“Lesson 27 Materyal ng Titser: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Ilaw at Buhay ng Sanlibutan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 27 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 27 Materyal ng Titser
Pagkakaroon ng Pag-asa sa Ilaw at Buhay ng Sanlibutan
Maaaring makadama ang mga estudyante ng kadiliman, panghihina ng loob, at kawalan ng pag-asa dahil sa maraming kadahilanan. Sa kabilang banda, mapupuspos sila ng kapangyarihan ng pag-asa kapag nagtuon sila sa Ilaw ng Sanlibutan na si Jesucristo. Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong pag-isipan kung ano ang magagawa nila para maragdagan ang kanilang pag-asa sa Kanya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ipinahayag ni Jesucristo na Siya ang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan.
Para masimulan ang lesson, maaari mong idispley ang sumusunod na larawan:
-
Binabanggit sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga taong “lumalakad sa kadiliman” o “nakaupo sa kadiliman” (tingnan sa Mga Awit 82:5; Doktrina at mga Tipan 95:6, 12; Mga Awit 107:10–11; Lucas 1:79). Ano sa palagay mo ang kinakatawan ng kadilimang ito?
Basahin nang malakas ang Juan 8:12 at Mosias 16:9, at sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano tayo matutulungan ni Jesucristo na madaig ang kadiliman. Ipakita sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag sinunod natin si Jesucristo, Siya ang magiging liwanag at buhay ng ating buhay.
-
Sa paanong paraan kapwa nagiging liwanag at buhay ng ating buhay si Jesucristo? (Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang kahalagahan ng lesson na ito, maaari mong ipakita at basahin nang malakas ang mga tanong sa ibaba. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na ito habang pinanonood nila ang video na “The Light That Shineth in Darkness [Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman]” (2:19).
-
Paano ka mapagpapala, mapapalakas, at matutulungan ng pagsunod kay Jesucristo bilang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan?
-
Kailan mo naranasan ang liwanag o buhay na ibinibigay ni Jesucristo? Anong kaibhan ang nagawa, o magagawa nito, sa iyong buhay?
Matapos nilang panoorin ang video, sabihin sa mga estudyante na isulat ang ilan sa mga naisip nila tungkol sa mga tanong. Maaari mo silang anyayahang talakayin ang kanilang mga sagot sa klase o sa maliliit na grupo.
Maaari mong idispley ang kalakip na larawan ng Salt Lake Temple at magkakasamang basahin ang pahayag ni Sister Sharon Eubank sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. O maaari mong ipanood ang katugmang video segment (0:00–1:17) mula sa kanyang mensaheng “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman” (Liahona, Mayo 2019, 73–74).
-
Ano ang ilang paraan na “kumikilos [ang kaaway] upang palamlamin ang ating ilaw, sirain ang koneksyon,” o ilayo tayo mula sa liwanag ng Tagapagligtas? (Sharon Eubank, “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” 73).
-
Ano ang ilang paraan na maaari tayong makaugnay o manatiling konektado kay Jesucristo, ang tunay na pinagmumulan ng liwanag at buhay? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat kung ano ang magagawa nila.)
Nadaragdagan ang pag-asa kapag nagtuon tayo kay Jesucristo.
Ipakita ang sumusunod na katotohanan mula sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol”: Si Jesucristo ay “ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”
Depende sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, maaaring makatulong na rebyuhin nang maikli ang kahulugan ng pag-asa at ang pangalawang pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Pagkatapos ay maaari mong itanong:
-
Paano tayo pinagpapala kapag umaasa tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo bilang ating pinakadakilang pinagmumulan ng pag-asa? Bakit makatutulong na malaman na ang pag-asa ay isa ring kaloob?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang taong kilala nila na maaaring pinanghihinaan ng loob, nalulungkot, nalulumbay, nababalisa, o nag-aalala. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Moroni 7:40–42 at Eter 12:4, at alamin ang mga katotohanan tungkol sa pag-asa kay Cristo na maaaring magpabago sa mga nararanasan natin sa buhay.
Matapos bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mag-aral, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga katotohanang nalaman nila at kung paano madaragdagan ng mga katotohanang ito ang pag-asa ng isang tao kay Cristo.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tingnan ang tala sa banal na kasulatan na pinili nilang pag-aralan mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na rebyuhin ang nalaman nila. Hatiin ang klase sa maliliit na grupo at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang salaysay sa banal na kasulatan at kung ano ang natutuhan nila mula rito tungkol sa pag-asa kay Cristo.
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pag-asa kay Cristo, maaari mong ipakita ang lahat o ang bahagi ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Uchtdorf, na naglingkod noon sa Unang Panguluhan. Matapos basahin at pagnilayan ng mga estudyante ang pahayag na ito, maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na magpatotoo tungkol sa kanilang pag-asa kay Jesucristo at kung paano ito nakaapekto sa kanilang buhay.
Tulad ni Jeremias ay ipinahahayag ko, “Mapalad ang tao na … ang pag-asa ay ang Panginoon” [Jeremias 17:7].
Tulad ni Joel pinatototohanan ko na, “Ang Panginoon [ay] kanlungan sa kaniyang bayan, at katibayan sa mga anak ni Israel” [Joel 3:16].
Tulad ni Nephi ipinahahayag ko: “Magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” [2 Nephi 31:20]. …
At sa lahat ng nagdurusa—sa lahat ng pinanghihinaan ng loob, nag-aalala, o nalulungkot—sinasabi ko nang may pagmamahal at matinding pagmamalasakit sa inyo, huwag magpatangay.
Huwag sumuko kailanman.
Huwag hayaang daigin ng pighati ang inyong espiritu.
Yakapin at umasa sa Pag-asa ng Israel, sa pag-ibig ng Anak ng Diyos na tumatagos sa lahat ng kadiliman, nagpapagaan sa lahat ng kalungkutan, at nagpapasigla sa bawat puso. (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 24)
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong at isulat ang kanilang mga ideya, impresyon, o damdamin:
-
Ano ang natutuhan mo ngayon na makatutulong sa iyo na makahanap ng pag-asa sa mga oras ng paghihirap o kawalan ng pag-asa?
-
Ano ang mga simpleng bagay na magagawa mo para mapalakas ang iyong pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo?
Para sa Susunod
Upang matulungan ang mga estudyante na maihanda ang huling klase sa kursong ito, maaari mong ipadala ang sumusunod na mensahe sa buong linggo: Habang pinag-aaralan mo ang materyal sa paghahanda para sa ating huling klase, pagnilayan ang natutuhan mo mula sa kursong ito. Paano nakaimpluwensya ang natutuhan mo sa iyong naunawaan tungkol kay Jesucristo at sa iyong pananampalataya sa Kanya?