2011
Ang Lakas ng Nakararami
Hunyo 2011


Ang Lakas ng Nakararami

Ang Batas ng Pag-aayuno

Itinatag ng Panginoon ang batas ng pag-aayuno upang pagpalain ang Kanyang mga tao at maglaan ng paraan na mapangalagaan ang mga nangangailangan. Inutusan Niya ang mga Banal “[na magbahagi] ng inyong ari-arian sa mga maralita, … at ang mga [ito] ay ibibigay sa harapan ng obispo … para sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan” (D at T 42:31, 34). Ang mga handog-ayuno ang pangunahing pinagkukunan ng storehouse o kamalig ng Panginoon. Ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na magbigay ng handog na katumbas man lang ng halaga ng dalawang kainan na hindi kinain dahil nag-ayuno. Hiniling ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na magbigay ang mga miyembro ng “higit pa—makasampung beses kapag kaya nating gawin ito.”1

Kapag naunawaan at ipinamuhay natin ang batas ng pag-aayuno, ang ating pagmamahal at pagkahabag sa mga kapus-palad ay nadaragdagan. Ang pag-aayuno, na may kalakip na panalangin, ay isang anyo ng tunay na pagsamba. Kapag sinusunod natin ang batas ng pag-aayuno, nagtatamo tayo ng espirituwal na lakas, mga pagpapalang temporal, at mas malaking hangaring paglingkuran ang iba.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang konsepto tungkol sa mga handog-ayuno ay ginagawa na noon pang panahon ni Isaias nang, sa pagsasalita tungkol sa tunay na pag-aayuno, ay hinikayat niya ang mga tao na mag-ayuno at ‘magbahagi ng inyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan’ [Isaias 58:7]. Pinasimulan ni Propetang Joseph ang pagkolekta ng mga handog-ayuno para sa mga maralita sa Kirtland, Ohio; at kalaunan sa Nauvoo, Illinois, nagpadala ang Korum ng Labindalawang Apostol ng isang pangkalahatang liham sa Simbahan na nagbibigay-kahulugan ‘sa alituntunin ng pag-aayuno,’ sinasabing: ‘Hayaang maging isang halimbawa ito sa lahat ng banal, at hindi kailanman magkakaroon ng kakulangan sa pagkain: Kapag ang mga maralita ay nagugutom, hayaang ang mga mayroon, ay mag-ayuno ng isang araw at ibigay sa mga bishop ang katumbas na halaga ng sana ay kakainin nila para sa maralita, at lahat ay mananagana sa mahabang panahon. … At hangga’t ipinamumuhay ng mga banal ang lahat ng alituntuning ito nang may galak sa puso at masayang anyo palagi silang mananagana.’”2

Produksyon ng Pagkain

Ang produksyon at pagpoproseso ng pagkain upang pakainin ang mga nagugutom ang siyang pinagsasaligan ng planong pangkapakanan mula pa noong una itong ipabatid sa mga miyembro ng Simbahan. Ang dating magkakahiwalay na taniman at proyekto na nasa iba’t ibang dako ng Utah ay naging malaking network ng mahigit 1,000 bukirin at proyekto para sa food-production na pinangangasiwaan ng mga stake at ward ng Simbahan. Mayroong mga welfare farm o bukiring pangkapakanan sa Hilagang Amerika, Europa, Australia, at Polynesia. Noong 1980s ang mga bukirin at pasilidad na ito ay pinatatag, pinalaki at pinaganda. Ang ilang maliliit na pasilidad ay ipinagbili.

Noon, ang mga bukirin at pasilidad na ito ay sinusuportahan ng mga miyembro ng Simbahan na halos sila ang gumagawa—lahat ay boluntaryo. Ang mga miyembro ay nagbibigay ng libu-libong araw kada taon sa paggawa, pagpoproseso, at pamamahagi ng pagkain na gagamitin sa pagtulong sa mga nangangailangan. Mahigit 100 milyong libra (45 milyong kg) ng butil, beans, karne, prutas, gulay at iba pang mga bagay ang naaani o nagagawa taun-taon, tinitiyak na may pagkaing maibibigay ang mga bishop para tulungan ang mga nangangailangan. Sa mga lugar ng Simbahan kung saan wala o walang nakahandang mga storehouse, ginagamit ng mga bishop at branch president ang mga handog-ayuno upang makapagbigay ng kailangang pagkain at serbisyo.

