Institute
Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtanggap sa Banal na Kaloob na Biyaya ng Tagapagligtas


“Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtanggap sa Banal na Kaloob na Biyaya ng Tagapagligtas” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

iniaabot ni Jesucristo ang Kanyang kamay sa isang lalaki

Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtanggap sa Banal na Kaloob na Biyaya ng Tagapagligtas

May mga pagkakataon ba na pinanghinaan ka ng loob dahil sa iyong mga kasalanan, pagkakamali, kahinaan, at pagkukulang? Nasabi mo na ba sa iyong sarili ang mga bagay na tulad ng “Hindi sapat ang kabutihan ko” o “Hindi ako kailanman magiging karapat-dapat”? Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano ka masasagip ng biyaya ng Panginoon mula sa pamimintas sa sarili, magagawang kalakasan ang iyong mga kahinaan (tingnan sa Eter 12:27), at mabibigyan ng lakas na maging mas mabuti at gumawa ng mas mabuti kaysa magagawa mo nang mag-isa.

Bahagi 1

Bakit kailangan ko ang biyaya ng Tagapagligtas?

Pinatotohanan ni Apostol Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Ang nagpapalakas o nagbibigay-kakayahang kapangyarihang ito ay tinatawag na biyaya at “ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Biyaya,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/grace?lang=tgl).

Inilarawan ng Tagapagligtas ang pangangailangan natin sa Kanyang biyaya sa talinghaga ng tunay na puno ng ubas.

diagram ng puno ng ubas, sanga, bunga na may label
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Juan 15:1–8, at isipin kung ano ang maituturo sa atin ng mga simbolo sa talinghagang ito tungkol sa pangangailangan natin sa tulong ng Panginoon. (Paalala: Ang “nililinis” sa talata 2 ay maaari ding isalin bilang “pinupungusan” o “dinadalisay.”

Ito ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa talinghagang ito:

Elder Jeffrey R. Holland

[Si Cristo] ang lahat-lahat sa atin at dapat tayong “manatili” sa Kanya nang palagian, matatag, matibay, magpakailanman. Para sumibol at pagpalain ng bunga ng ebanghelyo ang ating buhay, dapat tayong matatag na mabigkis sa Kanya. … Siya ang punong tunay na pinagmumulan ng ating lakas at tanging pinanggagalingan ng buhay na walang hanggan. (“Manatili sa Akin,” Liahona, Mayo 2004, 32)

Ang manatili, o pananatili, kay Jesucristo ay nagtutulot sa atin na matanggap ang Kanyang biyaya upang madaig natin ang kasalanan at matanto ang ating buong potensyal. Itinuro ni Lehi, “Walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8). At nagpatotoo si Moroni na sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo tayo ay magiging katulad Niya—pinabanal, ganap, at banal (tingnan sa Moroni 10:32–33).

sinisikatan ng araw ang isang dalaga

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang biyayang dulot ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay “[tumutulong sa atin] na makaunawa at makagawa at maging mabuti sa mga paraang hindi mauunawaan o magagawa ng limitado nating mortal na kakayahan” (“Sa Lakas ng Panginoon,” Liahona, Nob. 2004, 77).

icon, talakayin

Talakayin upang Makapaghanda para sa Klase

Itanong sa isang kaibigan o kapamilya kung paano niya ipaliliwanag ang biyaya ni Jesucristo at kung paano niya nararanasan ang Kanyang biyaya.

Bahagi 2

Ano ang papel na ginagampanan ng aking pananampalataya at pagsunod sa pagtanggap ko sa biyaya ng Tagapagligtas?

isang tao na may hawak na regalo
mga barya na nakalabas sa pitaka

Isipin ang dalawang kalakip na larawan. Ang mga larawang ito ay maaaring kumatawan sa dalawang pananaw tungkol sa banal na biyaya. Itinuturing ng ilan ang biyaya bilang kaloob na ibinibigay nang walang kapalit anuman ang ginagawa natin sa buhay. Naniniwala ang iba na kahit paano ay makakamtan natin ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa. Sa dalawang hindi kumpletong pananaw na ito, sinabi ni Elder Holland:

Elder Jeffrey R. Holland

Ang ilang kaloob na nagmumula sa Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] ay para sa lahat, walang-hanggan, at walang kondisyon. Kasama dito ang Kanyang pagtubos para sa orihinal na pagkakasala ni Adan … [at] ang Pagkabuhay na Mag-uli. …

