Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 39: Ang Laging Namumuno


Kabanata 39

Ang Laging Namumuno

isang kamay na nagwawagayway ng puting panyo

Sa pagsapit ng taong 2013, umasa si Pangulong Thomas S. Monson sa isang magandang taon. Hindi lamang ito ang ikalimang taon niya bilang pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ngunit ito rin ang kanyang ikalimampu bilang apostol ng Panginoon. Tila iyon na ang tamang panahon upang pagnilayan ang kanyang panguluhan at ang kalagayan ng Simbahan.

Ilang taon na ang nakararaan, tumanggap si Pangulong Monson ng liham mula sa isang nahihirapang lalaking miyembro ng Simbahan. “Hindi nawala ang patotoo ko sa ebanghelyo kailanman, kahit hindi ko ito lubusang naipamuhay,” isinulat ng lalaki. “Huwag sana ninyo kaming kalilimutan na naririto sa labas—ang naliligaw na mga Banal sa mga Huling Araw.”

Ang mga nakaaantig na salita ng lalaki ay nagpaalala kay Pangulong Monson ang nakita niya noon na ipinintang larawan ng isang lifeboat na nilalamon ng rumaragasang alon upang iligtas ang napadpad na barko. May isang napakahabang mahirap na tandaang pangalan ang larawan, na pinaikli ni Pangulong Monson sa tatlong simpleng salita: Magliligtas na Kami. Ang parirala ay naging pawang tema ng kanyang panguluhan. Mula nang naging propeta, nakadama siya ng mas malaking pangangailangan na sundin ang Tagapagligtas na pagsikapang tulungan nang may pang-unawa at pagmamahal sa mga yaong nakadarama ng kalungkutan, takot, pagkaligaw, o pagiging mag-isa.

Noong ika-3 ng Pebrero, ginunita ni Pangulong Monson ang ikalimang taon ng kanyang panguluhan gamit ang isang mensahe sa mga Banal. “Ang mga oportunidad para maglingkod sa iba ay walang katapusan,” ipinahayag niya. “Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, at kabaitan.”

Hinikayat niya ang mga Banal na alalahanin ang mga salita ng Panginoon: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”

Sa kanyang mensahe, nagsalita rin ang propeta tungkol sa gawaing misyonero, isa sa maraming paraan upang makapagligtas ng ibang tao ang mga miyembro ng Simbahan. Ilang buwan na ang nakararaan, ipinahayag niyang binago na ang pinakamababang edad para sa paglilingkod bilang misyonero, ibinaba sa edad na labinsiyam para sa kabataang babae at labinwalo para sa kabataang lalaki.

Hindi nagtagal, dumagsa sa punong-tanggapan ng Simbahan ang ilang libong aplikasyon para maging misyonero, higit sa kalahati ay mula sa mga kabataang babae. Nagbigay ang pagbabago ng mas maraming pagkakataon sa kabataan na palakasin ang kanilang mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas at panibaguhin ang kanilang katapatan sa Simbahan sa pamamagitan ng paglilingkod sa misyon. Binawasan din nito ang gusot ng mga miyembro ng Simbahan sa mga bansang ang patakaran sa unibersidad o pagpapalista sa sandatahang-lakas ay nagpapahirap sa paglilingkod.

Ipinagpapatuloy ang kanyang mensahe, binanggit ni Pangulong Monson na tatlumpu’t isang bagong templo ang ipinahayag at labing-anim ang inilaan noong nakaraang limang taon. “Ang mga bilang na ito ay magpapatuloy na dumami,” pangako niya, “habang sumusulong tayo sa pagtitiyak na madaling puntahan ang mga templo ng lahat ng ating mga miyembro, saanman sila nakatira.”

Sa huli, binanggit niya ang kanyang tumatandang edad. “Noong Agosto ay ipinagdiwang ko ang aking ika-85 kaarawan,” sabi niya. “Ang pagtanda sa huli ay may negatibong epekto sa ating lahat.” Ngunit tiniyak niya sa mga Banal na nasa mabuting kamay ang Simbahan.

“Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na ating sinusunod, sinasamba, at pinaglilingkuran, ang laging namumuno sa Simbahan,” patotoo niya. “Sa pagsulong natin ngayon, nawa’y sundin natin ang Kanyang halimbawa.”


Noong ika-28 ng Mayo 2017, tumayo si Willy Binene upang magbigay ng kanyang patotoo sa meetinghouse ng kanyang ward sa Luputa. Huling Linggo iyon doon ng kanyang pamilya—sa ilang panahon man lamang. Kailan lamang ay tumanggap sila ni Lilly ng paghirang mula sa Unang Panguluhan upang maglingkod bilang mga lider ng Côte d’Ivoire Abidjan Mission na nasa kanlurang baybayin ng Africa. Dahil nawalan siya ng pagkakataong maglingkod sa full-time na misyon noong binata pa siya, laging umaasa si Willy na isang araw ay maglilingkod siya sa misyon kasama si Lilly. Ngunit pareho nilang hindi inaasahan na napakaagang darating ang paghirang nila.

Isang taon na ang nakakaraan, nagpunta sa DRC si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol para sa groundbreaking ng templo sa Kinshasa. Noong paglalakbay, siya at ang asawa niyang si Kathy ay naglakbay patungong Mbuji-Mayi, isang lunsod mga 145 kilometro sa hilaga ng Luputa, upang makipagkita sa mga Banal sa lugar. Nakipagkita si Willy kay Elder Andersen at ibinahagi rito ang kanyang kuwento.

Ilang buwan ang lumipas matapos ang pagbisita ni Elder Andersen, ginulat ng apostol sina Willy at Lilly sa isang video call. Sinabi nito sa kanila na may isa pang takdang gawain ang Panginoon para sa kanila at nagbigay ng ilang tanong tungkol sa kanilang buhay at mga responsibilidad sa trabaho. Pagkatapos ay tinanong nito so Lilly, “Papayag ka bang lisanin ang iyong bansa para humayo at paglingkuran sa ibang lugar ang Panginoon?”

“Opo,” sabi ni Lilly. “Handa po kami.”

Makalipas ang isang linggo, ibinigay sa kanila ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang paghirang na maglingkod bilang mga lider ng mission. Tinanggap nila ito nang may pinaghalong ligaya at takot. Kapwa nakadarama ang mag-asawa ng kawalang-katiyakan kung kaya nilang magtagumpay sa kanilang mga bagong responsibilidad. Ngunit hindi ito ang unang pagkakataong hiniling sa kanila ng Panginoon na gawin ang isang bagay na mahirap, at handa silang ilaan nang buo ang kanilang sarili sa Kanyang paglilingkod.

