“Lesson 3 Materyal ng Titser: Pagtitiwala kay Jesucristo, ang Ating Tagapagligtas at Pinuno Noon Pa Man sa Premortal na Buhay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 3 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 3 Materyal ng Titser
Pagtitiwala kay Jesucristo, ang Ating Tagapagligtas at Pinuno Noon Pa Man sa Premortal na Buhay
Sa buhay bago tayo isinilang o sa premortal na buhay, itinuro sa atin ng Ama sa Langit ang tungkol sa Kanyang plano ng kaligtasan. Doon ay nagkaroon tayo ng pagkakataong suportahan ang Kanyang plano at sang-ayunan si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. Sa lesson na ito, tutukuyin ng mga estudyante ang mga dahilan kung bakit nagtiwala tayo kay Jesucristo na maging Tagapagligtas at pinuno natin noon pa man sa premortal na buhay. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung paano maninindigang kasama Niya sa kanilang patuloy na pakikipaglaban kay Satanas at sa kanyang mga kampon sa buhay na ito.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Si Jesucristo ay pinili na maging ating Tagapagligtas at Manunubos mula pa sa simula.
Bilang isang klase, mag-ukol ng ilang minuto para matukoy ang mga katotohanang inihayag tungkol sa ating premortal na buhay. (Kung kinakailangan, papiliin ang mga estudyante sa bahagi 1 o2 ng materyal sa paghahanda at mabilis na rebyuhin ito. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na katotohanan: Sa Malaking Kapulungan, inilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano ng kaligtasan upang makabalik tayo sa Kanyang piling at maging katulad Niya. Ang kahandaan ni Jesucristo na maging Tagapagligtas natin ay mahalaga sa tagumpay ng plano ng Ama. Sa premortal na buhay, si Jesuscristo ang pinakadakila at pinakamatalino sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit.)
Habang patuloy ang talakayan sa klase, isipin kung alin sa mga sumusunod ang maaari mong itanong na magiging pinakamahalaga sa iyong mga estudyante. (Paalala: Upang magkaroon ng mga karanasan sa pagbabalik-loob, mas makabubuting magtanong nang mas kaunti at magkaroon ng mas malalim na talakayan tungkol sa ilang paksa, sa halip na subukang itanong ang lahat ng iminumungkahing tanong.)
-
Paano mapagpapala ng kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ang isang taong nakadarama na ang kanyang buhay ay walang kahulugan o layunin? (Maaari mong rebyuhin ang pahayag ni Elder Robert D. Hales sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Paano nakatulong sa inyo ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan sa mahihirap na panahon?
-
Bakit kinakailangan ang isang Tagapagligtas sa plano ng Ama sa Langit? (Tingnan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
-
Isinasaalang-alang ang ibinayad ni Jesucristo para magbayad-sala para sa ating mga kasalanan, ano ang naiisip o nadarama ninyo tungkol sa Kanyang kahandaang maging Tagapagligtas natin? (tingnan sa Moises 4:2).
-
Ano ang nalaman ni Abraham tungkol sa natatanging katayuan ni Jesucristo sa premortal na buhay? (Maaaring makatulong na gamitin ang mga katotohanang itinuro sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Paano makatutulong sa inyo ang nalaman ninyong kadakilaan ni Jesucristo sa premortal na buhay upang magtiwala kayo sa Kanya sa mga hamong kinakaharap ninyo?
Para matapos ang bahaging ito ng lesson, maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang pakiramdam na naroon sila sa Malaking Kapulungan nang ilahad ng Ama sa Langit ang plano ng kaligtasan at si Jesucristo ang pinili na maging Tagapagligtas natin. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi sa klase ang naisip at nadama nila.
Sa tulong ni Jesucristo, mananaig tayo sa digmaan laban kay Satanas at sa kanyang mga kampon.
Idispley ang kalakip na larawan ng Digmaan sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano naiiba ang larawang ito sa nalalaman natin mula sa makabagong paghahayag tungkol sa Digmaan sa Langit. (Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang Moises 4:1–4, Apocalipsis 12:7–11, at ang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)
Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga ideya, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Bakit naghimagsik si Satanas? Ano ang kanyang mga taktika noong Digmaan sa Langit? (tingnan sa Moises 4:1, 3–4; Apocalipsis 12:7–9). Paano ginagamit ni Satanas ang mga taktikang ito sa ating panahon?
-
Ayon sa Apocalipsis 12:11, paano natin nadaig sa digmaan si Satanas at ang kanyang mga kampon sa premortal na buhay? (Maaaring makaragdag sa inyong talakayan ang pagrerebyu ng pahayag ni Brother Ahmad S. Corbitt sa materyal sa paghahanda. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan at isulat ito sa pisara: Tulad ng ginawa natin sa premortal na buhay, madaraig natin ang kapangyarihan ni Satanas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng ating patotoo tungkol sa Kanya.)
-
Paano nakatulong sa inyo ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa digmaan laban kay Satanas at sa kanyang mga tukso? Ano ang maaari ninyong gawin para mapalakas ang inyong pagtitiwala sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na tutulong sa inyo na madaig ang kapangyarihan ni Satanas?
Para tapusin ang klase, maaari mong ipakita at basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Jörg Klebingat ng Pitumpu:
[Sa Digmaan sa Langit,] tayo na mga nasasandatahan noon ng pananampalataya sa gagawing Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayong mga napalakas ng patotoo ng Kanyang banal na papel na gagampanan, tayo na nagtataglay ng espirituwal na kaalaman at ng lakas-ng-loob na gamitin ito sa pagtatanggol ng Kanyang banal na pangalan ay nakipaglaban sa unang hanay ng digmaang ito ng mga salita. Itinuro ni Juan na ang magigiting na espiritu, at ang iba pa, ay nadaig si Lucifer ‘dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo’ (Apocalipsis 12:11; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Oo, ang pangako na magkakaroon ng Tagapagligtas at ng pagbuhos ng dugo sa Getsemani at Calvario ay nanalo sa premortal na digmaan. Ngunit ang ating lakas-ng-loob at patotoo [sa premortal na buhay], ang kahandaan nating magpaliwanag, mangatwiran, at hikayatin ang iba pang mga espiritu ay nakatulong para pigilan ang paglaganap ng kasinungalingan nang walang sumasalungat!
Sa matagumpay nating pakikipaglaban sa premortal na daigdig para ipagtanggol Siya, tayo ay naging mga saksi ng Kanyang banal na pangalan. Tunay na, matapos tayong mapatunayan sa digmaan at binigyang-katiyakan sa ating mga puso at lakas-ng-loob, kalaunan ay sinabi ng Panginoon sa atin—mga miyembro ng sambahayan ni Israel—“Kayo’y aking mga saksi” (Isaias 43:10). Itanong natin sa ating sarili: Totoo pa rin ba ang pahayag na ito sa atin ngayon?” (Jörg Klebingat, “Pagtatanggol sa Pananampalataya,” Liahona, Set. 2017, 49–50)
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang pahayag ni Elder Klebingat at alamin kung ano ang magagawa nila para manindigan kasama ni Jesucristo sa ating panahon. Maaari mong sabihin sa kanila na itala ang kanilang mga ideya at impresyon.
Para sa Susunod
Sa linggong ito, maaari mong ipadala ang sumusunod na paanyaya sa mga estudyante: Habang binabasa ninyo ang materyal sa paghahanda para sa lesson 4 at pinagninilayan ang mga himala ng Paglikha, magpadala sa akin, o magdala sa klase, ng isang larawan ng mga nilikha ng Diyos na itinuturing ninyong nakapagbibigay-inspirasyon.