Kasaysayan ng Simbahan
36 Ang Mahinang Bagay ng Sanlibutang Ito


“Ang Mahinang Bagay ng Sanlibutang Ito,” kabanata 36 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 36: “Ang Mahinang Bagay ng Sanlibutang Ito”

Kabanata 36

Ang Mahinang Bagay ng Sanlibutang Ito

mga ligaw na bulaklak sa parang

Noong Hulyo 29, 1887, nakatayo si Wilford Woodruff kasama sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith sa bintana ng tanggapan ng Pangulo ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake. Magkakasama, pinanood nila ang karo ni John Taylor na dahan-dahang bumabagtas sa gitna ng lunsod. Malalaking grupo ng mga tao ang nakahanay sa mga lansangan habang mahigit isandaang karwahe, karitela, at bagon ang dumaan. Ipinahayag ni Emmeline Wells kung ano ang nadarama ng maraming Banal nang isinulat niya na si Pangulong Taylor “ay isang lalaki na maaaring makatiyak ang mga tao bilang kanilang pinuno at maaari nilang angkop na ipagmalaki.”1

Tanging ang banta ng pagdakip ang pumigil kina Wilford at sa dalawa pang apostol na lumabas upang magbigay-galang sa kanilang kaibigan at propeta. Tulad ng karamihan sa kanyang korum, bihirang nagpapakita si Wilford sa publiko upang maiwasang madakip dahil sa poligamya o sa labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal. Nang pumanaw ang kanyang asawang si Phebe noong 1885, nasa tabi nito si Wilford. Ngunit hindi siya dumalo sa libing nito tatlong araw pagkaraan, natatakot na maaari siyang madakip. Ngayon, bilang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang senior na lider ng Simbahan, lalo pang inasinta ng mga marshal si Wilford.

Hindi hinangad kailanman ni Wilford na mamuno sa Simbahan. Nang matanggap niya ang balita ng pagkamatay ni John, damang-dama niya ang bigat ng kahalagahan at hirap ng responsibilidad sa kanyang mga balikat. “Kagila-gilalas ang Iyong mga pamamaraan, O Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan,” panalangin niya, “Sapagka’t Inyong tunay na pinili ang mahihinang bagay sa sanlibutang ito na magsagawa ng Iyong gawain sa lupa.”2

Tinipon ni Wilford ang Labindalawa ilang araw pagkaraan ng libing upang talakayin ang kinabukasan ng Simbahan. Tulad ng nangyari matapos pumanaw sina Joseph Smith at Brigham Young, ang korum ay hindi agad nag-organisa ng bagong Unang Panguluhan. Sa halip, sa isang pahayag sa publiko, pinagtibay ni Wilford na sa pagkawala ng Unang Panguluhan, ang Labindalawang Apostol ang may awtoridad na mamuno sa Simbahan.3

Noong mga sumunod na ilang buwan, maraming naisagawa ang mga apostol sa ilalim ng pamumuno ni Wilford. Bagama’t halos handa nang ilaan ang Manti temple, ang mas malaki at mas magarbong Salt Lake temple ay matagal pa bago makumpleto. Ang mga orihinal na plano para sa templo ay nagtakda ng dalawang malalaking bulwagan para sa mga pulong sa itaas at ibabang palapag ng gusali. Gayunman, habang nagtatago mula sa mga marshal, pinagnilayan ni John Taylor ang pagbuo ng bagong disenyo na nag-aalis ng bulwagan sa ibabang palapag, na magbibigay ng higit na espasyo para sa mga silid ng endowment. Ngayon, si Wilford at ang Labindalawa ay sumangguni sa mga manggagawa para sa pinakamainam na paraan upang maisakatuparan ang mga planong ito. Pinagtibay rin nila ang isang panukala na itayo ang anim na tore ng templo gamit ang granite sa halip na kahoy, na nasa orihinal na plano.4

