“Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Paghahanap ng Layunin at Kagalakan sa mga Nilikha ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Paghahanap ng Layunin at Kagalakan sa mga Nilikha ng Panginoon
Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Isipin kung ano ang mangyayari kung tayong lahat ay mag-uukol ng oras na pagmasdang mabuti ang mga kamangha-manghang tanawin na nakapalibot sa atin at ituon ang ating sarili sa pag-aaral pa ng tungkol sa daigdig na ito na nilikha ng Diyos para sa atin!” (“God’s Love for His Children,” Ensign, Mayo 1988, 57). Habang pinagninilayan mo ang himala ng paglikha, isipin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa Lumikha at sa Kanyang mga layunin para sa atin.
Bahagi 1
Paano nagdudulot ng dagdag na kahulugan sa aking buhay ang pag-unawa sa layunin ng Paglikha?
Ano ang mga naisip at nadama mo nang masdan mo ang mga bituin sa kalangitan sa gabi—marahil ay paghanga, pagkamangha, pagpipitagan, o marahil pagiging kawalang-kabuluhan?
Binigyan tayo ng agham ng astronomiya ng bahagyang kaalaman sa nakagugulat na laki at lawak ng sansinukob. Sa ating galaxy lamang ay may “200 hanggang 400 bilyong bituin. Subalit isa lamang ito sa bilyun-bilyong galaxy. … Kapag pinagsama-sama, ang lahat ng galaxy sa nakikitang sansinukob ay tinatayang kinapapalooban ng 30 bilyong trilyong bituin. Subalit ang bilang na iyan ay maaaring maliit na bahagi lamang ng lahat ng naroon” (R. Val Johnson, “Worlds without Number,” Ensign, Ago. 2013, 45).
Sa isang kamangha-manghang pangitain tungkol sa Paglikha, nakita ni Moises ang ating mundo at ang mga naninirahan dito, at pagkatapos ay nalaman niya ang tungkol sa kalakhan ng sansinukob. Nalaman din niya na sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang lahat ng bagay (tingnan sa Moises 2:1; tingnan din sa Mosias 3:8; Juan 1:1–3). Nang mamasdan ang mga nilikha ng Diyos, si Moises ay “labis na nanggilalas at namangha” (Moises 1:8) at nagtanong, “Sabihin sa akin, nagsusumamo ako sa inyo, bakit ganito ang mga bagay na ito, at sa pamamagitan ng mga anong bagay nilikha ninyo ang mga ito?” (Moises 1:30; tingnan din sa talata 27–37).
Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na miyembro noon ng Unang Panguluhan, ang tungkol sa layunin ng Diyos sa Paglikha:
Sinabi mismo ng Diyos na tayo ang dahilan kaya Niya nilikha ang sansinukob! Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian—ang layunin para sa napakagandang sansinukob na ito—ay iligtas at dakilain ang sangkatauhan. … Nilikha ng Ama sa Langit ang sansinukob upang maabot natin ang ating potensiyal bilang Kanyang mga anak na lalaki at babae.
Ito ang kabalintunaan ng tao; kung ihahambing sa Diyos, ang tao ay walang-kabuluhan; subalit tayo ang pinakamahalaga sa Diyos. (“Mahalaga Kayo sa Kanya,” Liahona, Nob. 2011, 20)
Bahagi 2
Paano ako makahahanap ng higit na kagalakan sa mga nilikha ng Panginoon?
Matapos likhain ang langit at lupa, ang Diyos ay nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat ng Kanyang gawain at sinabing, “lahat ng bagay na aking nilikha ay nayari, at ako, ang Diyos, ay nakitang ang mga ito ay mabuti” (Moises 3:2). Pagkatapos ay binasbasan Niya ang ikapitong araw. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Lumikha nang maglaan Siya ng oras para pagmasdan ang kagandahan ng Paglikha? Sa nakaraang linggo, gaano ka kadalas huminto sandali at pagmasdan ang mga nilikha ng Panginoon?
Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, tinukoy ng Tagapagligtas ang mga pagpapalang temporal at espirituwal na dumarating sa mga taong pinananatiling banal ang araw ng Sabbath (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–19). Kabilang sa mga pagpapalang ito ang pagtatamasa ng “kabuuan ng mundo” (Doktrina at mga Tipan 59:16).
