Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 1: Isang Mas Maningning at Mas Magandang Araw


“Isang Mas Maningning at Mas Magandang Araw,” kabanata 1 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya 1893–1955 (2021)

Kabanata 1: “Isang Mas Maningning at Mas Magandang Araw”

Kabanata 1

Isang Mas Maningning at Mas Magandang Araw

mala-palasyong gusali na may simboryo sa likod ng isang malawak na kanal na may tulay at mga bangka

Nagkaroon ng isang pambihira at napakahalagang oportunidad si Evan Stephens at ang Tabernacle Choir. Noon ay Mayo 1893, at kabubukas pa lamang ng Pandaigdigang Eksibit ni Columbus [World’s Columbian Exposition] sa Chicago, isang napakalaki at maunlad na lunsod sa kalagitnaan ng Estados Unidos. Sa sumunod na anim na buwan, milyun-milyong tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang darating sa pagtatanghal. May napakalawak na 2.5 kilometro kuwadradong lugar na malilibot upang tuklasin, na puno ng mga madamong parke, mga kumikinang na laguna at kanal, at mga nagniningning na palasyong kulay gatas. Sa lahat ng dakong makikita ng mga bisita, narinig nila ang magagandang konsiyerto, naamoy ang mga nakakaakit na mga bagong samyo, o nakita ang mga nakasisiglang eksibit na nagbibigay-inspirasyon mula sa apatnapu’t anim na bansang nakikibahagi.

Kung nais mong makuha ang pansin ng mundo, batid ni Evan, wala ka nang makikitang mas malaking entablado kaysa sa pandaigdigang eksibit.1

Bilang tagakumpas ng koro, sabik siyang magtanghal sa Grand International Eisteddfod, isang prestihiyosong Welsh na kompetisyon sa pag-awit na gaganapin sa eksibit sa taglagas na iyon. Siya at ang maraming miyembro ng koro ay Welsh o may lahing Welsh at lumaki sa mga tradisyong musikal ng kanilang bayang sinilangan. Subalit ang kumpetisyon ay higit pa sa pagkakataong ipagdiwang ang kanilang pamana. Ang pagtatanghal sa Chicago ay magbibigay sa Tabernacle Choir—ang premyadong grupo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ng perpektong oportunidad na ipakita ang kanilang talento at ipakilala ang mas maraming tao sa Simbahan.2

Paulit-ulit na lamang, ang maling impormasyon tungkol sa mga Banal ay nagdulot sa kanila ng hirap at hidwaan sa kanilang mga kapitbahay. Kalahating siglo na ang nakararaan mula noong lumikas sila patungo sa Lambak ng Salt Lake, malayo sa kanilang mga mang-uusig. Subalit ang kapayapaan ay saglit lamang, lalo na matapos hayagang isagawa ng mga Banal ang maramihang pag-aasawa. Sa mga sumunod na dekada, inilunsad ng pamahalaan ng Estados Unidos ang isang walang-humpay na kampanya laban sa maramihang pag-aasawa, at isinagawa ng mga kritiko ng Simbahan ang lahat ng paraan upang sirain ang imahe nito sa publiko at ilarawan ang mga Banal bilang masasama at hindi naliwanagang mga tao.

Noong 1890, inilabas ng pangulo ng Simbahan na si Wilford Woodruff ang Pahayag, isang opisyal na proklamasyon na nag-aatas ng pagwawakas ng pag-aasawa nang higit pa sa isa sa mga Banal. Mula noon, hindi na gaanong sinalungat ng pamahalaang pederal ang Simbahan. Gayunman, mabagal ang pagbabago, at patuloy pa rin ang mga di-pagkakaunawaan. Ngayon, sa pagtatapos ng siglo, nais ng mga Banal na ipakita sa mundo ang tunay na larawan ng kung sino sila at kung ano ang kanilang pinaniniwalaan.3

Sabik man si Evan na maging kinatawan ng Simbahan ang koro sa eksibit, halos kinailangan niyang palagpasin ang pagkakataon. Katatapos lamang ng krisis sa pananalapi ng Estados Unidos, na pumilay sa ekonomiya ng Utah. Maraming miyembro ng koro ang naghihikahos, at tutol si Evan na gamitin nila ang kanilang kita para sa paglalakbay. Nag-alala rin siya na hindi pa sila handa para sa kumpetisyon. Bagama’t umawit sila tulad ng mga anghel sa kamakailan lamang na paglalaan ng Salt Lake Temple, isa pa rin silang koro ng mga baguhan. Kung wala silang panama sa iba pang mga koro, maaari nilang ipahiya ang Simbahan.4

