“Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Tularan ang Halimbawa ng Pagsunod ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Tularan ang Halimbawa ng Pagsunod ni Jesucristo
May naisip ka bang mga tao sa buhay mo na “masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [kanila], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama”? (Mosias 3:19). Ang mga katangiang ito na tulad ng kay Cristo ay kayang taglayin ng sinuman sa atin na naghahangad ng mga ito. Ang Tagapagligtas ang perpektong halimbawa ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit. Sa iyong pag-aaral, isipin ang kahalagahan ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 4).
Bahagi 1
Paano ako mapapalakas ng pagpapakumbaba at pagiging maamo?
May mga taong nag-aakala na tanda ng kahinaan ang pagpapakumbaba. Maaaring isipin nila na ang mga mapagpakumbabang tao ay takot at mahiyain. Gayunman, ang mga salitang ito ay hindi naglalarawan kay Jesucristo, na perpektong halimbawa ng pagpapakumbaba at pagiging maamo.
Isipin ang ilang halimbawa ng lakas, katatagan, at katapangan ng Tagapagligtas: Buong tapang Niyang ipinahayag ang Kanyang tunay na pagkatao, bagama’t nanganib ang Kanyang buhay dahil dito (tingnan sa Juan 8:54–59); Buong tapang Niyang itinaboy sa templo ang mga nagtitinda at namimili (tingnan sa Mateo 21:12–13; Juan 2:14–17); Buong tapang Niyang ipinagtanggol ang mga naaapi (tingnan sa Juan 8:1–11; Marcos 2:14–17); at hinarap Niya nang walang takot ang mga paratang at pangungutya (tingnan sa Mateo 16:1–12; Lucas 20:19–26).
Paano humahantong ang pagpapakumbaba sa pagkakaroon ng higit na personal na lakas at katatagan? Nalaman natin na “ang pagpapakumbaba ay pagkilala nang may pasasalamat na umaasa tayo sa Panginoon—na nauunawaang palagi nating kailangan ang Kanyang tulong. …
“… Noong Kanyang mortal na ministeryo, palaging kinikilala [ni Jesucristo] na nagkaroon Siya ng lakas dahil sa pag-asa Niya sa Kanyang Ama. Sabi Niya: ‘Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili. … Hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin’ (Juan 5:30)” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagpapakumbaba,” SimbahanniJesucristo.org).
Ang mapagpakumbabang pagsunod ng Tagapagligtas sa kalooban ng Kanyang Ama ay may kaugnayan din sa Kanyang pagiging maamo (tingnan sa Mateo 11:29). Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pagiging maamo ay isang pangunahing katangian ng Manunubos at nakikita sa pamamagitan ng matuwid na pagtugon, kahandaang magpasakop, at malakas na pagpipigil sa sarili. …
Ang Dakilang Manunubos, na “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” [Doktrina at mga Tipan 88:6] at nagdusa, nagbuhos ng dugo, at namatay para “tayo’y [linisin] sa lahat ng kalikuan” [1 Juan 1:9], ay magiliw na hinugasan ang maalikabok na mga paa ng Kanyang mga disipulo [Juan 13:4–5]. Ang ganitong kaamuan ay isang katangian na makikita sa Panginoon bilang isang tagapaglingkod at pinuno.
Si Jesus ay nagbigay ng pinakadakilang halimbawa ng matuwid na pagtugon at kahandaang magpasakop nang Siya ay magdanas ng matinding pagdurusa sa Getsemani.
“At nang siya’y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa [Kanyang mga disipulo], Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso.
“At … siya’y nanikluhod, at nanalangin,
“Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” [Lucas 22:40–42].
Ang kaamuan ng Tagapagligtas sa karanasang ito na mahalaga sa buong kawalang-hanggan at pinagdusahan nang napakatindi ay nagpapakita sa bawat isa sa atin ng kahalagahan ng paglalagay sa karunungan ng Diyos sa ibabaw ng ating sariling karunungan. (“Maamo at Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Mayo 2018, 32–33)
Bahagi 2
Paano makatutulong sa akin ang paggawa at pagtupad ng mga tipan para magawa ko ang kalooban ng Diyos?
Habang pinagninilayan mo ang sarili mong buhay, maaaring iniisip mo kung paano ka magiging mapagpakumbaba at maamo tulad ng Tagapagligtas. Mabuti na lang at ipinakita sa atin ni Jesucristo kung paano natin ipasasakop ang ating kalooban sa Diyos.
Sa simula ng Kanyang ministeryo, nagpunta si Jesus kay Juan na Tagapagbautismo upang tanggapin ang ordenansa ng binyag. Noong una ay nag-atubili si Juan at nagsabing, “Ako ang dapat mong bautismuhan, at ikaw pa ang lumalapit sa akin?” Sinabi ni Jesus kay Juan na nararapat ito upang kanilang “matupad ang buong katuwiran” (tingnan sa Mateo 3:13–17).
Ang pagsunod sa ordenansa ng binyag ay naglalagay sa atin sa landas ng tipan. Kapag tinatahak natin ang landas na ito, nagsisikap tayong sundin ang mga kautusan at dahil diyan sumusunod tayo sa kalooban ng Diyos. Ganito ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa landas ng tipan:
Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman. (“Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7)
Bahagi 3
Ano ang maaari kong gawin para hayaang manaig ang Diyos sa aking buhay?
Sa mga banal na kasulatan, at sa kasalukuyang panahon, ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon ay kadalasang tinutukoy bilang sambahayan ni Israel. Itinuro ni Pangulong Nelson:
Ang isang ibig sabihin sa Hebreo ng salitang Israel ay “hayaang manaig ang Diyos.” Kaya ang pangalang Israel ay tumutukoy sa tao na handang hayaan ang Diyos na manaig sa kanyang buhay. Ang ideyang ito ay inspirasyon sa aking kaluluwa!
Ang salitang handa ay mahalaga sa interpretasyong ito ng pangalang Israel. May kalayaan tayong lahat. … Puwede nating piliing hayaan ang Diyos na manaig sa ating buhay, o hindi. Maaari nating piliin ang Diyos na maging pinakamalakas na impluwensya sa ating buhay, o hindi. …
Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban? (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92, 94)
Mula sa mga banal na kasulatan at sa buhay ng mga makabagong disipulo matututuhan natin ang mga oportunidad, hamon, at pagpapalang dumarating kapag pinili nating manaig ang Diyos sa ating buhay.
Habang iniisip mo ang iyong mga pagsisikap na hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay, isipin ang sumusunod na patotoo ni Pangulong Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President:
Pinatototohanan ko na may malalaking pagpapalang nakalaan kapag handa rin tayong sabihin sa Ama, “[Gayunpaman], ang inyong kalooban ang masusunod,” [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:44] at iayon ang ating kalooban sa kalooban ng Panginoon. … Ito ay pagsubok sa buhay. Kapag naging mas mabuti tayo sa paggawa nito, magkakaroon tayo ng higit na kaligayahan, dagdag na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag, mas malaking kakayahang paglingkuran ang mga nasa paligid natin, mas maraming tulong sa pagharap sa mga pagsubok, at mas nagtataglay ng mga katangian na tulad ng kay Cristo. (“Leaders Address Importance of Conversion at BYU Women’s Conference,” Mayo 9, 2017, ChurchofJesusChrist.org)