Institute
Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman


“Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)

“Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik

Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman

tinedyer na tumitingin sa phone

Kung minsan ay may natutuklasan tayong mga bagong impormasyon na nagpapamangha sa atin o nagpapaisip sa atin ng mga tanong tungkol sa doktrina, mga gawain, o kasaysayan ng Simbahan. Kung paano ka magtanong at kung saan ka naghahanap ng mga sagot ay maaaring magpalakas o magpahina sa iyong pananampalataya. Habang pinag-aaralan mo kung paano ka magtatamo ng espirituwal na kaalaman, alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa paghahanap mo ng mga sagot ayon sa paraan ng Panginoon.

Bahagi 1

OK lang ba na magkaroon ng mga tanong tungkol sa Simbahan?

Paulit-ulit tayong hinihikayat sa banal na kasulatan na magtanong sa Diyos (tingnan sa Santiago 1:5; Doktrina at mga Tipan 88:63). Habang naglilingkod noon sa Unang Panguluhan, itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

Mahal kong mga kaibigang kabataan, tayo ay mga taong mahilig magtanong. Ganyan talaga tayo, dahil alam natin na ang pagtatanong ay humahantong sa katotohanan. Sa ganyan nagsimula ang Simbahan, mula sa isang binatilyong may mga tanong. Katunayan, hindi ko tiyak kung paano matutuklasan ng isang tao ang katotohanan nang hindi nagtatanong. … Sa pagtatanong nagsisimula ang patotoo. … Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan. Ito ay simula ng pag-unlad. (“The Reflection in the Water,” Church Educational System devotional [Nob. 1, 2009], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

Nalulugod ang Ama sa Langit at si Jesucristo na bigyan tayo ng kaalaman at pang-unawa. Umuunlad tayo sa espirituwal kapag nagtatanong tayo at naghahanap ng mga sagot nang may katapatan at pananampalataya. Tandaan na sa pagtulong sa atin ng Panginoon na matuto na magkaroon ng pananampalataya sa Kanya, maaaring hindi Niya ibigay ang lahat ng sagot sa lahat ng tanong natin sa buhay na ito. Sa katunayan, hindi natin kinakailangang mahanap ang mga sagot sa lahat ng tanong upang magkaroon ng patotoo at tumayo bilang saksi ng katotohanan. Ngunit ang taos-pusong pagtatanong ay makatutulong sa atin na patuloy na matuto at umunlad.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Sa inilaang ispasyo, sumulat ng ilang tanong na narinig mo na o sarili mong tanong tungkol sa relihiyon, espirituwalidad, ebanghelyo, o tungkol sa Simbahan.

Mga estudyante: Ipadala ang isa o dalawa sa mga tanong na ito sa pamamagitan ng text o email sa inyong institute teacher. Hindi niya ipaaalam na sa iyo nanggaling ang mga tanong na iyon ngunit maaari niyang magamit ang mga ito sa klase para sa pagpapraktis sa paghahanap ng mga sagot ayon sa paraan ng Panginoon. Makatutulong din ang mga tanong na ito sa iyong titser na mas maunawaan ang iyong mga alalahanin at kung paano masasagot ang mga ito sa buong panahon ng kursong ito. Sa iyong patuloy na pag-aaral, maghanap ng mga alituntunin na makapagtuturo sa iyo kung paano maghanap ng mga sagot sa mahihirap na tanong.

Bahagi 2

Sa paanong paraan nais ng Panginoon na maghanap ako ng mga sagot sa mga tanong at magtamo ng espirituwal na kaalaman?

Matutulungan ka ng mga sumusunod na alituntunin sa paghahanap ng mga sagot sa mga tanong at paglutas sa mga alalahanin ayon sa paraan ng Panginoon:

  1. Kumilos nang may pananampalataya.

  2. Suriin ang mga konsepto at mga tanong nang may walang-hanggang pananaw.

  3. Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.

Habang pinag-aaralan mo ang mga alituntuning ito sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa ibaba, maaari mong markahan ang mahahalagang pahayag o bagay na mahalaga para sa iyo para maibahagi mo ang mga ito sa klase at magamit kalaunan.

Kumilos nang may Pananampalataya

Ang pananampalataya ay nagsisimula sa paniniwala na ang Diyos ay buhay, nalalaman ang lahat ng bagay, at pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Kumikilos tayo nang may pananampalataya kapag pinipili nating magtiwala sa Diyos at lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, pag-aaral ng Kanyang mga turo, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na “Huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala” (Mormon 9:27). Kapag nagtatag tayo ng isang huwaran ng pagkilos nang may pananampalataya sa araw-araw nating buhay, nagtatayo tayo ng matibay na pundasyon kay Jesucristo na magtitiyak na mananatili tayong malakas, kahit maharap tayo sa mahihirap na tanong o problema (tingnan sa Helaman 5:12).