Sa katunayan, noong unang bahagi ng taong iyon ay nagpasiya si Evan at ang Unang Panguluhan ng Simbahan na huwag nang sumali sa paligsahan. Ngunit ang Eisteddfod ay nagpadala ng mga kinatawan sa Lunsod ng Salt Lake. Matapos pakinggan ang pag-awit ng koro, ipinabatid ng mga kinatawan kay George Q. Cannon, unang tagapayo sa Unang Panguluhan, na maaaring manalo ang mga Banal sa kompetisyon.

Pagbaling kay Evan, itinanong ni Pangulong Cannon, “Sa palagay mo ba ay may tsansang manalo ang koro natin?”

“Sa palagay ko ay hindi tayo mananalo sa paligsahan,” sagot ni Evan, “ngunit makagagawa tayo ng magandang impresyon.”5

Sapat na yon para kay Pangulong Cannon. Ang iba pang mga Banal, na umaasa rin na maging mainam na kinatawan ng Simbahan, ay lumisan na patungong Chicago. Ang mga lider ng Relief Society at Young Ladies’ Mutual Improvement Association ay magsasalita sa Kongreso ng Mga Kinatawan ng Mga Kababaihan [Congress of Representative Women], ang pinakamalaking idinaos na pagtitipon ng mga lider ng kababaihan. Umasa si B. H. Roberts, isa sa pitong pangulo ng Pitumpu, na makapagsalita tungkol sa Simbahan sa Parlyamento ng mga Relihiyon [Parliament of Religions] na idinaraos sa eksibit.

Sa kahilingan ng Unang Panguluhan, agad na sinimulan ng koro ang pagsasanay—at mabilisang naghanap ng paraan para mapondohan ang paglalakbay. Kailangang gawin ni Evan ang imposible, at mayroon lamang siyang kulang sa tatlong buwan para magawa ito.6


Noong tagsibol na iyon, ang krisis sa ekonomiya na humahadlang sa Tabernacle Choir ay nagbabanta rin ng kasiraan sa pananalapi ng Simbahan.

Anim na taon na ang nakararaan, sa kasagsagan ng kampanya nito laban sa poligamya, ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Batas nina Edmunds at Tucker, na siyang nagpapahintulot sa pagkumpiska ng mga ari-arian ng Simbahan. Dahil nag-aalala na kukumpiskahin ng pamahalaan ang kanilang mga donasyon, maraming Banal ang tumigil sa pagbabayad ng ikapu, na lubhang nakabawas sa pangunahing pinagkukunan ng pondo ng Simbahan. Upang mabawi ang mga pagkalugi nito, nanghiram ang Simbahan ng pera at namuhunan sa mga negosyo upang magkaroon ng sapat na pondo para mapanatili ang pagsulong ng gawain ng Panginoon. Umutang din ito upang matapos ang pagtatayo ng Salt Lake Temple.7

Noong ika-10 ng Mayo 1893, hiniling ng Unang Panguluhan kay apostol Heber J. Grant na kaagad maglakbay papunta sa silangan upang makipag-ayos ng mga bagong pautang para maibsan ang mga pasanin sa pananalapi ng Simbahan. Sa Utah, ang mga bangko ay nalulugi at bumabagsak ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura. Hindi magtatagal ay hindi na mababayaran ng Simbahan ang mga kalihim, klerk, at iba pang mga empleyado nito.8 Dahil si Heber ang pangulo ng isang bangko sa Lunsod ng Salt Lake at maraming kaibigan sa industriya ng pananalapi, umasa ang mga lider ng Simbahan na makakalikom siya ng pera.9

Nang pumayag si Heber na pumunta, binigyan siya ni Pangulong Cannon ng basbas, nangangako na tutulungan siya ng mga anghel. Pagkatapos ay sumakay ng tren si Heber para sa Silangang Baybayin, nakaatang sa kanyang mga balikat ang bigat ng sasapitin ng Simbahan. Kapag nabigo siya, hindi makapagbabayad ang Simbahan sa mga inutang nito at mawawalan ng tiwala sa Simbahan ang mga pinagkakautangan nito. Sa gayon ay hindi na ito makakahiram ng perang kailangan nito para mapanatili ang gawain nito.10