Tahimik na naghanda sina Wilford at iba pang mga lider ng Simbahan para sa isa pang pagtatangka sa pagkamit ng pagiging estado ng Utah. Dahil ang mga pagsisikap na dakpin ang mga lider ng Simbahan ay humadlang sa mga Banal sa pagdaos ng pangkalahatang kumperensya sa Lunsod ng Salt Lake noong nakaraang tatlong taon, nakipag-ayos ang Labindalawa sa mga lokal na marshal upang tulutan sina Wilford at ang mga apostol na hindi pinaratangan ng poligamya o labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal na lumabas mula sa kanilang pinagtataguan at magdaos ng kumperensya sa lunsod.5

Habang nagpupulong ang mga apostol, napansin ni Wilford na nagsisimula ang pagtatalo sa kanilang mga pulong. Ilang bagong apostol ang hinirang sa korum mula noong pagpanaw ni Brigham Young isang dekada na ang nakararaan, kabilang na sina Moses Thatcher, Francis Lyman, Heber Grant, at John W. Taylor. Ngayon ang bawat isa sa kanila ay tila may mabibigat na pagdududa tungkol kay George Q. Cannon. Naniwala sila na gumawa siya ng maraming maling desisyon bilang negosyante, pulitiko, at lider ng Simbahan.

Ilan sa kanilang inaalala ay ang kamakailan lamang na pag-asikaso ni George sa isang kaso ng pagdisiplina sa Simbahan na kinasasangkutan ng kanyang anak, isang kilalang lider ng Simbahan na nakagawa ng pakikiapid. Hindi rin nila nagustuhan na tila gumawa si George ng mga desisyon sa kanyang sarili para sa Simbahan noong panahon ng huling pagkakasakit ni John Taylor. Hindi rin nila nagustuhan na si George ay nagpapayo kay Wilford sa gawain ng Simbahan, kahit na binuwag na ang Unang Panguluhan at bumalik si George sa kanyang lugar sa Labindalawa. Sa isipan ng mga bagong apostol, kumikilos si George dahil sa pansariling interes at isinasantabi sila mula sa proseso ng paggawa ng desisyon.6

Gayunman, naniwala si George na napag-ukulan siya ng maling palagay. Umamin siya sa paggawa ng maliliit na pagkakamali paminsan-minsan, ngunit ang mga paratang laban sa kanya ay mali o batay sa di-kumpletong impormasyon. Nauunawaan ni Wilford ang matitinding pamimilit na dinanas ni George noong mga nakalipas na taon, at patuloy siyang nagpahayag ng tiwala rito at umasa sa karunungan at karanasan nito.7

Noong ika-5 ng Oktubre, isang araw bago ang pangkalahatang kumperensya, tinipon ni Wilford ang mga apostol upang makipagkasundo. “Sa lahat ng tao sa silong ng langit,” sabi niya, “tayo ay nararapat na magkaisa.” Pagkatapos ay nakinig siya nang ilang oras habang isinasambit ng mga mas batang apostol ang kanilang mga hinaing. Nang matapos sila, nagsalita si Wilford tungkol kina Joseph Smith, Brigham Young, at John Taylor, bawat isa sa kanila ay kanyang nakilala at nakatrabaho nang malapitan. Dakila man ang mga taong ito, nakita niya ang kahinaan sa kanila. Ngunit hindi nila kailangang managot sa kanya, sinabi ni Wilford. Sila ay mananagot sa Diyos, na kanilang hukom.

“Dapat pakitunguhan natin si Brother Cannon nang may pagsasaalang-alang,” sabi ni Wilford. “Mayroon siyang mga pagkukulang. Kung wala siya nito, hindi na natin siya makakasama.”

“Kung nasaktan ko man ang inyong damdamin,” idinagdag ni George, “mapagpakumbaba kong hinihingi ang inyong patawad.”

Natapos ang pulong makalipas ang hatinggabi, at ang pambungad na panalangin sa pangkalahatang kumperensya ilang oras lamang ang layo. Sa kabila ng paghingi ni George ng kapatawaran, naniniwala pa rin sina Moses Thatcher at Heber Grant na hindi niya sapat na napanagutan ang kanyang mga pagkakamali, at sinabi nila sa mga kapatid na hindi pa sila nakakaramdam ng pagkakasundo.

