“Lesson 2 Materyal ng Titser: Pagpapalakas ng Ating Patotoo tungkol sa Buhay na Cristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 2 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 2 Materyal ng Titser
Pagpapalakas ng Ating Patotoo tungkol sa Buhay na Cristo
Noong Enero 1, 2000, inilathala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang patotoo tungkol sa pagiging Diyos ni Jesucristo sa isang dokumentong tinatawag na “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (makukuha sa SimbahanniJesucristo.org). Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang kahalagahan ng sagradong titulo na Cristo at ibahagi kung paano mapalalakas ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng mapanalanging pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo.”
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Si Jesus ang Cristo.
Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng ilang halimbawa ng mga dakilang espirituwal at matwid na lider sa buong kasaysayan. (O maaari kang mag-isip ng sarili mong mga halimbawa.) Maikling talakayin kung paano naimpluwensyahan ng mga taong ito ang mundo sa kabutihan. Pagkatapos ay maaari kang magdispley ng larawan ni Jesucristo at itanong:
-
Paano naiiba si Jesucristo sa mga dakilang espirituwal at matwid na lider ng mundo?
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Mateo 16:13–17 at hanapin ang mga pariralang ginamit ni Pedro na nagpaiba kay Jesus mula sa lahat ng taong nabuhay sa mundo.
-
Ano ang walang hanggang kahalagahan ng sinabi ni Pedro kay Jesus, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy”? (Mateo 16:16). (Maaaring makatulong na iparebyu sa mga estudyante ang natutuhan nila sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Maaaring maipahayag ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Si Jesus ang Cristo, ang pinahiran ng langis o ang Mesiyas. Siya ang kumakatawan sa Ama at ang tanging daan na maliligtas tayo.)
-
Ano ang naiisip ninyo tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon at pagpapalakas ng inyong personal na patotoo na si Jesus ang Cristo? (Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano nila natamo ang kanilang patotoo na si Jesus ang Cristo.)
Ipaalala sa mga estudyante na bilang paghahanda para sa klase, hiniling sa kanila na saliksikin ang “Jesucristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at alamin ang mga sagradong pangalan, titulo, at tungkuling ginagampanan na ibinigay sa Panginoon. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na rebyuhin ang nalaman nila. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila sa klase o sa maliliit na grupo. Kung sa palagay mo ay lalo pang matututo ang iyong mga estudyante, maaari mong idispley at pasagutan sa kanila ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyo si Jesucristo bilang [isingit ang pangalan, titulo, o tungkuling ginagampanan]?
-
Paano nakaiimpluwensya sa inyong pananampalataya kay Jesucristo ang nalaman ninyo na Siya ay [isingit ang pangalan, titulo, o tungkuling ginagampanan]?
Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na pumili at pag-aralan ang isang pangalan, titulo, o tungkuling ginagampanan ni Jesucristo na gusto pa nilang matutuhan pa.
Ang mga Apostol ng Panginoon ay mga natatanging saksi na Siya ang Cristo.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung gaano karami sa kanilang mga kaedad ang naniniwala kay Jesucristo. Maaari mo ring sabihin sa kanila na ibahagi ang narinig nila kamakailan tungkol sa Tagapagligtas sa social media o sa popular na libangan.
Magkakasamang basahin ang Doktrina at mga Tipan 107:23, at maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Si Jesucristo ay tumawag ng mga Apostol upang maging mga natatanging saksi Niya sa buong mundo. Pagkatapos ay itanong:
-
Sa inyong pananaw, bakit napakahalaga sa ating panahon ang mga patotoo ng mga Apostol na tinawag ng Panginoon?
-
Paano napalakas ng mga natatanging saksing ito ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo? (Maaaring makatulong na anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan o nadama nila habang pinanonood nila ang isa o mahigit pa sa mga video na “Mga Natatanging Saksi ni Cristo” mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Maaaring panoorin ng buong klase ang isa sa kanilang mga paborito.)
Ipaalala sa mga estudyante na noong ika-1 ng Enero, 2000, ibinahagi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa “Ang Buhay na Cristo.” Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng dokumento, o sabihin sa kanila na buksan ito sa kanilang mga electronic device.
Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagpapahalaga sa dokumentong “Ang Buhay na Cristo,” sabihin sa kanila na makibahagi sa sumusunod na aktibidad. Sabihin sa kanila na makipagtulungan sa kapartner, at bigyan ang bawat estudyante ng isa sa mga handout sa ibaba. Siguraduhing maraming oras ang mga estudyante para marebyu at maibahagi sa isa’t isa ang nalaman nila sa “Ang Buhay na Cristo.”
Para tapusin ang klase, sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano napalakas o mapapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo.” Bigyan sila ng oras na magtakda ng mithiin kung ano ang gagawin nila upang mapalakas ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral pa o pagsasaulo ng inspiradong dokumentong ito.
Para sa Susunod
Maaari mong ipadala sa iyong mga estudyante bago ang susunod na klase ang sumusunod na ideya o iba pa na sa palagay mo ay pupukaw sa kanilang interes: Habang pinag-aaralan mo ang materyal sa paghahanda para sa lesson 3, isipin kung bakit pinili mong sundin si Jesucristo sa premortal na buhay.