Hindi nagtagal pagdating sa Lunsod ng New York, pinanibago ni Heber ang ilang pautang at humiram ng karagdagang $25,000. Pagkatapos ay humingi siya ng isa pang pautang, at sa huli ay nakakuha ng karagdagang $50,000. Ngunit kinulang pa ang kanyang mga pagsisikap na mapanatilihing sapat ang pananalapi ng Simbahan.11

Sa paglipas ng mga araw, nahirapan siyang makahanap ng iba pang mga magpapautang. Natakot ang lahat dahil sa krisis. Walang sinumang gustong magpautang sa isang institusyong lubog na sa utang.

Hindi na makatulog si Heber. Nag-alala siyang babagsak ang kanyang pangangatawan bago niya matupad ang kanyang misyon. “Ako ay mahigit anim na talampakan ang taas at 140 libra ang bigat,” isinulat niya sa kanyang journal, “kung kaya hindi na dapat mabawasan pa ang aking timbang.”12


Noong umaga ng ika-19 ng Mayo, hindi mapakali si Emmeline Wells. Pagsapit ng alas diyes, siya at ang iba pang mga lider ng Relief Society ay magsasalita tungkol sa kanilang organisasyon sa Kongreso ng Mga Kinatawan ng Mga Kababaihan sa Pandaigdigang Eksibit sa Chicago.13

Umasa siya na itatama ng kanilang mga mensahe ang mga mapanganib na palagay tungkol sa kababaihan sa Simbahan. Dahil karamihan sa dalawandaang libong miyembro ng Simbahan ay nakatira sa Kanlurang Amerika, iilan lamang ang nakakilala ng isang babaeng Banal sa mga Huling Araw. Ang nalalaman lamang ng mga tao tungkol sa kanila ay karaniwang nagmumula sa mga aklat, magasin, at polyeto na nagpapalaganap ng maling impormasyon tungkol sa Simbahan at inilalarawan ang kababaihan nito bilang walang pinag-aralan at inaapi.14

Pagsapit ng alas-diyes, hindi pa napupuno ang walong daang upuan ng silid. Bagama’t ang sesyon ng Relief Society ay talagang ipinaalam sa lahat, may iba pang mahahalagang sesyon na nangyayari kasabay nito, inilalayo ang mga tao na marahil ay pumunta roon para marinig ang pagsasalita ng kababaihan ng Utah. Nakilala ni Emmeline ang ilang mukha sa mga tagapakinig, marami sa kanila ay mga Banal na dumating upang magbigay ng suporta. Gayunman, nakita niya ang isang mahalagang tagapakinig na hindi Banal sa mga Huling Araw: ang peryodistang si Etta Gilchrist.15

Sampung taon na ang nakararaan, sumulat si Etta ng isang nobelang kumukondena sa maramihang pag-aasawa at sa mga Banal. Ngunit mula noon, siya at si Emmeline ay nagkaroon ng parehong adbokasiya sa karapatang bumoto ng kababaihan, na nagbunsod kay Emmeline na ilathala ang isa sa mga artikulo ni Etta tungkol sa karapatan sa pagboto sa Woman‘s Exponent, isang pahayagan na pinamatnugutan ni Emmeline sa Utah. Ang isang positibong ulat mula kay Etta ay tiyak na makatutulong sa reputasyon ng mga Banal.16

Ang sesyon ay binuksan sa pagtatanghal ng himno ni Eliza R. Snow na “Aking Ama.” Pagkatapos ay nagbigay ng maikling mensahe ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Zina Young at iba pang mga lider tungkol sa gawain ng Relief Society at sa kasaysayan ng Simbahan. Kabilang sa mga tagapagsalita ang kababaihang nagtungo sa Utah bilang mga pioneer gayundin ang mga isinilang sa teritoryo. Nang magsalita si Emmeline, pinuri niya ang sopistikasyon ng mga babaeng manunulat ng Utah at inilarawan ang maraming taong karanasan ng Relief Society sa pag-imbak ng mga butil.

“Kung mayroon mang taggutom,” sinabi niya sa mga tagapakinig, “magtungo kayo sa Sion.”17

Bago matapos ang pulong, tinawag ni Emmeline si Etta sa entablado. Tumayo si Etta at umupo sa tabi ni Zina. Nakipagkamay siya sa bawat babae mula sa Utah, naantig ang puso niya dahil magiliw nila siyang pinakitunguhan matapos niya silang maliitin.