Sa kanyang journal, inilarawan ni Wilford ang gabi sa tatlong maiikling salita: “Masakit ang gayon.”8


Sa panahong ito, ginabayan ni Samuela Manoa ang kanyang bangka sa asul na tubig ng Daungan ng Pago Pago. Sa kanyang likuran, ang mababatong tuktok ng bundok ng Tutuila, isang isla ng Samoa, ay humahalik sa kalangitan. Sa malapit na ibayo, nakahimpil ang isang malaking barko sa tarangkahan ng daungan, naghihintay sa isang lokal na maglalayag upang tumulong na gabayan nang ligtas ang barko sa mga bahura.

Isang residente ng kalapit na isla ng Aunu‘u, kilalang-kilala ni Samuela ang daungan. Nang dumating ang kanyang bangka sa naghihintay na barko, tinawag ni Samuela ang kapitan at inalok ang kanyang tulong. Naghagis ang kapitan ng hagdan ng lubid sa gilid ng barko at malugod na pinasakay si Samuela.

Sumunod si Samuela sa kapitan sa opisina nito sa ilalim ng kubyerta. Umagang-umaga pa noon, at inisip ng kapitan kung nanaisin ni Samuela na magluto ng ilang ham at itlog para sa kanyang sarili bago bagtasin ang daungan. Si Samuel ay nagpasalamat sa kanya at binigyan ng lumang diyaryo upang magparingas ng apoy sa pagluluto.

Nakakapagbasa ng kaunting Ingles si Samuela at nakita na isa sa mga pahayagan ay mula sa California. Habang inilalagay niya ang papel sa apoy, isang punong balita ang namukod-tangi sa gitna ng ilaw ng gasera. Ito ay isang patalastas ng isang kumperensya para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Lumukso ang puso ni Samuela, at mabilis niyang kinuha ang papel at pinatay ang apoy.9

Matagal nang lumipas ang petsa ng kumperensya, ngunit mas interesado si Samuela sa pangalan ng simbahan kaysa sa kaganapan mismo. Ang Simbahang ito ang kanyang Simbahan, at ngayon, sa unang pagkakataon sa loob ng ilang taon, alam niyang ito ay lumalago pa rin sa Estados Unidos.

Noong binata pa siya noong dekada ng 1850, nabinyagan si Samuela ng mga missionary na Banal sa mga Huling Araw sa Hawaii. Noong 1861, gayunman, inagaw ni Walter Gibson ang kontrol sa pamayanan ng mga Banal sa Lanai at sinabi kay Samuela at sa iba pa na ang Simbahan sa Utah ay winasak ng Hukbo ng Estados Unidos. Hindi batid ang pandaraya ni Walter, naniwala sa kanya si Samuela at sinuportahan ang pamumuno nito. Nang siya at isa pang Banal na Hawaiian, si Kimo Belio, ay ipinadala ni Walter na magmisyon sa Samoa noong 1862, tinanggap niya ang paghirang.10

Sina Samuela at Kimo ang mga unang Banal sa mga Huling Araw na missionary sa Samoa, at nagbinyag sila ng limampung Samoan sa kanilang unang ilang taon doon. Subalit hindi mapagkakatiwalaan ang serbisyo ng koreo, at nahirapan ang mga missionary na manatiling may ugnayan sa mga Banal sa Hawaii.11 Dahil ang mga lider ng Simbahan sa Utah ay hindi nagpalabas ng tawag upang buksan ang isang mission sa Samoa, walang bagong missionary ang ipinadala upang tulungan sina Samuela at Kimo, at ang kongregasyon ng mga Banal na Samoan ay kumaunti ang bilang.12

