Institute
Lesson 12 Materyal ng Titser: Paghahanap ng Dalisay na Katotohanan sa mga Turo ni Jesucristo


“Lesson 12 Materyal ng Titser: Paghahanap ng Dalisay na Katotohanan sa mga Turo ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 12 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 12 Materyal ng Titser

Paghahanap ng Dalisay na Katotohanan sa mga Turo ni Jesucristo

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Makapangyarihan ang dalisay na doktrina ni Cristo. Binabago nito ang buhay ng lahat ng taong nakauunawa rito at hangad na ipamuhay ito” (“Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2021, 6). Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi kung paano naimpluwensyahan ng mga turo ni Jesucristo ang kanilang buhay. Tatalakayin din nila ang kahulugan ng ebanghelyo at aanyayahang pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin para mas makatuon sa pagpapamuhay nito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Si Jesucristo ay nagtuturo ng mga katotohanan na nagpapabago ng buhay.

Maaari mong idispley ang kalakip na larawan, o ang isa pang larawan na pinili mo na nagpapakita na nagtuturo si Jesucristo, at sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga posibleng dahilan kung bakit “[Si Jesucristo] ang pinakadakilang guro na nabuhay o nabubuhay” (Jeffrey R. Holland, “Teaching, Preaching, Healing,” Ensign, Ene. 2003, 33).

The Savior’s Teachings on Discipleship [Ang mga Turo ng Tagapagligtas tungkol sa Pagiging Disipulo], ni Justin Kunz

Upang makahikayat ng makabuluhang talakayan, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Ano ang naging epekto ng mga turo ng Tagapagligtas sa mga taong nakarinig sa Kanyang pagtuturo? (Maaari mong rebyuhin ang mga halimbawang matatagpuan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.) Ano ang naging epekto ng Kanyang mga turo sa inyong buhay?

  • Ano ang dapat nating gawin kung gusto nating magkaroon ng malalim at walang-hanggang impluwensya ang mga turo ni Jesucristo sa ating buhay? (Maaari ninyong rebyuhin ang Juan 3:21; 7:17; 13:17 at ang pahayag ni Elder Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Pagkatapos ay maaari mong sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kapag ginagawa natin ang mga turo ng Panginoon, malalaman natin ang katotohanan ng mga ito, madaragdagan ang liwanag, at makadarama ng kaligayahan.)

Ipaalala sa mga estudyante na sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda inanyayahan silang pumili ng isang turo ng Tagapagligtas na nakaimpluwensya sa kanilang buhay. Maaari din silang maghanap ng isang turo na sa palagay nila ay nauugnay sa kanilang buhay. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para rebyuhin ang kanilang scripture passage at ang tatlong kaugnay na tanong sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Hikayatin ang mga estudyante na hindi pa gumawa ng aktibidad na ito na maghanap ng turo ng Tagapagligtas na maibabahagi nila.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang turo ni Jesucristo na pinili nila at ang kanilang sagot sa kahit isa sa tatlong tanong mula sa materyal sa paghahanda. Maaari mong gawin ang aktibidad na ito bilang isang klase o hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at sabihin sa kanila na magsalitan sa pagbabahagi.

Itinuro ni Jesucristo sa mga Nephita ang kahulugan ng Kanyang ebanghelyo.

Basahin nang magkakasama ang sumusunod na sitwasyon:

Kababalik lang ni Amelia sa pagiging aktibo sa Simbahan pagkaraan ng maraming taon. Bagama’t mabait sa kanya ang mga tao, madalas siyang hindi komportable at panghinaan ng loob sa mga mensahe at lesson. Sa pagkadismaya, isang araw ay sinabi niya sa inyo, “Noong isang araw ay narinig kong sinabi ng isang tao na ang ibig sabihin ng ebanghelyo ay ‘mabuting balita.’ Hindi gayon ang tingin ko. Kumplikado ang ebanghelyo, at napakaraming inaasahan. Parang pabigat ito kaysa pagpapala.”

  • Ano ang maaaring nangyayari kapag may mga mensahe, lesson, o talakayan tungkol sa ebanghelyo na maaaring magpadama sa isang tao ng gaya ng naramdaman ni Amelia?

  • Ano ang mga posibleng maling pagkaunawa ni Amelia tungkol sa kahulugan at layunin ng ebanghelyo?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Matuto kasama ng mga estudyante. Matapos maranasan ang mabibigat na ibinunga ng huwad na pagkasaserdote, ang mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Alma na nanatiling tapat ay “matatag at di natitinag” (Alma 1:25) sa kanilang mga paniniwala at natanto na “ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay nakahihigit kaysa sa mag-aaral; at sa gayon silang lahat ay pantay-pantay” (Alma 1:26). Kapag itinuring mo na pantay-pantay kayo ng mga estudyante mo, magiging mas handa kang matuto na kasama nila at matuto sa kanila. Isipin kung ano ang maaaring madama ng iyong mga estudyante kapag ipinakita mong interesado ka talaga sa iniisip at nadarama nila.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang 3 Nephi 27:13–14, 19–21 at hanapin ang mahahalagang elemento ng ebanghelyo ayon sa itinuro ng Tagapagligtas.

Upang magkaroon ng makabuluhang talakayan, maaari kang magtanong ng tulad sa sumusunod:

  • Ayon sa Tagapagligtas, ano ang mahahalagang elemento at ang pinakadakilang pagpapala ng pamumuhay sa Kanyang ebanghelyo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, nagsisi, nabinyagan, tumanggap ng Espiritu Santo, at nagtiis hanggang wakas, makatatayo tayo nang walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos sa huling araw.)

  • Paano maaaring mabago ang pananaw at nadarama ni Amelia sa ebanghelyo kapag ginawa nating sentro ng ebanghelyo si Jesucristo? Paano nakaimpluwensya sa pag-iisip at pamumuhay ninyo ng ebanghelyo ang pagtutuon sa Tapagligtas?

  • Anong mga hamon ang maaari nating makaharap kapag hindi tayo nakatuon kay Jesucristo at sa mahahalagang elemento ng Kanyang ebanghelyo? (Maaari ninyong rebyuhin ang pahayag ni Brother Daniel K Judd sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Anong mga bagay ang naging dahilan para mawala ang pagtuon ninyo sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo? Ano ang lubos na nakatulong sa inyo para manatiling nakatuon sa mga pangunahing alituntunin?

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda at itala kung ano ang magagawa nila para mas makatuon sa mga pangunahing alituntunin at sa pagpapamuhay ng ebanghelyo.

Maaari mo ring itanong kung handa ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang maaari nilang gawin para makatuon sa pinakamahahalagang bagay habang pinagsisikapan nilang ipamuhay ang ebanghelyo.

Para tapusin ang lesson, maaari kang magpatotoo o ang isang estudyante tungkol sa kagandahan at kapangyarihan ng pamumuhay sa walang hanggang ebanghelyo ni Jesucristo.

Para sa Susunod

Pag-isipan kung ano ang matututuhan mo tungkol sa paglilingkod at ministering mula sa materyal sa paghahanda para sa lesson 13.

0:34