Ang ulat ni Etta tungkol sa pulong ng Relief Society ay inilathala sa pahayagan makalipas ang ilang araw. “Ang mga Mormon ay tila mga pinaka-relihiyosong tao,” isinulat niya. “Ang kanilang pananampalataya sa kanilang relihiyon ay kagila-gilalas.”

Inilalarawan ang pagbati na natanggap niya mula sa mga Banal, idinagdag pa niya, “Ang isang pulong na ito para sa akin ay isang sulit na dahilan upang pumunta sa Chicago.”

Lubos na nagpasalamat si Emmeline sa papuri.18


Nang malugi ang mga bangko at negosyo sa Utah, nag-alala para sa kanyang pamilya ang labingsiyam na taong gulang na si Leah Dunford. Hindi sila mayaman, at ang kanyang inang si Susa Gates, isang anak na babae ni Brigham Young, ay nagbenta ng mahalagang lupain upang makapag-aral si Leah tungkol sa kalusugan at kalakasan ng katawan sa isang klase noong tag-init na ginanap sa kampus ng Harvard University sa Cambridge, Massachusetts. Hindi sigurado si Leah kung dapat siyang tumuloy. Tama ba, inisip niya, na makinabang sa sakripisyo ng kanyang ina?19

Nais ni Susa na dumalo si Leah sa klase noong tag-init, anuman ang gastusin. Noong panahong iyon, maraming Banal sa mga Huling Araw ang umalis sa Utah upang mag-aral sa mga prestihiyosong unibersidad sa silangang Estados Unidos. Nag-aral si Susa sa klase noong tag-init noong nakaraang taon, at umasa siyang magkakaroon din ng magandang karanasan ang kanyang anak na babae. Naisip din niya na isa sa mga estudyanteng nakilala niya roon, isang bata pang Banal sa mga Huling Araw na may lahing Norwegian na nagngangalang John Widtsoe, ay magiging isang mainam na kasintahan para kay Leah.20

Maliban sa mga alalahanin tungkol sa pananalapi, sabik si Leah na mas makapag-aral pa. Naniniwala ang kanyang ina na ang mga kabataang babaeng Banal sa mga Huling Araw ay nangangailangan ng mainam na edukasyon at pagsasanay sa propesyon. Hanggang kamakailan lamang, ang maramihang pag-aasawa ay pinahintulutan ang halos lahat ng babaeng Banal sa mga Huling Araw na nagnanais na matamo ang isang kasal sa tipan. Ngunit ang henerasyon ni Leah, ang unang lumaki sa hustong gulang matapos ang Pahayag, ay wala nang ganoong garantiya—o ang garantiya ng suportang pinansiyal na ibinibigay ng kasal sa kababaihan noong panahong iyon.21

Bagama’t lumalawak ang mga posibilidad sa edukasyon at propesyon para sa kababaihan sa maraming panig ng mundo, madalas mag-alala ang mga magulang na nasa Simbahan na ang mga oportunidad na ito ay humantong sa pagpapakasal ng kanilang mga anak sa mga lalaking hindi miyembro ng Simbahan at iwan ang kanilang pananampalataya. Dahil dito, sinimulang bigyang-diin ng mga lider ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association na ang mga kabataang babae ay dapat magkaroon ng malakas na patotoo at mapanalanging gumawa ng mga mahahalagang desisyon.22

Sa katunayan, hinikayat na ni Susa si Leah na mag-ayuno at manalangin tungkol sa kanyang ugnayan kay John Widtsoe. Ang kasal ni Susa sa ama ni Leah, na isang lasenggo noong panahong iyon, ay nagwakas sa diborsyo. Umaasa siyang magkaroon ng masayang pagsasama ang kanyang anak sa isang matwid na binata. Mangyari pa, hindi pa nakikilala ni Leah si John nang personal. Sa ngayon, nakapagpalitan lamang sila ng ilang liham.23

Noong Hunyo 1893, naglakbay si Leah patungong Harvard, na mahigit 3,200 kilometro ang layo, kasama ang apat na iba pang kababaihan mula sa Utah. Hatinggabi na nang dumating sila sa bahay kung saan nakatira sina John at ang iba pang mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw, kaya wala silang panahong makilala ang mga binata. Gayunman, kinaumagahan, napansin ni Leah ang isang tahimik na binatang nakaupo sa isang sulok. “Marahil ay ikaw si Brother Widtsoe,” sabi niya dito. “Ikinuwento ka ng aking ina sa akin.”

