“Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Pagkakaroon Ko ng Lugar sa Kawan ng Mabuting Pastol,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Pagkakaroon Ko ng Lugar sa Kawan ng Mabuting Pastol
Kapag nadarama mong ikaw ay nag-iisa, nawawala, nalulungkot, o nalimutan, saan ka humihingi ng kapanatagan? Sinabi ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nakadama ako ng patuloy na kapayapaan sa kaalamang ‘ang Panginoon ay aking pastol’ [Mga Awit 23:1; idinagdag ang pagbibigay-diin] at bawat isa sa atin ay kilala Niya at nasa Kanyang pangangalaga” (“Pangangalaga sa mga Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2018, 111). Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano ka makadarama ng “patuloy na kapayapaan” sa pamamagitan ng pagkilala na ang Mabuting Pastol ay may personal at matibay na pagmamahal sa iyo.
Bahagi 1
Paano ko malalaman na pinangangalagaan ako ng Mabuting Pastol?
Noong panahon ng Biblia, minamahal at pinangangalagaan ng isang tunay na pastol ang kanyang mga tupa. Bawat tupa ay bilang at pinangalanan. Aakayin ng pastol ang kanyang mga tupa araw-araw patungo sa pagkain at tubig. Kapag naligaw ang kanyang mga tupa, hahanapin sila ng pastol. Sa gabi, ang mga tupa ay inilalagay sa isang protektadong kulong na lugar na tinatawag na kulungan ng tupa. Ang pastol ay hihiga sa may pintuan ng kulungan ng mga tupa upang protektahan ang kanyang mga tupa mula sa mga maninila.
Sa kabilang banda, binabantayan ng isang upahan ang kawan ng mga tupa dahil binabayaran siya para gawin ito. Hindi niya mahal ang mga ito. Sa banta ng panganib, pababayaan ng isang upahan ang mga tupa (tingnan sa Juan 10:12–13).
Gamit ang matalinghagang paglalarawang ito, itinuro ni Jesus na Siya ang Mabuting Pastol.
Nang magpakita si Jesucristo sa mga Lamanita at mga Nephita matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, sinabi Niya sa kanila na sila ang “ibang mga tupa” na binanggit Niya sa mga tao sa Jerusalem (3 Nephi 15:21). Ipinaliwanag niya na mayroon pa ring “ibang mga tupa” na makikinig at makikita rin Siya (tingnan sa 3 Nephi 16:1–3). Sinabi ng Tagapagligtas, “kilala ko ang aking mga tupa, at sila ay bilang” (3 Nephi 18:31).
Ang pagmamahal ng Mabuting Pastol sa Kanyang mga tupa ay itinuro nang maganda sa Mga Awit 23. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang paboritong awiting ito ay nagpapaalala sa atin na ang Diyos ay palaging Diyos ng mga tao at ang Kanyang pangangalaga ay lubos na personal” (For Times of Trouble [2012], 206).
Bahagi 2
Paano ako makatutulong sa gawain ng Mabuting Pastol?
Tiyak na nadama ng mga Apostol na nag-iisa sila matapos lumisan ang kanilang Pastol at umakyat sa langit. Makikinita mo ang kanilang pagkagulat at kagalakan nang makita Siyang muli sa dalampasigan habang nangingisda sila. Pagdaong nila sa lupa, kumain sila kasama Niya. Sa pagkakataong iyon, tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal niya Siya. Ang laging sagot ni Pedro ay oo. At sa bawat pagkakataon iniutos ng Panginoon kay Pedro na pakainin ang Kanyang mga tupa o kordero (tingnan sa Juan 21:15–17).
Sabi ni Sister Bonnie H. Cordon, Young Women General President, tungkol sa karanasang ito:
Nakatuon sa Kanyang mga tupa, hangad ng Tagapagligtas na gawin ni Pedro ang gagawin Niya kung Siya ay narito. Hiniling niya kay Pedro na maging isang pastol.
… Inanyayahan din tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na pakainin ang mga tupa ng ating Ama sa mas banal na paraan at gawin ito sa pamamagitan ng ministering [tingnan sa Russell M. Nelson, “Ministering,” Liahona, Mayo 2018, 100].
Para magbunga ang pagtanggap sa paanyayang ito, kailangang magkaroon tayo ng puso ng isang pastol at maunawaan natin ang mga pangangailangan ng mga tupa ng Panginoon. Paano tayo magiging mga pastol na kailangan ng Panginoon?
