“Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging Higit na Katulad ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)
“Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo
Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagiging Higit na Katulad ni Jesucristo
Noong mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, “nakiusap Siya sa lahat na sumunod sa Kanyang halimbawa” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Ang pagsisikap na tularan ang halimbawa ni Jesucristo at maging higit na katulad Niya ay panghabambuhay na pagsisikap. Nagagawa natin ito nang unti-unti at sa tulong lamang ng Tagapagligtas (tingnan sa Moroni 10:32). Habang pinag-aaralan mo ang materyal sa lesson na ito, isipin kung ano ang magagawa mo para maging mas matapat sa iyong pagsisikap na maging katulad ng Tagapagligtas.
Bahagi 1
Anong klaseng tao ang nais ng Panginoon na maging ako?
Hindi nagtagal matapos ang ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita at mga Lamanita, nagpakita si Jesucristo sa Kanyang bagong tawag na labindalawang disipulo. Marami Siyang itinuro sa kanila tungkol sa Kanyang ebanghelyo at tinagubilinan sila tungkol sa kanilang mga responsibilidad (tingnan sa 3 Nephi 27:13–26). Pagkatapos ay sinabi ng Tagapagligtas: “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27).
Ang paanyayang ito na “maging” katulad ng Tagapagligtas ay para din sa lahat ng disipulo. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kapag nagpasiya tayong magpabinyag, sinisimulan nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at pinipiling iugnay ang ating sarili sa Kanya. Nangangako tayong maging katulad Niya at taglayin ang Kanyang mga katangian. (“Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo,” Liahona, Nob. 2019, 23)
Pag-isipan sandali ang ilan sa mga katangian ng Tagapagligtas. Maaaring makatulong na panoorin ang video na “Christlike Attributes” (2:53).
Sa pangakong maging katulad ng Tagapagligtas hindi lamang natin inaalam ang tungkol sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Kabaligtaran ng mga institusyon sa daigdig, na nagtuturo sa atin na magkaroon ng kaalaman, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa atin na maging [katulad ni Jesucristo]. …
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit. (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32)
Sinabi ni Ezra Taft Benson tungkol sa ating naising maging katulad ng Tagapagligtas:
Pinakadakila at pinakamapalad at pinakamasaya ang lalaki [o babaeng] iyon na ang buhay ay halos natutulad na kay Cristo. Walang kinalaman dito ang kayamanan, kapangyarihan, o katanyagang natamo sa mundo. Ang tanging tunay na sukatan ng kadakilaan, kabanalan, at kagalakan ay kung gaano kalapit nating natutularan ang Panginoong Jesucristo. Siya ang tamang daan, ang lubos na katotohanan, at ang saganang buhay. (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 2)
Bahagi 2
Ano ang maaari kong gawin upang maging higit na katulad ni Jesucristo?
Itinuro ni Elder Scott D. Whiting ng Pitumpu ang proseso ng pagiging higit na katulad ni Jesucristo:
Ang pagkaunawa na ang payo na maging tulad Niya ay mabuti, ngunit kailangan itong lakipan ng hangaring baguhin ang ating sarili, sa paisa-isang hakbang, nang higit pa sa kaya ng likas na tao. Upang magkaroon ng hangarin, kailangan nating malaman kung sino Siya. Kailangang malaman natin ang Kanyang pagkatao, at dapat nating hanapin ang Kanyang mga katangian sa banal na kasulatan, sa pagsamba, at iba pang mga banal na lugar. Habang mas nakikilala natin Siya, nakikita natin sa ibang tao ang Kanyang mga katangian. Makahihikayat ito sa sarili nating pagsisikap, dahil kung naipamumuhay kahit papaano ng ibang tao ang Kanyang mga katangian, makakaya rin natin itong gawin. (“Pagiging Katulad Niya,” Liahona, Nob. 2020, 13)
Tulad ng itinuro ni Elder Whiting, makikita natin ang mga katangian ni Jesucristo sa buong banal na kasulatan (tingnan, halimbawa, sa Mateo 5:3–11; Alma 13:28; Doktrina at mga Tipan 4:5–7). Itinuro din ni Apostol Pedro na sa pamamagitan ng “banal na kapangyarihan” ng Tagapagligtas, matatanggap natin ang “likas ng [pagiging] Diyos” ng Tagapagligtas (2 Pedro 1:3, 4).
Kung minsa’y maaari kang malungkot o panghinaan ng loob kapag ikinumpara mo ang iyong sarili sa Tagapagligtas. Sa gayong mga pagkakataon, isaisip na maging ang Tagapagligtas ay “hindi … tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit tumanggap nang biyaya sa biyaya” (Doktrina at mga Tipan 93:12). Makadarama ka ng kagalakan sa paunti-unting pag-unlad.
Tandaan na hindi mo ito magagawa nang mag-isa. Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, dating tagapayo sa Unang Panguluhan:
Ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Hindi natin magagawang taglayin ang mga ito kung wala ang Kanyang tulong.
Ang isang tulong na kailangan nating lahat ay ibinigay sa atin nang libre sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay [nangangahulugang] lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. … Sa paghahangad na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, kailangan nating [palaging suriin ang ating buhay at magtiwala, sa pamamagitan ng] landas ng tunay na pagsisisi, sa [kabutihan] ni Jesucristo at mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. (“Pagiging Katulad ni Jesucristo,,” Liahona, Ene. 2009, K2)
Bahagi 3
Aling katangian na tulad ng kay Cristo ang nais ng Panginoon na pagtuunan ko ng pansin para mapagbuti ko pa?
Habang iniisip mo ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na gusto mo pang pagbutihin, tukuyin ang iyong mga kalakasan at kahinaan. Maaari mong gamitin ang sumusunod na mga aktibidad sa pag-aaral para matukoy ang katangiang gusto mong pagtuunan ngayon.
Habang patuloy mong pinagsisikapang magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, regular na rebyuhin ang iyong pag-unlad. Huwag ikumpara ang iyong sarili sa iba. Magalak sa maliliit na tagumpay. Matuto mula sa iyong mga pagkakamali. Magtiwala na tutulungan at palalakasin ka ng Tagapagligtas kapag nagsikap kang maging higit na katulad Niya.