“Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Unang Pangitain,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Unang Pangitain
Inilarawan ni Pangulong Joseph F. Smith ang Unang Pangitain ni Joseph Smith bilang “ang pinakadakilang pangyayaring naganap simula sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Anak ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1999], 16). Habang pinag-aaralan mo ang Unang Pangitain, pag-isipan ang kahalagahan ng sagradong pangyayaring ito at ang epekto nito sa iyong buhay at sa mundo.
Bahagi 1
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith?
Tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, itinuro ni Elder Richard J. Maynes ng Pitumpu:
Kahanga-hanga at nagbibigay-liwanag [na] karanasan [ang] suriin kung ano ang natutuhan natin mula sa sagrado at naka[mamangha] na karanasang ito … tungkol sa likas na kawalang-hanggan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo; sa katotohanan ni Satanas; sa tunggalian sa pagitan ng mabuti at masama; at sa iba pang mahahalagang aspeto ng dakilang plano ng kaligtasan. …
Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ang susi para mabuksan ang maraming katotohanang nakatago sa loob ng maraming siglo. Huwag nating kalimutan o balewalain ang maraming mahahalagang katotohanang natutuhan natin mula sa Unang Pangitain. (Richard J. Maynes, “Ang Unang Pangitain: Susi sa Katotohanan,” Liahona, Hunyo 2017, 30, 31)
Lumaki si Joseph Smith sa panahong nagaganap ang matinding kaguluhan sa relihiyon. Nagpapaligsahan sa kanilang lugar ang iba’t ibang Kristiyanong simbahan para makahikayat ng mga tao at matinding nagtatalu-talo tungkol sa doktrina at mga gawaing pangrelihiyon. Habang pinag-aaralan mo ang sumusunod na salaysay tungkol sa Unang Pangitain na itinala noong 1838 at ngayon ay kasama sa mga pamantayang banal na kasulatan bilang Joseph Smith—Kasaysayan, isulat ang mga kaalamang natamo mo at markahan ang mga katotohanan ng ebanghelyo na makabuluhan mismo sa iyo.
Bahagi 2
Paano nagbigay ng mas malaking kaalaman ang maraming salaysay tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith sa sagradong pangyayaring ito?
Ang salaysay noong 1838 tungkol sa Unang Pangitain na nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan ay idinikta ni Joseph noong panahong hinahadlangan na “ipaalam sa lahat ng mananaliksik ng katotohanan ang mga tunay na nangyari,” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:1). Ito ang pinakakilalang salaysay tungkol sa Unang Pangitain at itinala bilang bahagi ng opisyal na kasaysayan ni Joseph Smith sa Simbahan. Ito ay opisyal na tinanggap bilang banal na kasulatan kasama ang Mahalagang Perlas noong 1880 at naging bahagi ng mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan noong panahong iyon.
Bukod pa sa salaysay noong 1838, nagtala o nagdikta si Propetang Joseph Smith ng tatlong iba pang mga salaysay tungkol sa kanyang karanasan. May lima pang mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain na itinala ng mga taong nakarinig nito na kapanahon ni Joseph Smith.
Ang iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay pare-pareho ng kuwento, bagama’t magkakaiba ang mga ito ng binibigyang-diin at mga detalye. Inaasahan ng mga mananalaysay na kapag muling ikinuwento ng isang tao ang isang karanasan sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang tagapakinig makalipas ang maraming taon, bawat salaysay ay magbibigay-diin sa iba’t ibang aspeto ng karanasan at maglalaman ng kakaibang mga detalye. Katunayan, ang mga pagkakaiba na katulad sa yaong nasa mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay makikita sa maraming salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa pangitain ni Pablo sa daan patungong Damasco at sa karanasan ng mga Apostol sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Ngunit sa kabila ng mga pagkakaiba, nananatiling magkapareho ang pangunahing nilalaman ng lahat ng salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Mali ang sinasabi ng ilan na anumang pagkakaiba sa muling pagsasalaysay ng kuwento ay katibayan na gawa-gawa lamang ito. Sa kabilang banda, dahil maraming nakatala sa kasaysayan, mas marami pa tayong natututuhan tungkol sa kagila-gilalas na pangyayaring ito kaysa kung kakaunti lang ang naisulat tungkol dito. (“First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org)
Habang binabasa mo ang sumusunod na mga pahayag mula sa mga karagdagang personal na salaysay tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, maaari mong markahan ang mga detalye at mga katotohanan na mahalaga para sa iyo. Maaari mo ring isulat ang anumang mga tanong mo at dalhin ang mga ito sa klase.
Paalala: Ang kumpletong tala ng bawat pangyayari ay matatagpuan sa “Joseph Smith’s Accounts of the First Vision” sa josephsmithpapers.org.
