“Katotohanan at Kabutihan,” kabanata 10 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)
Kabanata 10: “Katotohanan at Kabutihan”
Kabanata 10
Katotohanan at Kabutihan
Mahigpit na hinawakan ni George Q. Cannon ang kanyang bag na panlakbay habang humahakbang siya sa isang batis na umaagos sa gitna ng luntiang Lambak ng Maui ʻIao. Noon ay Marso 8, 1851, at malapit nang matapos ang tag-ulan sa Hawaii. Apat na araw bago iyon, nilisan niya ang kanyang tahanan sa Lahaina at nagsimulang maglakad pahilaga sa gilid ng dalampasigan. “Kailangan kong pumunta sa mga Katutubo at magsimulang mangaral sa kanila,” sabi niya sa mga kapwa niya missionary. Nasasabik siyang mapabuti ang kahusayan niya sa wikang Hawaiian at magpatotoo. Inihayag ng Panginoon sa kanya na may mga tao sa Maui na handang tumanggap ng katotohanan. Hindi alam ni George kung sino sila, ngunit inaasahan niya na makilala ang mga ito sa oras na makita niya sila.
Ngayon ay naglakbay siya nang halos animnapu’t limang kilometro nang walang tagumpay. Ang mga dumidilim na ulap at malalakas na buhos ng ulan ay iniwan siyang nag-iisip kung pinili niya ba ang maling panahon ng taon upang gawin ang kanyang paglalakbay.
Habang papalayong lumulusong si George sa batis, nadulas siya at nadapa sa tubig. Itinayo ang sarili, umahon siya mula sa tubig at umakyat sa isang kalapit na burol patungo sa Wailuku, isang maliit na bayan na may ilang bahay, paaralan para sa mga babae, at isang mataas na simbahan na gawa sa namuong bato ng bulkan.1
May ilang mga Protestanteng missionary na nakatira sa bayan, at nais ni George na magpatotoo sa kanila. Ngunit siya ay pagod at nahihiya sa kanyang basa at maruming damit. Marahil ay mas mainam na bumalik sa Lahaina, sinabi niya sa kanyang sarili, kaysa sikaping ibahagi ang ebanghelyo sa napakasamang panahon.
Natagpuan ni George ang daan palabas ng bayan at nagsimulang umuwi. Sa labas lamang ng Wailuku, habang nakahinto siya upang magpalit ng kanyang polo at mag-ahit, bigla niyang nadama na kailangan niyang bumalik sa bayan. Mabilis niyang binalikan ang kanyang mga yapak, at sa pagdaan niya sa bakuran ng simbahan, dalawang babae ang lumabas mula sa isang kalapit na bahay. “E ka haole!” pasigaw na sinabi sa mga tao sa bahay. Naku, ang puting lalaki!2
Tatlong lalaki ang nagpakita sa pintuan sa likod ng mga ito at lumapit sa tarangkahan habang dumaraan si George. Itinanong ng isa sa mga lalaki kung saan siya pupunta. Ipinaliwanag ni George na iniisip niyang bumalik sa Lahaina dahil sa panahon. Sinabi ng lalaki na mas mainam na maghintay nang ilang araw at inanyayahan si George na manatili sa kanyang bahay.
Ang pangalan ng lalaki ay Jonathan Napela. Siya ay isang iginagalang na hukom sa lugar at isa sa mga aliʻi, o maharlika ng isla. Siya at ang dalawa pang lalaki, sina William Uaua at H. K. Kaleohano, ay nakapag-aral sa pinakamahusay na paaralan sa isla. Habang kausap sila ni George, alam niya kaagad na nakita na niya ang mga tao na inihanda ng Diyos.3
Kinabukasan, itinuro ni George kay Napela ang tungkol sa Aklat ni Mormon at kay propetang Joseph Smith. “Hindi namin ipinapalit ang Aklat ni Mormon sa Biblia,” ipinaliwanag niya, “ngunit kapwa namin sila binabasa.” Interesado si Napela sa mensahe ni George, ngunit sinabi niya na nais niyang malaman sa kanyang sarili kung ito ay totoo.4
Hindi nagtagal ay bumalik si George sa Lahaina. Gayunman, nangako siya na babalik sa Wailuku upang turuan sina Napela at ang kanyang mga kaibigan. Pinatotohanan niya na sinabi niya sa kanila ang katotohanan at inanyayahan sila na pag-aralan pa ang ipinanumbalik na ebanghelyo.
“Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay,” sabi ni George, sumisipi mula sa Biblia, “at ingatan ninyo ang mabuti.”5
Habang pabalik si George sa Lahaina, inihahanda ni Brigham Young ang kanyang sarili para sa mga pagbabago sa Lambak ng Salt Lake. Matapos magpetisyon ng mga Banal sa Kongreso para sa isang teritoryal na pamahalaan, si Thomas Kane, na unang kumaibigan sa mga Banal at tinulungan silang tipunin ang Batalyong Mormon, ay pinayuhan si Brigham sa isang liham na sa halip ay magpetisyon sila para sa isang estado. Hindi tulad ng mga teritoryo, na umaasa sa pangulo ng Estados Unidos na magtalaga ng ilan sa mga pinakamatataas na mga pinuno nito, hinahayaan ng mga estado ang mga botante na maghalal ng kanilang sariling mga lider, na nagbibigay sa mga tao ng mas maraming kontrol sa pamahalaan.6
Mabilis na sumulat ang lehislatura ng isang petisyon para sa pagiging estado. Upang matiyak na ang petisyon ay umabot sa Kongreso sa tamang panahon, nilikha ng lehislatura ang isang talaan para sa isang konstitusyonal na kumbensyon na hindi kailanman nangyari at ipinadala ang mga ito kasama ang iba pang mga dokumento sa kanilang mga delegado sa Washington, DC.7 Inasahan ng Unang Panguluhan na ipadala si Oliver Cowdery sa Washington upang tumulong sa pagsulong ng kahilingan sa pagbuo ng estado, ngunit nagkasakit si Oliver habang nananatili sa pamilya ng kanyang asawa sa Missouri at namatay noong Marso 1850. Si Phineas Young ay nasa tabi niya noong pumanaw siya.
“Ang kanyang huling patotoo ay hindi malilimutan,” agad na isinulat ni Phineas kay Brigham. “Sinabi niya sa kanyang kaibigan na walang kaligtasan maliban sa lambak at sa pamamagitan ng priesthood doon.”8
Nang ang petisyon na para sa pagbuo ng estado ay dumating sa Washington, ang Kongreso ay nasa gitna ng isang mahaba at palakontrang debate tungkol sa pang-aalipin at ang pagpapalawak nito sa mga kanlurang lupain na nakuha matapos ang digmaan sa Mexico. Natabunan ng debate ang petisyon sa pagbuo ng estado, at sa huli ay inorganisa ng Kongreso ang isang teritoryo sa Great Basin bilang bahagi ng mas malawak na kompromiso upang payapain ang magkakalabang grupo sa loob ng pamahalaan.
Tinanggihan ng Kongreso ang pangalan na Deseret at tinawag ang bagong teritoryo bilang Utah, alinsunod sa mga Ute Indian. Ang Utah ay mas maliit kaysa sa panukala ng mga Banal, at ito ay walang daungan sa karagatan, ngunit sakop pa rin ng teritoryo ang malalawak na lupain. Sa kasiyahan ng mga Banal, hinirang ng pangulo ang mga miyembro ng Simbahan sa mahigit kalahati ng mga pinakamatataas na posisyon sa pamahalaan, kabilang na si Brigham Young bilang gobernador. Ang mga natitirang paghirang ay napunta sa mga opisyal na mula sa labas ng teritoryo na hindi miyembro ng Simbahan.9 Kasama sa mga opisyal na ito ang dalawa sa tatlong miyembro ng bagong likhang korte suprema ng teritoryo, nililimitahan ang kapangyarihan ng mga Banal na ipatupad ang kanilang sariling mga batas.
Maingat na tinanggap nina Brigham at ng mga Banal ang mga opisyal sa Utah noong tag-init ng 1851. Sila ay mga masigasig na kalalakihan mula sa silangan na gayunpaman ay atubiling lumipat sa malayong teritoryo. Ang kanilang mga unang pakikipagkita sa mga Banal ay pilit at asiwa. Ginawang mapagduda ng mga nakaraang pag-uusig ang mga Banal sa mga tagalabas, at nadama ng mga opisyal na hindi sila pinapansin at hindi iginagalang ng mga tao sa kanilang pagdating. Kakaunti rin ang alam nila sa mga Banal at mga paniniwala ng mga ito bukod sa sabi-sabi na kanilang narinig tungkol sa maramihang pag-aasawa sa Simbahan.10
Noong panahong iyon, hindi pa hayagang ipinahayag ng mga Banal ang kanilang paniniwala sa maramihang pag-aasawa. Nang iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na isabuhay ang alituntunin, isang anghel ang nag-utos sa kaniyang panatilihin itong pribado at ituro lamang ito sa mga Banal nang may matatag na integridad. Pinahalagahan ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang monogamya bilang tanging lehitimong anyo ng kasal, at anumang hahalili dito ay nakakagulat. Ngunit nangako ang Panginoon na dadakilain ang mga Banal na ito dahil sa kanilang pagsunod at sakripisyo.
Sa panahon ng kanyang kamatayan, si Joseph ay nagpakasal sa ilang asawa para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan. Siya ay nabuklod sa iba para sa kawalang-hanggan lamang, na ang ibig sabihin ay ang kanilang pagsasama ay magsisimula sa susunod na buhay. Itinuro rin niya ang pag-aasawa nang higit sa isa sa kanyang pinakamalapit na mga kasamahan, at patuloy nilang pinanatiling pribado ang gawaing ito kahit matapos ang kanyang pagkamatay. Para kay Joseph at sa mga naunang Banal, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay isang kapita-pitagang alituntunin ng relihiyon, hindi isang paraan para bigyang-kasiyahan ang pagnanasa.11
Nang dumating ang mga opisyal ng pamahalaan sa teritoryo noong tag-init ng 1851, ang pagpapakasal sa higit sa isa ay mas karaniwan na sa Simbahan, kaya naging mahirap para sa mga Banal na itago ang pagsasagawa ng mga ito mula sa mga bumibisita. Sa mga salu-salo at iba pang pagtitipon, nakilala nila ang mga asawa ni Brigham Young at Heber Kimball, na hindi nagsikap na itago ang kanilang mga relasyon sa kanilang mga asawa.12
Noong Hulyo 24, 1851, sumama ang mga opisyal sa mga Banal sa pagdiriwang ng ika-apat na anibersaryo ng pagdating ng mga pioneer sa lambak. Ang pagdiriwang ay nagsimula sa pagpapaputok ng kanyon, pag-awit ng makabayang musika, at isang parada. Si Heneral Daniel Wells, isang kilalang miyembro ng Simbahan at kumander ng milisya ng teritoryo, ay kalaunang nagsalita tungkol sa mga nakaraang pagsubok ng mga Banal at ibinadya ang isang araw na ang Estados Unidos ay parurusahan sa pagtanggi nitong tulungan ang Simbahan.13 Nagalak ang mga Banal sa mensahe, ngunit nagalit dito ang mga opisyal.
