Institute
Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Tagumpay ni Jesucristo Laban sa Kamatayan


“Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Tagumpay ni Jesucristo Laban sa Kamatayan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

libingang walang-laman ni Jesucristo

Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagkakaroon ng Pag-asa sa Tagumpay ni Jesucristo Laban sa Kamatayan

Ang ating mga katawan ay malaking pagpapala! Kahit paano, madaling madama iyan kapag malusog tayo. Ngunit paano naman kapag nararanasan natin ang mga bagay na tulad ng gutom, sakit, pinsala, o kapansanan? Nakita mo na ba ang kung minsa’y nakapanghihinang epekto ng katandaan sa isang kapamilya o naranasan maging ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay? Habang iniisip mo ang pisikal na pagdurusa at kamatayan, isipin kung paano makapagdudulot sa iyo ng pag-asa at kapayapaan ang pagpapalalim ng iyong paniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Bahagi 1

Paano mapalalakas ng pag-aaral ng mga tala tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang aking pananampalataya?

Pagkatapos maipako si Jesucristo sa krus, inihimlay ang Kanyang katawan sa isang libingan. Noong umaga ng ikatlong araw, natuklasan ni Maria Magdalena na walang laman ang libingan, at umiyak siya. Dalawang anghel ang nagtanong sa kanya kung bakit siya umiiyak. Sumagot siya, “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay” (Juan 20:13).

Umiiyak si Maria sa labas ng puntod
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Juan 20:14–18, at isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maging unang saksi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na maaaring sinasabi ng Panginoon kay Maria na “Hindi mo ako maaaring hawakan dito sa mundo, sapagkat ako ay aakyat sa aking Ama” [The Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary (1981), 4:264].

4:6

Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, ang Tagapagligtas ang unang tao sa mundong ito na nabuhay na mag-uli. Ang Kanyang espiritu ay muling isinama sa Kanyang perpekto at imortal na katawan. Pinatotohanan ng mga Apostol sa mga Huling Araw: “Bilang Nabuhay na Mag-uling Panginoon, dumalaw Siya sa mga taong minahal Niya noong nabubuhay pa Siya sa lupa. Naglingkod din Siya sa Kanyang ‘ibang mga tupa’ (Juan 10:16) sa sinaunang Amerika. Sa makabagong daigdig, Siya at ang Kanyang Ama ay nagpakita sa batang lalaking si Joseph Smith,” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” ” SimbahanniJesucristo.org).

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay isa sa mga pinakamaingat na idinokumentong pangyayari sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Russell M. Nelson, “Life after Life,” Ensign, Mayo 1987, 8–10). Upang mapalalim ang iyong patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, basahin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na salaysay ng saksi o panoorin ang katugmang video:

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Mag-ukol ng ilang minuto na isulat ang naisip at nadama mo nang pag-aralan mo ang isa o mahigit pa sa mga salaysay na ito.

Bahagi 2

Paano makadaragdag ang mas malalim na pag-unawa sa Pagkabuhay na Mag-uli sa aking pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Ang iyong katawan ay may walang hanggang kahalagahan at susi sa iyong kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na “ang espiritu at elemento [katawan], hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan, ay tatanggap ng ganap na kagalakan; at kapag magkahiwalay, ang tao ay hindi makatatanggap ng ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 93:33–34). Sa isang pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu, sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith na ang mga patay ay “tumingin sa matagal na pagkawala ng kanilang mga espiritu mula sa kanilang mga katawan bilang isang pagkagapos” (Doktrina at mga Tipan 138:50). Isipin kung gaano kahalaga ang Pagkabuhay na Mag-uli sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

Sa kanyang sulat sa mga Banal sa Corinto, itinuro ni Apostol Pablo na kung hindi bumangon si Jesucristo mula sa mga patay, “ang aming pangangaral ay walang kabuluhan, at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan” (1 Corinto 15:14).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Corinto 15:17–22 at 2 Nephi 9:8–9 at isipin kung ano ang maaaring nangyari sa atin kung hindi nabuhay na mag-uli si Jesucristo.