“Kung ang Diyos ang naghirang sa amin,” naisip ni Lilly, “Siya lamang ang magpapakita ng Kanyang kapangyariihan at gagawin kaming nararapat sa gawain.”

Ang kanilang apat na anak—edad lima hanggang labing-anim—ay tinanggap nang malugod ang balita. Subalit ang mga Banal sa Luputa ay hindi maitago ang kalungkutan sa kanilang mukha nang ipinahayag ang paghirang kina Willy at Lilly. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, tinulungan ni Willy na umusbong ang Simbahan sa Luputa, pinalago mula sa isang maliit na grupo ng mga lumikas na mananampalataya hanggang sa maging mayabong na stake ng Sion. Hindi lamang simpleng dating pangulo ng kanilang district at stake ang tingin sa kanya ng mga Banal. Itinuro sa kanila ng ipinanumbalik na ebanghelyo na ituring ang bawat isa bilang magkakapatid, kung kaya sina Willy, Lilly, at ang mga batang Binene ay kanilang pamilya.

Habang ibinabahagi ni Willy ang kanyang patotoo sa mga miyembro ng ward, nadama niya ang matinding pagmamahal para sa mga ito. Subalit hindi siya umiyak—kahit na si Lilly, ang mga miyembro ng koro, at lahat sa paligid niya ay lumuluha. Iilang bagay sa buhay niya ang naganap ayon sa inaasahan. Lumalabas na tuwing may ginagawa siyang plano—para sa pag-aaral, sa isang full-time na misyon, para sa trabaho—may biglang nangyayari, dahil dito ay naiiba ang balak niya. Ngunit sa pagninilay niya sa mga nangyari sa kanyang buhay, naunawaan niya na palaging may plano ang Panginoon para sa kanya.

Matapos ang kanilang pulong, sa wakas ay napuspos si Willy ng kanyang emosyon, at dumaloy ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Hindi niya inisip na may nagawa siyang kahit anong espesyal. Sa katunayan, pakiramdam niya ay wala siyang gaanong halaga, isang patak lamang sa malawak na dagat. Subalit alam niyang ginagabayan siya ng Panginoon, hinihikayat siyang sumulong habang nagiging mas malinaw at mas tukoy ang plano.

Sa kanilang tahanan, siya, si Lilly, at kanilang mga anak ay nagpaalam sa kanilang mga kaibigan. Pagkatapos ay sumakay ang pamilya sa kotseng naghihintay para maghatid sa kanila sa lugar na kasunod nilang paglilingkuran.

“Hindi ka puwedeng magmadali,” natanto ni Willy. “Ipaubaya sa Diyos ang tamang panahon.”


Pumanaw si Pangulong Monson noong ika-2 ng Enero 2018. Bagama’t lumalala ang kanyang kalusugan nang ilang taon na, nanatiling masigla ang kanyang patotoo. Isang araw, ilang sandali bago siya pumanaw, bumisita sa kanya ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan sa kanyang tahanan. Noong papaalis na sila, pinahinto niya ang mga ito at sinabing, “Mahal ko ang Tagapagligtas na si Jesucristo. At alam ko na mahal Niya ako.”

Sa loob ng kanyang sampung taong paglilingkod, ginabayan ni Pangulong Monson ang mga Banal sa panahon ng mabilis na pagbabago sa lipunan at kamangha-manghang pag-unlad ng teknolohiya. Nagbigay ang mga social media platform sa mga miyembro ng Simbahan ng mga bagong paraan para ibahagi ang ebanghelyo, manghikayat ng magandang ugnayan sa mga taong hindi miyembro ng Simbahan, at makipag-ugnayan sa mga general authority. Ang paglikha ng mga smartphone at iba pang mga mobile device ay nakatulong sa gawaing ito at nagbunga sa pagbuo ng Gospel Library app noong 2010, na nagbibigay sa mga Banal sa buong mundo na mas madaling mahanap ang mga banal na kasulatan, mga magasin ng Simbahan, at iba pang mga resource.

Pinangasiwaan din ni Pangulong Monson ang pagpapalawig ng gawaing misyonero, mas matinding pagbibigay-diin sa pakikipagtulungan sa mga tao na may ibang paniniwala, at pagdami ng mga gawaing pangkawanggawa. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakipagtulungan ang Simbahan sa maraming organisasyon upang tulungan ang mga refugee mula sa mga lugar na winasak ng digmaan, tulungan ang mga biktima ng mga natural na sakuna, at pagaanin ang mga pagdurusa ng mga maysakit at nagugutom.

Pinalawig din ng Simbahan ang tagumpay ng Perpetual Education Fund at iba pang mga pagsisikap upang magbigay ng mga oportunidad sa edukasyon sa mga tao sa buong mundo. Noong 2009, ang BYU–Idaho at tatlong iba pang mga lugar ay pinasimulan ang isang programa na pinagsama ang mga klase na isinasagawa ang mga pagtuturo nang personal at online upang gawing mas abot-kaya sa mga mag-aaral ang pag-aaral sa kolehiyo. Noong 2017, ang programang ito ay naging BYU–Pathway Worldwide, na naglingkod sa libu-libong mag-aaral sa higit limampung bansa.

Ngunit higit sa lahat, ang pinakadakilang pamana ni Pangulong Monson ay ang kanyang mahabaging paglilingkod na gaya ng kay Cristo. Kinabukasan matapos ang kanyang pagpanaw, naglathala ang mga pahayagan ng sunud-sunod na kuwento tungkol sa tahimik at tapat na pagdalaw sa mga ospital at burol, pag-upo sa tabi ng mga kaibigang maysakit, at paghikayat sa mga kabataan at adult na lumapit kay Jesucristo.


Noong ika-14 ng Enero 2018, inorden at itinalaga ng Korum ng Labindalawang Apostol si Russell M. Nelson bilang ikalabimpitong pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagsalita ang bagong propeta sa mga miyembro ng Simbahan makaraan ang dalawang araw kasama sina Pangulong Dallin H. Oaks at Pangulong Henry B. Eyring, ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan.

“Ang aming banal na mandato o utos,” sabi niya, “ay ang pumunta sa bawat bansa, angkan, wika, at bayan, upang tumulong na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.” Bilang panguluhan, nais nilang ang bawat miyembro ay “manatili sa landas ng tipan” at “magsimula na isinasaisip ang mithiin.”

