Institute
Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Simbahan sa Kanluran


“Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Simbahan sa Kanluran,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Inukit na larawan ng Salt Lake City noong 1853, ni Frederick Piercy

Inukit na larawan ng Salt Lake City noong 1853, ni Frederick Piercy

Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Simbahan sa Kanluran

Ang mga Banal na nagtipon sa lambak ng Great Salt Lake at sa mga karatig na pook ay nakaranas ng ilang hamon pagkatapos nilang makarating doon. Kabilang dito ang masamang panahon, mga kuliglig na kumakain ng pananim, tagtuyot, at taggutom. Gayunman, si Brigham Young “ay hindi … gaanong nag-alala sa pag-aalaga ng mga pananim at pagkakaroon ng salapi sa halip ay inisip niya ang pagtulong sa kanyang mga tao upang maging isang banal na bansa.

Alam niya mula sa karanasan na uunlad sila mula sa paggawa nang masigasig at pagtanggap ng responsibilidad. ‘Magandang lugar ito upang gumawa ang mga Banal,’ ang sabi niya sa kongregasyon ng mga kasapi sa Lungsod ng Salt Lake noong 1856 (DNW [Deseret News Weekly], 10 Set. 1856, 5)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 11). Karamihan sa mga Banal ay nagpakita ng matinding pananampalataya sa Panginoon sa mga naunang taon na ito, sa kabila ng mga pagsubok. Sa kasamaang-palad, kabilang din sa panahong ito ng kasaysayan ng Simbahan ang trahedyang Masaker sa Mountain Meadows, na makakapagturo sa atin ng mahahalagang aral na maipapamuhay natin sa ating panahon.

Bahagi 1

Ano ang matututuhan ko mula sa mga naunang pioneer na Banal tungkol sa paglilingkod sa Panginoon at pagtatatag ng Kanyang kaharian ngayon?

Sa matinding taglamig noong 1848–49 kung saan napakalamig ng klima at kakaunti lang ang pagkain, nais ng ilang Banal na lumipat sa California at magmina ng ginto. Ipinropesiya ni Pangulong Brigham Young:

Pangulong Brigham Young

“Ang ilan ay nagtanong sa akin tungkol sa pagpunta [sa California]. Sinabi ko sa kanila na itinalaga ng Diyos ang lugar na ito [ang Great Basin] para sa pagtitipon ng kanyang mga Banal, at mas uunlad kayo rito kaysa kapag pumunta kayo sa mga minahan ng ginto. … Ipinakita sa akin ng Diyos na ito ang lugar na titirhan ng Kanyang mga tao, at dito sila uunlad; … pagagandahin ng Diyos ang panahon at magtatayo tayo ng isang lungsod at isang templo sa Pinakadakilang Diyos sa lugar na ito. Paaabutin natin ang ating mga pamayanan hanggang sa silangan at kanluran, hanggang sa hilaga at hanggang sa timog, at magtatayo tayo ng daan-daang bayan at lungsod, at libu-libong Banal ang magtitipon mula sa mga bansa ng mundo.” (Sa James S. Brown, Life of a Pioneer: Being the Autobiography of James S. Brown [1900], 121–22)

Sa panahon ng pagkamatay si Brigham Young noong 1877, nakita ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mahimalang katuparan ng propesiyang ito. Ang kanilang pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang propeta ay nagbigay-inspirasyon sa 60,000 hanggang 70,000 pioneer na Banal na dumayo sa Lambak ng Salt Lake, kung saan nagtatag sila ng 350 hanggang 400 komunidad sa Utah, Arizona, California, Idaho, Nevada, at Wyoming.

Ang Perpetual Emigration Fund na itinatag upang suportahan ang mahihirap na imigranteng Banal sa mga Huling Araw ay nakatulong na pondohan ang paglalakbay ng 30,000 Banal mula sa British Isles, Scandinavia, Switzerland, Germany, at Netherlands. Ipinangaral ng mga missionary ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba’t ibang dako ng mundo. Inilaan ng mga Banal ang kanilang oras para magtayo ng mga templo sa Salt Lake City, Logan, at St. George. Higit sa lahat, nag-iwan ang mga Banal ng isang pamana ng pananampalataya, sakripisyo, at di-natitinag na katapatan sa layunin ni Jesucristo at ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. (Tingnan sa “Brigham Young,” Newsroom Topics, newsroom.churchofjesuschrist.org.)

