Itay, Kailangan Kita
Michael K. Hewett, Utah, USA
Inaalis ko ang mga sprinkler pipe sa isang bahagi ng aming bukirin sa hilagang California, USA. Maganda ang araw na ito dahil naroon si Itay para tulungan ako. Nang matapos na kami, sumakay na kami sa aming all-terrain vehicles (ATVs) at pauwi na para maghapunan. Si Itay ang nanguna sa daan.
Ang aming bukirin ay nahahangganan ng Pit River sa isang dako. Dumaan kami sa bandang gilid ng bukirin para hindi masagasaan ang alfalfa ng malalaking gulong ng aming ATVs. Ang bukirin ay nasa aming kanan, at ang ilog, sa ibaba ng matarik na pilapil, ay nasa aming kaliwa. Halos wala na kaming makita dahil madilim na.
Katamtaman ang tulin ng sasakyan nang mapalihis ako sa daan at tumama sa mga palumpong ang kanang gulong sa likuran. Dahil dito napilitan akong ipihit nang todo pakaliwa ang ATV papunta sa ilog at pababa sa pilapil. Sinikap kong huminto, ngunit napakatarik ng pampang at napakabilis ng takbo ng sasakyan pababa. Naisip kong tiyak na ilog ang bagsak ko. Mabuti na lang, may isang puno sa pampang sa daraanan ko. Kasunod niyon namalayan ko na lang na nakatingin ako sa ATV—mula sa puno! Takut na takot ako.
Dama kong muntik na akong mamatay, ngunit maliban sa ilang mga galos at pasa, hindi ako nasaktan. Pagkatapos kong kumalma at huminga nang malalim, natanto ko na walang paraan para maibalik kong mag-isa sa pampang ang ATV. Patuloy akong umasa na makikita kong lilinga-linga si Itay sa hangganan ng pilapil sa paghahanap sa akin, ngunit wala siya. Lalo akong natakot.
Nangunyapit ako paakyat sa pampang, ngunit hindi ko nakita si Itay. Taimtim akong nanalangin sa aking Ama sa Langit, hinihiling sa Kanya na pabalikin si Itay para tulungan ako. At nagsimula na akong maglakad.
Samantala, halos nakarating na si Itay sa bahay nang tila marinig niya na tinatawag ko siya. Lumingon siya sa kauna-unahang pagkakataon mula nang lisanin namin ang bukirin. Doon lamang niya napansin na hindi ako nakasunod sa kanya. Alam niya na may masamang nangyari at bumalik siya at hinanap ako hanggang sa makita niya ako.
Kalaunan sinabi sa akin ni Itay na narinig niyang sinabi ko, “Itay, kailangan kita!” Sa sandaling iyon, ang layo niya ay mahigit dalawang milya (3 km). Alam ko sa sandaling iyon na narinig ng mapagmahal na Ama sa langit ang aking panalangin at ipinaalam kay Itay na kailangan ko ang tulong niya.
Nagpapasalamat ako sa Espiritu Santo at sa mga bulong ng katotohanan at patnubay na natatanggap natin mula sa Kanya. Nagpapasalamat din ako sa mapagmahal na ama na namuhay sa paraang makapagsasalita sa kanya ang Espiritu Santo at maririnig ito.