“Ang mithiin kung saan ang bawat isa sa atin ay pilit na pinagsisikapang mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, tapat sa mga tipang ginawa sa templo,” ipinahayag niya. “Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbibigay ng pagkakataon para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”

Hindi nagtagal ay ipinabatid ni Pangulong Nelson ang maraming pag-aangkop sa loob ng Simbahan upang tumulong sa mahalagang gawaing ito. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2018, ipinahayag niya na magsisimulang dumalo ang mga high priest sa mga pulong ng korum kasama ng mga elder. Sa tulong ni Elder Jeffrey R. Holland at pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Jean B. Bingham, ipinakilala rin niya ang bagong paraan ng pag-aalaga sa iba na tinatawag na “ministering,” upang palitan ang home at visiting teaching.

Sa isang mensahe tungkol sa paglilingkod, hinimok ni Elder Holland ang mga Banal na isabuhay ang “taos-pusong pagkadisipulo,” ipinapaalala sa kanila ang dakilang utos ng Tagapagligtas sa kanyang mga apostol: “Kayo’y mangagibigan sa isa’t isa;” Gayundin, hinikayat ni Sister Bingham ang mga Banal na sundin ang halimbawa ni Cristo. “Kapag mayroon kayong pribilehiyo na katawanin ang Tagapagligtas sa iyong mga pagsisikap na maglingkod sa ministering,” sabi niya, “tanungin ang inyong sarili, ‘Paano ko maibabahagi ang liwanag ng ebanghelyo sa tao o pamilyang ito? Ano ang ipinadarama ng Espiritu na gawin ko?’”

Wala pang tatlong buwan matapos italaga, nagsagawa si Pangulong Nelson ng una sa kanyang maraming pandaigdigang paglibot ng paglilingkod. Naglalakbay kasama si Sister Wendy Nelson, na kanyang pinakasalan noong 2006 matapos pumanaw ang kanyang unang asawang si Dantzel, binisita ng propeta ang mga Banal sa walong lunsod sa apat na kontinente sa loob ng labing-isang araw.

“Tuwing maginhawa akong nananatili sa aking tahanan, nasa maling lugar ako,” sabi niya. “Kailangan kong tumungo kung nasaan ang mga tao. Kailangan naming ihatid sa kanila ang mensahe ng Tagapagligtas.”

Kalaunan, sa pangkalahaang kumperensya noong Oktubre 2018, inanunsiyo ni Pangulong Nelson ang isang pagbabago sa mga iskedyul ng pulong tuwing Linggo upang gawing mas nakatuon sa tahanan at suportado ng Simbahan ang pamumuhay ng ebanghelyo. Binawasan ng pagbabago ng isang oras ang lingguhang pulong sa Simbahan, nagbibigay ito sa mga Banal ng mas maraming oras na mapag-aralan sa tahanan ang ebanghelyo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—isang bagong kurikulum para sa mga klase sa adult Sunday School, kabataan at Primary, at pag-aaral nang personal at kasama ang pamilya—ay nagsimulang magkaroon ng mahalagang papel sa pagdadala ng mga Banal kay Cristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo.

Sa kumperensya, binanggit ni Pangulong Nelson ang tungkol sa paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan, sa halip na mga palayaw. “Sising-sisi ako nang matanto ko na pumayag tayo nang hindi namamalayan na tawagin ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon sa ibang mga pangalan, na bawat isa’y nag-aalis sa sagradong pangalan ni Jesucristo!” ipinahayag niya. “Kapag inaalis natin ang Kanyang pangalan sa Kanyang Simbahan, sadyang inaalis natin Siya bilang pinakamahalagang pinagtutuunan ng ating buhay.”

Sa ilalim ng gabay ni Pangulong Nelson, nagpatupad ang Simbahan ng bagong programa para sa mga bata at kabataan upang palitan ang Scouting, Personal Progress, at iba pang mga aktibidad para sa mga kabataang Banal. Bilang bahagi ng pagbabagong ito, pinalawig ng Simbahan ang mga kumperensya ng For the Strength of Youth [Para sa Lakas ng mga Kabataan] o FSY para sa lahat ng mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw na nasa edad labing-apat hanggang labinwalo. Gaya ng EFY at TFY, binibigay ng FSY sa mga kabataan ang pagkakataong gumugol ng isang linggo para dumalo sa mga seminar at klaseng nakatuon sa ebanghelyo, magkaroon ng mga bagong kaibigan, at magpalakas ng kanilang patotoo.

Kasunod ng mga pag-aangkop na ito, inilathala ng Simbahan ang isang bagong hanbuk ng mga tagubilin, ang Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ginawa upang tulungan ang lahat ng tao na lumapit kay Cristo, nagbibigay ang gabay na aklat ng malinaw na paraan upang tulungan ang mga Banal na makatulong sa gawain ng Diyos. Hindi gaya ng mga nauna rito, ang Pangkalahatang Hanbuk ay may iisang tomong makukuha sa pamamagitan ng website at mobile app ng Simbahan. Upang suportahan ang pare-pareho at inspiradong pamumuno sa pandaigdigang gawain ng Simbahan, mahahanap ito sa limampu’t isang wika.

Noong unang bahagi ng kanyang administration, masusing nakipagtulungan si Pangulong Nelson sa National Association for the Advancement of Colored People, o NAACP, para isulong ang paggalang, pagkamapitagan, at pagkakasundo ng lahi at etniko sa buong mundo. Kinondena niya ang pangmamaliit ng lahi at hinikayat ang lahat ng mga Banal na itaas at igalang ang lahat ng mga anak ng Diyos.

Sa kabuuan ng dekada ng 2010, ang mga tanong sa estado ng kababaihan sa Simbahan ay nagbunga rin sa mahahalagang pagbabago sa mga kaugalian sa Simbahan. Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, itinuro ni Russell M. Nelson na ang kababaihan ay “mga aktibong katuwang sa gawain ng kaligtasan” at lubhang kailangan ang kanilang pananaw sa mga kapulungan ng Simbahan. Nilinaw rin ni Elder Dallin H. Oaks na ang mga babae ay may awtoridad ng priesthood sa pagsasakatuparan ng kanilang mga paghirang. “Hindi karaniwan sa atin ang sabihing may awtoridad ng priesthood ang kababaihan sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan,” sabi niya, “ngunit ano pa bang awtoridad ang maitatawag dito?”