Pumili ng isa sa mga sumusunod na kuwento tungkol sa matatapat na Banal na nagtipon sa Utah noong mga unang araw ng Simbahan. Basahin ang kuwento at dumating sa klase na handang magbahagi ng mga aral o alituntunin na natutuhan mo mula rito tungkol sa paglilingkod sa Panginoon at pagtatatag ng Kanyang kaharian ngayon.

Lucy Meserve Smith

Basahin ang tungkol sa pagkahabag ni Lucy Meserve Smith at ng iba pang mga kababaihan na Banal sa mga Huling Araw na nagbigay ng tulong sa mga handcart pioneer, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 43–45. Magsimula sa talatang “Si Lucy Meserve Smith, halimbawa, ang namuno sa grupo … ,” at basahin hanggang sa dulo ng kabanata.

John Moyle

Basahin ang nagbibigay-inspirasyong kuwento tungkol kay John Moyle, na naglakbay papuntang Salt Lake para gumawa sa templo linggu-linggo sa kabila ng pagkawala ng kanyang binti sa isang aksidente, sa mensahe ni Dieter F. Uchtdorf na “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo” (Ensign o Liahona, Nob. 2008, 55–56). Basahin ang bahaging may pamagat na “Ang Halimbawa ni John Rowe Moyle.”

Elizabeth McCune

Basahin sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Pananampalatayang Tumugon sa Tawag,” Liahona, Hulyo 2011, 26 ang tungkol sa pananampalataya ng pamilya ni Elizabeth McCune nang tawagin silang tumulong na magtatag ng isang bagong pamayanan para sa pagtitipon ng mga Banal. Basahin ito sa pahina 26, umpisa sa talatang nagsisimula sa “Walang lugar sa mundo na napakaimportante …” hanggang sa talatang nagsisimula sa “Dahil kalilipat lang namin sa isang bagong bahay …”

Charles Walker at Charles Rich

Basahin ang tungkol sa pananampalataya ng dalawang lalaki at ng kanilang mga pamilya na tumugon sa tawag na magtatag ng mga bagong pamayanan para sa pagtitipon ng mga Banal, sa Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (1997, 1998), 107–08. Basahin ito sa pahina 107, umpisa sa talatang nagsisimula sa “Sa mga sa pangkalahatang kumperensya, binasa ni Pangulong Young … ,” hanggang sa talata sa pahina 108 na nagsisimula sa “Nagkaroon tayo ng maraming paghihirap …”

Bahagi 2

Ano ang dahilan ng Masaker sa Mountain Meadows?

Noong dekada ng 1850, nagdulot ng tensyon ang mga pagtatalo at di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga opisyal ng pamahalaan ng Estados Unidos. Dahil sa maling paniniwala na nagrerebelde ang mga Banal, nagpadala si Pangulong James Buchanan ng Estados Unidos ng 1,500 sundalo sa Salt Lake City upang mapigilan ang sinasabing rebelyon.

Sa mga mensahe sa mga Banal, inilarawan ni Pangulong Young at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang mga paparating na hukbo bilang mga kaaway. Nangamba sila na baka palayasin ng mga sundalo ang mga Banal sa Teritoryo ng Utah, tulad ng ginawang pagpapalayas sa kanila noon sa Ohio, Missouri, at Illinois. Sinabihan ni Pangulong Young ang mga Banal na mag-imbak ng mga butil para mayroon silang makain kung sakali mang kailanganin nilang tumakas mula sa mga sundalo. Bilang gobernador ng Teritoryo ng Utah, inutusan din niya ang milisya na maghanda para maipagtanggol ang teritoryo. Upang maiwasan ang pagdanak ng dugo, ang iba pang mga Banal ay naghandang lisanin ang kanilang mga tahanan at lupain at sirain ang mga ito kung kinakailangan.

