Maunawaan ang Kahalagahan ng Pagtustos sa Sariling Pangangailangan
Maaaring akalain ng maraming miyembro na ang programang pangkapakanan ay tumutulong lang sa mga miyembro na pansamantalang nasa mahirap na kalagayan. Ngunit ang layunin ng planong pangkapakanan ng Simbahan ay higit pa riyan; hinihikayat din nito na gawing bahagi ng pamumuhay ang pagtustos sa sariling pangangailangan. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na ang pagtustos sa sariling pangangailangan—“ang abilidad, tapat na pangako, at pagsisikap na tustusan ang sariling pangangailangan sa buhay at ng pamilya”1—ay mahalagang aspeto ng ating temporal at espirituwal na kapakanan.2
Ang hangarin lamang na matustusan ang sariling pangangailangan ay hindi sapat. Dapat tayong maging masigasig sa paglalaan ng sarili nating pangangailangan at ng ating pamilya. Ipinaalala sa atin ni Bishop H. David Burton, Presiding Bishop, na kapag nagawa na natin ang lahat para matustusan ang sariling pangangailangan, “makababaling tayo sa Panginoon nang may tiwala upang hingin ang anumang kulang pa sa atin.”3 Ang pagtustos sa sariling pangangailangan ay nagtutulot sa atin na pagpalain ang iba. Sinabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa pag-asa sa sarili lang natin tunay na matutularan ang Tagapaglitas sa paglilingkod at pagpapala sa iba.”4
Ang pagtustos sa sariling pangangailangan ay kinabibilangan ng iba’t ibang aspeto ng balanseng pamumuhay, (1) edukasyon, (2) kalusugan, (3) trabaho, (4) paggawa o pag-iimbak ng pagkain sa tahanan, (5) pananalapi ng pamilya, at (6) espirituwal na lakas.
1. Edukasyon
Inutos sa atin ng Panginoon na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Naniniwala tayo sa edukasyon. Hinihikayat ng Simbahang ito ang pag-aaral. May tungkulin ang bawat miyembro ng Simbahang ito, bilang utos mula sa Panginoon, na pag-aralan ang lahat ng maaaring pag-aralan. … Iniutos mismo ng Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw na bigyan natin ng kaalaman ang ating isipan at ng kasanayan ang ating mga kamay.”5
Ang makapag-aral ang layunin ni Roberto Flete Gonzalez ng Dominican Republic, na nag-aral sa kolehiyo pagkauwi mula sa kanyang misyon. Pumayag ang kanyang ama na tustusan ang mga gastusin ni Roberto para mapagtuunan niyang mabuti ang kanyang pag-aaral, ngunit hindi nagtagal, namatay ang kanyang ama, at iniwang kapos sa pera ang pamilya.
Huminto sa pag-aaral si Roberto para suportahan ang kanyang sarili, ang kanyang ina, at kapatid. Inisip niya kung paano siya makatatapos ng pag-aaral.
Ilang linggo kalaunan ibinalita ni Pangulong Hinckley ang Perpetual Education Fund, “isang mapangahas na gawain” na tutulong sa mga kabataang nasa mahihirap na lugar na “makaahon sa kinamulatan nilang kahirapan.”6 Nag-aplay si Roberto at napautang ng PEF, kaya nakapagpatuloy siya sa pag-aaral. Ang oportunidad na ito ay hindi lang nakatulong sa mga gastusin, kundi nakatulong din ito kay Roberto na magkaroon ng lakas ng loob na mag-asawa at bumuo ng pamilyang walang hanggan dahil alam niyang maitataguyod niya sila.
Nakapagtapos si Roberto ng medisina habang naglilingkod bilang bishop at naging unang miyembro ng Simbahan na napabilang sa National Board of Dominican Medical Schools. Ngunit ang pinakamagagandang ibinunga nito, sabi niya, ay nasa tahanan. “May mga pagbabago na sa aking pamilya ngayong nakaahon na kami sa kinamulatang kahirapan,” sabi niya. “Nagpapasalamat ako na hindi na matutulad sa akin ang buhay ng aking anak dahil nakaahon na kami sa kahirapang iyon.”
2. Kalusugan
Dahil nilikha tayo sa larawan ng Diyos (tingnan sa Genesis 1:27), ang ating mga katawan ay templo at dapat pangalagaan at igalang (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16–17).
