Institute
Lesson 21 Materyal ng Titser: Pakinggan ang Tinig ng Panginoon sa mga Huling Araw


“Lesson 21 Materyal ng Titser: Pakinggan ang Tinig ng Panginoon sa mga Huling Araw,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 21 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 21 Materyal ng Titser

Pakinggan ang Tinig ng Panginoon sa mga Huling Araw

“Sa makabagong daigdig, [si Jesucristo] at ang Kanyang Ama ay nagpakita sa batang lalaking si Joseph Smith, upang pasimulan ang matagal nang ipinangakong ‘kaganapan ng mga panahon’” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Sa lesson na ito, aanyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano mapapalakas ng patotoo ni Joseph Smith kay Jesucristo ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Aanyayahan din ang mga estudyante na alamin kung paano nila madaragdagan ang kanilang kakayahang marinig ang tinig ng Tagapagligtas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Si Joseph Smith ay saksi ng Diyos Ama at ni Jesucristo.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Pangulong Gordon B. Hinckley

Si Propetang Joseph Smith ang nakahihigit sa lahat ng saksi ng buhay na Cristo. (Gordon B. Hinckley, “What Hath God Wrought through His Servant Joseph!,” Ensign, Ene. 1997, 2)

  • Bakit si Joseph Smith “ang nakahihigit sa lahat ng saksi ng buhay na Cristo”?

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Sa pamamagitan ng personal na karanasan, nalaman ni Joseph Smith na …

Sabihin sa bawat estudyante na piliin at rebyuhin ang alinman sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17, Doktrina at mga Tipan 76:22–24, o Doktrina at mga Tipan 110:2–4, at maghanap ng paraan para makumpleto ang pahayag sa pisara. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nakumpleto nilang pahayag, na maaaring kabilangan ng mga sumusunod na katotohanan: Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay buhay; Si Jesucristo at ang Ama sa Langit ay magkahiwalay at magkaibang nilalang; Si Jesucristo ay may niluwalhati at nabuhay na mag-uling katawan; Kilala tayo ni Jesucristo sa pangalan; Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Ama; Si Jesucristo ang Lumikha; Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama.

Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari kang magtanong ng mga bagay na makatutulong sa kanila na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa mga katotohanang natukoy nila. Halimbawa:

  • Bakit mahalagang katotohanan ito na dapat malaman tungkol kay Jesucristo?

  • Paano mapapalakas ng katotohanang ito ang inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

  • Paano madaragdagan ang pananampalataya ninyo kay Jesucristo dahil nalaman ninyo ang katotohanang ito?

Pagkatapos ng oras ng talakayan, anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa pagiging saksi ni Joseph Smith sa Tagapagligtas.

Maririnig natin ang tinig ng Panginoon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Maghikayat ng mahahalagang karanasan sa pagkatuto. Upang matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mas makabuluhang karanasan sa pagkatuto, humanap ng mga paraan para maiugnay ang natututuhan nila sa kanilang mga kalagayan, interes, at tanong. Gamitin ang resources mula sa materyal sa paghahanda at ang personal na mga karanasan ng mga estudyante para malaman kung paano nakaapekto o makakaapekto ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa kanilang buhay.

Isiping ibahagi ang sumusunod na sitwasyon o sarili mong ideya:

Sinabi ng mga missionary sa kaibigan mo na kung babaling siya sa Panginoon, makatatanggap siya ng paghahayag at maririnig ang Kanyang tinig. Kahit gusto niyang maniwala sa pangakong ito, nag-aalala siya na baka mapagkamalan niya na tinig ng Panginoon ang sariling mga naiisip niya. Itinanong niya, “Paano mo malalaman na tinig ng Panginoon ang naririnig mo?”

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano sila tutugon. Maaari mo ring ipabahagi sa mga estudyante ang iba pang mga hamon o alalahanin na kinakaharap nila sa pakikinig sa tinig ng Tagapagligtas.

Ipaalala sa mga estudyante na itinuro kay Oliver Cowdery ang tungkol sa pakikinig sa tinig ng Tagapagligtas noong may mga tanong siya tungkol sa pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 6:14–15, 22–23, at alamin ang itinuro ng Panginoon kay Oliver tungkol sa pakikinig sa Kanyang tinig.

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa pakikinig sa tinig ng Panginoon mula sa karanasan ni Oliver? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Maririnig natin ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang tinig ng Tagapagligtas ay nagbibigay-liwanag sa ating isipan at nagbibigay sa atin ng kapayapaan.)

  • Bakit mahalaga para sa atin na palaging hangaring pakinggan ang tinig ng Tagapagligtas—lalo na sa ating panahon?

  • Paano napagpapala ang buhay ninyo ng pakikinig sa tinig ng Panginoon?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson.

Pangulong Russell M. Nelson

Kapag hinangad nating pakinggan—tunay na pakinggan—ang Kanyang Anak, gagabayan tayong malaman ang gagawin sa anumang kalagayan. …

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. (Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, May 2020, 89)

1:46

Maaari kang magbahagi ng isang personal na halimbawa ng isang paraan na naririnig mo ang tinig ng Panginoon sa iyong buhay. O maaari kang magpakita ng halimbawa mula sa isang lider ng Simbahan, na matatagpuan sa mga kinolektang video tungkol sa “Pakinggan Siya” sa Gospel Media (SimbahanniJesucristo.org).

Bigyan ang bawat estudyante ng sumusunod na handout.

Pakinggan Siya!

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 21

Isipin kunwari na binigyan ka ng pagkakataong gumawa ng isang maikling video na nagpapahayag kung paano mo naririnig ang tinig ng Tagapagligtas. Sumulat ng maikling outline ng ibabahagi mo bilang tugon sa “Paano ko Siya pinakikinggan.” Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring makatulong sa paggawa mo ng outline:

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na mas maunawaan kung paano nangungusap sa iyo ang Panginoon?

  • Anong mga ideya ang maaari mong isama mula sa mga pahayag nina Pangulong Russell M. Nelson at Sister Michelle D. Craig sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda?

  • Paano mo maibabahagi ang iyong mga naiisip at nadarama sa paraang madaling mauunawaan ng iba?

Mula sa outline mo, gumawa ng maikling mensahe (isa hanggang dalawang talata) na maibabahagi mo sa klase.

Kung gugustuhin mo, maaari mong pagnilayan at isulat kung ano ang gusto mong gawin para maragdagan ang kakayahan mong marinig ang tinig ng Tagapagligtas.

Pakinggan Siya!

Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo—Lesson 21

handout ng titser

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mensahe na “Pakinggan Siya.” Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi rin ang kanilang mensahe na “Pakinggan Siya” sa labas ng klase. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng harapang pakikipag-usap, pagtawag sa telepono, o text message o sa social media.

Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maging mas determinado sa kanilang mga pagsisikap na pakinggan ang Panginoon. Maaari silang maglaan ng ilang minuto para magplano at mag-iskedyul kung paano nila ito magagawa.

Para sa Susunod

Maaari mong ipadala ang sumusunod na mensahe, o sarili mong mensahe, ilang araw bago ang susunod na klase: Habang pinag-aaralan ninyo ang materyal sa paghahanda para sa lesson 22, isipin kung ano ang kahulugan sa inyo ng patuloy na Pagpapanumbalik.

1:6