“Lesson 6 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Aklat ni Mormon—ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 6 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 6 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Aklat ni Mormon—ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon
Ano ang iyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon? Ano ang maaari mong gawin para patuloy na mapalakas ito? Habang pinag-aaralan mo ang sumusunod na materyal, dapat maipaliwanag mo nang mas mabuti kung bakit ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon at ng ating patotoo.
Bahagi 1
Ano ang ilang katibayan sa katotohanan at kahalagahan ng Aklat ni Mormon?
Hindi nagtagal matapos mailathala ang Aklat ni Mormon noong Marso 1830, iniutos ng Panginoon kay Joseph na iorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Nagsimulang magbenta ng mga kopya ng Aklat ni Mormon ang mga missionary sa kanilang paglalakbay. Ang aklat ay nagsimulang magkaroon ng malaking impluwensya sa pagtitipon ng mga tao sa Simbahan.
Sa taon ding iyon na nailathala ang Aklat ni Mormon, isang binatang nagngangalang Parley P. Pratt ang nabigyang-inspirasyon na ipagbili ang kanyang sakahan sa Ohio upang maipangaral niya ang Biblia. Hindi nagtagal matapos maibenta ang sakahan, si Parley at ang kanyang asawang si Thankful, ay naglakbay patungo sa silangan. Habang papalapit sila sa Palmyra, New York, nadama ni Parley na bumaba ng bangka. Bumaba siya, at si Thankful ay nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. Pagkatapos ay naglakad si Parley nang mga 16 na kilometro papunta sa tahanan ng isang Baptist deacon. Ikinuwento sa kanya ng deacon ang tungkol sa isang aklat na nabili niya na isinalin mula sa mga laminang ginto. Itinala kalaunan ni Parley ang sumusunod:
Sabik kong … binuksan [ang Aklat ni Mormon], at binasa ang pahina ng pamagat nito. Pagkatapos ay binasa ko ang patotoo ng ilang saksi na may kinalaman sa pamamaraan kung paano ito natagpuan at naisalin. Pagkatapos nito ay sinimulan kong basahin ang mga nilalaman nito mula sa umpisa. Maghapon akong nagbasa; hindi ko magawang kumain; dahil mas gusto kong magbasa kaysa kumain; hindi ako makatulog sa gabi, dahil mas gusto kong magbasa kaysa matulog.
Habang nagbabasa ako, napasaakin ang espiritu ng Panginoon, at nalaman at naunawaan ko na totoo ang aklat, kasing-simple at kasing-tiyak ng pagkaalam at pagkaunawa ng isang tao na buhay siya. (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 37)
Simula noong mga unang araw ng Simbahan, nalaman ng maraming tao ang itinuro kay Parley sa pamamagitan ng Espiritu Santo noong gabing iyon—na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ito ay naglalaman ng salita ng Diyos.
Nang matapos ni Joseph Smith ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon noong Hunyo 1829, ang Panginoon mismo ay nagpatotoo tungkol sa katotohanan nito.
Ipinahayag kalaunan ng Panginoon na totoo ang Aklat ni Mormon at nagbigay ng mga dahilan kung bakit Niya ito inilabas.
Makalipas ang ilang taon noong Linggo ng 1841, ginugol ni Propetang Joseph Smith ang buong araw sa pagpulong sa Labindalawang Apostol sa bahay ni Pangulong Brigham Young, na naglilingkod noon bilang pangulo ng korum na iyon. Habang kausap sila tungkol sa iba’t ibang paksa, itinuro ni Joseph ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon:
Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 74)
Pag-aralan ang mga sumusunod na bahagi para malaman pa ang tungkol sa mga katotohanang ito na itinuro ni Propetang Joseph.
Bahagi 2
Ano ang ibig sabihin ng pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo ang Aklat ni Mormon?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo dahil nakatuon ito sa Katotohanan (tingnan sa Juan 14:6; 1 Nephi 13:40), maging kay Jesucristo, at ipinanunumbalik ang malilinaw at mahahalagang bagay na inalis mula sa totoong ebanghelyo (tingnan sa 1 Nephi 13:26, 28–29, 32, 34–35, 40). Ang pambihirang pagsasama ng dalawang bagay na ito—pagtutuon sa Tagapagligtas at kalinawan ng mga turo—ay malakas na nag-aanyaya sa pagpapatotoo ng pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, maging ang Espiritu Santo. Kaya, ang Aklat ni Mormon ay nangungusap sa espiritu at puso ng mambabasa na walang katulad sa iba pang tomo ng mga banal na kasulatan. (David A. Bednar, “Mangagpuyat sa Buong Katiyagaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 41)
Bahagi 3
Paano naging saligang bato ng ating relihiyon ang Aklat ni Mormon?
