Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary
Dahil sa mga Pangunahing Alituntunin at Ordenansa ng Ebanghelyo Makakapiling Kong Muli ang Diyos
“Naniniwala kami na ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng Ebanghelyo ay: una, Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; pangalawa, Pagsisisi; pangatlo, Pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; pang-apat, Pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).
Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito upang marami pang matutuhan tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.
Ang ikaapat na saligan ng pananampalataya ay tungkol sa apat na mahahalagang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo na kailangang sundin upang makapiling ninyong muli ang Ama sa Langit.
Una, kailangan ninyong manampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay ang paniniwala na Siya ay buhay, na Siya ang Tagapagligtas, at kayo ay mahal Niya, bagamat hindi ninyo Siya nakikita. Kapag nananampalataya kayo kay Cristo, gusto ninyong gawin ang ipinagagawa Niya, tulad ng pagdarasal, pagsisimba, pagiging mabait, at pagsunod sa mga utos.
Ang isang mahalagang bagay na iniutos ni Jesus na gawin ninyo ay magpabinyag kapag kayo ay walong taong gulang na (o higit pa). Kayo ay bibinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig—tulad ng ginawa kay Jesus. Ibig sabihin niyan ang inyong buong katawan ay ilulubog sa tubig. Ang inyong binyag ay isasagawa ng isang taong nagtataglay ng karapatan ng priesthood na magbinyag. Kapag bininyagan kayo, gumagawa rin kayo ng pangako sa Ama sa Langit. Nangangako kayong susundin ang mga utos, at kung gagawin ninyo ito, Siya ay nangangako na mapapasainyo ang Espiritu Santo.
Matapos kayong binyagan, inyong tatanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Isang mayhawak ng priesthood ang magpapatong ng kanyang mga kamay sa inyong ulo upang ibigay sa inyo ang kaloob na Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang gagabay, magtuturo, at aaliw sa inyo at magpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
Mula noong araw na isilang kayo hanggang sa edad na walo, kayo ay malinis at walang kasalanan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag walong taong gulang na kayo at nabinyagan na, kailangan ninyong magsisi sa anumang maling bagay na nagawa ninyo. Ang magsisi ay makadama ng lungkot at humingi ng kapatawaran sa Ama sa Langit at sa sinuman na maaaring nasaktan ninyo. Matapos kayong magsisi, kailangang pagsikapan ninyong huwag nang ulitin ang gayong pagkakamali at maging mas masunurin sa mga utos. Dahil sa Pagbabayad-sala kayo ay magiging malinis muli kung kayo ay magsisisi.
Ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, at pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo ay mahalaga dahil tutulungan kayo ng mga ito na makapiling muli ang inyong pamilya magpakailanman kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Aktibidad
Magagawa ninyo ang springing mobile na ito bilang paalala sa mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo. Idikit ang pahina 63 sa matigas na papel. Gupitin ang limang karatula; pagkatapos gupitin ang mobile sa tuwid na mga linya. Hiwain o butasin kung saan naroon ang tanda. Isabit ang mga karatula sa mobile gamit ang tali o ribon.