Pagkaraan ng ilang linggo, isa pang opisyal, si Hukom Perry Brocchus, ay dumating mula sa mga estado sa silangan. Tinanggap ni Brocchus ang kanyang paghirang sa Utah na umaasang ihahalal siya ng mga Banal upang kumatawan sa kanila sa Kongreso ng Estados Unidos. Gayunpaman, nang dumating siya sa teritoryo, nalungkot siyang malaman na isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang John Bernhisel ay naihalal na sa katungkulan. Nag-alala rin siya at naiinis sa iniulat ng ibang opisyal ukol sa mensahe ni Daniel Wells noong ika-24 ng Hulyo.
Noong Setyembre, humingi ng pahintulot si Brocchus na magsalita sa isang espesyal na kumperensya ng Simbahan. Sinasabi niya na nais niyang makalikom ng pondo para sa isang bantayog ni George Washington, ang unang pangulo ng Estados Unidos. Atubili si Brigham sa kahilingan, ngunit pumayag siyang magsalita ang hukom.14
Nagsimula si Brocchus sa pagpuri sa kabutihang-loob ng mga Banal. Nagsipi siya mula sa Aklat ni Mormon at nagsalita tungkol sa kanyang hangarin na paglingkuran at kaibiganin sila. Ngunit nagpaliguy-ligoy siya bago dumating sa kanyang tunay na punto. At nang sa wakas ay inanyayahan niya ang mga Banal na mag-ambag para sa bantayog, ipinadama niya na ang mga babae ng maramihang pag-aasawa ay nararapat na talikdan ang kanilang mga pagsasama bago mag-ambag sa pondo.15 “Kailangan ninyong maging mabuti at turuan ang inyong mga anak na babae na maging marangal,” sabi niya.16
Nainsulto, hiniling ng kongregasyon na umupo si Brocchus. Subalit patuloy na nagsalita ang hukom. Kinondena niya ang mensahe ni Daniel Wells noong ika-24 ng Hulyo at pinaratangan ang mga Banal sa pagiging taksil. “Hindi kayo sinaktan ng pamahalaan ng Estados Unidos,” sabi niya. “Ang Missouri ay ang lugar para sa bayad-pinsala, at gayundin ang Illinois.”17
Nagngitngit ang mga Banal sa kanyang mga salita. Ano ang alam niya tungkol sa pagdurusa nila noon? Ang pagalit na pagsitsit at paghihiyaw ay bumukal mula sa kongregasyon habang hinihingi ng mga Banal kay Brigham na sagutin ang mga pang-iinsulto.
Nang matapos si Brocchus sa kanyang mensahe, tumayo si Brigham at pabalik-balik na naglakad sa entablado.18 “Si Hukom Brocchus ay maaaring walang alam o lubhang masama,” sigaw niya. “Mahal natin ang pamahalaan at ang Saligang Batas, ngunit hindi natin mahal ang mga kasumpa-sumpang tampalasan na nangangasiwa sa pamahalaan.”19
Malayo sa kaguluhan sa Teritoryo ng Utah, ang Simbahan ay patuloy na lumalago sa Timog Pasipiko. Matapos na makulong nang ilang linggo, sina Addison Pratt at ang kanyang kasama na si James Brown, sa wakas ay tumanggap ng pahintulot mula sa Pranses na gobernador ng Tahiti na manatili sa mga kapuluan hanggang sinusunod nila ang mga partikular na pagtatakda na naglilimita sa kung paano nila ibabahagi ang ebanghelyo at pangangasiwaan ang Simbahan.
Sa ilalim ng mga bagong pagtatakda, ang mga missionary na Banal sa mga Huling Araw ay hindi maaaring mangaral laban sa itinatag na relihiyon ng bansa o makialam sa mga isyung pampulitika o sibil. Ang mga pagtatakda ay naglimita rin sa kung paano tutustusan ng mga missionary ang kanilang mga sarili, itatama ang mga miyembro ng Simbahan na nalihis ng landas, bumili ng mga lupain para sa Simbahan, at magdaos ng mga pulong. Kung hindi nila magagawang sumunod sa mga regulasyong ito, ang mga missionary ay maaaring patalsikin mula sa bansa.20
Inatasan ni Addison si James na magtrabaho kasama ang isang kalapit na branch habang siya ay babalik sa Tubuai upang muling makasama ang kanyang pamilya at pamunuan ang mission. Nagtagal ng pitong araw ang paglalakbay patungong Tubuai. Nang unti-unti niyang nakikita ang isla mula sa kanyang bangka, inilabas niya ang isang teleskopyo at nakita ang kanyang mga anak na babae sa dalampasigan na sabik na tiningnan siya gamit ang kanilang sariling teleskopyo. Hindi nagtagal ay may usok na matatanaw sa isla nang sinimulan ng mga Banal na Tubuaian na maghanda ng piging para sa kanyang pagdating.