Lagi niyang iniisip noon na si John ay isang matangkad at matipunong Scandinavian. Sa halip, siya ay maliit at patpatin. Ano bang nakita dito ng kanyang ina?

Dahil hindi napahanga, binalewala ni Leah si John hanggang sa oras ng hapunan. Nang hiniling ng tagapangasiwa ng bahay kay John na hiwain ang karne, naisip ni Leah, “Kahit paano ay kapaki-pakinabang siya.” Pagkatapos, nang nagsiluhod na ang lahat upang basbasan ang pagkain, nagbigay ng basbas si John. Tumimo sa puso ni Leah ang panalangin nito.

“Ito na ang lalaki para sa akin,” sabi niya sa kanyang sarili.24

Pagkatapos niyon, sina Leah at John ay halos palagi nang magkasama. Isang hapon, habang magkasamang naglilibot sa isang parke, tumigil sila sa isang maliit na burol kung saan tanaw ang isang lawa. Doon ay ikinuwento ni John kay Leah ang kanyang pagkabata sa Norway hanggang sa kanyang kabataan sa Logan, Utah.

Mayamaya pa ay nagsimulang umulan, kaya sumilong sila sa kalapit na tore, at ikuwento ni Leah kay John ang tungkol sa kanyang buhay. Pagkatapos ay umakyat sila sa tuktok ng tore at nag-usap nang isa pang oras at kalahati tungkol sa kanilang mga inaasam para sa hinaharap.25


Umiibig na si John Widtsoe kay Leah Dunford, ngunit ayaw niyang aminin ito. Nang una itong pumasok sa paaralan, gusto niyang balewalain ito. Masyado siyang abala at hindi interesado sa pakikipag-ibigan sa yugtong ito ng kanyang buhay. May malalaking plano siya para sa kanyang hinaharap. Nakagagambala lamang si Leah.

Ngunit nagustuhan niya kung paano ito nakatutugtog ng ilang instrumento at nakapagsasalita nang kaswal o seryoso depende sa okasyon. Nagustuhan niya na tumulong ito sa kasambahay na maglinis habang ang lahat ay nakaupo at walang ginawa. Higit sa anupaman, gusto niya ang ambisyon nito.

“May hangarin siyang gawin ang isang bagay sa mundo,” isinulat niya sa kanyang inang si Anna, sa Lunsod ng Salt Lake. “Siya ay magiging isa sa mga nangungunang kababaihan sa Utah sa larangan ng edukasyon.”

Sa kanyang kalkulasyon, kakailanganin niya ng dalawa o tatlong taon upang mabayaran ang kanyang mga utang sa Harvard. Pagkatapos ay kakailanganin niya ng apat na taon para sa graduate school sa Europa—at apat na taon pa para mabayaran ang utang na iyon. Pagkatapos ay kakailanganin niya ng hindi bababa sa tatlong taon pa upang kumita ng sapat na pera para pagnilayan kung kanya ngang pakakasalan si Leah.26

Inaayos din ni John ang kanyang mga sariling paniniwala sa relihiyon. Sumasampalataya siya sa kadalisayan at kabutihan ni Jesus. Noong una siyang makarating sa Harvard, nakatanggap din siya ng malakas na espirituwal na patotoo na tinulungan siya ng Diyos na makapasa sa kanyang mga pagsusulit. Ngunit hindi siya gaanong nakatitiyak tungkol sa Simbahan. Noong unang bahagi ng taong iyon, lumiham siya sa kanyang ina kalakip ang mga tanong niya tungkol sa Simbahan at sa mga lider nito. Nabagabag nang husto sa liham si Anna kaya kaagad niya itong sinagot, natitiyak na nawala ang patotoo ng kanyang anak.27

Sa kanyang sumunod na liham, tinangka ni John na ipaliwanag ang kanyang sarili. Tulad ng iba pang mga Banal na kaedad niya, binagabag siya ng mga pag-aalinlangan. Noon pa man ay itinuro na sa kanya ng mga lider ng Simbahan na siya ay nabubuhay sa mga huling araw, kung kailan ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga tao mula sa kanilang mga kaaway. Ngunit sa nakalipas na tatlong taon, nasaksihan niya ang pagsasantabi ng mga Banal sa maramihang pag-aasawa at ang matiim na pagtatalu-talo ng mga ito dahil sa pulitika. Tinatanong niya ngayon kung magtatagumpay ba ang mga Banal sa pagtatayo ng Sion.