Ang Word of Wisdom, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 89, ay ang batas ng kalusugan ng Panginoon at ipinahayag kay Joseph Smith noong 1833. Itinuturo nito sa atin na dapat tayong kumain ng masusustansyang pagkain at iwasan ang mga bagay na nakapipinsala. Noon pa man ay itinuro na sa atin ng mga Apostol at propeta na iwasan ang lahat ng pagkain o gawaing pumipinsala sa ating katawan o isipan at maaaring humantong sa pagkalulong.7
Natutuhan ni Sainimere Balenacagi ng Fiji ang aral na ito noong tinedyer pa siya nang dumalo siya sa kasal kasama ang ilang kaibigan na hindi mga miyembro ng Simbahan. Marami sa mga taong naroon, kabilang ang mga kaibigan ni Sainemere, ang umiinom ng alak at naninigarilyo at niyaya siyang uminom. “Sa buong buhay ko itinuro sa akin na ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo, kaya hindi ako nag-atubiling tanggihan ang alok” sabi ni Sainimere.
Alam niya na ang mga pagpapala ng pagsunod sa Word of Wisdom ay hindi lang sa kalusugan ng katawan: “Nagkaroon ako ng karagdagang proteksyon sa pagpili ng tama dahil malapit sa akin ang Banal na Espiritu. Malinaw kong nakikita na hindi nililimitahan ng mga pamantayan ang ating kalayaan; pinoproteksyunan tayo nito para hindi malimitahan ang ating kalayaan.”
3. Trabaho
Sa maraming ward at branch, ang paghahanap ng trabaho ang talagang kailangan ng mga miyembro sa pagsisikap nilang matustusan ang sariling pangangailangan. Ang mga korum ng priesthood at mga miyembro ng ward council ay makatutulong sa mga miyembrong ito. Dapat silang makipagtulungan sa mga taong ito, alamin ang makatutulong na mga ahensya sa komunidad, ituro kung sino ang personal na makatutulong sa mga nangangailangan, at kung ano ang mapapasukang trabaho. Ang lakas ng mga miyembrong nagkakaisa nang may pananampalataya upang tulungan ang mga nangangailangan ay kadalasang humahantong sa matagumpay na pagtatrabaho.
Sa ilang lugar sa mundo, ang Simbahan ay nagtayo ng mga employment resource center. Sa kasalukuyan, may mahigit 300 center sa 56 na bansa na nagbibigay ng mga serbisyong tulad ng mga career workshop, networking meeting, at job counseling. Ang bagong website ng Simbahan na LDSjobs.org ay nagbibigay din ng tulong sa mga naghahanap ng trabaho, nagpapatrabaho, at mga lider ng Simbahan.
Pagkatapos matanggal sa trabaho si Oséias Portinari ng Brazil, mahigit dalawang buwan siyang naghanap ng bagong trabaho. Nang hindi makakita ng trabaho, nagpasiya siya na maging boluntaryo sa employment resource center sa kanilang bayan sa São Paulo, Brazil. Ang pagtulong sa iba na makahanap ng trabaho ay nagbigay kay Oséias ng oportunidad na mapagbuti ang kanyang sariling kaalaman sa pag-iinterbyu at paghahanap ng trabaho. Ilang beses siyang dumalo sa career workshop at kalaunan ay naging instructor. Sa masigasig na paglilingkod sa iba, nagulat si Oséias nang makatanggap siya ng tawag sa mga kumpanya, na humantong sa magandang trabaho.
Nagpapasalamat si Oséias sa tulong ng Simbahan na nagbibigay sa mga miyembrong walang trabaho ng mas magandang pananaw sa buhay. Sabi niya, “Alam ko na kung magsisikap tayo, bibigyan tayo ng oportunidad ng Panginoon.”
4. Paggawa at Pag-iimbak ng Pagkain sa Tahanan
Noong 2007 inilunsad ng Simbahan ang Ihanda ang Bawat Kinakailangang Bagay: Pag-iimbak ng Pagkain ng Pamilya sa Tahanan, isang polyeto na nagbibigay ng pinasimpleng pamamaraan ng pag-iimbak ng pagkain ng pamilya sa tahanan. Hinihikayat ng Unang Panguluhan ang mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo na pagtuunan ng pansin ang pagkakaroon ng suplay ng mga pangunahing pagkain at tubig at pag-iimpok. Ang mga miyembro ay maaaring magsimulang gumawa o bumili ng ilang sobrang aytem at magtabi ng kaunting pera hangga’t kaya nila. Sa pagsunod sa hakbang na ito, ang mga miyembro ay magkakaroon ng imbak na pagkain sa tahanan at ipong pera na tutugon sa kanilang mga pangangailangan.8
Matapos malaman ang payong ito, ang pamilya Lugo ng Valencia, Venezuela, ay nabigyang-inspirasyon na simulan ang pag-iimbak ng pagkain sa kanilang tahanan. Linggu-linggo nagsimula silang magtabi ng kaunting pagkain, tubig, at pera. Kahit maliit ang kanilang kinikita, nagawa nilang makapag-imbak nang malaki makaraan lamang ang ilang buwan. Kalaunan sa taong iyon dahil sa pagwewelga ng mga manggagawa sa Venezuela maraming manggagawa sa lugar ang nanganib na mawalan ng trabaho. Kasama si Brother Omar Lugo sa mga nawalan ng trabaho kalaunan.