Kapag nakabasa o nakarinig ka ng impormasyon o mga pahayag na hindi mo nauunawaan o humahamon sa iyong mga paniniwala, hindi mo kinakailangang pag-alinlanganan ang iyong pananampalataya o nakaraang mga espirituwal na karanasan. Sa mga sandaling iyon, ipinayo ni Elder Jeffrey R. Holland, “Huwag mataranta at umurong. Huwag mawalan ng kumpiyansa sa sarili. Huwag kalimutan ang nadama na ninyo noon. Huwag pag-alinlanganan ang [mga espirituwal] na karanasan ninyo” (“Remember How You Felt,” New Era, Ago. 2004, 6). Sa halip, “manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (Jeffery R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 94).

Habang “[nananangan ka] nang mahigpit sa nalalaman [mo] na,” alalahanin na ang saloobin at hangarin mo sa pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ay magkakaroon ng mahalagang epekto sa iyong kakayahan na matuto mula sa Espiritu Santo. Ang prosesong ito ay nangangailangan ng pagpapakumbaba, katapatan, at tunay na layunin na kumilos ayon sa katotohanang natatanggap natin mula sa Panginoon.

Let Him Ask of God, ni John McNaughton

Nang maharap si Joseph Smith sa usaping relihiyon na puno ng “kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta,” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:8), maaari sanang nadismaya na siya kaagad, tinulutang mapuno ng pag-aalinlangan ang kanyang puso, at “[nanatili] sa kadiliman at kaguluhan” (talata 13). Sa halip, sinaliksik niya ang mga banal na kasulatan at lubos na naantig ng mensahe na matatagpuan sa Santiago 1:5 na “humingi sa Dios.” Kumikilos nang may pananampalataya, nagtungo siya sa kakahuyan at “lumuhod at nagsimulang ialay ang mga naisin ng [kanyang] puso sa Diyos” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:15). Ang kanyang taimtim na panalangin ay sinagot sa pamamagitan ng isang pangitain mula sa langit. Nilisan niya ang kakahuyan na “nalaman para sa [kanyang] sarili” ang mga sagot sa kanyang mga tanong (talata 20).

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin ang isa sa mga tanong na isinulat mo kanina. Paano ka o ang ibang tao na may ganitong tanong ay maaaring kumilos nang may pananampalataya habang naghahanap ng mga sagot at karagdagang patnubay?

Suriin ang mga Konsepto at mga Tanong nang May Walang-hanggang Pananaw

Para masuri ang mga konsepto ng doktrina, tanong, at isyung panlipunan nang may walang-hanggang pananaw, isinasaalang-alang natin ang mga ito sa konteksto ng plano ng kaligtasan at ng mga turo ng Tagapagligtas. Hinihingi natin ang tulong ng Espiritu Santo para makita ang mga bagay-bagay tulad sa kung paano nakikita ng Panginoon ang mga ito (tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:5, 9–11). Ang paraang ito ay tumutulong sa atin na makita ang mga bagay-bagay mula sa pananaw ng Panginoon sa halip na mula sa pananaw ng mundo. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng “Ano na ba ang alam ko tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano, at kung paano Siya nakikitungo sa Kanyang mga anak?” at “Anong mga turo ng ebanghelyo ang nauugnay o naglilinaw sa konsepto o isyung ito?”

Dapat ding suriin nang may walang-hanggang pananaw ang mga tanong na nauugnay sa kasaysayan. Maaari ding makatulong na suriin ang mga tanong tungkol sa kasaysayan sa wastong konteksto ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kultura at mga kaugalian sa panahon nito sa halip na igiit ang mga kasalukuyang pananaw at saloobin. Halimbawa, kung natuklasan mong ikinasal sa edad na 14 o 15 ang iyong ninuno noong 1800s, maaaring isipin mo na napakabata pa niya para magpakasal maliban kung naunawaan mo na sa panahong iyan, karaniwan na ito.

Mahalagang tandaan na ang mga detalye ng kasaysayan ay hindi nagtataglay ng nakapagliligtas na kapangyarihan na taglay ng mga ordenansa, mga tipan, at doktrina. Ang pagkalito dahil sa di-gaanong mahahalagang detalye na magbubunga ng hindi pagkaunawa sa unti-unting paglalahad ng himala ng Panunumbalik ay parang pagsasayang ng oras sa pagsuri sa isang kahon ng regalo at hindi pagpansin sa kagandahan mismo ng regalo.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Hangarin na Mas Makaunawa sa pamamagitan ng Sources na Itinalaga ng Diyos

Isipin kunwari na pinaratangan ng isang estranghero ang isa sa iyong mga mahal sa buhay na gumawa ng masama. Paano mo aalamin kung nagsasabi siya ng totoo o kung nagkakamali siya? Ano ang panganib kapag pinaniwalaan mo ang estranghero nang hindi nagsasagawa ng karagdagang pagsisiyasat sa nangyari?

phone screen na nagpapakita ng Google

Sa pamamagitan ng internet, nakakakuha tayo ng magagandang impormasyon. Kasabay nito, inilalantad tayo ng internet sa matinding pagdagsa ng mga di-mapagkakatiwalaang impormasyon. Dahil hindi awtomatikong nasasala ng internet ang mga nakalilito, mapanlinlang, o maling impormasyon para sa atin, dapat sinasala natin ito mismo. Nagbabala si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Kailangan tayong maging maingat kapag naghahanap ng katotohanan at namimili ng mga sanggunian” (“Katotohanan at ang Plano,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 25).

