“Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pakinggan ang Tinig ng Panginoon sa mga Huling Araw,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pakinggan ang Tinig ng Panginoon sa mga Huling Araw
Maraming tao ang nag-isip kung patuloy bang nangungusap sa atin ang Diyos. Kung minsan maaaring iniisip mo kung kakausapin ka Niya. Sa nalalaman natin tungkol sa Pagpapanumbalik, maaari tayong sumagot ng malakas na “Oo!” Patuloy tayong ginagabayan ng Panginoon habang natututuhan nating pakinggan Siya. Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, alamin kung paano natutuhang makilala ni Joseph Smith at ng iba pa sa ating panahon ang tinig ng Tagapagligtas. Mag-ukol ng oras na dagdagan ang kakayahan mong pakinggan Siya sa sarili mong buhay.
Bahagi 1
Paano ako matutulungan ng patotoo ni Propetang Joseph Smith na mas marinig at makilala si Jesucristo?
Noong kanyang kabataan, labis na nag-alala si Joseph Smith tungkol sa kapakanan ng kanyang kaluluwa at kung aling simbahan ang dapat niyang sapian. Ang “kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta” sa kanyang komunidad ang dahilan kaya hindi niya matiyak “kung sino ang tama at kung sino ang mali” (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–10).
Dahil nabigyang-inspirasyon ng payo sa Biblia na “humingi sa Diyos” (Santiago 1:5), nagtungo si Joseph sa kakahuyan upang manalangin. Bilang tugon, nakatanggap siya ng isang maluwalhating pangitain. Sinabi ni Joseph: “Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin. … Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).
Bukod pa sa Unang Pangitain, nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit o ang Tagapagligtas nang hindi kukulangin sa walong pagkakataon (tingnan sa Sarah Jane Weaver, “President Nelson at Mission Leadership Seminar: How to Receive Divine Tutoring like the Prophet Joseph Smith,” Church News, Hunyo 27, 2020, thechurchnews.com). Isa sa mga pagkakataong ito ay nang gawin nina Joseph at Sidney Rigdon ang inspiradong pagsasalin ng Biblia (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76). Nangyari ang isa pa nang magpakita at makipag-usap ang Tagapagligtas kina Joseph at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110).
Patungkol sa patotoo ni Joseph Smith sa Tagapagligtas, sinabi ni Pangulong Gordon B Hinckley:
Siya ang lingkod ng Panginoon sa mga huling araw na piniling muling magpatotoo tungkol sa nabuhay na mag-uling Cristo.
Sa mundong puno ng pag-aalinlangan tungkol sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli, pinatotohanan ni Joseph Smith nang walang pag-aalinlangan ang nabuhay na mag-uli at buhay na Cristo. … Si Propetang Joseph Smith ang nakahihigit sa lahat ng saksi ng buhay na Cristo. (“What Hath God Wrought through His Servant Joseph!,” Ensign, Ene. 1997, 2)
Bahagi 2
Paano ko mapagbubuti ang kakayahan kong marinig ang tinig ng Panginoon?
Alalahanin ang mga unang salita ng Ama sa Langit kay Joseph, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa dalawang salitang iyon—“Pakinggan Siya”—binibigyan tayo ng Diyos ng huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito” (“Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89).
Hindi palaging madaling maunawaan kapag nangungusap sa atin ang Panginoon. Kinailangan ni Joseph Smith at ng iba pang mga naunang lider ng Simbahan na matutuhan kung paano makikilala ang Kanyang tinig. Ngunit mapagmahal silang tinuruan ng Tagapagligtas—at tuturuan Niya tayo—kapag hinangad nating pakinggan Siya.
Habang umuupa sa isang silid sa tahanan ni Joseph Smith Sr., nalaman ni Oliver Cowdery ang tungkol sa gawain ng Propeta. Nanalangin si Oliver tungkol sa bagay na ito at napuspos ng kapayapaan tungkol sa narinig niya.
