Institute
Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsisikap na Maging Matapat na Disipulo ni Jesucristo


“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsisikap na Maging Matapat na Disipulo ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

tinuturuan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga dispulo

Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagsisikap na Maging Matapat na Disipulo ni Jesucristo

Bawat araw, may pagkakataon tayong tuparin ang ating tipan sa binyag sa pamamagitan ng pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Bilang Kanyang mga disipulo, nangangako tayong susundin ang Tagapagligtas at mamumuhay ayon sa Kanyang mga turo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 41:5). Sa kabutihang-palad, ang pagkadisipulo ay hindi isang karera o isang paligsahan. Sa halip ito ay panghabambuhay na pagsisikap na ginagawa natin sa tulong ni Jesucristo at ng iba pang mga disipulo (tingnan sa Mosias 18:8–10). Habang pinag-aaralan mo ang mga katotohanang itinuro sa huling unit na ito, isipin ang tulong at mga pagpapalang matatanggap mo kapag nagsikap kang maging tapat na disipulo ni Jesucristo.

Bahagi 1

Ano ang maaari kong matutuhan tungkol sa pagkadispulo mula sa halimbawa ng Tagapagligtas?

Ang disipulo ay isang tapat na tagasunod. At walang sinumang kakikitaan ng pagkadisipulo nang kasinghusay ni Jesucristo. Ang Kanyang pagkadisipulo nang sundin Niya ang kalooban ng Kanyang Ama at ang Kanyang pagmamahal sa kapwa ay magagandang halimbawa para sa atin. Ilang oras bago magdusa ang Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani upang tuparin ang kalooban ng Kanyang Ama, mapagmahal na hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga Apostol. Inilarawan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaganapang ito:

Elder Jeffrey R. Holland

Habang inihahanda ang banal na hapunan noong huling Paskua, pasan Niya ang mabigat at matinding paghihirap ng damdamin. Tanging Siya lamang ang nakaaalam kung ano ang malapit nang mangyari. …

Sa gitna ng hapunan at mga alalahaning gaya nito, tahimik na tumayo si Cristo, nagsuot ng bigkis tulad ng ginagawa ng alipin o tagapaglingkod, at lumuhod sa harapan ng mga Apostol upang hugasan ang mga paa nila. … Sa Kanyang huling sandali—at sa kabilang buhay—Siya ay patuloy pa rin nilang magiging tagapaglingkod. (“Sila’y Kanyang Minahal Hanggang Huli,” Liahona, Set. 2002, 11)

hinuhugasan ni Jesus ang mga paa ni Pedro

Kasunod ng sagradong paglilingkod na ito, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol ang mga katotohanan na gagabay sa ating lahat kapag hinangad natin na maging Kanyang mga disipulo.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Juan 13:14–17, 34–35; 14:15, at isiping markahan ang natutuhan mo tungkol sa pagiging disipulo ni Jesucristo.

Sinabi ni Sister Silvia H. Allred, dating tagapayo sa Relief Society General Presidency:

Sister Silvia H. Allred

Mahalin at paglingkuran natin ang isa’t isa. Katunayan, ito ang kahulugan ng pagiging disipulo sa totoong Simbahan ni Jesucristo. (“Ang Kahulugan ng Pagiging Disipulo,” Liahona, Mayo 2011, 84)

icon, pagnilayan

Magnilay upang Makapaghanda para sa Klase

Mag-isip ng isang tao mula sa mga banal na kasulatan o mula sa sarili mong buhay na nagpapakita ng katangian ng pagkadisipulo. Maghandang ibahagi ang iyong halimbawa sa klase.

Bahagi 2

Ano ang maaaring hingin sa akin bilang disipulo ni Jesucristo?

Ganito ang itinakdang pamatayan ni Jesus para sa pagkadisipulo:, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin” (Lucas 9:23). Ipinaliwanag Niya, “Ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus, ay itanggi sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa aking mga kautusan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26; tingnan din sa talata 25 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia na matatagpuan sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/jst/jst-matt/16?lang=tgl]).

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Ulisses Soares

Ang pasanin ang ating krus at sundin ang Tagapagligtas ay humihiling sa atin na sundin ang Kanyang halimbawa at sikapin na maging katulad Niya, matiyagang harapin ang mga kalagayan sa buhay, tanggihan at [kamuhian] ang mga pagnanasa ng likas na tao, at maghintay sa Panginoon. (“Pasanin ang Ating Krus,” Liahona, Nob. 2019, 115–16)

Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno], ni Heinrich Hofmann

Isang mayamang binatang pinuno ang nagtanong sa Tagapagligtas kung ano ang gagawin niya upang magmana ng buhay na walang hanggan.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mateo 19:16–21, na inaalam ang dalawang bagay: (1) Ano ang napansin mo sa mga tanong ng binata? (2) Ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa binata tungkol sa pagkadisipulo?