Nang papalapit na ang bangka sa isla, isang canoe ang sumundo kay Addison na magdadala sa kanya sa pampang. Sabik na muling makasama ang kanyang pamilya, handang tumalon si Addison sa canoe, ngunit pinigilan siya ng kapelyan ng barko. “Huwag hayaan ang sinuman na umalis ng barko hanggang sa tayo ay nakapagbigay ng pasasalamat sa Panginoon,” sabi niya.
Lumuhod si Addison kasama ang iba pang mga pasahero, at nag-alay ng panalangin ang kapelyan. Sa oras na narinig niya ang “Amen,” tinalon ni Addison ang canoe at di nagtagal ay kayakap na niya ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Muling nagulat si Addison sa kung gaano lumaki ang kanyang mga anak na babae. Tila lahat ay mukhang nasa mabuting kalagayan at handang ipagdiwang ang kanyang ligtas na pagdating. At natuwa si Louisa sa kanyang pagbalik.
“Ako ay nakaranas ng matinding pagkahilo sa paglalakbay sa karagatan mula sa California,” sinabi niya sa kanya nang tuwiran, “ngunit sa ngayon ako ay nasa mabuting kalusugan at masaya.”
Lumipat si Addison sa bahay ng kanyang pamilya, na may bakod at isang maliit na hardin. Sina Benjamin Grouard at iba pang mga elder ay gumagawa ng isang barko, ang Ravaai, sa kalapit na bayan upang maaari nilang bisitahin ang mga liblib na isla ng mission. Hindi nagtagal ay nagsimula si Addison sa paggawa ng mga layag ng barko.21
Samantala, si Louisa ay nagturo sa paaralan kasama ang kanyang kapatid na si Caroline sa meetinghouse ng mga Banal, isang maaliwalas na silid na may anim na malalaking bintana sa bawat dingding. Ang mga klase ay maagang nagsisimula sa umaga, at sinasanay ni Louisa ang mga hindi mapakaling batang lalaki at babae sa wikang Ingles, nagtuturo sa kanila ng kanilang mga bilang, ang mga araw ng linggo, at mga buwan ng taon. Ang mga Banal na Tubuaian naman ay ginugugol ang kanilang gabi sa pagtuturo kay Louisa at sa iba pang mga missionary ng wikang Tahitian.22
Ang pananampalataya ng mga Banal na Tubuaian ay nagpahanga kay Louisa. Kumuha sila ng kasiyahan sa pagdarasal at pagbabasa ng kanilang mga Biblia. Madalas silang bumangon bago ang bukang-liwayway, tinatawag ang kanilang mga pamilya na magsama-sama para sa mga pananalangin sa umaga. Isang kampana ang tutunog tuwing alas siyete ng umaga sa araw ng Sabbath, at halos isandaang mga Banal ang magtitipon sa meetinghouse na kipkip ang mga Biblia sa kanilang mga braso. Para sa sacrament, kung minsan ay ginagamit nila ang mga prutas at sabaw ng niyog.23
Maraming Banal sa Tubuaian ang sabik na makipagtipon sa mga Banal sa Estados Unidos, ngunit walang may kakayahang tustusan ang mamahaling paglalayag. Nang ang isang pamilyang missionary, ang mga Tompkins, ay nagpasiyang umuwi matapos ang walong buwan sa isla, hiniling sa kanila ni Addison na magkalap ng pondo upang tipunin ang mga Banal sa mga isla patungong timog California.24
Habang tinatapos ng mga Banal ang Ravaai, nagtungo sa kabuuan ng isla ang mga missionary. Sumama si Ellen kay Addison sa kanyang paglalakbay habang si Louisa ay nagpaiwan upang ipagpatuloy ang paaralan. Bumalik sina Addison at Ellen pagkaraan ng anim na linggo, at madalas sumama si Louisa sa kanyang asawa sa paglilingkod sa isla, na nagbibigay sa kanya ng pagkakataong sanayin ang wika at pagnilayan ang gawain ng Panginoon.