Simula noong 2015, ang mga babaeng naglilingkod bilang mga pangkalahatang opisyal ay nagsimulang maglingkod sa mahahalagang pangkalahatang administratibong kapulungan sa punong-tanggapan ng Simbahan. Ang pangulo ng Relief Society na si Linda K. Burton ay naging miyembro ng Priesthood and Family Executive Council, ang pangkalahatang pangulo ng Young Women na si Bonnie L. Oscarson ay sumama naman sa Missionary Executive Council, at ang pangkalahatang pangulo ng Primary na si Rosemary M. Wixom ay sumama sa Temple and Family History Executive Council. At noong 2019, binigyang-pahintulot nina Pangulong Nelson at kanyang mga tagapayo ang kababaihan na magsilbi bilang mga opisyal na saksi sa mga binyag at pagbubuklod sa templo.

Gaya ni Pangulong Monson, humanap din ng pang-unawa si Pangulong Nelson habang hinaharap ng Simbahan ang mga isyung may kinalaman sa mga indibidwal na LGBTQ. Noong 2015, ang Estados Unidos ang naging ikalabinsiyam na bansang ginawang legal ang kasal sa pagitan ng parehong kasarian. Mula noon, binigyang-diin ng Unang Panguluhan ang paggalang ng Simbahan sa mga batas ng bansa habang pinagtitibay rin ang katapatan nito sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.

Habang pinagsisikapan ng Simbahan na unawain at tugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro nitong LGBTQ at mga pamilya nila, nagdagdag pa ito ng mas maraming video at resource sa website nito. Noong isang devotional sa Brigham Young University, hinikayat ni Elder M. Russell Ballard ang mga miyembro ng Simbahan na maging mas sensitibo sa mga nararamdaman at karanasan ng mga Banal na LGBTQ. “Tunay ngang dapat tayong mas magsikap pa kung ihahambing sa nagawa na natin noon,” pahayag niya, “upang lahat ng miyembro ay madamang mayroon silang tahanang espiritwal kung saan ang kanilang mga kapatid ay mahal sila at kung saan mayroon silang lugar upang magsamba at maglingkod sa Panginoon.”

Mula sa simula ng kanyang administrasyon, nagpatotoo si Pangulong Nelson sa kahalagahan ng mga templo sa pagpapanatili sa mga anak ng Diyos sa “landas ng tipan” at pagtitipon sa Israel sa magkabilang panig ng tabing. Noong kanyang unang dalawang taon, ipinahayag niya ang tatlumpu’t limang bagong templo sa mga lugar na lubhang magkakaiba gaya ng Bengaluru, India; Port Moresby, Papua New Guinea; at Budapest, Hungary. Noong panahong iyon, walong bagong templo ang inilaan din, kabilang na ang bahay ng Panginoon sa Rome, Italy.

Naniniwala ang propeta na ang Rome Temple ay nagmarka ng isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Simbahan. “Susulong ang mga bagay-bagay nang napakabilis,” ipinahayag niya matapos ang paglalaan. “Magkakaroon ang Simbahan ng walang-katulad na hinaharap, na walang-kapantay. Ginagawa pa lamang natin ngayon ang saligan ng hinaharap.”

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2019, ipinahayag ni Pangulong Nelson na ang taong 2020 ay magiging pagdiriwang ng ika-dalawang daang taon, isang panahon para gunitain ng mga Banal ang ika-dalawang daang taong anibersaryo ng Unang Pangitain ni Joseph Smith tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Inanyayahan niya ang mga Banal na magtamasa ng liwanag ng Panunumbalik. “Sa susunod na anim na buwan, umaasa ako na bawat miyembro at bawat pamilya ay maghahanda para sa isang natatanging kumperensya na gugunita sa mga mismong saligan ng ipinanumbalik na ebanghelyo,” sabi niya. “Kapag ginawa ninyo ito, ang pangkalahatang kumperensya sa susunod na Abril ay hindi lamang magiging dakila, ito ay hindi malilimutan.”


Hindi nagtagal matapos ang kumperensya noong Oktubre 2019, naramdaman ng labimpitong taong gulang na si Laudy Kaouk na nag-iisa lamang siya habang nagmamaneho sa daan. “Ama sa Langit,” panalangin niya, “kailangan ko lamang pong madama na nariyan Kayo.”

Nasa kanyang huling taon sa mataas na paaralan si Laudy sa Provo, Utah. Kung wala siya sa klase o nagpapasa ng aplikasyon sa mga unibersidad, abala siya sa mga pampaaralang grupong extracurricular o pumapasok sa kanyang trabaho sa isang lokal na kainan. Siya rin ay pangulo ng kanyang klase sa Young Women at mananayaw sa Luz de las Naciones, ang taunang Latin American na kultural na pagdiriwang ng Simbahan sa Conference Center. Lubhang abala na ang kanyang buhay.

Nagbabago rin ang mga bagay-bagay sa tahanan. Gustung-gusto niyang maging bahagi ng isang malaki, magkakalapit, at tapat na pamilya. Ang kanyang ama ay mula sa Syria at ang kanyang ina naman ay mula sa Venezuela. Matagal nang nabinyagan sa Simbahan ang mga ito at nandayuhan sa Provo bago isinilang si Laudy, ang bunso ng pamilya. Umuuwi ang buong pamilya tuwing Linggo at sinasama ng mga kapatid niyang may-asawa ang kanilang mga asawa at anak. Laging nasasabik si Laudy sa mga pagtitipong ito.

Subalit kailan lamang, tila mas hungkag ang kanyang tahanan. Umalis ang ate niya para magmisyon sa Japan, kung kaya si Laudy lamang ang bata sa bahay. Palagi siyang may kasamang kapatid, at ngayon, pakiramdam niya ay nalulungkot siya. Kaya masigasig siyang nanalangin sa Diyos.

Makalipas ang dalawang linggo, tumanggap ng tawag si Laudy mula sa pangulo ng kanyang stake. Sinabi nito sa kanya na si Bonnie H. Cordon, ang Pangkalahatang Pangulo ng Young Women, ay nais siyang bisitahin. Nagulat si Laudy, ngunit pumayag siya sa pagdalaw. Makalipas ang sandaling panahon, dumalo si Pangulong Cordon sa ward ni Laudy na nagsasalita ng wikang Espanyol at naupo katabi niya upang makipag-usap. “Humahayo ako at nagmiministro sa maraming tao sa buong mundo at nais kong magpunta at magministro sa iyo,” sabi niya kay Laudy.