Tulad sa lahat ng tanong, makakaasa tayo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo—ang Mabuting Pastol. (“Pagiging Isang Pastol,” Liahona, Nob. 2018, 74–75)
Sa isang pagkakataon sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, binatikos ng mga pinunong Judio si Jesus dahil sa kumain Siya na kasama ang mga makasalanan. Bilang tugon, ibinahagi Niya ang talinghaga tungkol sa nawawalang tupa.
Itinuro ni Elder Stevenson:
Mga kapatid, ang pinakamalaking mga hamon at gantimpla ay darating kapag nag-minister tayo sa nawawalang mga tupa. Ang mga miyembro ng Simbahan sa Aklat ni Mormon ay “pinangalagaan ang kanilang mga tao, at pinagyaman sila sa mga bagay na may kinalaman sa kabutihan” [Mosias 23:18]. Matutularan natin ang kanilang mga halimbawa at maaalala na ang ministering ay dapat “pinapatnubayan ng Espiritu, … naangkop, at … ayon sa pangangailangan ng bawat miyembro” [“Ministering with Strengthened Melchizedek Priesthood Quorums and Relief Societies,” ministering.ChurchofJesusChrist.org]. (“Pangangalaga sa mga Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2018, 112)
Bahagi 3
Ano ang dapat kong gawin kung pakiramdam ko ay hindi ako kabilang sa kawan ng Mabuting Pastol?
Maaaring may mga pagkakataon na nadarama ng isang taong kilala mo na hindi sila akma sa “karaniwang” Banal sa mga Huling Araw o na hindi sila kabilang sa simbahan. (Maaari mo ring makita ang sarili mo sa kategoryang ito.) Ganito ang pakiramdam ng ilan dahil mga bagong miyembro sila, nahihiya sa mga naging pagpili nila noon, naiiba ang pananamit o hitsura sa iba, may problema sa pera o sa pamilya, nag-aalala na mahina pa ang kanilang patotoo, may problema sa kalusugan ng pag-iisip, naaakit sa kaparehong kasarian, o mahiyain, di-gaanong aktibo, o nabibilang sa isang minorya ng lahi.
Kung sa pakiramdam mo ay minamaliit ka, ibinubukod, hinuhusgahan, o binabalewala, bumaling sa Tagapagligtas para sa Kanyang katiyakan na mahalaga ka sa Kanya at nais Niyang maging bahagi ka ng Kanyang kawan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10; Alma 31:35; Isaias 43:4). Itinuro ni Nephi na inaanyayahan ng Tagapagligtas ang “lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae … pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33).
Itinuturo tayo ni Sister Sharon Eubank, tagapayo sa Relief Society General Presidency, sa Tagapagligtas “kapag hindi natin madama na tanggap o katanggap-tanggap tayo”:
Makikita sa Bagong Tipan ang malaking pagsisikap na ginawa ni Jesus upang tulungan ang lahat ng uri ng tao: ang mga ketongin, mga maniningil ng buwis, mga bata, mga taga Galilea, mga patutot, mga babae, mga Fariseo, mga makasalanan, mga Samaritano, mga balo, mga kawal na Romano, mga mapangalunya, at hindi malinis. Sa halos lahat ng kuwento, tinutulungan Niya ang isang taong hindi tanggap ng lipunan. (“Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona Mayo 2019, 74)
Habang iniisip mo ang sarili mong lugar sa kawan ng Mabuting Pastol, basahin ang pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Lahat tayo ay kabilang sa isang komunidad ng mga Banal, kailangan nating lahat ang isa’t isa, at nagtutulungan tayong lahat na makamit ang parehong mithiin. Sinuman sa atin ay maaaring ihiwalay ang ating sarili sa ating ward o branch batay sa ating mga pagkakaiba. Ngunit hindi natin dapat ilayo ang ating sarili o ihiwalay ang ating sarili sa mga pagkakataon dahil sa mga pagkakaibang nakikita natin sa ating sarili. Bagkus, ibahagi natin ang ating mga kaloob at talento sa iba, na magdadala ng liwanag ng pag-asa at galak sa kanila, at sa paggawa nito ay mapasisigla ang ating espiritu. (“Belonging to a Ward Family,” Ensign, Mar. 1996, 16)