Mula noon ay pumanaw si Kimo, ngunit nanatili si Samuela sa Samoa at itinuring ito bilang kanyang tahanan. Nagpakasal siya at nagsimula ng negosyo. Ang kanyang mga kapitbahay ay patuloy siyang kinikilala bilang missionary na Banal sa mga Huling Araw mula sa Hawaii, ngunit ang ilan sa kanila ay nagsimulang pagdudahan ang pag-iral ng simbahan na sinasabi niyang kanyang kinakatawan.13

Matagal na pinagnilayan ni Samuela kung si Walter ay nagsinungaling sa kanya tungkol sa pagkawasak ng Simbahan sa Estados Unidos.14 Ngayon, dalawampu’t limang taon matapos magpunta sa Samoa, sa huli ay mayroon na siyang dahilan upang asamin na kung susulat siya sa punong tanggapan ng Simbahan, maaaring may tumugon.15

Kipkip ang pahayagan, nagmamadaling hinanap ni Samuela ang kapitan ng barko upang humingi ng tulong sa pagsulat ng isang liham sa mga lider ng Simbahan sa Utah. Sa liham, hiniling niya na magpadala kaagad ng mga missionary sa Samoa. Ilang taon na siyang naghihintay, isinulat niya, at gustung-gusto niyang makita ang ebanghelyo na ipinapangaral muli sa Samoa.16


Pagsapit ng taglagas ng 1887, si Anna Widtsoe at ang kanyang dalawang anak, sina John at Osborne, ay nakatira na sa bayan ng Logan sa hilagang Utah nang halos apat na taon. Ang kapatid ni Anna na si Petroline ay sumapi rin sa Simbahan sa Norway at nagtungo sa Utah, naninirahan sa Lunsod ng Salt Lake, mga 128 kilometro sa timog.17

Si Anna ngayon ay isang mananahi, nagtatrabaho ng mahahabang oras upang makalikom ng sapat na pera para suportahan ang kanyang mga anak. Nais niyang maging guro sa paaralan ang kanyang mga anak, katulad ng kanilang namayapang ama, at ginawa niyang prayoridad sa kanilang buhay ang pagkakamit ng edukasyon. Dahil nagtatrabaho sa lokal na tindahan ng kooperatiba ang labinlimang taong gulang na si John upang kumita ng pera para sa pamilya, hindi siya makapag-aral sa araw. Sa halip ay tinuruan niya ang kanyang sarili ng alhebra sa kanyang libreng oras at tumanggap ng pribadong pagsasanay sa Ingles at Latin mula sa isang British na Banal. Samantala, ang siyam na taong gulang na si Osborne ay nag-aaral sa lokal na mababang paaralan at napakahusay sa kanyang pag-aaral.18

Ilang taon bago dumating ang mga Widtsoe, nag-ambag si Brigham Young ng lupa para sa isang paaralan sa lugar na katulad ng kanyang itinatag sa Provo. Binuksan ang Brigham Young College sa Logan noong 1878, at determinado si Anna na ipadala roon ang kanyang anak na lalaki kapag handa na sila, kahit na mangangahulugan ito na si John ay hindi na makakapagtrabaho sa tindahan. Inaakala ng ilang tao na mali siya na bigyang-diin ang edukasyon kaysa sa manu-manong pagtatrabaho, ngunit naniniwala siya na ang paglinang ng kaisipan ay kasinghalaga ng paglinang ng katawan.19

Tiniyak din ni Anna na sumasali ang mga bata sa mga pulong at programa ng Simbahan. Sa mga araw ng Linggo ay dumadalo sila sa sacrament meeting at Sunday School. Dumadalo si Osborne sa Primary ng ward sa karaniwang araw, at dumadalo si John sa mga pulong ng Aaronic Priesthood tuwing Lunes ng gabi. Bilang deacon, nagsisibak siya ng kahoy na panggatong para sa mga balo at tumutulong sa pag-aalaga ng tabernakulo ng stake, kung saan idinadaos ng ward ang mga pulong nito. Ngayon, bilang priest, nakikipagkita siya sa bishopric at sa iba pang mga priest at binibisita ang ilang pamilya bawat buwan bilang isang “guro sa ward.” Kabilang din si John sa Young Men’s Mutual Improvement Association.