Sa mismong oras na sinabi ni Pangulong Cordon ang mga salitang ito, nabatid ni Laudy na sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang dalangin. Ang pagbisitang ito ang Kanyang tugon.

Makalipas ang isang buwan, umuwi si Laudy mula sa trabaho at natagpuan niya ang kanyang mga magulang na buong pag-aalalang naghihintay sa kanya. “May liham ka!” sabi nila. Mula iyon sa Unang Panguluhan.

Nalilito, naupo si Laudy katabi ng mga magulang niya at binuksan ang liham. Isang paanayaya iyon na magsalita siya sa pangkalahatang kumperensya sa Abril 2020.

“Paano ko gagawin ito?” naisip niya.

Pagkatapos ay ibinulong ng Espiritu sa kanya ang mga salita ni Nephi: “Hahayo po ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.” Sabay niyang nadama ang kasabikan at pagpapakumbaba. Alam niyang tutulungan siya ng Diyos.


Noong ika-30 ng Enero 2020, nagdeklara ang World Health Organization ng isang “pampublikong emergency sa kalusugan.” Isang agresibong coronavirus ang dumating sa Asya, hinahawa ang daan-daang tao sa Tsina. Unang napansin ang virus sa mga sintomas na gaya ng sa pulmonya, subalit halos walang epekto rito ang karaniwang panggagamot. Mabilis at hindi inaakala ang pagkalat nito.

Pagsapit ng Pebrero, may pangalan na ang sakit: COVID-19. Mabilis na tumugon sa krisis, nagpadala ang mga lider ng Simbahan ng higit dalawang daang libong respiratory mask sa Tsina. Nagsimula rin silang magkansela ng mga pulong, nagsara ng mga templo para sa mga ordenansang kailangan ng proxy, at isinailalim sa quarantine ang mga misyonero sa mga apektadong lugar.

Noong ika-11 ng Marso, idineklara ng WHO ang COVID-19 bilang isang pandemya. Nang mangyari iyon, kumalat na ang sakit sa 114 bansa, hinahawa ang mahigit isang daang libong tao at kumitil ng ibu-libo pa. Gaya ng pandaigdigang pandemya ng trangkaso ng 1918–19, ipinahinto ng Unang Panguluhan ang lahat ng mga personal na pulong ng Simbahan. Inihinto ng Simbahan ang pagtanggap ng mga bagong misyonero sa ilang MTC at bumuo ng sistema sa pagtuturo ng mga misyonero sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng video conferencing. Ipinahayag din ng Unang Panguluhan ang mga plano para sa isang virtual na pangkalahatang kumperensya para sa Abril at ginabayan ang mga Banal na magdaos ng mga pagsamba sa kanilang mga tahanan, nagbibigay sa mga mayhawak ng priesthood ng pansamantalang awtoridad na pangasiwaan ang sakramento sa kanilang sariling mga pamilya.

Noong ika-14 ng Marso, nagbigay si Pangulong Nelson ng mensahe sa mga Banal sa isang online na video. “Tayo bilang pandaigdigang Simbahan ay humaharap sa isang kakaibang hamon,” sabi niya. “Nais kong malaman ninyo na palagi kaming nananalangin para sa mga naapektuhan sa anumang paraan, lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay.”

Hinikayat niya ang mga Banal na alagaan ang kanilang mga sarili at ibang tao. “Kilala, minamahal, at binabantayan tayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo,” sabi niya. “Makatitiyak tayo riyan.”


Noong ika-4 ng Abril 2020, naupo si Laudy Kaouk sa halos bakanteng bulwagan ng Church Office Building, kinakabahang nagsusulat ng kung anu-ano lang sa kanyang kuwaderno. Ang sesyon para sa gabi ng Sabado sa ika-190 Taunang Pangkalahatang Kumperensya ay papalapit na, at hindi magtatagal ay pagkakataon na niyang magsalita.

Noong unang bahagi ng araw na iyon, sinimulan ni Pangulong Nelson ang kumperensya sa maliit na bulwagan. Ang pagkalat ng COVID-19 ay nagtulak sa Simbahan na itigil ang mga aktibidad na ginagawa sa personal sa mga paaralan nito, inililipat o kaya nama’y inire-release ang mga misyonero, at isinasara nang walang katiyakang petsa ang mga templo. Habang nakatayo siya sa harap ng mga Banal, walang koro sa likod niya ang propeta, at wala ang mga pamilyar na hilera ng mga general authority at opisyal. Sa halip, ang mga tagapayo niya at iilang mga tagapagsalita ay nakaupo sa malapit, bawat isa sa kanila ay may laktaw ng ilang pulgada bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng COVID-19.

Habang nagbibigay siya ng mensahe sa mga Banal, ipinaalala sa kanila ni Pangulong Nelson ang pangakong ibinigay niya sa pagtatapos ng huling kumperensya—na ang pagdiriwang ng ikalawang siglo ng Unang Pangitain ni Joseph Smith ay magiging “di-malilimutan” ng mga inihanda ang sarili para dito.

“Wala kong kamalay-malay,” sabi niya, “na ang pagsasalita sa isang nakikitang kongregasyon na wala pang 10 tao ay gagawing napakahalaga at di-malilimutan ang kumperensyang ito para sa akin!

Ginawa ni Laudy ang lahat ng makakaya niya upang paghandaan ang kumperensya, gaya ng hiniling ni Pangulong Nelson na gawin ng mga Banal. Binasa niya ang ilang bahagi ng Joseph Smith—Kasaysayan na nasa Mahalagang Perlas, at namangha sa determinasyon ng batang propeta na gawin ang gawain ng Panginoon, sa kabila ng kakulangan nito ng pinag-aralan. “Wow,” naisip niya, “marahil ay nadama niya talagang may kulang sa kanya.”

Isa iyong pakiramdam na siya mismo ay nakadarama. Hindi siya ang taong nasisindak sa pagsasalita sa publiko, ngunit nakakatakot isiping nasa harap siya ng milyon-milyong tao. Kung minsan ay pinagdududahan niya ang kanyang sarili, ngunit may mga karanasan din siyang nagpalakas ng kanyang kumpiyansa sa sarili. Habang ginagawa niya ang kanyang mensahe, nadarama niyang ginagabayan siya ng Espiritu, tulad ng paggabay nito kay Joseph Smith. Hindi agad nabuo ang kanyang mensahe. Sa halip, paunti-unti itong dumating, isang pahiwatig sa bawat pagkakataon, habang siya ay nanalangin, nagnilay, at nagpunta sa templo.

