Institute
Lesson 7 Materyal ng Titser: Nagpapasalamat sa Katarungan, Awa, at Pagmamahal ng Diyos


“Lesson 7 Materyal ng Titser: Nagpapasalamat sa Katarungan, Awa, at Pagmamahal ng Diyos,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 7 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 7 Materyal ng Titser

Nagpapasalamat sa Katarungan, Awa, at Pagmamahal ng Diyos

Natutuhan natin mula sa Lectures on Faith na upang manampalataya sa Diyos, kailangan nating magkaroon ng “tamang ideya tungkol sa Kanyang pagkatao at mga katangian” ([1985], 38). Sa lesson na ito magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag kung paanong ang katarungan at awa ng Diyos ay nagpapakita ng Kanyang banal na pagmamahal. Pag-iisipan din nila kung ano ang maaari nilang gawin para maipakita ang kanilang pasasalamat sa perpektong pagmamahal ng Diyos at sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nagturo sina Enoc at Alma tungkol sa banal na katangian na katarungan, awa, at pagmamahal.

Maaari mong simulan ang lesson na ito sa pagpapakita ng sumusunod na pahayag:

  • Sa Lumang Tipan, nagpataw si Jehova ng matindi at matwid na hatol. Sa Bagong Tipan, si Jesucristo ay mapagpatawad at maawain. Mas gusto kong maniwala sa Diyos ng Bagong Tipan kaysa sa Diyos ng Lumang Tipan.

  • Anong mga problema ang nakikita ninyo sa pahayag na ito?

  • Bakit mahalagang maunawaan at tanggapin na ang katarungan at awa ay kapwa mga banal na katangian?

  • Anong mga problema ang malilikha natin para sa ating sarili at sa iba kung nakatuon tayo sa katarungan at binabalewala ang awa o nakatuon sa awa at binabalewala ang katarungan?

Isulat sa pisara ang katarungan, awa, at pagmamahal. Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo. Ipaliwanag na bibigyan sila ng handout ng mga tagubilin na tutulong sa kanila na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa kaugnayan ng katarungan, awa, at pagmamahal ng Diyos.

Ang Katarungan at Pagmamahal ng Diyos

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 7

Bago ninyo simulan ang talakayan ng inyong grupo, basahin nang magkakasama ang sumusunod na tip sa talakayan:

Pagpapahusay ng Ating mga Talakayan sa Grupo

Sikaping makalahok ang lahat. Lalo tayong natututo kapag naririnig natin ang lahat ng mga kagrupo natin, hindi lamang ang isa o dalawa. Kung kayo ay likas na palakaibigan at palakuwento, iwasan lamang na mangibabaw kayo sa talakayan, o magsalita habang may nagsasalita pa. Kung kayo ay likas na tahimik at di-gaanong masalita, magkaroon sana ng lakas ng loob at magsalita para matuto ang iba mula sa inyo. Huwag isipin na hindi mahalaga ang inyong opinyon.

Basahin nang magkakasama at nang malakas ang sumusunod na sitwasyon:

Nahihirapan si Zane na sundin ang mga batas at kautusan ng Diyos. Sa loob ng mahabang panahon, nadama niya na parang hindi sapat ang nagagawa niyang kabutihan at hindi niya nagagawa ang inaasahan sa kanya. Pinanghinaan ng loob dahil hindi “umuunlad,” nakagawa siya kamakailan ng ilang mabibigat na kasalanan. Nadama niya na wala na sa kanya ang Espiritu. Hindi na siya karapat-dapat na magkaroon ng temple recommend. Inisip niya kung mahal pa rin siya ng Diyos, dahil sa kanyang mga maling pagpili. Sinabi niya kamakailan sa kaibigan niyang si Maia, “Walang kabuluhan ang buhay ko. Sigurado ako na sumuko na ang Diyos sa akin.” Bilang tugon sinabi ni Maia, “Huwag kang mag-alala tungkol dito. Ang pagmamahal sa atin ng Diyos ay walang kondisyon at ililigtas ka Niya anuman ang nagawa mo. Iyan ang layunin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Rebyuhin nang mabilis ang mga sitwasyon bago ang Baha. Pagkatapos ay rebyuhin ang Moises 7:28–29, 32–33, 37, at alamin ang nalaman ni Enoc tungkol sa katangian ng Diyos habang minamasdan niya Siya na nakatingin sa pagdurusa ng Kanyang mga suwail na anak. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga katotohanan mula sa mga talatang ito ang makatutulong kay Zane na maunawaan na mahal siya ng Ama sa Langit kahit nilabag niya ang mga kautusan? Paano makatutulong ang kaalamang ito sa pagpapatibay ng kaugnayan ni Zane sa Ama sa Langit? (Maaari ninyong basahin ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda bilang bahagi ng talakayang ito.)