“Tila lahat ng bagay ay salungat sa mga inaasahan,” sinabi niya sa kanyang ina.

Sa kanyang mga liham sa pamilya, sinikap din ni John na ipaliwanag na hindi sapat para sa kanya ang maniwala lamang. Kailangan niyang malaman kung bakit siya naniniwala rito. “Walang kabuluhang sabihin na ‘Naniniwala ako rito’ at hindi ko na ito iisipin pa,” isinulat niya. Gayunpaman, patuloy siyang nanalangin para higit na maunawaan ang mga bagay na may kinalaman sa Simbahan.28

Pagkatapos, noong ika-23 ng Hulyo, nagkaroon siya ng matinding espirituwal na karanasan. Isang babaeng Methodist ang dumalo sa sacrament ng mga Banal sa mga Huling Araw sa araw ng Linggo, at si John ay hinilingang magbigay ng agarang mensahe. Gulat na tumayo siya, hindi tiyak kung ano ang dapat niyang sabihin. Mabilis niyang ipinasiyang magsalita tungkol sa personalidad ng Diyos, umaasang matutulungan ng kanyang mga salita ang bisita na maunawaan kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Banal. Habang nagsasalita siya, hindi siya nataranta o nautal, tulad ng nagagawa niya kung minsan kapag nagsasalita sa publiko. Sa halip, nangaral siya ng isang malinaw at nauunawaang mensahe sa loob ng mahigit tatlumpung minuto.

“Nadama kong tinulungan ako ng Espiritu ng Diyos,” isinulat niya sa kanyang ina. “Noon ko lang nalaman nang husto ang tungkol sa Diyos at sa Kanyang personalidad.”29

Pagkatapos ng pulong, ginugol ni John ang natitirang araw kasama si Leah. Habang nag-uusap sila, sinabi ni John kay Leah na nais niyang bisitahin nito ang kanyang ina. Marami na siyang sinabi kay Anna tungkol kay Leah. Ngayon ay gusto niyang magkita sila nang personal.30


Pagsapit ng hatinggabi noong ika-1 ng Setyembre 1893, nagising si Heber J. Grant sa silid ng isang otel sa Lunsod ng New York. Noong araw na iyon ay nakatanggap siya ng nakababahalang telegrama. Ang Zion’s Savings Bank and Trust Company, ang pinakamahalagang institusyong pinansyal ng Simbahan, ay nasa bingit ng pagkalugi. Gayon din ang State Bank of Utah, kung saan naglingkod si Heber bilang pangulo. Kung hindi siya magpapadala ng pera sa mga bangko kinabukasan, hindi makakapagbukas ang mga ito. Ang reputasyon ni Heber at ng Simbahan sa mga nagpautang ay masisira, marahil ay magpakailanman.

Pabiling-biling si Heber sa higaan at hindi makatulog. Noong unang bahagi ng taong iyon, nangako si George Q. Cannon na tutulungan siya ng mga anghel. Kamakailan lamang, si Joseph F. Smith, ang pangalawang tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nangako sa kanya ng tagumpay nang higit pa sa inaasahan niya. Ngunit ngayon ay hindi mawari ni Heber na may isang tao na sapat na makapagpapautang sa kanya upang maisalba ang mga bangko.

Nanalangin siya upang humingi ng tulong, nagsusumamo sa Diyos habang tumutulo ang luha mula sa kanyang mga mata. Sa wakas, nang halos alas-tres ng umaga, ay nakatulog na siya na hindi pa rin sigurado kung paano niya malulutas ang sitwasyong ito.31

Tinanghali siya ng gising na hindi karaniwang nangyayari. Dahil Sabado na, magsasara ang mga bangko sa tanghali, kaya kailangan niyang magmadali. Habang nakaluhod na nananalangin, hiniling niya sa Panginoon na mahanap ang isang taong handang magpahiram sa kanya ng $200,000. Sinabi niyang handa siyang magsakripisyo, kabilang na ang pagbibigay sa nagpautang ng malaking komisyon sa hiniram na pera.32