Ngayon ay tinatapos na ni Elder Gerrit W. Gong ang kanyang mensahe, at itinabi ni Laudy ang kuwaderno niya. Lumapit siya sa pulpito, at oras na nasa likod na siya nito, nawala ang kaba niya. “Nagpapasalamat ako na nabuhay ako sa mundong ito,” sabi niya. “Maraming oras kong pinag-isipan ang tungkol sa maibabahagi ko, at umaasa ako na mangungusap sa inyo nang malinaw ang Espiritu sa pamamagitan ng aking mensahe.”

Nang biglang nagsimula ang pandemya, nagpatupad ng remote learning ang paaralan ni Laudy, at lubhang nagbago ang mga pang-araw-araw na gawain niya. Habang papalapit ang kumperensya, maingat na sinundan nila ng kanyang magulang ang mga patakaran ng lockdown upang matiyak na mananatili siyang malusog at hindi inilagay sa alanganin ang sinuman sa kumperensya. Nalulungkot siya na hindi niya kasama sa silid ang kanyang mga magulang at ibang miyembro ng kanilang pamilya. Ngunit alam niyang nasa malapit sila, nanonood sa telebisyon, at nadarama niyang nakikinig din at nagbibigay ng suporta sa kanya ang mga ninuno niya.

Tumagal ng halos anim na minuto ang mensahe ni Laudy. Nagsalita siya tungkol sa kapangyarihan ng mga pagpapala ng priesthood at sa pagmamahal at kapayapaang nadama niya nang tinanggap niya ang mga ito mula sa kanyang ama. “Huwag mag-atubiling humingi ng basbas kapag kailangan ninyo ng karagdagang patnubay,” sabi niya. “Maaaring dumaranas ang ilan sa atin ng pagkabalisa, depresyon, adiksyon, o pakiramdam na hindi tayo karapat-dapat. Matutulungan tayo ng mga pagpapala ng priesthood na malampasan ang mga hamong ito at matanggap ang kapayapaan kapag sumusulong tayo patungo sa kinabukasan.”

Nagpatotoo siya—mula sa karanasan—na kilala nang personal ng Diyos ang mga anak Niya. “Lagi Siyang nagmamalasakit sa atin at pinagpapala tayo kahit na sa pakiramdam natin ay hindi ito nararapat sa atin,” sabi niya. “Nalalaman Niya kung ano ang kailangan natin at kung kailan natin ito kailangan.”

Nang matapos si Laudy, isa pang kabataang tagapagsalita, si Enzo Petelo, ang tumayo at nagbigay ng mensahe. Habang pinakikinggan niya ito, halos walang maaalala si Laudy sa nangyari sa sarili niyang mensahe. Ayos lang ba ang ginawa niya?

Oras na natapos ang sesyon, tumakbo siyang palabas ng bulwagan upang makipagkita sa mga magulang niya. “Masyadong mabilis po ba ang pagkakasabi ko?” tanong niya.

“Hindi, hija,” sabi ng kanyang ina. “Napakagaling ng ginawa mo.”


Kinabukasan, pinasalamatan ni Pangulong Nelson ang mga Banal sa pagpiling pakinggan ang salita ng Panginoon, sa kabila ng kaguluhan sa mundo. “Ang tumitinding kadiliman na kaakibat ng pagdurusa ay higit na nagpapaningning sa liwanag ni Jesucristo,” patotoo niya. “Isipin lamang ninyo ang kabutihang magagawa ng bawat isa sa atin sa panahong ito na naliligalig ang buong mundo.”

Nanawagan siya sa mga salita ng Ama kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”

“Sa dalawang salitang iyon—‘Pakinggan Siya’—binibigyan tayo ng Diyos ng huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito,” sinabi niya, hinihikayat ang mga Banal na pakinggan, makinig, at sundin ang salita ng Panginoon. “Ipinapangako ko na pagpapalain kayong magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan,” sabi niya. “Ipinapangako ko na magkakaroon ng himala sa relasyon ninyo bilang mag-asawa, bilang pamilya, at sa gawain sa araw-araw. At ipinapangako ko na ang inyong kakayahang magalak ay madaragdagan kahit tumindi ang mga ligalig sa inyong buhay.”

Matapos ang mga mensaheng ito, inanunsyo ni Pangulong Nelson ang bagong pahayag mula Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol ukol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pagkatapos ay lumipat ang brodkast sa isang video niya na binabasa ang pahayag habang nakatayo siya sa Sagradong Kakahuyan.

“May dalawang daang taon na ngayon ang nakalipas mula nitong Pagpapanumbalik na pinasimulan ng Diyos Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na si Jesucristo,” iprinoklama ng pahayag. “Ipinapahayag namin na ipinababatid ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga minamahal na anak. “Nagpapatotoo kami na yaong mga mapanalanging pag-aaralan ang mensahe ng Pagpapanumbalik at kikilos nang may pananampalataya ay pagpapalaing magkamit ng kanilang sariling patotoo sa kabanalan nito at sa layunin nitong ihanda ang mundo para sa ipinangakong Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.”


Sa pagwawakas ng mensahe ni Pangulong Nelson, tumayo ang mga Banal sa mga bansa sa buong mundo, saanman sila nagtipon, at iwinagayway ang mga puting panyo. Mula nang inilaan ang Kirtland Temple noong 1836, pinuri ng mga miyembro ng Simbahan ang Ama at Anak gamit ang Sigaw na Hosana. At hindi naiiba ang araw na ito.

Kasunod ng pangunguna ng propeta, iwinagayway ng mga Banal ang kanilang mga panyo habang magkakasamang nagdiriwang ang kanilang tinig sa buong mundo:

Hosana, Hosana, Hosana sa Kordero’t Ama.

Hosana, Hosana, Hosana sa Kordero’t Ama.

Hosana, Hosana, Hosana sa Kordero’t Ama.

Amen, Amen, at Amen.

  1. “Message from President Thomas S. Monson,” Church News, Peb. 3, 2013, 3, 9.