Kapag nagtatayo ng isang arko, ang magkabilang bahagi nito ay itinatayo nang may suporta para hindi gumuho ang mga ito. Ang ispasyo sa itaas ng arko ay maingat na sinusukat, at pinuputol ang saligang bato na tamang-tama sa espasyong iyon. Kapag nailagay na sa lugar ang saligang bato at ang presyur mula sa iba pang mga bato ay nanahan dito, matibay na makatatayo ang arko nang walang mga suporta.
Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson kung paano naging saligang bato ng ating relihiyon ang Aklat ni Mormon:
May tatlong dahilan kung bakit ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon. Ito ang saligang bato sa ating patotoo kay Cristo. Ito ang saligang bato ng ating doktrina. Ito ang saligang bato ng patotoo.
Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato sa ating patotoo kay Jesucristo. … Karamihan sa mga Kristiyano sa mundo ngayon ay hindi tinatanggap ang pagiging Diyos o kabanalan ng Tagapagligtas. Pinag-aalinlanganan nila ang Kanyang mahimalang pagsilang, ang Kanyang perpektong buhay, at ang katotohanan ng Kanyang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli. Itinuturo nang malinaw at di-mapag-aalinlanganan ng Aklat ni Mormon ang tungkol sa katotohanan ng lahat ng iyon. Nagbibigay rin ito ng pinakakumpletong paliwanag tungkol sa doktrina ng Pagbabayad-sala. …
Ang Aklat ni Mormon din ang saligang bato ng doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli. … Napakaraming ibinibigay ang Aklat ni Mormon na nagpapalawak ng ating pag-unawa sa mga doktrina ng kaligtasan. Kung wala ito, maraming itinuturo sa iba pang mga banal na kasulatan ang hindi magiging napakalinaw at napakahalaga. …
… Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng patotoo. Tulad ng arko na babagsak kung aalisin ang saligang bato, ang Simbahan ay tatayo o babagsak ayon sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. … Kung totoo ang Aklat ni Mormon … kung gayon kailangang tanggapin ng tao ang mga pahayag ng Panunumbalik at lahat ng kaakibat nito. (Ezra Taft Benson, “Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Liahona, Okt. 2011, 54–55; idinagdag ang italics)
Bahagi 4
Paano tayo tinutulungan ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Diyos?
Maaari mong markahan ang mga salita o parirala sa mga sumusunod na pahayag na nagtuturo kung paano tayo tinutulungan ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit sa Diyos at pinagpapala ang ating buhay.
Itinuro ni Pangulong Benson:
May kapangyarihan sa [Aklat ni Mormon] na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magkakaroon kayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas. Ang mga banal na kasulatan ay tinatawag na ‘mga salita ng buhay’ (Doktrina at mga Tipan 84:85), at [talagang totoo iyan] sa Aklat ni Mormon. Kapag nagsimula kayong magutom at mauhaw sa mga salitang iyon, makikita ninyo na lubos na sasagana ang buhay. (Ezra Taft Benson, “Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” 57)
Pinatotohanan din ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Talagang may epekto ang Aklat ni Mormon sa inyong pagkatao, lakas, at katapangang maging saksi ng Diyos. Ang doktrina at magigiting na halimbawa sa aklat na iyon ay magpapasigla, gagabay, at magpapalakas ng inyong loob. … Ang mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay magpapatatag ng pananampalataya sa Diyos Ama, sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, at sa Kanyang ebanghelyo. Patatatagin nito ang inyong pananampalataya sa mga propeta ng Diyos, noong araw at ngayon. Mas ilalapit kayo nito sa Diyos kaysa anupamang ibang aklat. Patitinuin nito ang buhay. … Isinasamo ko na basahin ninyong mabuti at madalas ang mga pahina nito. (Henry B. Eyring, “Isang Saksi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 69–71)
At ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon, pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na mga adiksyon. (Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 62–63)