Dumadalo si Anna sa mga pulong ng Relief Society tuwing Huwebes. Ang mga Banal sa Logan ay nagmula sa magkakaibang panig ng Estados Unidos at Europa, ngunit pinagbubuklod sila ng kanilang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Karaniwan sa mga lokal na pulong ng Relief Society na marinig ang mga babae na magsalita o magbigay ng patotoo sa sarili nilang wika habang ang iba ay nagsasalin para sa kanila. Nag-aral si Anna ng Ingles pagkaraan ng isang taon ng paninirahan sa Logan, ngunit sa dami ng Scandinavian na Banal sa lugar na iyon, nagkaroon siya ng maraming pagkakataon na magsalita sa wikang Norwegian.20

Sa kanyang mga pulong sa Simbahan, nagawang malaman at maunawaan ni Anna ang higit pa tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Hindi siya naturuan ng Word of Wisdom sa Norway, at patuloy pa rin siyang umiinom ng kape at tsaa sa Utah, lalo na kapag kinakailangan niyang magtrabaho sa kalaliman ng gabi. Nagsumikap siya sa loob ng dalawang buwan na talikuran ang mga inuming ito nang walang tagumpay. Ngunit isang araw ay mabilis siyang naglakad patungo sa kanyang aparador, kinuha ang kanyang kape at mga pakete ng tsaa at itinapon ang mga iyon sa apoy.

“Hindi na muli,” sabi niya.21

Nakibahagi rin sina Anna at kanyang mga anak sa gawain sa templo. Nasaksihan niya at ni John si Pangulong Taylor na ilaan ang Logan temple noong 1884. Pagkaraan ng ilang taon, bininyagan si John at nakumpirma para sa kanyang ama, si John Widtsoe Sr., sa loob ng templo. Noong araw ring iyon, siya at si Osborne ay nabinyagan din at nakumpirma para sa iba pang pumanaw na kamag-anak, kabilang na ang kanilang mga lolo at lolo sa tuhod. Pagkatapos, sina Anna at kanyang kapatid na si Petroline ay nagtungo sa templo at tumanggap ng kanilang endowment. Bumalik si Anna upang magpabinyag at magpakumpirma para sa kanyang ina at iba pang kaanak na pumanaw na.

Ang Logan temple ay naging mahalaga sa kanya. Tila binuksan ang kalangitan noong araw na inilaan ito, binibiyayaan siya para sa lahat ng sakripisyong ginawa niya upang tumungo sa Sion.22


Sa malaking bahagi ng 1887, bumabagsak ang kalusugan ni Eliza Snow. Ngayon ay walumpu’t tatlong taong gulang, ang pinakamamahal na makata at pangkalahatang pangulo ng Relief Society ay nabuhay na nang mas matagal sa karamihan ng mga Banal sa kanyang salinlahi, at alam niya na malapit na siyang pumanaw. “Ako ay walang pagpili hinggil sa kung ako ay mamamatay o mabubuhay,” ipinaalala niya sa kanyang mga kaibigan. “Ako ay lubos na handang pumunta o manatili, ayon sa iaatas ng ating Ama sa Langit. Ako ay nasa Kanyang mga kamay.”

Lumala ang kalagayan ni Eliza habang lumilipas ang taon. Palagiang nakabantay sa kanya sina Zina Young at iba pang malalapit na kaibigan. Noong alas-diyes ng gabi ng Disyembre 4, 1887, binisita siya ni Patriyarka John Smith sa kanyang higaan sa Lion House sa Lunsod ng Salt Lake. Tinanong siya nito kung nakikilala niya ito, at ngumiti siya. “Siyempre po,” tugon niya. Binasbasan siya ni John, at nagpasalamat siya rito. Kinaumagahan, payapang pumanaw si Eliza na nasa kanyang tabi ang kanyang kapatid na si Lorenzo.23

Bilang lider ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw, itinatag at naglingkod si Eliza sa Relief Society, mga Young Ladies’ Mutual Improvement Association, at mga Primary sa halos bawat pamayanan sa teritoryo. Namuno rin siya sa gawain ng kababaihan sa templo sa Endowment House nang higit sa tatlumpung taon. Sa bawat isa sa mga pagkakataong ito, nagbigay ng inspirasyon si Eliza sa mga kababaihan upang gamitin nila ang kanilang mga talento sa pagtulong sa Diyos na iligtas ang sangkatauhan.

