Institute
Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pananatiling Tapat sa Gitna ng Oposisyon at Paghihirap


“Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pananatiling Tapat sa Gitna ng Oposisyon at Paghihirap,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pananatiling Tapat sa Gitna ng Oposisyon at Paghihirap

Cold Missouri Night [Malamig na Gabi sa Missouri], ni Joseph Brickey

Lahat tayo ay nagkaroon ng mga karanasan na sumubok sa ating pananampalataya. Isa sa mga hamon natin sa buhay ay ang manatiling masunurin at di-natitinag sa Diyos kapag nararanasan natin ang mahihirap na panahong iyon. Habang pinag-aaralan mo ang sumusunod na materyal, alamin ang mga alituntunin na makatutulong na magabayan ka kapag sinusubok ang iyong pananampalataya.

Bahagi 1

Anong mga problema ang naranasan ng mga Banal sa Kirtland, Ohio, sa huling bahagi ng 1830s?

“Nanghina ang pananampalataya ng marami sa pinakamalalakas na lalaki sa Simbahan” sabi ni Brigham Young tungkol sa krisis na nakaapekto nang malaki sa Simbahan noong 1837, (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 372). Noong nakaraang taon lamang, natamasa ng mga Banal ang kapayapaan at pagbuhos ng paghahayag sa paglalaan ng Kirtland Temple. Ngunit sa mga buwan matapos ang paglalaan, ang pamumuhunan o “pagsasapalaran sa walang katiyakan” na karaniwan na sa bansa ay nagsimula ring humimok sa mga Banal. Ang Kirtland ay “tila sumusulong sa malaking pag-unlad,” isinulat ni Heber C. Kimball, “at lahat ay tila determinadong maging mayaman; sa pakiramdam ko ang mga ito ay mga kayamanang hindi totoo o likhang-isip lamang. Ang ilusyong ito na yumaman ang naging dahilan para maniwala ang marami sa mga Banal na dumating na ang panahon para pagkalooban sila ng Panginoon ng mga kayamanan ng mundo, at sa paniniwalang ito, nahikayat sila na lalo pang pagsikapang matamo ang mga yaman ng mundo, at dahil dito, dalawa sa Labindalawa, sina Lyman E. Johnson at John F. Boynton, ang nagtungo sa New York at bumili ng mga kalakal na nagkakahalaga ng $20,000 at pumasok sa negosyong pangkalakal, nanghiram ng malaking pera kay Polly Voce at sa iba pang mga Banal sa Boston at sa mga karatig na rehiyon, na hindi nila kailanman nabayaran” (sa Orson F. Whitney, The Life of Heber C. Kimball [1888], 111–12).

Nagsimulang lumaganap ang kapalaluan, paghahanap ng mali, at apostasiya sa maraming Banal. Naalala ni Eliza R. Snow:

Napakaraming tao na dating mapagpakumbaba at tapat sa pagganap sa bawat tungkulin … ang naging hambog, at iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso. Nang tanggapin ng mga Banal ang pagmamahal at diwa ng kamunduhan, nilisan ng Espiritu ng Panginoon ang kanilang puso. (Sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 371)

Sa kabila ng ilusyon na yumaman, tumindi ang problema ng Simbahan sa pananalapi kasunod ng gastos sa pagpapatayo ng isang templo at pagbili ng lupain na naging dahilan para magkaroon ng utang na libu-libong dolyar ang Simbahan. Ngayon, sa Kirtland at sa Missouri, nahirapan ang mga Banal na sundin ang utos ng Panginoon na bumili ng mas marami pang lupain at magtayo ng mga bagong pamayanan sa Far West at sa Jackson County. Sa pagsisikap na tumulong sa matinding problema ng Simbahan sa pananalapi, nagtayo si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ng isang maliit na bangko na tinawag na Kirtland Safety Society. Ilang mga Banal ang bumili ng stock sa bagong bangko, kabilang na si Joseph. Maraming Banal ang naniwala na magdadala ng kasaganaan at kayamanan ang hinaharap kung sila ay tapat.

limang dolyar na salapi ng bangko ng Kirtland

Ngunit dahil sa malawakang pagbagsak ng ekonomiya noong unang bahagi ng 1837, maraming bangko ang nalugi sa buong Estados Unidos. Ang kaguluhan sa ekonomiya sa buong bansa na sinamahan pa ng matinding oposisyon mula sa ilang hindi miyembrong mamamayan ay isa sa mga dahilan ng pagkalugi ng Kirtland Safety Society pagkaraan ng mga pitong buwan matapos itong buksan. Dalawandaang namuhunan sa bangko ang nawalan ng halos lahat ng ari-arian. Sa kanilang lahat, si Joseph Smith ang may pinakamalaking lugi.

Bagama’t karamihan sa mga Banal ay tumugon nang may pananampalataya, at nanatiling tapat sa kanilang patotoo sa panahong ito ng pagsubok, marami pa rin, pati na ilang lider ng Simbahan, ang sinisi si Joseph Smith para sa kanilang mga problema sa pera. May mga nagsabi na siya ay isang huwad na propeta at ninais nila na magtalaga ng isang bagong Pangulo ng Simbahan kapalit niya.

Bahagi 2

Ano ang maaari kong gawin para manatiling matatag at di-natitinag kapag sinusubok ang aking pananampalataya?

mapa ng hilagang-silangan ng Estados Unidos

Noong unang bahagi ng 1837, si Thomas B. Marsh, na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay tumulong na pamunuan ang Simbahan sa Missouri. Matapos malaman na binabatikos si Joseph Smith ng ilang miyembro ng korum at nagsimulang makipagtalo sa isa’t isa, naglakbay si Thomas patungo sa Kirtland, Ohio, sa pag-asang mapagkakaisa niya ang Labindalawa.