Pagkatapos ng panalangin, sumaya na si Heber, nakatitiyak na tutulungan siya ng Panginoon. Nagpasiya siyang bisitahin si John Claflin, ang pinuno ng isang malaking kumpanyang nangangalakal, ngunit wala si John sa opisina nito. Dahil mauubusan na ng oras, agad na sumakay si Heber ng tren papunta sa distritong pinansyal ng lunsod, umaasang mabisita ang isa pang bangko. Habang bumibiyahe, masyadong napatuon sa pahayagan ang kanyang pansin at lumampas siya sa kanyang bababaan. Sa pag-ibis sa tren, walang direksyon ang paglalakad niya. Nang madaanan niya ang opisina ng isa pang kakilala, pumasok siya sa loob. Doon ay nakasalubong niya si John Claflin, ang mismong lalaking nais niyang makita.

Batid ang suliranin ni Heber, pumayag si John na magpahiram sa Simbahan ng $250,000, kapalit ang 20 porsiyentong komisyon.33 Sa kabila ng mataas na halaga, nakita ni Heber na sinagot ng Panginoon ang kanyang mga dalangin.34 Kaagad niyang ipinadala ang pera sa Lunsod ng Salt Lake.

Eksaktong dumating ang pondo sa tamang oras upang isalba ang mga naluluging bangko.35


“Huwag pansinin ang mga kakumpitensya ninyo hanggang sa makaawit kayo,” ang sabi ni Evan Stephens sa mga miyembro ng Tabernacle Choir. “Maging kalmado lamang.”

Hapon noon ng ika-8 ng Setyembre. Natapos na ng koro ang kanilang huling pagsasanay para sa Eisteddfod. Ilang oras na lamang at tutuntong na ang mga mang-aawit sa entablado upang kantahin ang tatlong awit na sinanay nila halos araw-araw noong tag-init na iyon. Hindi pa rin sigurado si Evan kung mananalo sila, ngunit masisiyahan siya kung magagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya.36

Limang araw na ang nakararaan, ang koro, kasama ang Unang Panguluhan, ay nakarating sa Chicago. Upang matugunan ang mga kahilingan ng kompetisyon, binawasan ni Evan ang koro at nagtira ng dalawang daan at limampung mang-aawit. Nang ang kanilang primerong soprano, si Nellie Pugsley, ay nagsilang ng sanggol ilang linggo bago ang konsiyerto at ipinalagay na hindi na makapagtatanghal sa eksibit, inayos ang mga kinakailangan upang ang kapatid na babae nito ang mag-aalaga sa sanggol habang umaawit si Nellie.37

Ang pagpopondo sa paglalakbay sa panahon ng bagsak na ekonomiya ay kasinghirap ng paghahanda sa koro na umawit. Unang sinubukan ng mga lider ng koro na makalikom ng pera mula sa mga negosyante ng Lunsod ng Salt Lake. Nang mabigo iyon, nagpasiya ang koro na magdaos ng ilang konsiyerto, umaasang ang mga bayad sa tiket ang makatutustos sa gastos. Nagdaos sila ng dalawang konsyerto sa Utah at apat pa sa malalaking lunsod sa pagitan ng Lunsod ng Salt Lake at Chicago.38

Natustusan ng mga konsiyerto ang pinasyal na pangangailangan, ngunit pinahirapan ng mga ito ang mga lalamunan ng mga mang-aawit. Patuloy na naghanda ang koro sa Chicago, umaakit ng daan-daang manonood sa kanilang mga pagsasanay sa Utah Building, isang malaking bulwagan ng eksibisyon na nagpapakita ng mga kalakal at artepakto mula sa teritoryo.39

Pagkatapos ng kanilang huling pagsasanay, nagtipon si Evan at ang mga mang-aawit sa silong ng bulwagan ng konsiyerto. Habang hinihintay nilang magtanghal, si John Nuttall, ang kalihim ng koro, ay nanalangin, nagpapaalala sa bawat mang-aawit na kinakatawan nila ang Simbahan at ang mga tao nito sa eksibit.

“Bigyan Ninyo kami ng kakayahang bigyang papuri ang Inyong gawain at Inyong mga tao,” panalangin niya, “sa aming pagsisikap na maging kinatawan nila rito sa harap ng mundo—isang mundo na karaniwang itinuturing kami bilang mangmang at walang kabuluhan.”40

Nang dumating na ang pagkakataon ng koro, nagtungo si Evan sa tuntungan ng tagakumpas. Ang bulwagan ay puno ng mga sampung libong tao, halos wala ni isa sa kanila ang miyembro ng Simbahan. Sa nakalipas na mga panahon, inaasahan ng isang Banal sa mga Huling Araw na kukutyain sila sa harap ng gayong mga tagapakinig, ngunit walang nadamang poot si Evan mula sa kanila.