Ang ibang aspeto ng nagbabayad-salang kaloob ni Cristo ay may kondisyon. Nababatay ang mga ito sa pagpupunyagi ng tao na masunod ang mga utos ng Diyos. Halimbawa, kahit ang lahat na miyembro ng pamilya ng sangkatauhan ay malayang nabibigyan ng kapatawaran sa pagkakasala ni Adan kahit wala silang ginawang pagsisikap, hindi sila nabibigyan ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan maliban kung tapat silang mananampalataya kay Cristo [at] pagsisisihan ang mga kasalanang iyon …

Malinaw na ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala na walang kondisyon ay hindi pinaghihirapan, ngunit ang mga pagpapalang may kondisyon ay hindi rin lubos na nakakamtan. Sa tapat na pamumuhay at pagsunod sa mga utos ng Diyos, makatatanggap ng karagdagang mga pribilehiyo ang isang tao; ngunit ibinibigay pa rin ito nang walang kapalit, hindi talagang pinaghihirapan. (“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 36–37)

Tungkol sa mga kondisyonal na kaloob ng biyaya na makukuha sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, sinabi ni Nephi, “Nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Nabagabag ang ilan sa pariralang “sa kabila ng lahat ng ating magagawa” Upang matulungan kang mas maunawaan ang mga salita ni Nephi, basahin ang mga sumusunod na pahayag ng mga lider ng Simbahan:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Kung minsa’y naiisip ko kung nagkakamali tayo sa pag-unawa sa mga katagang “sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” Kailangan nating maunawaan na ang “sa kabila” ay hindi katumbas ng “dahil.”

Hindi tayo naliligtas “dahil” sa lahat ng ating magagawa. May nakagawa na ba sa atin ng lahat ng ating magagawa? Naghihintay ba ang Diyos hanggang sa maubos natin ang lahat ng pagsisikap bago Siya makialam sa ating buhay sa pamamagitan ng Kanyang nakapagliligtas na biyaya? …

Natitiyak ko na alam ni Nephi na ang biyaya ng Tagapagligtas ay nagtutulot at nagbibigay-kakayahan sa atin na iwasang magkasala [tingnan sa 2 Nephi 4:19–35; Alma 34:31]. Kaya nga nagsumigasig si Nephi na hikayatin ang kanyang mga anak at kapatid “na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos” [2 Nephi 25:23]. (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 110)

Elder D. Todd Christofferson

Hindi natin kailangang kamtin ang katamtamang lebel ng kakayahan o kabutihan bago tumulong ang Diyos—ang banal na tulong ay mapapasaatin sa bawat oras ng bawat araw, saan man tayo naroon sa landas ng pagsunod. … Ang pakiusap ko ay tanggapin lamang ang responsibilidad at kumilos para may maitulong sa atin ang Diyos. (D. Todd Christofferson, “Malaya Magpakailanman, na Kumilos para sa Kanilang Sarili,” Liahona, Nob. 2014, 19)

Elder Bruce C. Hafen

Ang kaloob na biyaya ng Tagapagligtas sa atin ay hindi limitado sa panahong “sa kabila” ng lahat ng ating magagawa. Maaari nating matanggap ang Kanyang biyaya bago, habang, at matapos ang panahon na naibigay na natin ang makakaya ng ating sarili. (Bruce C. Hafen, The Broken Heart: Applying the Atonement to Life’s Experiences [1989], 155–56)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang ilang maling pagkaunawang narinig mo tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas? Paano ka at ang iba pang kakilala mo mapagpapala ng natututuhan mo tungkol sa biyaya?

Bahagi 3

Paano mababago ng biyaya ng Panginoon ang aking buhay?

Naranasan ni Jesucristo ang lahat ng pasakit, tukso, at kahinaan ng mortal na buhay, kaya alam Niya kung paano tayo tutulungan (tingnan sa Mga Hebreo 2:18; 4:15; Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 62:1). Dahil si Jesucristo ay kapwa handa at may kakayahang Tagapagligtas, tayo ay “[makalalapit nang] may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo’y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan” (Mga Hebreo 4:16).

dalagang nagdarasal
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa paghahangad o pagtanggap ng biyaya ng Panginoon mula sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na salaysay sa banal na kasulatan.

Habang nagbabasa ka, isipin ang mga sumusunod na tanong:

  1. Paano naipakita ang biyaya?

  2. Ano ang ginawa ng tao (o ng mga tao) para anyayahan o umasa sa biyaya ng Panginoon?

  3. Paano ko maiuugnay ang salaysay na ito sa buhay ko?

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Isipin at isulat ang isang pagkakataon na nadama mo na natanggap mo ang biyaya ng Panginoon. Isaisip na kadalasan, ang biyaya ay dumarating sa maliliit at simpleng paraan. Maghandang ibahagi ang iyong halimbawa sa klase.