Salaysay noong 1832
Ang salaysay na ito ay isinulat sa simula ng aklat ng mga liham ni Joseph Smith at ang nag-iisang salaysay na naglalaman ng isang bahagi na isinulat niya mismo. Ilan sa mga ito ay sulat-kamay din ng tagasulat ni Joseph.
Noong ako ay mga labindalawang taong gulang, labis akong nag-alala para sa kapakanan ng aking imortal na kaluluwa. …
… Nabagabag nang husto ang aking isipan, sapagkat nadama ko ang bigat ng aking mga kasalanan. … Nadama kong dapat akong magdalamhati para sa sarili kong mga kasalanan at para sa mga kasalanan ng sanlibutan. …
Dahil dito, nagsumamo ako na kaawaan ng Panginoon, sapagkat wala na akong iba pang mapupuntahan at mahihingan ng awa. At narinig ng Panginoon ang aking pagsusumamo sa ilang, at habang sumasamo ako sa Panginoon, noong ikalabing-anim na taon ng aking buhay, isang haligi ng liwanag na higit pa sa liwanag ng araw sa katanghaliang-tapat ang bumaba mula sa itaas at nanahan sa akin. Ako ay napuspos ng espiritu ng Diyos, at binuksan ng Panginoon ang kalangitan sa akin at nakita ko ang Panginoon.
At nangusap siya sa akin, sinasabing, “Joseph, anak ko, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan. Humayo ka, lumakad sa aking mga palatuntunan, at sundin ang aking mga kautusan. Masdan, ako ang Panginoon ng kaluwalhatian. Ako ay ipinako sa krus para sa sanlibutan upang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Masdan, ang sanlibutan ay nasa makasalanang kalagayan, at walang gumagawa ng mabuti, wala, ni isa. Tinalikuran nila ang ebanghelyo at hindi sinusunod ang aking mga kautusan. Lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin. At ang aking galit ay nagniningas laban sa mga naninirahan sa lupa, upang bumisita sa kanila ayon sa kanilang kasamaan at upang isakatuparan ang sinabi ng bibig ng mga banal na propeta at apostol. Masdan at narito, ako ay kaagad na paparito, gaya ng nasusulat sa akin, nadaramitan ng kaluwalhatian ng aking Ama.”
Ang aking kaluluwa ay puspos ng pagmamahal, at sa loob ng maraming araw maaari akong magalak nang may malaking kagalakan. Nagpakita ang Panginoon sa akin, ngunit wala akong matagpuang sinuman na maniniwala sa pangitaing ito mula sa langit. Gayon pa man, pinagnilayan ko ang mga bagay na ito sa aking puso.
Salaysay noong 1835
Ang salaysay na ito ay isang tala tungkol kay Joseph na inilalarawan ang kanyang Unang Pangitain sa isang taong bumisita sa kanyang tahanan. Isinulat ito sa journal ni Joseph ng kanyang tagasulat.
Taimtim akong nanalangin sa Panginoon. Lumitaw ang isang haliging apoy sa itaas ng aking ulunan. Kaagad itong nanahan sa akin at napuspos ako ng di-masambit na kagalakan. Isang personahe ang lumitaw sa gitna ng haliging nag-aapoy, na kumalat sa buong paligid subalit walang natupok. Hindi nagtagal isa pang personahe ang lumitaw na kahawig ng nauna. Sinabi Niya sa akin, “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.” Siya ay nagpatotoo sa akin na si Jesucristo ang anak ng Diyos. At marami akong nakitang anghel sa pangitaing ito. Ako ay labing-apat na taong gulang nang matanggap ko ang unang pakikipag-usap na ito.
Salaysay noong 1842
Ang salaysay na ito ay mula sa isang liham na isinulat upang sagutin ang mga tanong ng isang patnugot ng pahayagan sa Chicago na nagngangalang John Wentworth.
Nagtungo ako sa isang tagong lugar sa kakahuyan at nagsimulang manalangin sa Panginoon. Habang taimtim na nananalangin, ang aking isipan ay wala na sa mga bagay na nakapalibot sa akin, at ako ay nabalot ng makalangit na pangitain at nakita ko ang dalawang maluwalhating personahe na magkahawig na magkahawig ang mga katangian at anyo, na naliligiran ng maningning na liwanag na mas maningning kaysa sa araw sa katanghaliang-tapat. Sinabi nila sa akin na lahat ng sekta ng relihiyon ay naniniwala sa maling mga doktrina, at na wala sa mga ito ang kinikilala ng Diyos bilang kanyang simbahan at kaharian. At mahigpit na inutos sa akin na “huwag sumapi sa kanila,” at kasabay nito ay tumanggap ako ng isang pangako na ipaaalam sa akin ang kabuuan ng ebanghelyo balang-araw.