Ang Storehouse o Kamalig ng Panginoon

Simula nang ipabatid ang programang pangkapakanan noong 1936, ang mga miyembro ng Simbahan ay nagtulungan upang maibsan ang paghihirap ng mga nangangailangan. Ang paghina ng ekonomiya, mga kalamidad, kawalan ng trabaho, pagkakasakit at kapansanan, o kamatayan ay pawang nangangailangan ng pagtutulungan ng mga Banal sa ilalim ng pamamahala ng priesthood upang matiyak na natutugunan ang mga pangangailangan at natulungan ang indibiduwal at mga pamilya. Sa nakalipas na mga taon milyun-milyong mga miyembro ang kusang nagbigay ng kanilang oras at mga talento upang tulungan ang iba at halinhan, tulad ng sabi ni Pangulong Monson, “ang kahinaan ng isang taong nag-iisa [ay] lakas ng nakararami na magkakasamang naglilingkod.”3

Nang magsalita si Pangulong Heber J. Grant tungkol sa welfare system o sistema ng gawaing pangkapakanan noong 1936, nakinita niyang “hindi [kailangan] ang bagong organisasyon sa Simbahan” kundi ang “mga organisasyon ng stake at ward, mga korum ng priesthood, ang Relief Society, at iba’t ibang auxiliary [ang] magbibigay ng pinakamalaking serbisyong makakaya [nila] para sa kapakanan ng buong Simbahan.”4 Naitatag na ng Panginoon ang organisasyong kailangan upang tulungan ang mga maralita at nangangailangan—nabuo na ang mga korum ng priesthood, naorganisa na ang mga Relief Society, at narito na sa lupa ang priesthood ng Diyos.

Ang mga miyembro ng Simbahan, kabilang ang kanilang inilaang paggawa, mga talento at kakayahan, ay naging mahalagang bahagi ng storehouse o kamalig ng Panginoon. Bukod pa sa mga handog-ayuno na ibinabayad sa pondo ng handog-ayuno ng Simbahan, magagamit ng mga lider ng priesthood ang panahon, mga talento, kakayahan, at lakas ng lahat ng miyembro sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Sa pagtanggap sa oportunidad na tulungan ang iba sa oras ng kanilang pangangailangan, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Ito ang tunay na kahulugan ng welfare o pagkakawanggawa, at ang tapat na pagsasagawa nito ay magpapasigla kapwa sa nagbibigay at tumatanggap, tulad ng nakinita ng mga propeta sa ating panahon.

Mga Tala

  1. Spencer W. Kimball, sa Conference Report, Abr. 1974, 184.

  2. Thomas S. Monson, “Be Thou an Example,” Ensign, Nob. 1996, 44.

  3. Thomas S. Monson, sa “Messages of Inspiration from President Monson,” Church News, Peb. 6, 2010, 2.

  4. Heber J. Grant, sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 tomo. (1965–75), 6:19; ang pagpapalaki ng mga titik ay inayon sa pamantayan.

Larawan ng karagdagang lakas na dulot ng pagkakaisa natin sa paglilingkod sa iba, ang mga kapatid sa priesthood sa Louisiana, USA, ay tumutulong sa pag-alis sa isang natumbang puno matapos manalasa ang Hurricane Katrina noong 2005.

Ang mga proyektong tulad ng pagtatanim ng milokoton [peach] ay nagbibigay ng maraming masustansyang pagkain na nakatutulong at nagpapasigla sa buhay ng mga taong naiwasan ang gutom dahil dito.

Ang mga handog-ayuno, tulad ng mga kinokolekta ng mga deacon na ito, ay mahalaga sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na matugunan ang pinakapangunahing mga pangangailangan ng tao, ang mga kabataang babae sa Hong Kong ay nagbalot ng sabon at iba pang gamit na panglinis sa katawan para sa mga biktima ng kalamidad.

Ang mga proyekto pang-serbisyo ay nagpapatibay ng ugnayan natin at tumutulong sa atin na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Dito, ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa Mexico, na nakibahagi sa pagpapaganda ng lugar, ay naglilinis ng isang bahay.

Mula kaliwa: mga larawang kuha nina Jed Clark, Howard Collett, Norman Burningham, at Craig Dimond