“Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagkilala sa mga Himala ng Tagapagligtas,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagkilala sa mga Himala ng Tagapagligtas
Kapag pinag-uusapan natin ang mga himala ni Jesucristo, nakatuon tayo sa nagbibigay-inspirasyong mga kuwento na matatagpuan natin sa Bagong Tipan. Bagama’t marami tayong matututuhan at dapat matutuhan mula sa mga salaysay na ito sa banal na kasulatan, naisip mo ba ang mga himalang ginawa ng Panginoon sa ating panahon—at sa iyong buhay? Sa iyong pag-aaral, sikaping palalimin ang iyong pananampalataya sa kapangyarihan at kahandaan ng Panginoon na gumawa ng mga himala para sa iyo at sa iba.
Bahagi 1
Ano ang matututuhan ko tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga himala?
Sa Kanyang ministeryo sa mundo, “binagtas [ni Jesucristo] ang mga daan sa Palestina na nanggagamot ng maysakit, nagbibigay ng paningin sa bulag, at nagpapabangon ng patay” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Ang mga himalang ito ay “di pangkaraniwang [mga] pangyayari na sanhi ng kapangyarihan ng Diyos” at “bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Himala,” SimbahanniJesucristo.org). Ang mga ito ay isang katibayan sa mga Judio na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas (tingnan sa Mateo 11:4–5; Juan 20:30–31).
Sinabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo], na nagtapos sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli pagkaraan ng tatlong araw sa isang hiram na libingan, ang pinakadakilang himala sa kasaysayan ng tao” (“Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala,” Liahona, Mayo 2021, 109).
Ipinaliwanag din ni Elder Rasband na bagama’t pinatototohanan ng mga himala ni Jesus ang Kanyang pagiging Diyos, ang mga ito ay “[nagpapaalala] sa atin [ng] Kanyang kapangyarihan, Kanyang pagmamahal sa atin, Kanyang pagtulong mula sa kalangitan sa ating mortal na karanasan, at Kanyang hangaring ituro ang bagay na pinakamahalaga” (“Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala,” 111).
Isipin kung ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa pagpapagaling Niya sa isang lalaking lumpo. Apat na tao ang nagbuhat sa lalaking ito papunta sa bahay kung saan nagtuturo si Jesus. Nang malaman nila na hindi sila makapapasok sa bahay dahil sa napakaraming tao na nagsisiksikan doon, tinanggal nila ang isang bahagi ng bubong at ibinaba ang lalaking lumpo sa tapat ng Tagapagligtas (tingnan sa Marcos 2:1–4).
Pansinin na kapwa tinugunan ng himala ng Tagapagligtas ang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan. Hinggil sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na pagalingin kapwa ang katawan at ang espiritu, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang pinakadakilang himala ay hindi ang mga bagay na tulad ng pagpapanumbalik ng paningin sa bulag, pagpapagaling ng karamdaman, o pagbuhay sa mga patay. …
… Ang mas dakilang himala ay ang malaking pagbabago ng puso ng isang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos (tingnan sa Mosias 5:2). Ang pagbabago ng puso, kabilang na ang mga bagong pag-uugali, prayoridad, at hangarin, ay mas dakila at mas mahalaga kaysa anumang himalang nauugnay sa katawan. (“Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 17)
Bahagi 2
Paano nakakaimpluwensya sa mga himala ang aking pananampalataya at ang kalooban ng Panginoon?
Noong mga unang araw ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo, isang lalaking may ketong ang lumapit kay Jesus upang mapagaling. Tulad sa pagkakagamit sa Biblia, ang ketong ay maaaring tumukoy sa isang matinding sakit sa balat na maaaring kumalat sa balat, nerves, mga mata, at mga buto. Kung hindi magagamot, maaari itong humantong sa pagkapinsala ng nerve, pagkabulag, mga depormasyon, at masakit na kamatayan. Noong panahon ng Tagapagligtas, ang lalaking lumapit sa Tagapagligtas ay itinuturing na “marumi” at naninirahan nang nakahiwalay sa kanyang pamilya at lipunan (tingnan sa Levitico 13:45–46).
Sinabi ni Elder Jorge F. Zeballos ng Pitumpu:
Hindi nanghingi ng anuman ang ketongin, kahit maaaring matwid ang kanyang mga hangarin; handa lang siyang tanggapin ang kalooban ng Panginoon. (“Kung Magiging Responsable Kayo,” Liahona, Mayo 2015, 125)
Kapag talagang hangad nating tanggapin ang kalooban ng Panginoon, kailangan din nating magkaroon ng pananampalataya na hindi gumaling. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang kabutihan at pananampalataya ay tunay na kasangkapan sa pagpapagaling ng maysakit, bingi, at lumpo—kung ang gayong paggaling ay magsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos at naaayon sa Kanyang kalooban. Sa gayon, kahit malakas ang ating pananampalataya … hindi lahat ng maysakit at may karamdaman ay gagaling. Kung lahat ng oposisyon ay lilimitahan, kung lahat ng hirap ay aalisin, ang pangunahing mga layunin ng plano ng Ama ay mabibigo. (David A. Bednar, “Pagtanggap sa Kalooban at Takdang Panahon ng Panginoon,” Liahona, Ago. 2016, 34)
Habang pinagninilayan mo ang mga himalang maaari mong hangarin para sa iyong buhay, isipin ang sumusunod na payo ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mga himala ay maaaring dumating bilang mga sagot sa dalangin. Hindi ito palaging naaayon sa ating hinihiling o inaasahan, ngunit kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, paroroon Siya, at magiging tama Siya. Iaakma Niya ang himala sa sandaling kailangan natin ito. …
… May mga pagkakataon na umaasa tayo sa isang himalang mapagaling ang isang mahal sa buhay, na maitama ang isang kawalang-katarungan, o lumambot ang puso ng isang kaluluwang nasasaktan o dismayado. Sa pagtingin sa mga bagay gamit ang mortal na mga mata, nais nating mamagitan ang Panginoon, na ayusin ang nasira. Sa pamamagitan ng pananampalataya, darating ang himala, bagama’t maaaring hindi ayon sa ating takdang panahon o sa ipinasiya natin. Ibig bang sabihin niyan ay hindi tayo gaanong matapat o hindi tayo nararapat sa Kanyang pamamagitan? Hindi. Tayo ay pinakamamahal ng Panginoon. (“Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala,” Liahona, Mayo 2021, 111)
Bahagi 3
Paano ko mas makikita ang mga himala ng Panginoon sa aking buhay?
Sinabi ni Pangulong Oaks, “Maraming himala ang nangyayari araw-araw sa gawain ng ating Simbahan at sa buhay ng ating mga miyembro” (“Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 17). Kung minsan ay nakikita natin ang mga himala sa buhay ng iba ngunit maaaring hindi natin nakikita ang mga ito sa sarili nating buhay.
Itinuro rin ni Elder Rasband:
Marami sa inyo ang nakasaksi na ng mga himala, nang higit kaysa inaakala ninyo. Maaaring tila maliit ang mga ito kumpara sa pagpapabangon ni Jesus sa patay. Ngunit hindi natutukoy ang himala sa laki, kundi na ito ay nagmula lamang sa Diyos. (“Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala,” Liahona, Mayo 2021, 110)