Kung minsan inisip niya kung siya ay may nagagawang kaibhan. “Umaasa ako na labis na kabutihan ang papailanlang mula sa aking pagparito, bagama’t ito ay hindi maisasakatuparan sa kasalukuyan,” isinulat ni Louisa. “Sinikap kong maghasik ng mabuting binhi; ang bunga ay maaaring matipon pagkalipas ng maraming araw.”25
Sa silangang Estados Unidos, ang balita ng malakas na pagsaway ni Brigham Young kay Hukom Brocchus ay nagdulot ng kaguluhan. Inakusahan ng mga pahayagan ang Simbahan ng hayagang paghihimagsik laban sa bansa. Isang patnugot ang nagmungkahi ng pagpapadala ng mga militar upang sakupin ang Utah at panatilihin ang kapayapaan.26
Ang pinagmumulan ng balita ay si Brocchus mismo. Bagama’t sinikap ni Brigham na makipagkasundo sa kanya matapos ang kumperensya, tumutol si Brocchus na humingi ng paumanhin sa mga Banal at sumulat siya ng isang nakapananakit na tala ng reaksyon ni Brigham sa kanyang mensahe. “Ang gulo na nilikha sa pamamagitan ng kanyang pananalita ay tunay na nakatatakot,” isinulat ni Brocchus. “Tila parang ang mga tao na (ibig kong sabihin ay malaking bahagi nila) ay handang lumukso sa akin tulad ng mga hyena at patayin ako.”27
Ang Deseret News, ang bagong pahayagan ng Simbahan, ay binalewala ang mga paratang bilang walang batayan. Napagtanto ang pinsala na magagawa ng tala ni Brocchus sa Simbahan, gayunman, humiling ang Unang Panguluhan kay Thomas Kane ng tulong, umaasa na ang kanyang mga talento bilang lobbyist (tagasulong ng mga panukala o adhikain) at manunulat ay makahahadlang sa isang iskandalo.28 Samantala, sina Brocchus at dalawang iba pang mga opisyal ay nilisan ang Utah at agad nagbahagi ng kanilang mga kuwento, ibinabaling ang opinyon ng publiko laban sa mga Banal.29
Pumayag si Thomas Kane na tumulong, at malapitan siyang nakipagtrabaho kay John Bernhisel, ang kinatawan ng Utah sa Kongreso, upang ibahagi ang panig ng mga Banal sa pangulo ng Estados Unidos at sa iba pang mga opisyal ng pamahalaan. Ipinadala rin ni Brigham si Jedediah Grant, ang tahas magsalitang alkalde ng Lunsod ng Salt Lake at isang mapagkakatiwalaang Banal sa mga Huling Araw, upang tulungan si Thomas sa Washington, DC.30
Dumating si Jedediah na handang ipagtanggol ang Simbahan. Walang alinlangang laban sa mga Banal ang publiko, maraming tao ang nananawagan sa pangulo na alisin si Brigham bilang gobernador. Bukod pa rito, sina Brocchus at ang iba pang mga opisyal ay sumulat sa pangulo ng isang detalyadong ulat ng kanilang panunungkulan sa Utah. Sinasabi sa ulat na si Brigham at ang Simbahan ay nangibabaw sa rehiyon, kontrolado ang mga isipan at ari-arian ng mga miyembro ng Simbahan, at nagsasabuhay ng poligamya.31
Matapos ilathala ang ulat, nagdala ng isang sipi si Jedediah kay Thomas at magkasama nila itong nirepaso. Binasa ni Thomas ang mga pahayag tungkol sa poligamya at kagyat na binalewala ang mga ito. Ang mga ito ay pawang puro walang saysay na sabi-sabi, paniniwala niya.
Nagsimulang hindi mapalagay si Jedediah. Ang mga sabi-sabi ay hindi mali, sinabi niya kay Thomas. Sa katunayan, ang mga Banal ay isinasabuhay ang maramihang pag-aasawa na kasintagal ng pagkakakilala sa kanila ni Thomas.32
Natigilan si Thomas. Sa loob ng limang taon, minahal niya at ipinagtanggol ang mga Banal, madalas na inilalagay ang kanyang reputasyon sa alanganin para sa kanila. Bakit hindi nila sinabi sa kanya na ginagawa nila ang maramihang pag-aasawa? Pakiramdam niyang siya ay pinagtaksilan at ipinahiya.33
Labis na nag-alala si Thomas nang ilang araw dahil sa nalaman niya, hindi tiyak kung kaya niyang patuloy na tulungan ang mga Banal. Inakala niya na ang poligamya ay naglalagay sa alanganing lugar sa mga kababaihan at nagbabanta sa pagkakaisa ng pamilya. Nag-alala siya na ang pagtatanggol sa mga Banal ay habambuhay na mag-uugnay sa kanyang pangalan sa kaugalian.34
Subalit hinahangaan din niya ang mga Banal at pinahahalagahan ang kanilang pagkakaibigan. Nais niyang tulungan ang mga api at hindi naiintindihang mga tao sa kanilang panahon ng kaguluhan, at hindi niya magagawang iwanan ang mga Banal ngayon.35
Noong ika-29 ng Disyembre, sumulat si Thomas kay John Bernhisel na may plano upang sagutin ang ulat ng mga opisyal. “Dahil kinikilala ko pa ang mga ugnayan ng personal na paggalang at pagkakaibigan sa iyo,” sabi niya, “ako ay handang tumulong sa iyo kung nanaisin mong gawin ko ito.”
Ngunit hinikayat niya ang mga Banal na gawin ang dalawang bagay: itigil ang pagtatago sa maramihang pag-aasawa at ipaliwanag ang kaugaliang ito sa publiko.36
Pagkaraan ng isang taon sa Tubuai, nakaramdam sina Louisa Pratt at Caroline Crosby ng kumpiyansa sa kanilang kasanayan sa wikang Tahitian upang makapagdaos ng regular na mga pulong ng panalangin kasama ang mga kababaihan ng Simbahan. Sa mga pulong na ito, sama-samang umaawit ang mga babae ng mga himno at tinatalakay ang ebanghelyo. Tuwang-tuwa sina Louisa at Caroline sa mga kababaihan ng Simbahan, lalo na kay Reyna Pitomai, ang asawa ni Haring Tamatoa ng Tubuai.