Itinuro ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu kung paano natin maipamumuhay ang salaysay na ito sa banal na kasulatan:

Elder Larry R. Lawrence

Gusto kong imungkahi na bawat isa sa inyo ay makibahagi kaagad sa isang espirituwal na ehersisyo, siguro mamayang gabi habang nagdarasal kayo. Mapagpakumbabang itanong ito sa Panginoon: “Ano po ang humahadlang sa pag-unlad ko?” Sa madaling salita: “Ano pa po ang kulang sa akin?” Pagkatapos ay tahimik na maghintay sa sagot. Kung ikaw ay matapat, ang sagot ay magiging malinaw. Ito ay magiging paghahayag para sa iyo. (“Ano pa ang Kulang sa Akin?,” Liahona, Nob. 2015, 35)

Itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan na, sa kasamaang-palad, ang mayamang binata sa kuwento ay “umalis [na] nalulungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian” (Mateo 19:22). Laging may mga sakripisyong kailangan para maging disipulo ng Panginoon. Itinuro ni Pangulong James E. Faust, noong naglilingkod pa siya sa Unang Panguluhan:

Pangulong James E. Faust

Kung iisipin ang dakilang pangako ng Tagapagligtas na kapayapaan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa kabilang buhay, sulit ang halagang katumbas ng pagiging disipulo. Ito ay halagang hindi maaaring hindi natin bayaran. Kung tutuusin, ang mga kailangan sa pagiging disipulo ay lubhang kakaunti kaysa mga ipinangakong pagpapala. (“Pagiging Disipulo,” Liahona, Nob. 2006, 20)

icon, pagnilayan

Magnilay upang Makapaghanda para sa Klase

Mag-ukol ng panahon at mapanalanging pag-isipan ang tanong na “Ano pa ang kulang sa akin?” Sa paghingi mo ng patnubay ng Panginoon, isaisip ang mga sumusunod na salita ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay isang tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang unang hakbang sa landas ng pagkadisipulo ay nagsisimula, sa kabutihang-palad, sa mismong kinatatayuan natin! (“Ang Landas Tungo sa Pagkadisipulo,,” Liahona, Mayo 2009, 77).

Bahagi 3

Paano ako mapalalakas at mapapatibay kapag nahaharap ako sa mga hamon ng pagkadisipulo?

Sakaling kung minsan, iniisip mo kung sulit bang pagsikapan ang mga ipinangakong pagpapala ng pagkadisipulo, tandaan ito: “[Ang Panginoon] ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Pinatotohanan ng propetang si Jacob, “Ang mabubuti, ang mga banal ng Banal ng Israel, sila na nangagsipaniwala sa Banal ng Israel, sila na nangagsipagtiis sa mga pasakit ng daigdig, … ay magmamana ng kaharian ng Diyos, … at ang kanilang kagalakan ay malulubos magpakailanman” (2 Nephi 9:18).

Maaaring itanong mo sa iyong sarili ang itinanong ng Tagapagligtas noon sa Kanyang mga disipulo “Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?” (Mateo 16:26).

young adult na nakangiti

Hindi lamang ipinangako ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo ang mga walang hanggang gantimpala, kundi pinagpapala rin Niya tayo kapag nagsisikap tayong sumunod sa Kanya. Isa sa mga paraan na iyon na pinagpapala Niya tayo ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng walang-hanggang kagalakan sa buhay na ito. Ngunit may iba pang mga pagpapalang natatanggap din natin. Sa isang liham sa mga taga-Roma, pinagnilayan ni Apostol Pablo ang ilan sa mga paraan na tinutulungan ng Panginoon ang mga sumusunod sa Kanya, maging sa mga hamon na kinakaharap nila.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Roma 8:16–18, 28, 35, 38–39, at pag-isipan kung paano ka tutulungan ng Panginoon sa iyong mga pagsisikap na sumunod sa Kanya.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Sumulat ng isang partikular na hamon na kinakaharap mo ngayon—o isang pagbabago na sinusubukan mong gawin—habang sinisikap mong sundin ang Tagapagligtas. Pagkatapos ay isulat kung paano makatutulong sa iyo ang pagmamahal mo sa Tagapagligtas, at ang pagmamahal Niya sa iyo, na maging tapat ka sa iyong pagkadisipulo.