Halos umabot ng dalawang taon bago nakahanap ng trabaho si Brother Lugo. Sa panahong iyan, nabuhay si Brother Lugo at ang kanyang pamilya sa naipon nila at naimbak na pagkain. Sa kabila ng mahihirap na pagsubok ng kawalan ng trabaho, nakadama ng kapayapaan at kapanatagan ang mga Lugo dahil handa sila. Hinarap nila ang walang katiyakang kinabukasan nang may tiwala, batid na sinunod nila ang payo na unti-unting mag-imbak ng pagkain sa tahanan.9
5. Kabuhayan ng Pamilya
Ang isa pang aspeto ng masinop na pamumuhay ay ang matalinong pamamahala ng ating kinikita at gastusin. Ipinayo ng Unang Panguluhan:
“Hinihimok naming maging matipid kayo sa inyong paggastos; disiplinahin ang sarili sa pamimili upang maiwasan ang pag-utang. …
“Kung bayad na ang inyong mga utang at mayroon kayong reserbang pondo, kahit na maliit lang, kayo at ang inyong pamilya ay makadarama ng higit na seguridad at kapanatagan ng kalooban.”10
Ang maayos na kabuhayan ng pamilya ay nagsisimula sa pagbabayad ng mga ikapu at handog. Kapag inuuna ng mga miyembro ang Panginoon, mas napapangalagaan nila ang kanilang sarili at ang iba.
Isa pang bahagi ng maayos na kabuhayan ang pag-alam kung magkano ang inyong kinikita at gastusin at pagkontrol sa pera sa halip na hayaang ito ang magkontrol sa inyo. Noong sina Devon at Michaela Stephens ng Arizona, USA, ay gumawa ng badyet, wala silang gaanong ideya kung magkano ang nagagastos nila kada buwan. Pero nang gumawa sila ng badyet para sa bawat gastusin, natulungan sila nito na “kalimutan na ang pangangarap at harapin ang katotohanan,” ang sabi ni Michaela. “Kinabahan kami nang malamang kaunti lang pala ang pera namin, pero nakakatuwa rin dahil ngayon alam na naming kontroling mabuti ang aming gastusin.”
6. Espirituwal na Lakas
Ang espirituwalidad ay mahalaga sa ating temporal at walang hanggang kapakanan. Nakararanas tayong lahat ng mga pagsubok. Ang pagsisikap na mapalakas ang ating espirituwalidad ay makatutulong sa atin na harapin ang mga pagsubok na ito at umasang magiging mas maayos ang buhay.
Si Nirina Josephson-Randriamiharisoa ng Madagascar ay kasalukuyang naninirahan sa France para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Nang una siyang dumating doon, nahirapan siyang harapin aang lungkot at pangungulila. “Nakahanap ako ng lakas sa pagdarasal, pagbabasa ng banal na kasulatan, at sa mapagmahal na paghihikayat ng Espiritu Santo,” sabi ni Nirina. “Ang mga bagay na ito ang mas nagpalapit sa akin sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas, at nakadama ako ng kapayapaan.”
Hindi nagtagal nagkaroon ng mga kaibigan si Nirina at sumali sa mga aktibidad sa loob at labas ng Simbahan at naging masaya. Ngunit isang napakalungkot na balita mula sa kanila ang gumimbal sa kanya. “Isang umaga nakatanggap ako ng balita na namatay ang kapatid kong lalaki. Hindi ko inakalang malulungkot ako nang ganoon katindi. Nang sumunod na mga araw at linggo, pinaglabanan ko ang matinding lungkot, galit, at dusa. Pati ang mga simpleng bagay ay nahirapan akong gawin.”
Pagkaraan ng ilang buwan, namatay naman ang isa niyang malapit na kaibigan. Nakaragdag ito sa dinaranas na kalungkutan ni Nirina. Sandaling pumasok sa isip ni Nirina na huwag nang magsimba, ngunit naalala niya na ang mga bagay na nakatulong sa kanya sa mga nauna niyang pagsubok ay makatutulong din sa kanya ngayon.
“Tulad noong kalilipat ko pa lang sa France, nakahanap ako ng kapanatagan sa pagdarasal, pagbabasa ng banal na kasulatan, at sa Espiritu Santo. Sa pamamagitan nito mas natuklasan ko na ang Espiritu at ang doktrina tungkol sa walang hanggang pamilya ay magbibigay sa atin ng kapanatagan at na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay tunay na nadarama sa ating buhay,” sabi niya.
“Anumang pagsubok ang maranasan natin, walang ‘saradong daan’ sa Panginoon. Ang Kanyang plano ay plano ng kaligayahan.”