Sa panahong ito, pumasok sa Utah ang isang pangkat ng mga dayong bagon na naglalakbay pakanluran mula Arkansas papuntang California. Nayamot ang ilang miyembro ng pangkat ng mga bagon dahil nahirapan silang makabili ng mga kinakailangang butil mula sa mga Banal.

mapa ng Masaker sa Mountain Meadows

Lumala ang tensyon sa Cedar City, ang huling pamayanan sa Utah na madaraanan papuntang California. Nagkaroon ng matitinding pagtatalo, at nagbanta ang ilang miyembro ng pangkat ng mga bagon na aanib sila sa paparating na hukbo ng pamahalaan para labanan ang mga Banal. Pagkatapos umalis ng pangkat ng mga bagon sa bayan, ninais ng ilan sa mga naninirahan at lider sa Cedar City na tugisin at parusahan ang mga kalalakihang nagbanta at nakasakit sa kanila.

Si Isaac Haight, ang alkalde ng Cedar City, komandante ng milisya, at stake president, ay humingi ng pahintulot kay William Dame, kumander ng milisya sa karatig na Parowan, na ipatawag ang milisya at lusubin ang mga nakaalitan nila mula sa pangkat ng mga bagon. Gayunman, tinanggihan ni Dame ang kahilingan nila at tinagubilinan sila na huwag pansinin ang mga pagbabanta ng mga dayuhan.

Sa halip na sundin ang tagubiling ito, nagplano si Isaac Haight at ang iba pang mga lider ng Cedar City na himukin ang mga Paiute Indian na atakihin ang pangkat ng mga bagon, nakawin ang kanilang mga baka, at patayin ang ilan sa o lahat ng kalalakihan. Inatasan ni Haight si John D. Lee, isang lokal na miyembro ng Simbahan at komandante ng milisya, na pamunuan ang mga Paiute sa pag-atakeng ito. Nagsabwatan sila na isisi sa mga Paiute ang pangyayaring ito.

Inilahad ni Isaac Haight ang kanyang plano sa isang konseho ng mga lokal na lider ng Simbahan, komunidad, at milisya. Ang ilang miyembro ng konseho ay mariin na tumutol sa plano ni Haight at nagtanong kung isinangguni niya ito kay Pangulong Brigham Young. Sinabi niyang hindi, at pumayag si Haight na magsugo ng isang mensahero sa Salt Lake City dala ang liham na nagpapaliwanag ng sitwasyon at nagtatanong kung ano ang dapat gawin. Aabutin ng mga isang linggo para makarating ang mensahero sa Salt Lake City at makabalik dala ang mga tagubilin ni Pangulong Young.

Ngunit ilang sandali bago paalisin ang mensahero, inatake na kaagad ni John D. Lee at ng isang grupo ng mga Indian ang kampo ng mga dayuhan sa isang lugar na tinatawag na Mountain Meadows. Tinangkang palabasin ni Lee na mga lokal na Paiute lamang ang sangkot dito. Ang ilan sa mga dayuhan ay napatay o nasugatan, at ang iba naman ay lumaban sa mga nang-aatake, kaya napilitang umatras si Lee at ang mga Paiute. Kaagad na ipinuwesto ng mga dayuhan ang kanilang mga bagon paikot para maproteksyunan sila.

Sa isang pagkakataon, nakita ng dalawang dayuhang kalalakihan ang mga miyembro ng milisya ng Cedar City. Pinaputukan sila ng mga miyembro ng milisya, at napatay ang isa. Nakatakas naman ang isa pa.

Sa pagtatangkang pigilan ang pagkalat ng balita na sangkot ang mga miyembro ng Simbahan sa mga pag-atake, pinlano nina Isaac Haight, John D. Lee, at ng iba pang mga lokal na lider ng Simbahan at ng milisya na patayin ang lahat ng natitirang dayuhan maliban na lamang sa maliliit na bata. “Muli silang humingi ng pahintulot kay Dame na ipatawag ang milisya, at muling tinipon ni Dame ang … konseho, na nagpasiyang dapat magpadala ng mga kalalakihan para tulungan ang mga nakubkob na dayuhan na magpatuloy sa kanilang paglalakbay nang mapayapa. Kalaunan ay naghinagpis si Haight, ‘Kung akin ang mundo, ibibigay ko ito masunod lang namin ang pasiya ng konseho’” (Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 18).