“Tungkulin ng bawat isa sa atin na maging banal na babae,” minsan niyang itinuro sa kanila. “Madarama natin na tinawag tayo upang gampanan ang mahahalagang tungkulin. Walang malilibre rito. Walang kapatid na babae ang lubhang mahihiwalay, at napakaliit ng impluwensya, na halos wala siyang magagawa sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa.”24

Sa ika-15 ng Disyembre na isyu ng Woman’s Exponent, pinarangalan siya ni Emmeline Wells bilang isang “Hinirang na Babae” at “Makata ng Sion.” “Si Sister Eliza ay palagiang matapang, matatag, at walang inuurungan sa mga pananaw na hawak niya,” isinulat ni Emmeline. “Ang mga anak na babae ng Sion ay dapat tularan ang kanyang matalinong halimbawa at sumunod sa kanyang mga yapak.”25


Noong sumunod na Abril, sinang-ayunan ng mga Banal ang kaibigan ni Eliza na si Zina Young bilang bagong pangkalahatang pangulo ng Relief Society. Tulad ni Eliza, si Zina ay isa sa mga maramihang asawa kapwa nina Joseph Smith at Brigham Young.26 Nang naging pangkalahatang pangulo ng Relief Society si Eliza noong 1880, pinili niya si Zina bilang kanyang tagapayo. Sa paglipas ng mga taon, ang dalawang babae ay nagtrabaho, naglakbay, at tumanda nang magkasama.27

Kilala si Zina sa kanyang mapagmahal at personal na paglilingkod, at malalakas na espirituwal na kaloob. Sa loob ng ilang taon ay pinamunuan niya ang Deseret Silk Association, isa sa kooperatibang programa ng Relief Society. Isa rin siyang bihasang komadrona na naglingkod bilang pangalawang pangulo ng Deseret Hospital, isang ospital na pinatatakbo ng Relief Society sa Lunsod Salt Lake. Bagama’t tinanggap niya ang kanyang bagong tungkulin nang may bahid ng takot, determinado siyang tulungang umunlad ang Relief Society tulad noong nasa ilalim ito ng pamamahala ni Eliza.28

Hindi nagtagal matapos matanggap ang kanyang paghirang, naglakbay si Zina patungong hilaga sa Canada upang bisitahin ang kanyang bugtong na anak na babae, si Zina Presendia Card. Bago siya pumanaw, hiniling ni John Taylor sa kabiyak ni Zina Presendia, si Charles, na magtatag ng isang pamayanan sa Canada para sa mga ipinatapong Banal na nagsasagawa ng maramihang pag-aasawa.29 Hanggang ngayon, hinahadlangan ng karamdaman at panahon ng taglamig si Zina upang bisitahin ang kanyang anak na babae. Subalit malapit nang manganak si Zina Presendia, at nais ni Zina na makasama siya.30

Dumating si Zina sa Cardston, ang bagong pamayanan sa Canada, habang nagsisimulang umusbong ang mga ligaw na bulaklak. Napapaligiran ng taniman ng sumasayaw na damo, tila nasa tamang lugar ang bayan para umunlad.31

Nakikita ni Zina na ang kanyang anak na babae ay umuunlad din, sa kabila ng maraming taon ng paghihirap. Isang balo sa edad na dalawampu’t apat, itinaguyod nang mag-isa ni Zina Presendia ang dalawang anak na lalaki nang ilang taon bago ang mas maliit na bata, si Tommy, ay namatay sa edad na pitong taon dahil sa dipterya. Makalipas ang tatlong taon, pinakasalan niya si Charles bilang isa sa mga maramihang asawa nito.32