Dahil mabilis na nasanay si Ellen Pratt sa wika, madalas umasa sa kanya ang kanyang ina at tiyahin upang magsalin para sa kanila sa mga pulong ng panalangin. Gayunman, sa pulong noong ika-30 ng Oktubre, inawit ni Caroline ang pambungad na himno sa wikang Tahitian kasama ang dalawang babaeng Tubuaian, at nagbigay ng mensahe si Louisa gamit ang wika.
Ang paksa ni Louisa ay ang Aklat ni Mormon. Bago ang pulong, isinulat niya ang kanyang mensahe at isinalin ito ni Benjamin Grouard sa Tahitian. Habang binabasa ni Louisa ang mensahe, ang mga babae sa silid ay tila nauunawaan siya, at pagkatapos ay hiniling nila sa kanya na sabihin sa kanila ang iba pa tungkol sa mga sinaunang Nephita.
Sa paglawak ng kanyang kasanayan sa wikang Tahitian, naging higit na masigasig si Louisa na magbahagi ng ebanghelyo. Isang araw, matapos ang kanyang ika-apatnapu’t siyam na kaarawan, itinuro niya sa isang grupo ng kababaihan ang tungkol sa binyag para sa mga patay, namamangha sa kanyang sarili kung gaano kahusay ang nagawa niya. “Kaunti ang ating alam kung ano ang kakayahan natin hanggang sa gagawin natin ang lahat ng ating makakaya,” naisip niya. “Lampas sa kalagitnaan ng buhay, natutuhan ko ang isang bagong wika.”37
Ilang linggo kalaunan, noong ika-29 ng Nobyembre, humimpil ang Ravaai sa Tubuai habang patungo ito sa ibang mga isla. Isa sa mga missionary na nakasakay ay si James Brown, na muling ibinilanggo ng pamahalaang Pranses ng Tahiti. Dinakip siya sa Anaa atoll matapos siyang marinig ng mga Pranses na pari na hinihikayat ang mga Banal doon na magtipon papuntang Estados Unidos. Ipinapalagay na ang kanyang mga salita ay may bahid pulitika, dinakip siya ng mga opisyal na Pranses sa salang sedisyon at pinalayas siya mula sa bansa.
Inisip ni James na kailangan niyang manatili sa Ravaai, nabubuhay sa tinapay at tubig, hanggang sa ihatid siya ng mga tripulante sa isang isla sa labas ng hurisdiksyon ng mga Pranses. Ngunit sumakay si Reyna Pitomai sa barko at inanyayahan siya sa pampang. “Ito ang aking pulo,” sabi niya. “Ako ang magiging responsable sa lahat ng problema na maaaring maganap.”
Nanatili si James sa Tubuai sa loob ng sampung araw, pagkatapos ay lumisan upang maglingkod sa isang isla na lampas sa nasasakupan ng mga Pranses. Ang kanyang pagpapalayas ay katibayan na ang pamahalaang Pranses ay nagiging mas istrikto, ginagawang halos imposible para sa mga banyagang missionary mula sa iba’t ibang paniniwala na gawin ang kanilang gawain. Hindi nagtagal, ang kawalang-pag-asa at kabiguan, lakip ang pangungulila, ay lumigid sa mga Banal mula sa Estados Unidos, at nagpasiya silang panahon na upang umuwi.38
Batid ni Louisa na marami sa matatapat na mga Banal na Tubuaian ang nais sumama sa kanila sa Estados Unidos. Si Telii, ang pinakamatalik na kaibigan ng mga Pratt, ay layong gawin ang paglalakbay, ngunit ang mga responsibilidad sa pamilya sa isla ay pumipigil sa kanya na umalis. Nais ding isama ni Louisa ang ilan sa kanyang mga estudyante sa Lunsod ng Salt Lake, ngunit hindi pinayagan ng kanilang mga magulang ang mga ito. Ang iba na nais pumunta ay kulang ang pananalapi upang tustusan ang kanilang paglalakbay.
“Kami ay mamamagitan upang makalipat at makasama kayo sa Simbahan kapag nakauwi na kami,” sinabi ni Louisa sa mga kababaihan sa kanilang pulong ng panalangin noong ika-11 ng Marso. “Samantala, kailangan ninyong manalangin para sa inyong sarili at para sa amin.”39
Pagkaraan ng tatlong linggo, ang mga kababaihang Tubuaian ay nagtipon para sa kanilang huling pulong ng panalangin kasama sina Louisa at Caroline. Ang mabatid na ito ang kanilang huling pulong nang magkakasama ay lubhang nakaapekto kay Caroline. Nakita niya na ang ilan sa mga babae ay nalungkot na makita silang umalis. Ngunit napuspos ng Espiritu ang pulong, at nagsalita ang mga babae at sama-samang nanalangin hanggang sa kalaliman ng gabi. Nagpaalam si Louisa sa kanyang mga estudyante at iniwan sila sa pamamahala ni Telii. Nagbigay si Caroline ng kubrekama na nagawa niya kay Reyna Pitomai, na nagbigay sa kanya ng isang magandang damit bilang kapalit.40
Noong Abril 6, 1852, ang mga missionary sa Tubuai ay sumakay sa Ravaai. Ang mga Banal sa isla ay dumating sa dalampasigan upang magpaalam sa kanila, nagdala ng pagkain para sa paglalakbay. “Nawa’y mapanatag kayo,” wika ni Louisa sa kanila. “Ipagdarasal ko na sa pagdating ng panahon kayo ay makararating sa Simbahan ni Cristo sa Amerika, maging sa Sion sa lambak ng Rocky Mountains.” Ang lahat ay tumangis, at nagkamayan sila sa huling pagkakataon.
