng ebanghelyo: ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood, ang kabuuan ng ipinanumbalik na doktrina, at ang mga motibasyon at oportunidad na ipamuhay ang doktrinang iyon. Nawala sa kanila ang pagkakataon na maging karapat-dapat sa walang hanggang pagsasama ng pamilya. (“Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan,” Liahona, Nov. 2021, 25)
Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kung ang kapangyarihan ng priesthood ay wala sa mundo, ang kaaway ay magkakaroon ng kalayaang gumala at maghari nang walang pasubali. Walang kaloob ng Espiritu Santo na papatnubay at magbibigay-liwanag sa atin; walang mga propetang mangungusap sa ngalan ng Panginoon; walang mga templo kung saan natin magagawa ang mga sagrado at walang-hanggang tipan; walang awtoridad na magbabasbas o magbibinyag, magpapagaling o magpapanatag. (“Blessings of the Priesthood,” Ensign, Nob. 1995, 32)
Bahagi 2
Paano ako mapagpapala at ang iba ng aktibong pagdalo at pakikibahagi sa Simbahan?
Ganito ang itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga pagpapala ng pagdalo at pakikibahagi sa Simbahan:
Mahalagang malaman na ang pinakalayunin ng Diyos ay ang ating pag-unlad. … Hindi lamang kailangan niyan ang simpleng kabaitan o espirituwal na pakiramdam. Kailangan nito ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag sa tubig at ng Espiritu, at pagtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas. Hindi ito lubos na makakamtan nang nag-iisa, kaya ang isang pangunahing dahilan kung bakit may simbahan ang Panginoon ay upang lumikha ng isang komunidad ng mga Banal na susuportahan ang isa’t isa sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” [2 Nephi 31:18]. (“Bakit Kailangan ang Simbahan,” Liahona, Nob. 2015, 108)
Itinuro ni Apostol Pablo kung paano tayo pinalalakas at mas inilalapit kay Jesucristo ng pagiging bahagi natin sa komunidad ng mga Banal.
Ipinaliwanag din ni Elder Christofferson na ang mga karanasan kasama ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay nagbibigay sa atin ng mga kinakailangang pagkakataon na ipamuhay ang ebanghelyo ng Panginoon:
Bilang bahagi ng katawan ni Cristo, ang mga miyembro ng Simbahan ay naglilingkod sa isa’t isa sa totoong mga nagaganap sa buhay sa araw-araw. Lahat tayo ay hindi perpekto; maaari tayong makasakit o masaktan. Madalas na isang pagsubok sa atin ang pagkakaiba-iba ng ating ugali. Sa katawan ni Cristo, hindi sapat na pinag-aaralan lang natin ang mga konsepto at mga banal na salita kundi dapat nating “aktuwal” na ipamuhay ito habang tayo ay natututong “mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig” [Doktrina at mga Tipan 42:45]. (“Bakit Kailangan ang Simbahan,” Liahona, Nob. 2015, 108)
Bahagi 3
Ano ang maaari kong gawin para matulungan ang aming ward o branch na maging magiliw sa lahat ng tao?
Isipin kung ano ang pakiramdam na pakitunguhan ka nang magiliw at taos-puso kapag dumadalo ka sa simbahan. Kailan mo tinulungan ang isang tao sa inyong ward o branch na madama iyon?
Isipin ang sumusunod na halimbawa ng pakikipagkaibigan na ibinahagi ni Sister Carole M. Stephens, dating tagapayo sa General Relief Society Presidency:
[Si Maria ay] maraming kaibigan na di-gaanong aktibo o kaya’y hindi pa naririnig ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat araw ay nananampalataya siya at ipinagdarasal na malaman kung sino ang nangangailangan ng tulong niya, at saka siya kumikilos ayon sa pahiwatig na natatanggap niya. Tumatawag siya sa telepono, nagpapahayag ng pagmamahal, at sinasabi niya sa kanyang mga kaibigan, “Kailangan ka namin.” May family home evening siya sa apartment niya linggu-linggo at inaanyayahan ang mga kapitbahay, miyembro, at missionary—at pinakakain sila. Inaanyayahan niya silang magsimba, inaabangan sila, at tinatabihan sila kapag dumarating sila. (“May Malaking Dahilan Tayo para Magalak,” Liahona, Nob. 2013, 116)