Sa kanyang paglalakbay patungong Kirtland, nalaman ni Thomas na tumawag ang Propeta ng dalawang miyembro ng korum para magmisyon sa England. Inakala ni Thomas na bilang pangulo ng korum, siya ang may tungkulin na tumawag sa kanila para magmisyon. Nang dumating si Thomas sa Kirtland, sinabi niya kay Joseph Smith ang mga alalahanin niya, at nakatanggap ang Propeta ng isang paghahayag na may kalakip na mga payo para kay Thomas (tingnan sa Revelations in Context [2016], 55–57).

Habang binabasa mo ang mga salita ng Panginoon para kay Thomas, pag-isipan kung anong mga payo at mga katotohanan mula sa mga talatang ito ang makatutulong sa isang tao na nahihirapang palakasin ang kanyang pananampalataya. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:10, 12–15.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong mga alituntunin na nakatala sa paghahayag na ito ang makatutulong sa iyo na manatiling matatag at di-natitinag habang sinusubok ang iyong pananampalataya?

Bahagi 3

Paano tayo maaaring inihahanda ng mga paghihirap para matutuhan natin ang pinakamahalaga?

Ang ilan sa mga tao na iyon sa Kirtland na tumalikod sa Simbahan ay naghangad na patayin si Joseph Smith. Dahil binalaan ng Panginoon sa isang paghahayag, sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay umalis sa gabi at naglakbay patungong Far West, Missouri, at dumating doon noong Marso 1838. Noong tag-init at taglagas ng taon na iyon, ang di-pagkakaunawaan at tensyon sa pagitan ng mga taga-Missouri at ng mga miyembro ng Simbahan ay humantong sa armadong labanan sa hilagang Missouri. Pinagbatayan ang pinalaking mga balita tungkol sa labanang ito, naglabas ang gobernador ng Missouri ng isang utos ng pagpuksa para pwersahang mapaalis ang mga Banal mula sa estado. Hindi nagtagal pagkatapos nito, noong Nobyembre 1838, si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay dinakip, pinaratangan ng pagtataksil laban sa estado, at kalaunan ay ibinilanggo sa Piitan ng Liberty o Liberty Jail sa Clay County, Missouri.

larawan ng Piitan ng Liberty

Makasaysayang larawan ng Piitan ng Liberty sa Liberty, Missouri.

Ang buhay sa bilangguan ay labis na nakaapekto kay Joseph. Sumisilip ang mga nanliligalig sa may rehas na mga bintana para maki-usyoso o sumigaw ng kalaswaan sa kanya. Siya at ang ibang mga bilanggo ay madalas na walang makain maliban sa maliit na tinapay na gawa sa harina ng mais. Ang dayami na ginawa nilang higaan mula noong Disyembre ay sala-salabid na at hindi na komportable. Tuwing magsisiga sila para painitin ang kanilang mga sarili, napupuno ng usok ang piitan at nasusulasok sila. …

Simula nang matanggap ang kanyang banal na tungkulin, nagpatuloy si Joseph sa gitna ng mga pagtuligsa, sinisikap na sundin ang Panginoon at tipunin ang mga Banal. At sa kabila nito, bagama’t lumaganap na ang simbahan sa mga nagdaang taon, tila nasa bingit ito ngayon ng pagbagsak.

Pinalayas ng mga mandurumog ang mga Banal ng Sion sa Jackson County. Ang pambabatikos [ng mga miyembro mismo] sa loob ng simbahan ng Kirtland ang nagpawatak-watak dito at nag-iwan sa templo sa kamay ng mga nagpapautang. At ngayon, matapos ang isang kakila-kilabot na pakikidigma sa kanilang mga kapitbahay, ang mga Banal ay nakakalat sa silangang pampang ng Ilog Mississippi, malungkot at walang matirhan. …

[Nadama ni Joseph na] ang mga Banal ay mabubuting tao na nagmamahal sa Diyos. Hindi sila marapat na kaladkarin mula sa kanilang mga tahanan, [bugbugin], at hayaang mamatay. (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 440–41)

Joseph Smith in Liberty Jail, ni Greg K. Olsen

Sa isang liham sa mga lider ng Simbahan at sa mga Banal sa kanyang bayan, taimtim na nagsumamo si Joseph, “O Diyos, nasaan kayo? … Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay, at ang inyong mga mata … [na] mamasdan mula sa walang hanggang kalangitan ang mga kaapihan ng inyong mga tao at ng inyong mga tagapaglingkod, at marinig ng inyong mga tainga ang kanilang mga iyak?” (Doktrina at mga Tipan 121:1–2).

Isipin ang isang pagkakataon na dumanas ka ng mga paghihirap at nagsumamo sa Diyos na tulungan ka. Habang pinag-aaralan mo ang mga sumusunod na salita na sinabi ng Panginoon kay Joseph sa Piitan ng Liberty, isipin na kunwari ay sinasabi ng Panginoon ang mga ito sa iyo. Maaari mong markahan ang mga parirala at mga alituntunin na tila pinakamahalaga para sa iyo.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:7–10 at Doktrina at mga Tipan 122:7–9.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Sa iyong journal o sa inilaang espasyo, isulat ang mga salita at mga alituntunin mula sa mga talata sa itaas na nakaantig sa iyo. Maging handang ibahagi sa klase ang natutuhan mo. Paano mo naranasan para sa iyong sarili ang katotohanan ng mga alituntunin na itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith sa Piitan ng Liberty?