Nang maipwesto na ng mga mang-aawit ang kanilang sarili sa entablado, tahimik na ang bulwagan. Pagkatapos ay inawit ng koro ang mga pambungad na titik ni Handel na “Karapat-dapat ang Kordero”:

Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat,

at tayo’y natubos ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang dugo,

upang tumanggap ng kapangyarihan, at mga kayamanan, at karunungan, at lakas,

at karangalan, at kaluwalhatian, at pagpapala.

Malakas ang kanilang mga tinig, at para kay Evan, napakaganda ng kanilang pag-awit. Nang matapos ng koro ang awitin, masigabong nagpalakpakan ang mga manonood. Pagkatapos ay kumanta ang koro ng dalawa pang awitin, at bagama’t naririnig ni Evan ang pagod sa ilan sa kanilang mga tinig, nakapagtanghal sila nang maayos at umalis ng entablado.41

“Nagawa na namin ang lahat ng posibleng magagawa namin,” sabi ni Evan sa Unang Panguluhan pagkatapos nito. “Nasisiyahan ako.”

Kalaunan, nang ilabas ang mga resulta, napanalunan ng Tabernacle Choir ang pangalawang puwesto, na kalahating puntos lang ang lamang ng nanalo. Sinabi ng isa sa mga hurado na dapat ay nanalo sa kompetisyon ang mga Banal. Subalit naniwala si Pangulong Cannon na may nakamit ang koro na mas mahalagang bagay. “Bilang isang oportunidad para sa gawaing misyonero, malaki ang posibilidad na magtagumpay ito,” sinabi niya, “sapagkat ibibigay nito sa libu-libong tao ang pagkakataong malaman ang kaunting katotohanan tungkol sa atin.”42

Nalugod din si Evan sa lahat ng nagawa ng kanyang mga mang-aawit. Ang balita tungkol sa pagkakapanalo ng “korong Mormon” ng gantimpala sa Pandaigdigang Eksibit ay inilathala sa mga pahayagan sa iba’t ibang panig ng mundo. Wala na siyang hihilingin pa na gantimpalang makahihigit dito.43


Isang araw matapos ang konsyerto, nagsalita si Pangulong Woodruff tungkol sa mga Banal sa isang pormal na piging sa eksibit. “Magsiparito kayo at inyong makikita,” sabi niya, malakas ang kanyang tinig. “Kung hindi pa kayo nakapunta sa Lunsod ng Salt Lake, malugod kayong tatanggapin.” Inanyayahan din niya ang mga ministro ng ibang relihiyon na magsalita sa lunsod. “Kung hindi na magkasya sa mga simbahan ang inyong mga tao,” sabi niya, “ipagagamit namin sa inyo ang aming tabernakulo.”44

Bumalik ang propeta sa Utah makalipas ang sampung araw, na nasisiyahan sa kabaitang natanggap ng mga Banal sa Chicago. Ang tanging pangyayaring nakapagpalungkot sa karanasan ng Simbahan sa eksibit ay naganap nang tinutulan ng mga taga-organisa ng Parlyamento ng mga Relihiyon ang mga pagsisikap ni B. H. Roberts na magsalita tungkol sa Simbahan sa kanilang pagtitipon. Ang mga ikinilos nila ay isang malungkot na paalala na umiiral pa rin ang maling palagay laban sa Simbahan, subalit naniniwala ang mga lider ng Simbahan na ang mga tao sa buong bansa ay nagsisimula nang makita ang mga Banal mula sa bagong pananaw.45 Ang mainit na pagsalubong na tinanggap ng Relief Society at Tabernacle Choir sa eksibit ay nagbigay ng pag-asa na ang mga pag-uusig sa huling animnapung taon ay magwawakas na.46

Sa isang maliit na pulong sa Salt Lake Temple noong ika-5 ng Oktubre, noong gabi bago ang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, sama-samang tumanggap ng sakramento ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol.

“Lubos akong nakatitiyak,” sabi ni George Q. Cannon, “na ang mas maliwanag at mas magandang araw ay sumisikat sa atin.”47