Dagdagan ang Ating Mahabaging Paglilingkod sa Pamamagitan ng Pagsunod sa Tagapagligtas
Ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito,” ang turo ng Tagapagligtas, “datapuwa’t sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon” (Lucas 9:24).
Patungkol sa payong ito sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Naniniwala ako na sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na maliban na kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba ay kaunti lamang ang layunin ng ating buhay. Ang mga nabubuhay para sa sarili lamang nila ay nangunguluntoy at nawawalan ng buhay, samantalang ang mga lumilimot sa kanilang sarili sa paglilingkod sa iba ay umuunlad at nananagana—at tunay na naliligtas ang kanilang buhay.”1
Maaaring mahirap humanap ng oras at lakas na kailangan para matulungan ang ating pamilya, kapwa, miyembro ng ward o branch, komunidad, at maging ang mga hindi natin kakilala. Kailan at paano tayo tutulong, lalo na kapag limitado lamang ang panahon ng bawat isa sa atin? Paano tayo makapaglilingkod kung nalilimitahan ng ating mga kalagayan ang ating kakayahan?
Ang ating Halimbawa, mangyari pa, ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na nag-aanyaya sa ating sumunod sa Kanya (tingnan sa Mateo 4:19). Bagama’t hindi tayo makababahagi sa Kanyang banal na tungkulin, makababahagi tayo sa Kanyang ministeryo. Sa paglalarawan sa ministeryong iyan, sinabi ni Apostol Pablo na si Jesus ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Ang Mga Gawa 10:38).
Pinagaling ni Jesus ang maysakit at nahahapis (tingnan sa Mateo 9:20–22; Marcos 8:22–25). Marahil hindi natin magagawa ang malalaking himala, ngunit maaari nating mapanatag at matulungan sa mga pangangailangan ang mga taong malapit ng pumanaw, maysakit, o nagdadalamhati.
Mahimalang pinakain ng Tagapagligtas ang mga taong walang makain (tingnan sa Mateo 14:15–21). Maaari tayong magbigay ng mas maraming handog-ayuno, maglingkod sa mga proyektong pangkapakanan ng Simbahan sa produksyon ng pagkain, at tumulong sa mga gawain ng komunidad na pakainin ang mga nangangailangan.
Batid ni Jesus ang pangangailangan at nagministeryo sa bawat isa (tingnan sa Lucas 8:45–48). Kapag hinangad nating tularan ang Kanyang halimbawa, bubuksan ng Espiritu ang ating mga mata upang makita ang mga nahihirapan, nalulungkot, at nalilihis ng landas. At tayo ay magagabayan sa pagtulong na matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Si Jesus ay gumugol ng panahon sa iba, kahit hindi Niya ito ipinlano (tingnan sa Lucas 24:29) at kahit may kinakaharap din Siyang sariling alalahanin (tingnan sa Mateo 14). Tayo ay pinayuhan na maglingkod sa matalino at maayos na paraan at huwag “tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas” (Mosias 4:27). Ngunit kung minsan ang ating pinakamalaking mga oportunidad na maglingkod at tumulong ay dumarating kung kailan hirap din tayo. Sa talinghaga ng Tagapagligtas, inihinto ng mabuting Samaritano ang kanyang paglalakbay, upang sa oras ding iyon ay matulungan ang sugatang lalaki (tingnan sa Lucas 10:30–37).
Walang taong hindi mapapansin ng Tagapagligtas o napakaaba na hindi Niya matutulungan (tingnan sa Mateo 9:9–13). Tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, maaari nating mahalin at bigyang-inspirasyon ang iba, turuan sila ng mas mainam na paraan at anyayahang makiisa sa atin sa masaganang buhay na ibinibigay ng Tagapagligtas.
Alam ng ating Ama sa Langit ang ating kakaibang mga kakayahan, kalagayan, at hangarin, at alam Niya kung paano natin gagamitin ang mga ito para matulungan ang iba. Sa ating paglapit sa Kanya at paghingi ng patnubay, matutulungan Niya tayo na malaman kung kanino, saan, at paano tayo maglilingkod.