Naglayag ang Ravaai ng mga alas-kuwatro ng hapon. Lumusong ang mga Banal sa Tubuaian sa karagatan kasama ang barko hanggang sa makakaya nila, ipinapahayag ang kanilang pagnanais na maging mabuti ang lahat para sa mga missionary. Habang tahimik na binabagtas ng barko ang kalmadong tubig, at ang isla ay lumiliit mula sa natatanaw, naririnig ng mga missionary ang mahinang paalam ng mga Banal sa pampang.
“‘Ia ora na ‘outou.” Kapayapaan ang mapasainyo.41
Ilang buwan pagkaraan, nakipagkita si Brigham sa kanyang mga pinakamalapit na tagapayo sa Lunsod ng Salt Lake. Dahil sa mga pagsisikap nina Thomas Kane, John Bernhisel, at Jedediah Grant, ang pagtatalo ng mga pinuno ng teritoryo ay nagwakas na sa ngayon. Nanatili si Brigham bilang gobernador, at ang mga bagong pederal na opisyal ay ipinadala upang palitan sina Brocchus at iba pa na umalis sa Utah. Ngunit ang mga lider ng Simbahan ay hindi pa rin naglalabas ng opisyal na pahayag tungkol sa maramihang pag-aasawa, tulad ng hinihikayat ni Thomas na kanilang gawin.
Pinagnilayan ni Brigham ang pinakamainam na paraan upang ipahayag ang gawain. Dahil ang punong himpilan nito sa Utah ay matiwasay na naitatag, napakalakas na ng Simbahan kaysa rati. Gayundin, ang maramihang pag-aasawa ngayon ay mayroon nang mahalagang papel sa buhay ng maraming Banal, na lubhang nakakaapekto sa kung paano nila naunawaan ang kanilang pakikipagtipan sa Diyos at sa kanilang pamilya. Ang pagpapanatiling pribado ng alituntunin nang mas matagal ay tila kapwa imposible at hindi kailangan. Ang panahon ay tama upang isapubliko ang maramihang pag-aasawa, at nagpasiya silang ipaliwanag ang alituntunin nang mas lubusan sa mga Banal at sa mas malawak na mundo sa darating na dalawang araw ng kumperensya sa gawaing misyonero.42
Nagsimula ang kumperensya noong Agosto 28, 1852. Noong araw na iyon, tinawag ng Unang Panguluhan ang 107 kalalakihan sa mga misyon sa India, Siam (Thailand), China, South Africa, Australia, Jamaica, Barbados, at iba pang mga lugar sa buong mundo. “Ang mga misyon na aming tatawagin sa kumperensyang ito, sa pangkalahatan, ay hindi magiging masyadong matagal,” sabi ni George A. Smith. “Siguro ay mula tatlo hanggang pitong taon ang tagal ng pagkawalay ng sinumang lalaki sa kanyang pamilya.”43
Bilang mga missionary, inaasahan sila na dalhin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga tao sa mundo. “Hayaang ang katotohanan at kabutihan ay maging inyong kasabihan,” payo ni Heber Kimball, “at huwag humayo sa sanlibutan para sa anumang bagay kundi upang ipangaral ang ebanghelyo, itayo ang kaharian ng Diyos, at tipunin ang mga tupa sa kawan.”44
Kinabukasan, tumayo si Orson Pratt upang ilahad ang sermon tungkol sa maramihang pag-aasawa sa mga Banal. Ang kanyang mga salita ay inilathala sa Deseret News, at ang iba pang mga pahayagan sa buong mundo ay mabilis na inilathalang muli ang ulat na ito. Dinisenyo ni Orson ang sermon upang ituro sa mga missionary ang mga saligang doktrina ng maramihang pag-aasawa upang kanilang maituro at maipagtanggol habang naglilingkod sa misyon.45
“Tinanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw ang doktrina ng pagkakaroon ng maraming asawa bilang bahagi ng kanilang relihiyon,” ipinahayag ni Orson mula sa pulpito. “Sisikapin naming ihain sa harap ng naliwanagang pagtitipong ito ang ilan sa mga dahilan at mga bakit at sanhi ukol dito.”46
Nagsalita siya noong sumunod na dalawang oras, humuhugot mula sa kanyang sariling pang-unawa ng kaugalian. Nagbigay ang mga Banal na kasulatan ng ilang mga pahayag ukol sa maramihang pag-aasawa. Nagbanggit ang Biblia tungkol sa mga mabubuting lalaki at babae, tulad nina Abraham at Sarah, na sumunod sa alituntunin ngunit kaunti lamang ang inilahad kung bakit nila ito ginawa. Gayunpaman, ipinaliwanag ng Aklat ni Mormon na kung minsan ay inaatasan ng Diyos ang mga tao na isabuhay ang maramihang pag-aasawa upang magpalaki ng mga anak sa Kanya.47
