Institute
Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtulong sa Panginoon sa Pagtubos sa mga Patay


“Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtulong sa Panginoon sa Pagtubos sa mga Patay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Families [Mga Pamilya], ni Caitlin Connolly

Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtulong sa Panginoon sa Pagtubos sa mga Patay

Ano ang alam mo tungkol sa iyong mga ninuno? Marami o kaunti man ang alam mo, mahalagang tandaan na sila ay tunay na mga tao. Bawat isa ay minamahal na anak na babae o anak na lalaki ng Ama sa Langit. Isipin kung ilan sa iyong mga ninuno at iba pa sa buong kasaysayan ang nabuhay at namatay nang walang kaalaman tungkol kay Jesucristo o hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang mga ordenansa ng ebanghelyo. Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano nakatulong ang ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu para maipagkaloob ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa lahat ng tao. Pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa mo para matulungan ang Tagapagligtas sa pagtubos sa mga patay.

Bahagi 1

Ano ang itinuturo sa atin ng ministeryo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu tungkol sa Kanya?

Sinabi ni Elder Spencer J. Condie, habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu:

Elder Spencer J. Condie

Ang katotohanan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus ay tinatawag ng mga Kristiyano na mahahalagang doktrina. Gayunman, ang ginawa ng imortal na espiritu ni Jesus matapos ang Kanyang kamatayan at bago ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay isang hiwaga sa lahat maliban sa mga Banal sa mga Huling Araw. (“The Savior’s Visit to the Spirit World,” Ensign, Hulyo 2003, 32)

Ang daigdig ng mga espiritu ay isang hiwaga para sa marami dahil hindi ito gaanong binabanggit sa Biblia. Sa Kanyang mortal na ministeryo, ipinropesiya ni Jesucristo na “maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay” (Juan 5:25; tingnan din sa mga talata 24, 26–28). Habang nakapako sa krus, sinabi ni Jesus sa taong nagsisisi na katabi Niya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso [o, sa daigidg ng mga espiritu]” (Lucas 23:43). Itinuro kalaunan ni Pedro na matapos ang kamatayan ni Jesus, Siya ay “pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan” (1 Pedro 3:19; 4:6).

Noong 1918, pinagninilayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga salitang ito mula kay Pedro at pinagninilayan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas nang magkaroon siya ng isang pambihirang pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:1–11).

Ang Itinalaga, ni Harold I. Hopkinson

The Commissioned [Ang Itinalaga], ni Harold I. Hopkinson

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:12–19, 23–24, at isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng makasama ang matatapat na espiritu na inilarawan sa mga talatang ito.

Sa pangitaing ito, inisip ni Pangulong Joseph F. Smith kung paano kaya maituturo ng Tagapagligtas ang ebanghelyo sa lahat ng espiritu ng mga patay samantalang maikling panahon lamang Siya naroon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:25–28).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:29–35, at alamin kung paano inihanda ng Panginoon ang daan para maipangaral ang Kanyang ebanghelyo sa lahat ng tao sa daigdig ng mga espiritu.

Christ Preaching in the Spirit World [Si Cristo na Nangangaral sa Daigdig ng mga Espiritu], ni Robert T. Barrett
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Tagapagligtas mula sa pangitain ni Pangulong Smith? Paano mo ipaliliwanag ang kahalagahan ng pambihirang pangyayaring ito sa isang taong hindi pa nakarinig nito?

Bahagi 2

Paano ko matutulungan ang Panginoon sa pagtubos sa mga patay?