  2. Thomas S. Monson, “Magligtas,” Liahona, Mayo 2001, 48–50; “Message from President Thomas S. Monson,” Church News, Peb. 3, 2013, 3, 9; Thomas S. Monson, “Magligtas,” Abr. 2, 2009, 1–10, Thomas S. Monson Addresses, CHL; Swinton, To the Rescue, 525; “Pangulong Thomas S. Monson: Propeta at Kaibigan,” Liahona, suplemento, Peb. 2018, 12–13; Tad Walch, “President Thomas S. Monson, 16th Prophet of the LDS Church, Dies after a Lifetime Spent Going ‘to the Rescue,’” Deseret News, Ene. 3, 2018, deseret.com.

  3. “Message from President Thomas S. Monson,” Church News, Peb. 3, 2013, 9; Mateo 25:40. Paksa: Thomas S. Monson

  4. “Message from President Thomas S. Monson,” Church News, Peb. 3, 2013, 3; Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Liahona, Nob. 2012, 4–5; Scott Taylor, “Revisiting ‘the Surge’: 10 Years since Missionary Age Change,” Church News, Okt. 1, 2022, 6; Priesthood Executive Council, Minutes and Records, Apr. 13, 2011. Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero

  5. “Message from President Thomas S. Monson,” Church News, Peb. 3, 2013, 3, 9.

  6. Willy Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Lilly Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [2017]; “New Mission Presidents,” Church News, Hunyo 4, 2017, 13. Paksa: Côte d’Ivoire

  7. Marianne Holman Prescott, “Construction Begins for a New Temple in Africa,” Church News, Peb. 21, 2016, 3, 13; Rachel Sterzer, “We Found Great Faith,” Church News, Mar. 13, 2016, 5, 13; Willy Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Andersen, “Live Younger, Think Older.”

  8. Willy Binene, Oral History Interview [2017]; Willy Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Lilly Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Lilly Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]. Paksa: Democratic Republic of the Congo

  9. Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Lilly Binene, Oral History Interview [Dec. 2023].

  10. Rachel Sterzer, “Update on President Monson,” Church News, Mayo 28, 2017, 2; Monson, Journal, Apr. 6, 2017; Aug. 24 and 31, 2017; Sept. 30, 2017; Oct. 1, 2017; Peggy Fletcher Stack at David Noyce, “Mormon Church President Thomas S. Monson—Known for Private Visits to the Needy and Public Declarations of Faith—Dies at Age 90,” Salt Lake Tribune, Ene. 3, 2018, sltrib.com; Dieter F. Uchtdorf, “Isang Propeta para sa Ating Panahon,” Liahona, suplemento, Peb. 2018, 26.

  11. Ryan Morgenegg, “Sharing General Conference,” Church News, Mar. 25, 2012, 4; “Pangulong Thomas S. Monson: Propeta at Kaibigan,” Liahona, suplemento, Peb. 2018, 17; “Church Leaders on Social Media,” Church News, Hunyo 23, 2013, 2; Philip M. Volmar, “Church Mobile Apps ‘Flooding the Earth’ with Good Media,” Church News, Peb. 25, 2012, 7.

  12. Pangulong Thomas S. Monson: Propeta at Kaibigan,” Liahona, suplemento, Peb. 2018, 16–17; Sarah Jane Weaver, “We Are Trying to Help People Who Are Suffering,” Church News, Nob. 11, 2012, 8–9; Rachel Sterzer, “I Was a Stranger,” Church News, Abr. 2, 2017, 6; Rather, “Welfare Compendium,” 251.

  13. Sarah Jane Weaver, “BYU–Pathway Worldwide,” Church News, Peb. 12, 2017, 3; Marianne Holman Prescott, “The Chance I Didn’t Think I Was Going to Have,” Church News, Okt. 21, 2018, 7–9; Howard M. Collett, “Pathway Provides Opportunity for a Brighter Future,” Church News, Abr. 28, 2013, 6, 10, 13. Paksa: Mga Unibersidad ng Simbahan

  14. Peggy Fletcher Stack at David Noyce, “Mormon Church President Thomas S. Monson—Known for Private Visits to the Needy and Public Declarations of Faith—Dies at Age 90,” Salt Lake Tribune, Ene. 3, 2018, sltrib.com; Tad Walch, “President Thomas S. Monson, 16th Prophet of the LDS Church, Dies after a Lifetime Spent Going ‘to the Rescue,’” Deseret News, Ene. 3, 2018, deseret.com. Paksa: Thomas S. Monson

  15. Message from the First Presidency,” 1–4, sa Camille West, “New First Presidency Speaks to Members Worldwide,” Church News, Ene. 16, 2018, ChurchofJesusChrist.org. Paksa: Russell M. Nelson

  16. Russell M. Nelson, “Pambungad na Pananalita,” D. Todd Christofferson, “Ang Elders Quorum,” Russell M. Nelson, “Ministering,” Jeffrey R. Holland, “Makapiling at Palakasin Sila,” at Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 54, 57, 100–101, 104; John 13:34–35. Paksa: Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood

  17. Tad Walch, “First Stop: London—President Nelson Begins Global Ministry Tour,” Church News, Abr. 15, 2018, 3; Sarah Jane Weaver, “President Nelson’s Fast-Paced Effort to Reach the World,” Church News, Ene. 2, 2021, 8; “President Nelson Concludes Global Ministry Tour in Hawaii,” Newsroom, Abr. 23, 2018, newsroom.ChurchofJesusChrist.org. Paksa: Globalisasyon

  18. Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe,” at Quentin L. Cook, “Malalim at Tumatagal na Pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo,” Liahona, Nob. 2018, 7–11; Sarah Jane Weaver, “‘A New Balance’ to Fortify Families,” Church News, Okt. 14, 2018, 5–6.

  19. Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87–89, nasa orihinal ang pagbibigay-diin. Paksa: Pangalan ng Simbahan

  20. Jason Swensen, “Historic Changes for Children and Youth,” Church News, Mayo 13, 2018, 3, 16; “Church Expands Global Youth Conference Program,” Newsroom, na-update Set. 12, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  21. Sarah Jane Weaver, “First Presidency Releases New General Handbook for Church Leaders, Members,” Church News, Peb. 19, 2020, ChurchofJesusChrist.org.

  22. Scott Taylor, “A Call for Civility, a Plan to Partner,” Church News, Mayo 20, 2018, 3; Sarah Jane Weaver, “The Church’s Unique Partnership with NAACP,” Church News, Hulyo 28, 2019, 3–5; Russell M. Nelson, “President Nelson Remarks at Worldwide Priesthood Celebration,” Newsroom, circa Hunyo 1, 2018; “President Nelson Shares Social Post about Racism and Calls for Respect for Human Dignity,” Newsroom, Hunyo 1, 2020, newsroom.ChurchofJesusChrist.org; Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94.