Sa lahat ng kamangha-mangha sa mundo, tayo ang pinakadakilang nilikha ng Diyos. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay “bumaba … upang buuin ang tao sa kanilang sariling anyo, … lalaki at babae” (Abraham 4:26–27). Pinatotohanan ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
Ang ating pisikal na katawan ay sagrado. Ang mga ito ay nilikha sa larawan ng Diyos. Kagila-gilalas ang mga ito, ang pinakamahalagang nilikha ng Diyos. (“Be Ye Clean,” Ensign, Mayo 1996, 48)
Ang pagtanggap ng katawan ay mahalaga sa ating walang hanggang pag-unlad (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:33–34). Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Dahil sa ating pisikal na katawan nararanasan natin ang iba’t ibang matitinding karanasang hindi natin pagdaraanan sa buhay bago tayo isinilang sa mundo. (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41)
Kumpara sa Tagapagligtas, binabaluktot ni Satanas ang banal na layunin ng ating katawan at inuudyukan tayong gamitin nang mali ang mga ito. Itinuro ni Pangulong Susan W. Tanner, dating Young Women General President:
Tinutukso [ni Satanas] ang marami na dumihan ang dakilang kaloob na katawan sa pamamagitan ng pagdungis sa puri, kahalayan, pagpapasasa sa sarili, at pagkalulong. Inaakit niya ang ilan na kamuhian ang kanilang katawan; ang iba nama’y tinutukso niyang sambahin ito. Alinman dito, tinutukso niya ang mundo na ituring na isang bagay lang ang katawan. …
Ang katawan natin ay ating templo. Higit tayong katulad ng Ama sa Langit dahil tayo’y may katawan. … Nawa’y igalang natin ang kabanalan ng katawan sa buhay na ito nang sa gayo’y pabanalin at dakilain ito ng Panginoon sa kawalang-hanggan. (“Ang Kabanalan ng Katawan,” Liahona, Nob. 2005, 13, 15)
Bahagi 3
Paano ko mapapalalim ang nauunawaan ko tungkol sa mga nilikha ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at agham o siyensya?
Ang isang paraan na matututuhan natin ang tungkol sa mga nilikha ng Diyos ay sa pamamagitan ng siyensya. Halimbawa, marami na tayong nalaman tungkol sa takbo ng katawan ng tao sa pamamagitan ng medical research, tungkol sa biodiversity sa pamamagitan ng ekolohiya, tungkol sa mga weather pattern sa pamamagitan ng meteorology, at marami pang iba.
Maaaring may malaman ka mula sa siyensya na tila salungat sa mga banal na kasulatan. Kapag nakakita ka ng isang bagay na tila salungat, ang sumusunod na pananaw ni Pangulong Russell M. Nelson ay makatutulong:
Walang pagtatalunan ang siyensya at relihiyon. Nagkakaroon lamang ng pagtatalo kapag hindi sapat ang kaalaman tungkol sa siyensya o sa relihiyon, o sa dalawang ito. …
… Lahat ng katotohanan ay bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nagmula man ang katotohanan sa laboratoryo ng siyensya o sa paghahayag mula sa Panginoon, magkatugma ito. (“Church Leaders Gather at BYU’s Life Sciences Building for Dedication,” Church News, Abr. 17, 2015, ChurchofJesusChrist.org).
Bagama’t matutulungan tayo ng siyensya na ipaliwanag kung paano nangyayari ang mga likas na proseso, ang ebanghelyo ng Panginoon ay nakatuon sa mga dahilan kung bakit dapat nating gawin ang mga bagay-bagay. Madalas na sinasagot ng siyensya at relihiyon ang magkakaibang grupo ng mga tanong. Ang mga propeta sa banal na kasulatan ay binibigyang-diin ang kailangan nating maunawaan tungkol sa Lumikha at sa Kanyang mga layunin. (Tingnan sa “Siyensya at ang Paghahanap Natin sa Katotohanan,” Liahona, Hulyo 2016, 26–29.) Sa pagtalakay sa mga limitasyon ng siyentipikong kaalaman, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:
Inaakay tayo ng pamamaraan ng agham sa tinatawag nating katotohanan ng agham. Ngunit ang ‘katotohanan ng agham’ ay hindi ang kabuuan ng buhay. Ang mga hindi natututo ‘sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya’ (Doktrina at mga Tipan 88:118) ay nililimitahan ang pag-intindi nila sa katotohanan sa mga bagay na napapatunayan sa pamamagitan ng mga siyentipikong paraan. …
Nakahahanap tayo ng totoo at nagtatagal na kaligayahan sa pag-alam at pagkilos ayon sa mga katotohanan tungkol sa kung sino tayo, sa kahulugan ng mortal na buhay, at kung saan tayo pupunta matapos nating mamatay. Ang mga katotohanang iyon ay hindi matututuhan sa pamamagitan ng siyentipiko o sekular na pamamaraan. (“Katotohanan at ang Plano,” Liahona, Nob. 2018, 25)
Kapag pinagsama natin ang ating kaalaman sa espirituwal at siyensya tungkol sa Paglikha, mapapalalim nito ang ating pagkaunawa tungkol sa Diyos, kahit may mga tanong pa rin tayo na hindi nasasagot. Habang iniisip mo ang sarili mong mga tanong, tandaan na sa panahon ng Milenyo ang lahat ng bagay ay ipahahayag, kabilang na ang “mga bagay na nasa itaas, at mga bagay na nasa ilalim, mga bagay na nasa lupa, at sa ibabaw ng lupa, at nasa langit” (Doktrina at mga Tipan 101:34).