“Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagpapalakas ng Ating Patotoo tungkol sa Buhay na Cristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagpapalakas ng Ating Patotoo tungkol sa Buhay na Cristo
Isipin ang pagdadalamhati at pighati na maaaring nadama ng mga tagasunod ni Jesucristo habang nakikita nila ang Kanyang pagdurusa at pagkamatay sa krus. Dahil hindi lubos na nauunawaan ang Kanyang misyon, malamang na nagulumihanan sila at nadamang nag-iisa sila habang inihihimlay nila ang Kanyang katawan sa libingan. Makikinita mo ang kanilang kagalakan at pagkamangha nang makalipas lamang ang ilang araw ay nakita nila na buhay Siya. Makapagpapatotoo na sila na Siya ang buhay na Cristo! Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, isipin ang sarili mong patotoo tungkol sa buhay na Cristo at kung ano ang kahulugan Niya sa iyo.
Bahagi 1
Ano ang kahalagahan ng pagsasabing “Si Jesus ang Cristo”?
Sa simula ng Kanyang mortal na ministeryo, narinig ng dalawang disipulo ni Juan na Tagapagbautismo na sinabi ni Juan tungkol kay Jesus, “Narito ang Kordero ng Diyos!” (Juan 1:36). Nang marinig nila ito, sumunod sila kay Jesus. Ang isa sa kanila, si Andres, ay nakita ang kanyang kapatid na si Simon Pedro at nagsabing, “Natagpuan na namin ang … Cristo” (Juan 1:41).
Ang pahayag ni Andres na si Jesus ang Cristo ay mahalaga. Ang ibig sabihin ng salitang Griyego para sa Cristo ay “ang pinahiran ng langis” at katumbas ng salitang Hebreo para sa Mesiyas. “Ginamit bilang titulo sa isang katungkulan, ang [Cristo o Mesiyas] ay nangangahulugang ang Hari at Tagapagligtas na ang pagdating ay inaasam nang may pananabik ng mga Judio” (Bible Dictionary, “Messiah”).
Kalaunan sa Kanyang ministeryo, itinanong ni Jesus sa Kanyang mga disipulo kung ano ang sinasabi ng mga tao kung sino Siya. Ang tugon nila ay mga pangalan ng ilang propeta. Pagkatapos ay itinanong ni Jesus, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (Mateo 16:15).
Bilang Cristo, si Jesus “ang pinahiran ng Ama upang maging personal na kinatawan ng Ama sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa kaligtasan ng sangkatauhan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pinahiran, Ang”). Dahil si Jesus ang Cristo, Siya ang tanging daan at sa Kanyang pangalan lamang tayo maliligtas mula sa mga bunga ng kasalanan at kamatayan (tingnan sa Mga Gawa 4:12; Mosias 3:17).
Maaari mo ring basahin ang “Siya ang Cristo,” isang kanta na isinulat ni Pangulong James E. Faust, na naglingkod sa Unang Panguluhan. Isipin kung ano ang maaari mong ibahagi sa klase tungkol sa naisip at nadama mo tungkol sa kanta.
Bahagi 2
Paano maiimpluwensyahan ng mga Apostol ng Panginoon ang aking patotoo na si Jesus ang Cristo?
Sa maraming lugar sa mundo, nababawasan ang naniniwala sa pagiging Diyos ni Jesucristo (tingnan sa Neil L. Andersen, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 88). Marahil nasaksihan mo ang paghina ng pananampalataya sa lugar kung saan ka nakatira, nakita ang isang taong mahal mo na lumayo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, o naranasan mo mismo ang mawalan ng paniniwala.
Ang kawalan ng paniniwala kay Jesucristo ay karaniwan na sa ating panahon. Halimbawa, bagama’t nakakita ang mga Lamanita at mga Nephita ng kamangha-manghang “mga palatandaan at kababalaghan” tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, ang mga tao kalaunan ay “hindi na nanggigilalas … at nagsimulang hindi paniwalaan ang lahat ng narinig nila at nakita” (3 Nephi 2:1).
Upang matulungan ang bawat isa sa atin sa ating paniniwala sa Kanya, tumawag ang Panginoon ng mga Apostol upang maging mga natatanging saksi Niya sa lahat ng tao (tingnan sa Mateo 28:19–20; 3 Nephi 12:1; Doktrina at mga Tipan 107:23).
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
Natatangi ang kanilang tungkulin; sila ay mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, na Kanyang pinili at inatasan. Sila ay inatasang patotohanan na Siya ay buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng banal na pagka-apostol. (“Special Witnesses of Christ,” Ensign, Abr. 2001, 4)
Bahagi 3
Paano mababago ang buhay ko sa pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo”?
Noong Enero 1, 2000, inilathala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa isang dokumentong tinatawag na “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (makukuha sa SimbahanniJesucristo.org).
Sinabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa makasaysayang dokumentong ito:
“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” ay inihanda noon pa bago pa natin ito kinailangang mabuti. (“Pangkalahatang Kumperensya: Nagpapalakas ng Pananampalataya at Patotoo,” Liahona, Nob. 2013, 7)
Sinabi rin ni Pangulong Russell M. Nelson:
Maraming miyembro na ang nakapagsaulo ng mga katotohanang nakapaloob dito. Ang iba naman ay halos walang alam tungkol dito. Habang nagsisikap kayo na higit pang makaalam tungkol kay Jesucristo, hinihimok ko kayong pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo.” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40)