“Lesson 19 Materyal ng Titser: Pagtulong sa Panginoon sa Pagtubos sa mga Patay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 19 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 19 Materyal ng Titser
Pagtulong sa Panginoon sa Pagtubos sa mga Patay
Tinitiyak ng ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu na lahat ng taong nabuhay at mabubuhay pa sa mundo ay magkakaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo ng Panginoon at matanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan. Sa lesson na ito, ibabahagi ng mga estudyante ang matututuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang ministeryo sa daigdig ng mga espiritu. Aanyayahan din silang makibahagi sa gawain sa templo at family history upang tulungan ang Panginoon sa Kanyang nakapagliligtas na gawain para sa mga patay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Nagministeryo si Jesucrsito sa mga patay sa daigdig ng mga espiritu.
Para masimulan ang klase, maaari mong idispley ang mga sumusunod na larawan at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nangyari sa pagitan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. (O maaari ninyong rebyuhin ang pahayag ni Elder Spencer J. Condie sa simula ng materyal sa paghahanda at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang parehong tanong.)
Sabihin sa mga estudyante na ipagpalagay na may pagkakataon silang ipaliwanag ang ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu sa isang taong hindi miyembro ng ating relihiyon. Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na piliin ang tanong na gusto nilang sagutin:
-
Narinig ko na itinuturo ng simbahan ninyo na pumupunta ang mga tao sa paraiso o bilangguan ng mga espiritu kapag namatay na sila. Katulad din ba iyan ng langit at impiyerno?
-
Sa aking paglaki sinabi sa akin na ang mga taong namatay nang hindi tinatanggap si Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas ay mawawala na magpakailanman at hindi makakapunta sa langit. Iyan ba ang itinuturo ng simbahan ninyo?
-
Kamakailan ay narinig ko na nagsasagawa ang simbahan ninyo ng tinatawag na pagbibinyag para sa mga patay. Parang kakatwa ito. Tungkol ba saan iyan?
Bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang mga banal na kasulatan na matatagpuan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda at maghanda ng sagot na simple, malinaw, at tamang doktrina para sa tanong na pinili nila.
Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magsadula nang may kapartner at sagutin ang mga tanong na pinili nila. Pagkatapos nilang magawa ito, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa isa’t isa.
Para mabigyang-diin ang kahalagahan ng ministeryo ng Panginoon sa daigdig ng mga espiritu, maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ginampanan sa pagmiministeryo sa mga nasa daigdig ng mga espiritu? Rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 138:12–19, 23–24, at maghanap ng mga salitang naglalarawan kung paano tumugon ang matatapat sa pagdalaw ng Tagapagligtas. Ibahagi sa isang kapartner kung ano kaya ang madarama ninyo kung naroon kayo sa kaganapang ito.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga hangarin at katangian ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang ministeryo sa daigdig ng mga espiritu? (Maaari ninyong rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 138:29–35. Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang ministeryo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu ay nagpapakita ng Kanyang pagmamahal at pagnanais na magbigay ng kaligtasan sa lahat ng tao. Tinutulutan tayong lahat ng Tagapagligtas na tumulong sa Kanyang dakilang gawain para sa mga patay.)
-
Ano ang mga naiisip o nadarama ninyo para sa Tagapagligtas habang iniisip ninyo na ang Kanyang ministeryo ay sumasaklaw sa lahat ng tao—kabilang na ang inyong mga ninuno na namatay nang walang ebanghelyo?
Matutulungan natin ang Tagapagligtas sa pagtubos sa mga patay.
Maaari mong idispley ang kalakip na larawan ng Tagapagligtas at ang pahayag na ito mula sa “Ang Buhay na Cristo”: “Inialay Niya ang Kanyang buhay para sa kasalanan ng lahat ng sangkatauhan. Siya ang dakilang kaloob para sa lahat ng mabubuhay sa ibabaw ng mundo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org).
Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na larawan, at itanong:
-
Sa paanong paraan matutularan ng ating gawain para sa mga patay ang huwaran ng Tagapagligtas? (Rebyuhin sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)
Batay sa mga sagot ng mga estudyante, maaari kang magdispley ng alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nakibahagi tayo sa gawain sa family history at sa templo, tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggawa para sa iba ng isang bagay na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili.
-
Paano napalakas ng paggawa ng gawain sa templo at family history ang inyong patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, o paano ito mapapalakas?
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Dale G. Renlund sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda at tukuyin ang mga pagpapalang naranasan o gusto nilang maranasan sa pamamagitan ng paggawa ng gawain sa templo at family history. Pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi bilang isang klase o sa maliliit na grupo kung paano sila o ang isang taong kilala nila napagpala sa paggawa ng gawain para sa mga patay.
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson:
Hinihikayat ko kayo na mapanalanging pag-isipan kung anong uri ng sakripisyo—at mas mainam kung pagsasakripisyo ng panahon—ang magagawa ninyo para makagawa ng mas maraming gawain sa family history at sa templo. (Russell M. Nelson, sa “Make Sacrifices for Family History, President Russell M. Nelson Challenges,” Peb. 12, 2017, ChurchofJesusChrist.org)
Bigyan ang mga estudyante ng oras na makapag-isip at magsulat bilang tugon sa paanyaya ni Pangulong Nelson. Maaari nilang gamitin ang natitirang oras para buksan ang FamilySearch at maghanap ng pangalan na maaari nilang dalhin sa templo. Hikayatin ang mga estudyante na nakagamit na ng FamilySearch na tulungan ang mga hindi pamilyar dito.
Para sa Susunod
Upang mahikayat ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase, maaari mong ipadala ang sumusunod na mensahe o sarili mong mensahe: Habang pinag-aaralan ninyo ang lesson 20, isipin kung anong mga espirituwal na kaalaman ang matatamo ninyo mula sa mga salitang pastol, upahan, kulungan ng mga tupa, iba pang mga tupa, luntiang pastulan, at nawawalang mga tupa.