Bagama’t hindi sanay si Zina Presendia sa buhay sa malayo at liblib na lugar, nakagawa siya ng isang komportableng tahanan sa isang maliit na bahay na yari sa troso. Tinakpan niya ang hindi pa natatapos na loob ng kubo gamit ang malambot na pranela na siya mismo ang gumawa, ang bawat kuwarto ay may iba’t ibang kulay. Oras na dumating ang tagsibol, sinubukan din niya na palagiang maglagay ng pumpon ng mga sariwang bulaklak sa hapag-kainan.33

Namalagi ng halos tatlong buwan sa Cardston si Zina Young. Sa panahon ng kanyang pamamalagi, palagian siyang nakikipagpulong sa Relief Society. Noong ika-11 ng Hunyo, itinuro niya sa kababaihan na ang Cardston ay inilaan para sa mga Banal ng Diyos. May diwa ng pagkakaisa sa mga tao, sinabi niya, at ang Panginoon ay may dakilang pagpapalang naghihintay para sa kanila.34

Kinabukasan pagkatapos ng pulong, nagsimulang manganak si Zina Presendia. Nasa kanyang tabi si Zina, bilang komadrona at bilang isang ina. Pagkaraan lamang ng tatlong oras na pag-iri, nagsilang si Zina Presendia ng isang mabilog at malusog na batang babae—ang kanyang unang anak na babae.

Ang ina, lola, at lola sa tuhod ng sanggol ay lahat pinangalanan na Zina. Tila angkop na pangalanan din ito bilang Zina.35


Bago pa man dumating ang liham ni Samuela Manoa sa Salt Lake City, ang Espiritu ay nagbibigay ng inspirasyon sa mga lider ng Simbahan na palawakin ang gawaing misyonero sa Samoa. Noong unang bahagi ng 1887, hinirang ni Apostol Franklin ang tatlumpu’t isang taong gulang na si Joseph Dean at asawa nitong si Florence na magmisyon sa Hawaii. Nang itinalaga niya ang mga ito, iniatas niya sa kanila na dalhin ang ebanghelyo maging sa iba pang mga pulo sa Pasipiko, kabilang na ang Samoa.36

Si Joseph ay isinugo sa Pasipiko upang bahagyang protektahan siya at ang kanyang pamilya mula sa mga marshal. Nakapagmisyon siya sa Hawaii kasama ang kanyang unang asawa, si Sally, sampung taon na ang nakararaan. Matapos bumalik sa Estados Unidos, pinakasalan niya si Florence bilang isa sa kanyang maramihang asawa at kalaunan ay nabilanggo dahil sa labag sa batas na pagsasama nang hindi kasal. Patuloy na tinatangka ng mga tagausig na dakpin si Joseph hanggang sa siya at si Florence ay umalis patungong Hawaii. Samantala, nanatili si Sally sa Lunsod ng Salt Lake kasama ang kanilang limang anak ni Joseph.37

Sumulat si Joseph kay Samuela makalipas ang ilang buwan matapos dumating sa Hawaii, at kaagad na tumugon si Samuela, sabik na tumulong sa gawain.38 Noong Mayo 1888, ilang buwan matapos magsilang si Florence ng batang lalaki na pinangalanan nilang Jasper, nagpadala si Joseph ng liham kay Samuela, ipinapaalam sa kanya na siya at ang kanyang pamilya ay darating sa Samoa sa susunod na buwan. Hindi nagtagal, nagdaos sina Susa at Jacob Gates ng handaang despedida para sa mga Dean, at pagkatapos ay tumulak patungong Samoa sina Joseph, Florence, at ang kanilang sanggol na anak.39

Ang unang bahagi ng kanilang mahigit 3,200 kilometrong paglalakbay ay mapayapa, ngunit ang kapitan ng barko na kanilang sinasakyan ay walang planong maglayag sa isla ng Aunu‘u, kung saan nakatira si Samuela. Sa halip, inihimpil niya ang barko malapit sa Tutuila, mga 32 kilometro sa kanluran ng Aunu‘u.