1:45
Jesus Appearing to the Five Hundred [Nagpakita si Jesus sa Limang Daan], ni Grant Romney Clawson

Tinulungan tayo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na maunawaan ang ilang karagdagang implikasyon ng doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli:

Elder D. Todd Christofferson

Isipin sandali ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa pagpapasiya sa huli sa tunay na pagkatao ni Jesus ng Nazaret at sa mga pilosopikong argumento at mga tanong sa buhay. Kung totoong si Jesus ay literal na nabuhay na mag-uli, kung gayo’y isa Siyang banal na nilalang. Walang mortal ang may kapangyarihang buhayin ang kanyang sarili matapos mamatay. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, hindi maaaring si Jesus ay naging isa lamang karpintero, guro, rabbi, o propeta. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, si Jesus ay dapat maging Diyos, maging ang Bugtong na Anak ng Ama.

Samakatwid, ang itinuro Niya ay totoo; ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling.

Samakatwid, Siya ang Lumikha ng daigdig, tulad ng sinabi Niya.

Samakatwid, totoong may langit at impiyerno, tulad ng itinuro Niya.

Samakatwid, may daigdig ng mga espiritu na pinuntahan Niya pagkamatay Niya.

Samakatwid, paparito Siyang muli, tulad ng sabi ng mga anghel, at “maghahari … sa mundo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10).

Samakatwid, may huling Paghuhukom at Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat. (“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2014, 113)

He Lives [Siya’y Buhay], ni Simon Dewey

Iniisip ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas mula sa walang-hanggang pananaw, itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Pangulong Ezra Taft Benson

Ang mga pinakadakilang nangyari sa kasaysayan ay yaong may epekto sa pinakamaraming tao sa napakahabang panahon. Batay sa pamantayang ito, walang ibang kaganapang higit na mahalaga sa mga tao o bansa maliban sa pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon. (“The Meaning of Easter,” Ensign, Abr. 1992, 2)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isinasaalang-alang ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ano ang magagawa mo para mapalakas ang iyong pang-unawa at patotoo tungkol dito?

Bahagi 3

Paano nagdudulot sa akin ng kapayapaan at pag-asa ang patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Isipin ang mga pisikal na hamon na naranasan o nararanasan mo o ng mga taong malapit sa iyo. Isipin ang mga kapamilya o malalapit na kaibigan na namatay na. Ibinigay ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu ang sumusunod na pananaw tungkol sa mahihirap na karanasang ito sa buhay:

Elder Paul V. Johnson

Bawat isa sa atin ay may mga pisikal, mental, at emosyonal na limitasyon at kahinaan. Ang mga problemang ito, na ang ilan ay tila imposibleng makayanan ngayon, ay malulutas kalaunan. Wala ni isa sa mga problemang ito ang makakaapekto sa atin pagkatapos nating mabuhay na mag-uli. …

… Ang himala ng pagkabuhay na mag-uli, ang pinakamahusay na lunas, ay hindi kaya ng makabagong medisina. Ngunit magagawa ito ng kapangyarihan ng Diyos. …

… Para sa lahat na naghimlay ng anak sa isang libingan o tumangis sa tabi ng kabaong ng kanyang asawa o nagdalamhati sa pagkamatay ng mga magulang o ng isang mahal sa buhay, ang Pagkabuhay na Mag-uli ay pinagmumulan ng malaking pag-asa. Isang napakasayang karanasan ang muli silang makita—hindi lamang bilang mga espiritu kundi may mga katawang nabuhay na mag-uli. (“At Hindi na Magkakaroon ng Kamatayan,” Liahona, Mayo 2016, 122, 123)

mga kamay ng Tagapagligtas na iniaabot sa isang babae

Bilang saksi ng nabuhay na mag-uling Cristo, nagalak si Apostol Pablo sa tagumpay ng Tagapagligtas laban sa kamatayan.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Corinto 15:53–55, at isipin kung paano maaalis ng pagtitiwala sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang tibo ng kamatayan.

Paalala: Ang katagang “walang pagkasira” dito ay nangangahulugang hindi na mabubulok o mamamatay ang ating katawan.

icon, kumilos

Kumilos

Paano mo magagamit ang natutuhan mo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli para mapalakas ang iyong patotoo? Sino ang kilala mo na mapagpapala kapag narinig ang iyong mga iniisip at nadarama tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas? Maaari mong ibahagi sa taong iyon ang naiisip at nadarama mo.