  • Sa paanong paraan na ang katarungan ng Diyos, na kung minsan ay naipapakita sa Kanyang pagkagalit o pagkapoot, ay isang katibayan ng Kanyang pagmamahal? (Maaari ninyong basahin nang magkakasama ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Kung ang Diyos ay hindi makatarungan, paano maaaring pahinain nito ang ating pananampalataya sa Kanya?

  • Ano ang maaaring mali sa pananaw ni Maia tungkol sa pagmamahal ng Diyos? (Maaaring makatulong na basahin ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa bahagi 1.) Ano kaya ang ilang mas magagandang paraan para mailarawan ang pagmamahal ng Diyos? Sa paanong mga paraan ninyo naranasan ang pagmamahal ng Diyos?

Ang Katarungan at Pagmamahal ng Diyos

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 7

handout ng titser

Matapos bigyan ng maraming oras ang talakayan ng grupo, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga katotohanan o ideya na nadama nilang napakahalaga sa talakayan nila sa grupo.

Maaari mong patuloy na talakayin ang mga pananaw nina Zane at Maia tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng maikling pagbanggit sa mga pagpiling ginawa ni Corianton habang nagmimisyon (tingnan sa Alma 39:1–5). Rebyuhin ang Alma 42:15, 22, 24–25 para malaman ang itinuro ni Alma kay Corianton tungkol sa katarungan, awa, at tungkol kay Jesucristo.

  • Paano makatutulong kay Zane ang tamang pagkaunawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang mabago niya ang pananaw niya sa kanyang mga kakulangan, pagkakamali, at kasalanan? Paano maaaring magbago ang saloobin at kilos ni Zane kung nalaman niya ang ibig sabihin ng “tunay na nagsisisi”? (tingnan sa Alma 42:24).

  • Ano ang mali sa pananaw ni Maia tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Ano ang babaguhin ninyo sa kanyang pananaw para mas makaayon ito sa mga turo ni Alma?

  • Paano maaaring magbago ang buhay ni Zane kung hindi niya gaanong pagtutuunan ang sarili niyang mga kabiguan at mas magtutuon sa hangarin ng Tagapagligtas na magbigay ng ikalawang pagkakataon? (Maaari ninyong rebyuhin ang mga pahayag nina Pangulong Dieter F. Uchtdorf at Elder Lynn G. Robbins sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Paano napagpala ng pagtutuon sa pagtitiyaga at awa ng Tagapagligtas ang inyong buhay?

Para tapusin ang klase maaari mong idispley ang mga sumusunod na katotohanan kasama ang mga kaugnay na tanong nito. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga katotohanang ito at pagkatapos ay isulat ang mga maiisip at madarama nila bilang sagot sa mga tanong:

  • Ang Diyos ay nakadarama ng matinding kalungkutan kapag nagdurusa tayo dahil sa ating pagsuway. (Tingnan sa Moises 7:37.)

  • Ano ang naiisip o nadarama mo habang iniisip mo na tumatangis ang Ama sa Langit kapag nagdurusa ka dahil sa iyong pagsuway? Ano ang maaari mong gawin upang maipakita ang iyong pasasalamat sa Kanyang perpektong pagmamalasakit at pagmamahal?

  • Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, natugunan ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan upang tayo ay makapagsisi at makatanggap ng awa. (Tingnan sa Alma 42:24.)

  • Ano ang naiisip o nadarama mo habang iniisip mo na tinugon ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan upang makapagsisi ka at makatanggap ng awa? Ano ang maaari mong gawin upang maipakita ang iyong pasasalamat sa nagbabayad-salang sakripisyong ginawa Niya para sa iyo?

Para sa Susunod

Sa linggong ito, ipadala ang sumusunod na mensahe, o ang isang ginawa mo, sa iyong mga estudyante: Habang binabasa ninyo ang materyal sa paghahanda para sa lesson 8, isipin ang iba’t ibang paraan na matutulungan (o masusuportahan) kayo ni Jesucristo at ang mga mahal ninyo sa buhay.

2:3