Itinuro ni Orson sa kongregasyon na ang maramihang pag-aasawa ay hindi tungkol sa pagnanasa, tulad ng inaakala ng maraming tao sa labas ng Simbahan, kundi tungkol sa pagtulong na maisakatuparan ang walang hanggang gawain ng Diyos sa lupa. Kung minsan, iminungkahi ni Orson, hinihiling ng Panginoon sa Kanyang mga tao na isabuhay ang maramihang pag-aasawa upang magpakarami at punuing muli ang lupa, ibahagi ang mga pangako at pagpapala ng tipang Abraham, at magdala ng marami pa sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit sa mundo. Sa mga pamilyang ito, ang ganoong mga anak ay matututo ng ebanghelyo mula sa matwid na mga magulang at lumaki upang tumulong sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos.48
Napansin din ni Orson na pinamamahalaan ng Panginoon ang kaugaliang ito nang may mahihigpit na batas. Tanging ang propeta lamang ang may hawak ng mga susi sa tipan ng kasal, at walang makapagsasagawa ng maramihang pag-aasawa nang wala ang kanyang pahintulot. Bukod pa rito, ang mga taong nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa ay inaasahang tutupad ng kanilang mga tipan at mamumuhay nang matwid.49
“Matatalakay lamang natin ang kaunti tungkol sa dakilang paksang ito,” sinabi ni Orson habang tinatapos niya ang kanyang mensahe. Ang mga matatapat na Banal ay tagapagmana ng lahat ng taglay ng Diyos, ipinahayag niya. Sa paggawa at pagtupad ng walang-hanggang mga tipan ng kasal, mapapangalagaan nila ang mga pamilya na sindami ng buhangin sa dalampasigan.
“Aking nadarama na magsabi ng aleluya sa Kanyang dakila at banal na pangalan,” sabi ni Orson, “sapagka’t Siya ay naghahari sa mga kalangitan, at Siya ay itataas ang Kanyang mga tao sa tabi Niya sa mga trono ng kapangyarihan, upang maghari magpakailanman at nang walang katapusan.”50
Kalaunan noong araw na iyon, nagsalita si Brigham sa mga Banal ukol sa paghahayag. Napansin niya na ang ilan sa mga paghahayag ng Panginoon ay mahirap tanggapin noong ang mga ito ay unang inihayag. Isinalaysay niya ang kanyang sariling paghihirap, dalawampung taon na ang nakararaan, na tanggapin ang pangitain ni Joseph Smith tungkol sa kabilang-buhay at sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian.51
“Nang una kong narinig iyon, direkta iyong salungat at laban sa aking pinag-aralan at mga tradisyon,” pag-amin niya. “Hindi ko tinatanggihan ito; ngunit hindi ko ito nauunawaan.” Lumakas ang kanyang pananampalataya sa paghahayag habang naghahangad siya ng kaliwanagan mula sa Panginoon. “Ako ay mag-iisip at mananalangin, magbabasa at mag-iisip, magdarasal at magninilay,” sinabi niya sa mga Banal, “hangga’t mabatid ko at lubos na maunawaan ito sa sarili ko, sa pamamagitan ng mga pangitain ng Banal na Espiritu.”52
Pagkatapos ay nagpatotoo si Brigham sa paghahayag ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa kasal na walang hanggan, nagpapatotoo na inihahayag pa rin ng Diyos ang Kanyang mga salita sa Simbahan. “Kung kinakailangang isulat ang mga ito, magsusulat tayo sa lahat ng oras,” sabi niya. “Mas hahangarin natin na ang mga tao, gayunman, ay mamuhay upang magkaroon ng mga paghahayag para sa kanilang sarili, at pagkatapos ay gawin ang gawain na iniuutos sa atin na gawin. Iyan ay sapat para sa atin.”53
Pagkatapos, si Thomas Bullock, ang klerk ni Brigham, ay binasa ang paghahayag ng Panginoon tungkol sa maramihang pag-aasawa sa umaapaw na kongregasyon. Karamihan sa mga Banal, pati na yaong mga nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa, ay hindi pa nababasa ang paghahayag noon. Ang ilan ay nagsaya batid na sa wakas ay maaari na nilang ihayag nang malaya ang alituntunin sa mundo.54
Kasunod kaagad ng kumperensya, ang mga bagong tawag na missionary ay nagtipon upang tumanggap ng tagubilin bago sila mangaral sa lahat ng pinaninirahang lupalop. Napuno ng kasabikan ang silid habang iniisip ng mga lalaki ang tungkol sa gawain ng Panginoon na lumalaganap nang may bagong sigla. Dahil malapit na matapos ang tag-init, kakaunting oras lamang ang maaari nilang maaksaya.
“Nais kong humayo kayo sa pinakamaagang panahon hangga’t maaari,” ang sabi ni Brigham sa mga missionary, “at bagtasin ang kapatagan bago bumagsak ang niyebe.”55