Walang sinumang kilala si Joseph sa Tutuila, subalit nasasabik siyang makahanap ng isang lider sa mga taong dumating upang salubungin ang bangka. Nakita ang isang lalaking tila namamahala, iniabot ni Joseph ang kanyang kamay at sinabi ang isa sa ilang salitang Samoan na alam niya: “Talofa!”

Nagugulat, tumugon ang lalaki sa pagbati ni Joseph. Pagkatapos ay sinikap ni Joseph na sabihin sa kanya kung saan sila patungo ng kanyang pamilya, nagsasalita sa wikang Hawaiian at binibigyang-diin ang mga salitang “Aunu‘u” at “Manoa.”

Biglang nagningning ang mga mata ng lalaki. “Ikaw kaibigan Manoa?” tanong niya sa wikang Ingles.

“Opo,” sinabi ni Joseph, natutuwa.

Ang pangalan ng lalaki ay Tanihiili. Isinugo siya ni Samuela upang hanapin si Joseph at ang kanyang pamilya at ihatid sila nang ligtas sa Aunu‘u. Hinatid niya sila sa isang maliit na bangka na walang bubong na may labindalawang lalaking tripulante na Samoan. Matapos sumakay ang mga Dean, sampu sa mga lalaki ay nagsimulang sumagwan patungo sa dagat habang dalawang iba pa ang isinasalok palabas ang tubig at si Tanihiili naman ang gumabay sa banka. Nakikibaka sa malalakas na hangin, ginabayan ng mga mananagwan ang bangka pataas at pababa sa mga nagbabantang alon hanggang sa maihatid ito nang ligtas sa daungan sa Aunu‘u.

Sinalubong nina Samuela Manoa at ng kanyang asawa, si Fasopo, sina Joseph, Florence, at Jasper sa pampang. Si Samuela ay isang payat na lalaki, mas matanda kay Joseph at may kahinaan ng kalusugan. Nabahiran ng luha ang kanyang hapis na mukha habang malugod niya silang binabati sa kanilang pagdating sa Hawaii. “Nadarama kong lubos akong biniyayaan na mabigkis tayo ng Diyos at makilala ko ang Kanyang mabubuting lingkod dito sa Samoa,” sabi niya.

Hinawakan ni Fasopo ang kamay ni Florence at hinatid siya sa bahay na may tatlong silid na paghahatian nilang lahat. Noong sumunod na Linggo, ipinangaral ni Joseph ang kanyang unang mensahe sa Samoa sa isang bahay na puno ng mga mausisang kapitbahay. Nagsalita siya sa wikang Hawaii, at nagsalin si Samuela. Kinabukasan, muling bininyagan at kinumpirma ni Joseph si Samuela, tulad ng ginagawa minsan ng mga Banal sa panahong ito upang panibaguhin ang kanilang mga tipan.

Isang babaeng nagngangalang Malaea ang kabilang sa mga nagtipon upang pagmasdan ang ordenansa. Naantig ng Espiritu, hiniling niya kay Joseph na binyagan siya. Nagpalit na si Joseph mula sa kanyang basang damit-pambinyag para sa kumpirmasyon, ngunit muli niyang isinuot ang mga ito at lumusong sa tubig.

Noong mga sumunod na linggo, nabinyagan ang labing-apat pang Samoan. Puspos ng sigla at puno ng pag-asa, sumulat si Joseph kay Wilford Woodruff noong ika-7 ng Hulyo upang ibahagi ang karanasan ng kanyang pamilya. “Nadama ko na magpropesiya sa pangalan ng Panginoon na libu-libong mga tao ang tatanggap ng katotohanan,” iniulat niya. “Iyan ang aking patotoo ngayon, at naniniwala ako na mabubuhay ako na makita itong matupad.”40