Bilang bahagi ng paraang itinalaga ng Panginoon sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, naglaan Siya ng mga tulong o sources kung saan sa pamamagitan nito ay maihahayag Niya ang katotohanan at patnubay sa Kanyang mga anak. Kabilang sa mga tulong o sources na ito na ibinigay ng Diyos ay ang Liwanag ni Cristo, ang Espiritu Santo, ang mga banal na kasulatan, mga lider ng Simbahan, at matatapat na miyembro ng pamilya. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol—ang mga propeta ng Panginoon sa lupa ngayon—ay mahalagang mapagkukunan ng katotohanan. Pinili at inordenan ng Panginoon ang mga taong ito na magsalita para sa Kanya.

Matututuhan din natin ang katotohanan sa pamamagitan ng iba pang mapagkakatiwalaang mga tulong o sources. Gayunman, ang mga tapat na naghahanap ng katotohanan ay dapat mag-ingat sa mga di-mapagkakatiwalaang pinagkukunan ng impormasyon. Ang matutong matukoy at maiwasan ang mga di-mapagkakatiwalaang sources o mga materyal ay maaaring magprotekta sa atin laban sa mga maling impormasyon at sa mga naghahangad na sirain ang ating pananampalataya. Ang mga sumusunod na tanong at gabay ay makatutulong sa iyo para matukoy mo kung mapagkakatiwalaan ang sources o mga materyal:

Mga Tanong para sa Pagsusuri ng Sources o mga Materyal

  1. Ano ang mga kwalipikasyon, hangarin, at mga posibleng kinikilingan ng awtor?

    Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na dapat tayong “maging maingat sa layunin ng taong nagbibigay ng impormasyon. … Ang ating mga pansariling pasiya ay dapat ibatay sa impormasyon mula sa mga sanggunian na angkop sa pinag-uusapan at walang makasariling layunin” (Dallin H. Oaks, “Katotohanan at ang Plano,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 25).

  2. Gaano kalapit na nauugnay ang awtor sa mga pangyayaring inilarawan?

    Kapag tinatalakay sa isang materyal o source ang isang bagay mula sa kasaysayan ng Simbahan, itanong sa iyong sarili kung gaano nalilihis ang source mula sa pangyayaring tinatalakay nito. Ang mga kuwentong mula sa mga tao na narinig lamang ang mga ito mula sa isa pang tao ay kadalasang hindi gaanong mapagkakatiwalaan.

  3. Sinadya ba ng awtor na bale-walain ang makukuhang katibayan upang makapanlinlang?

    Sinasadya ng ilang awtor na alisin ang mahahalagang katotohanan at binabale-wala ang napakahalagang katibayan para suportahan ang kanilang partikular na opinyon.

  4. Nakalahad ba ang mga turo at mga pangyayari na tinalakay sa source o materyal na ito sa wastong konteksto ng panahon, lugar, at kalagayan ng mga ito?

    Nagdudulot ng kalituhan ang ilang turo at pangyayari sa kasaysayan kapag ang mga ito ay inalis sa konteksto ng panahon at lugar nito. Kasama rin sa konteksto ng kasaysayan ang iba pang mga kaganapan sa panahong iyon (tulad ng mga digmaan, krisis sa ekonomiya, at mga kilusan sa lipunan at pulitika) at ang kultura at mga demograpiko ng isang partikular na panahon at lugar.

  5. Suportado ba ang mga turo at pangyayari ng mga karagdagang mapagkakatiwalaang sources o mga materyal?

    Tumutulong ang iba pang mga suportang mapagkakatiwalaang sources o mga materyal sa pagtatatag ng katumpakan ng doktrina at mga pangyayari sa kasaysayan.

Mga Tanong para sa Pagsusuri ng Sources o mga Materyal

handout na Mga Tanong para sa Pagsusuri ng Sources o mga Materyal
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Mag-ukol ng ilang minuto na saliksikin ang website ng Simbahan, ang Gospel Library, o ang mga banal na kasulatan para sa mga mapagkukunan na makatutulong sa iyo o sa kakilala mo na makapaghanap pa ng karagdagang kaalaman tungkol sa mga tanong na isinulat mo kanina. Pagnilayan ang ginagampanan ng Espiritu Santo sa iyong sariling buhay habang sinusuri mo ang sources o mga materyal at nagsasaliksik ng katotohanan.