Kahit pinili niyang maglakbay nang 300 milya (mga 480 km) para tulungan ang Propeta, walang sinabihan si Oliver tungkol sa kanyang karanasan habang nagdarasal. Matapos gumugol ng ilang araw bilang tagasulat ni Joseph para sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, may mga tanong pa rin si Oliver. Tulad ng marami sa atin, marahil inisip niya kung ang kanyang mga naiisip at nadarama ay mula sa Diyos o sa kanya lamang. Tumanggap si Joseph ng paghahayag para kay Oliver na nagturo sa kanya ng isang napakagandang katotohanan tungkol sa pakikinig sa tinig ng Panginoon.
Tulad ni Oliver, mas mahihiwatigan mo ang tinig ng Panginoon sa iyong buhay. Ngunit anong mga source ang maaari nating gamitin para mapakinggan Siya? Inilarawan ni Pangulong Nelson ang ilan sa mga sources na maaari nating mapakinggan ang tinig ng Panginoon:
Maaari tayong magbasa ng mga banal na kasulatan. … Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo araw-araw, ang mga salita ni Cristo ay magsasabi sa atin kung paano tumugon sa mga paghihirap na hindi natin inakalang dadanasin natin.
Maaari din nating pakinggan Siya sa templo. … Doon, natututuhan natin kung paano hawiin ang tabing at makipag-ugnayan nang mas malinaw sa langit. …
Mas malinaw [din] nating nagagawang pakinggan Siya kapag pinagbuti natin ang ating kakayahang mahiwatigan ang mga bulong ng Espiritu Santo. …
… Pinapakinggan natin Siya kapag binibigyang-pansin natin ang mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang mga inordenang Apostol ni Jesucristo ay laging nagpapatotoo sa Kanya. (“Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89–90)
Bagama’t mababasa natin ang mga salita ng Tagapagligtas at mapapakinggan ang Kanyang mga propeta, ang Kanyang tinig ay hindi natin kadalasang natutukoy sa ating mga pisikal na pandama. Sinabi ng Tagapagligtas kina Joseph at Oliver: “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo. … Masdan, ito ang diwa ng paghahayag” (Doktrina at mga Tipan 8:2–3). Ang Espiritu ay susi sa pagdadala ng tinig ng Panginoon sa ating puso’t isipan. Isipin kung ano ang magagawa mo para maanyayahan ang Panginoon na mangusap sa iyo at kung ano ang magagawa mo pagkatapos para marinig ang Kanyang tinig.
Si Sister Michelle D. Craig, tagapayo sa Young Women General Presidency, ay nagbigay ng ilang mungkahi na makatutulong sa iyo na maragdagan ang kakayahan mong marinig ang Panginoon:
Hangaring Magkaroon ng Panahon at Lugar upang Pakinggan ang Tinig ng Diyos
Kapag nagpasiya kayo na maglaan ng oras araw-araw na mas pakinggan ang tinig ng Diyos, lalo na sa Aklat ni Mormon, kalaunan ay magiging mas malinaw at pamilyar sa inyo ang Kanyang tinig. …
Nais ni Satanas na mailayo tayo sa tinig ng Diyos sa paghadlang sa atin na pumunta sa tahimik na mga lugar na iyon. …
Kumilos Kaagad
Kapag nakatanggap kayo ng mga pahiwatig at pagkatapos ay kumilos kayo nang may layon, magagamit kayo ng Panginoon. Habang lalo kayong kumikilos, lalo kayong nagiging pamilyar sa tinig ng Espiritu. …
Alamin ang Ipinagagawa sa Inyo ng Panginoon
Ang panalanging sabik na sagutin ng Ama sa Langit ay ang pagsamo nating maakay sa taong nangangailangan ng ating tulong. …
Maniwala at Magtiwala
… Bilang Kanyang matapat na disipulo, maaari kayong makatanggap ng personal na inspirasyon at paghahayag, ayon sa Kanyang mga kautusan, na akma sa inyo. (“Espirituwal na Kakayahan,” Liahona, Nob. 2019, 19, 20, 21)