Dahil sa Kanilang walang hanggang pagmamahal at awa, ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay naghanda ng paraan para matanggap ng lahat ng tao ang mga ordenansang kailangan para sa kadakilaan—binyag, kumpirmasyon, ordenasyon sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), endowment sa templo, at pagbubuklod ng kasal. Kapag tiningnan natin mula sa walang-hanggang pananaw, nakikita natin ang mga tagasunod ng Tagapagligtas sa magkabilang panig ng tabing na nakikipagtulungan sa Kanya para sa kaligtasan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit. Ang gawain ng kaligtasan para sa mga patay ay isang sagradong pagkakataon na maaari tayong makibahagi ngayon at sa buong buhay natin. Ang isang paraan na makatutulong tayo sa gawaing ito ay sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa pamamagitan ng proxy, na maisasagawa lamang sa mga templo.

binyag na isinasagawa sa templo

Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, inaanyayahan ng Panginoon ang lahat ng miyembro ng Simbahan na ihanda ang kanilang sariling family history o kasaysayan ng pamilya at tukuyin ang mga nangangailangan ng nakapagliligtas na mga ordenansa. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Sa paggawa para sa iba ng hindi nila magagawa para sa kanilang sarili, tinutularan natin ang huwaran ng Tagapagligtas, na gumawa ng Pagbabayad-sala upang pagpalain ang buhay ng ibang tao. (“Personal Preparation for Temple Blessings,” Liahona, Mayo 2001, 34)

Ito ang sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa gawain na isinasagawa nang proxy sa mga templo:

Elder D. Todd Christofferson

Ang mga pagsisikap natin para sa kapakanan ng mga yumao ay nagpapatotoo na si Jesucristo ang banal na Manunubos ng buong sangkatauhan. Ang Kanyang biyaya at mga pangako ay sumasaklaw maging sa mga tao na hindi Siya nahanap sa buhay na ito sa lupa. (“The Redemption of the Dead and the Testimony of Jesus,” Ensign, Nob. 2000, 11)

Tinukoy ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga “kahanga-hangang” pagpapala na matatanggap natin kapag gumagawa tayo ng family history at gawain sa templo:

Elder Dale G. Renlund
  • Dagdag na pagkaunawa tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo;

  • Dagdag na impluwensya ng Espiritu Santo upang makadama ng lakas at direksyon para sa ating sariling buhay;

  • Dagdag na pananampalataya, upang maging malalim at manatili ang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas;

  • Dagdag na kakayahan at motibasyon na matuto at magsisi dahil nauunawaan natin kung sino tayo, saan tayo galing, at mayroon tayong mas malinaw na kaalaman kung saan tayo patungo;

  • Dagdag na mga impluwensya sa ating mga puso na nagpapadalisay, naglilinis, at nagpapatatag;

  • Dagdag na kagalakan sa pamamagitan ng nadagdagang kakayahang madama ang pagmamahal ng Panginoon;

  • Dagdag na mga pagpapala sa pamilya, anuman ang kalagayan ng pamilya sa kasalukuyan, nakaraan, o hinaharap, o gaano man hindi kaperpekto ang ating family tree;

  • Dagdag na pagmamahal at pagpapahalaga para sa ating mga ninuno at nabubuhay pang mga kamag-anak, upang hindi na tayo makadama ng pag-iisa;

  • Dagdag na kakayahan na mahiwatigan kung sino ang nangangailangan ng pagpapagaling at sa gayon, sa tulong ng Panginoon, ay mapaglingkuran ang iba;

  • Dagdag na proteksyon mula sa mga tukso at sa umiigting na impluwensya ng kaaway; at

  • Dagdag na tulong upang mapaghilom ang nahihirapan, bagbag, o nababalisang mga puso at pagalingin ang nasugatan.

Kung naipagdasal na ninyo ang anuman sa mga pagpapalang ito, makibahagi sa gawain sa family history at sa templo. Kapag ginawa ninyo ito, masasagot ang inyong mga panalangin. Kapag ang mga ordenansa ay isinagawa para sa mga pumanaw, napagagaling ang mga anak ng Diyos sa daigdig. (“Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Liahona, Mayo 2018, 47)

mga mag-asawa na may hawak na mga card para magsagawa ng gawain sa templo
icon, kumilos

Kumilos

Ano ang magagawa mo ngayon para makibahagi kasama ng Panginoon sa gawain sa templo at family history? Maaari mong kausapin ang isang kapamilya tungkol sa iyong mga ninuno, gumawa ng indexing, maging mas pamilyar sa FamilySearch, o pumunta sa templo at magsagawa ng ordenansa para sa isang taong namatay na.