  23. McBaine at Wayment, “Representation of Women in Today’s Church,” 107–17; Russell M. Nelson, “Helping Women of the Church Feel More Valued,” Mar. 28, 2013, 1, Russell M. Nelson Addresses, CHL; Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 97; Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 51; Sarah Jane Weaver, “Women Leaders to Serve on Church’s General Councils,” Church News, Ago. 23, 2015, 3; First Presidency to General Authorities and others, Oct. 2, 2019, First Presidency, Circular Letters, CHL; Sarah Jane Weaver, “Women, Youth, Children Can Serve as Witnesses,” Church News, Okt. 6, 2019, 3–4. Mga Paksa: Mga Katungkulan sa Simbahan; Mga Pagbabago sa Gawain sa Templo

  24. First Presidency to General Authorities and others, June 29, 2015, First Presidency, Circular Letters, CHL; Dallin H. Oaks, “Going Forward with Religious Freedom and Nondiscrimination,” Newsroom, Nob. 12, 2021, newsroom.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Russell M. Nelson, “The Love and Laws of God,” Newsroom, Set. 17, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  25. Same-Sex Attraction: Kindness, Inclusion, and Respect for All of God’s Children,” Same-Sex Attraction, ChurchofJesusChrist.org; Ballard, “Questions and Answers.”

  26. Message from the First Presidency,” 3, sa Camille West, “New First Presidency Speaks to Members Worldwide,” Church News, Jan. 16, 2018, ChurchofJesusChrist.org; Nelson at Nelson, “Pag-asa ng Israel”; Russell M. Nelson, “Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 119; Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 114; Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Mayo 2019, 112; Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 79. Topics: Ang Pagtitipon ng Israel; Pagtatayo ng Templo; Russell M. Nelson; India; Papua New Guinea; Hungary

  27. Rome Italy Temple Is Dedicated,” Newsroom, Mar. 10, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org; Sarah Jane Weaver, “Events in Rome Are a ‘Hinge Point’ for the World,” “President Nelson, Pope Francis Meet,” at “The Story behind Iconic Photographs,” Church News, Mar. 17, 2019, 3, 9, 16. Paksa: Italy

  28. Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 122.

  29. Lindsey, Oral History Interview [Oct. 5, 2023], 7–9, 13, 22; “Thousands Attend Latin American Cultural Celebration Held at Conference Center,” Newsroom, Nob. 2, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  30. Lindsey, Oral History Interview [Oct. 5, 2023], 1–9. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “minister you” sa orihinal ay pinalitan ng “minister to you.”

  31. Lindsey, Oral History Interview [Oct. 5, 2023], 8–9; Laudy Kaouk, “Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan,” Liahona, Mayo 2020, 56–57; 1 Nephi 3:7.

  32. “WHO Director-General’s Statement on IHR Emergency Committee on Novel Coronavirus (2019-nCoV),” World Health Organization, Ene. 30, 2020, who.int; “CDC Museum COVID-19 Timeline,” Centers for Disease Control and Prevention, huling pinag-aralan Mar. 15, 2023, cdc.gov.

  33. “CDC Museum COVID-19 Timeline,” Centers for Disease Control and Prevention, huling pinag-aralan Mar. 15, 2023, cdc.gov; Jason Swensen, “Prophet Asks China ‘How Can We Help?,’” Church News, Peb. 2, 2020, 3; Sydney Walker, “Coronavirus Update,” Church News, Mar. 1, 2020, 24; Evans, “The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints’ Response to the 2019–20 Coronavirus Pandemic,” 787.

  34. “CDC Museum COVID-19 Timeline,” Centers for Disease Control and Prevention, huling pinag-aralan Mar. 15, 2023, cdc.gov; Mga Banal, tomo 3, kabanata 13; “COVID-19 Prompts Temporary Adjustments,” Church News, Mar. 22, 2020, 5; Sarah Jane Weaver, “COVID-19 Concerns Spark Three Major Changes,” Church News, Mar. 15, 2020, 3–4; Evans, “The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints’ Response to the 2019–20 Coronavirus Pandemic,” 784–86. Mga Paksa: Pandemya ng Trangkaso ng 1918; Mga Sacrament Meeting

  35. Tad Walch, “‘I Remain Optimistic for the Future’: President Nelson Offers Video Message of Hope during COVID-19 Pandemic,” Deseret News, Mar. 14, 2020, deseret.com.

  36. Lindsey, Oral History Interview [Oct. 31, 2023], 1; Scott Taylor, “‘Lasting Effects’ from General Conference,” Church News, Abr. 12, 2020, 3. Paksa: Punong Tanggapan ng Simbahan

  37. Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe,” Liahona, May 2020, 6, nasa orihinal ang pagbibigay-diin; Evans, “The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints’ Response to the 2019–20 Coronavirus Pandemic,” 784–88; “Saturday Morning Session,” Abr. 2020 General Conference, [00:01:03]–[00:01:10], ChurchofJesusChrist.org; Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 122. Paksa: Pangkalahatang Kumperensya

  38. Lindsey, Oral History Interview [Oct. 5, 2023], 10–11, 14, 19, 24; Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 122; Laudy Kaouk, “Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan,” Liahona, Mayo 2020, 56–57. Paksa: Joseph Smith Jr.

  39. Gerrit W. Gong, “Hosana at Aleluia—Ang Buhay na Jesucristo: Ang Sentro ng Pagpapanumbalik at Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2020, 52–55; Lindsey, Oral History Interview [Oct. 31, 2023], 1–2; Lindsey, Oral History Interview [Oct. 5, 2023], 16–17; Laudy Kaouk, “Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan,” Liahona, Mayo 2020, 56.

  40. Lindsey, Oral History Interview [Oct. 5, 2023], 12–13, 16–17, 21.

  41. Laudy Kaouk, “Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan,” Liahona, Mayo 2020, 56–57.

  42. Enzo Petelo, “Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan,” Liahona, Mayo 2020, 58–59; Lindsey, Oral History Interview [Oct. 5, 2023], 17–19.

  43. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88-90; Joseph Smith—History 1:17. Paksa: Mga Tala ng Unang Pangitain ni Joseph Smith

  44. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 90–92.

  45. Russell M. Nelson, “Sigaw na Hosana,” Liahona, Mayo 2020, 92; Sydney Walker, “Hosanna Shout: Way to Express Gratitude,” Church News, Abr. 12, 2020, 6–7. Paksa: Kirtland Temple