Pagkatapos ng pagpupulong ng konseho, nagtagumpay si Isaac Haight na hikayatin si Dame na pag-isipang muli ang pasiya ng konseho, at umalis si Haight sa paniniwalang nakuha na niya ang pahintulot na gamitin ang milisya para maisagawa ang kanilang plano. Kinausap ni John D. Lee ang mga dayuhan sa ilalim ng puting watawat ng kapayapaan at sinabi niyang poprotektahan sila ng milisya mula sa higit pang mga pag-atake sa pamamagitan ng paggabay sa kanila pabalik sa Cedar City nang ligtas.

Habang naglalakad ang mga dayuhan patungo sa Cedar City, humarap ang mga milisya at pinagbabaril sila. Ilang Indian na hinimok ng mga naninirahan sa lugar na iyon ang agad na lumabas mula sa kanilang mga pinagtataguan para sumama sa pag-atake. Sa tinatayang 140 dayuhan na kabilang sa pangkat na iyon ng mga bagon, tanging 17 maliliit na bata lamang ang itinira.

Dalawang araw pagkatapos ng masaker, dumating ang tugon ni Pangulong Young, kalakip ang tagubilin na pahintulutang maglakbay nang mapayapa ang pangkat ng mga bagon. “Nang mabasa ni Haight ang mga salita ni Young, tumangis siya na parang isang bata at ang nasabi lamang niya ay, ‘Huli na, huli na ang lahat’” (Richard E. Turley Jr., “The Mountain Meadows Massacre,” Ensign, Set. 2007, 20).

Ang mga piniling gawin ng ilang lider ng Simbahan at ng mga naninirahan sa katimugan ng Teritoryo ng Utah ay humantong sa malagim na Masaker sa Mountain Meadows. Kabaliktaran nito, sinikap naman ng mga lider ng Simbahan at ng teritoryo sa Salt Lake City na ayusin ang sigalot sa pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga mapayapang pag-uusap at negosasyon noong 1858. Sa panahong nangyari ang sigalot na ito—na tinawag kalaunan na Digmaan sa Utah—ang mga hukbo ng Estados Unidos at ang mga miyembro ng milisya ng Utah ay naghanda para umatake ngunit hindi ito kailanman humantong sa digmaan.

monumento ng Masaker sa Mountain Meadows

Nagsasalita sa monumento ng Masaker sa Mountain Meadows noong Setyembre 11, 2007, sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

Ang ebanghelyo ni Jesucristo na pinaniniwalaan natin ay nagbabawal sa walang-awang pagpatay ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata. Sa katunayan, naghihikayat ito ng kapayapaan at kapatawaran. Ang ginawa rito ng mga miyembro ng ating Simbahan maraming taon na ang nakararaan ay nagpapakita ng kasuklam-suklam at di-makatwirang paglihis sa itinuturo at pag-uugali ng isang Kristiyano. … Nagpapahayag kami ng matinding kalungkutan para sa masaker na ginawa sa lambak na ito … at sa labis-labis at di-mailarawang pagdurusang naranasan ng mga biktima noon at ng kanilang mga kamag-anak ngayon. (Henry B. Eyring, “150th Anniversary of Mountain Meadows Massacre,” newsroom.ChurchofJesusChrist.org)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang ilan sa mga aral na matututuhan natin mula sa mga maling pagpili na humantong sa Masaker sa Mountain Meadows? Basahin ang Mga Kawikaan 28:13 at 3 Nephi 12:24–25, 43–44, at tukuyin ang mga alituntunin na kung sinunod sana nila ay napigilan ang trahedyang ito. Pag-isipan kung paano maaaring mapigilan ng mga alituntuning ito ang mga pighati o trahedya na hindi naman kinakailangan sa iyong sariling buhay.