“Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Doktrina ng Paghahayag,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik (2019)
“Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Pundasyon ng Panunumbalik
Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Doktrina ng Paghahayag
Pag-isipan ang sumusunod na paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo … Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 96).
Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, alamin ang mga katotohanan na tutulong sa iyo para madagdagan ang iyong espirituwal na kakayahan na makatanggap at makahiwatig ng paghahayag.
Bahagi 1
Paano ko malalaman kung nangungusap sa akin ang Diyos?
Noong taglamig ng 1828–29, nalaman ng isang 22-taong-gulang na titser na nagngangalang Oliver Cowdery ang tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa mga laminang ginto habang nangungupahan sa tahanan ng mga magulang ni Joseph sa Palmyra, New York. Matapos manalangin nang mag-isa upang malaman kung ang narinig niya ay totoo, naramdaman ni Oliver ang nakahihikayat na katiyakan ng kapayapaan. Naglakbay siya papunta sa Harmony, Pennsylvania, kung saan niya nakilala ang Propeta. Nakumbinsing totoo ang mga mensaheng ibinahagi ni Joseph tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, naglingkod si Oliver bilang tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Hindi nagtagal matapos magsimulang tumulong sa pagsasalin si Oliver, tumanggap ang Propeta ng mga paghahayag na nagbigay ng tagubilin kay Oliver at tinugon ang kanyang hangarin na tumulong na magsalin. Ang mga salita ng Panginoon kay Oliver na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 6:14–15, 22–23 ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang mga paraan na maaari Siyang mangusap sa atin.
Nang matanggap ni Joseph ang paghahayag na ito, “Nagulat si Oliver. Agad niyang sinabi kay Joseph ang tungkol sa kanyang [naunang] panalangin at ang banal na patotoong natanggap niya. Walang maaaring makaalam tungkol dito maliban sa Diyos” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 71).
Nang hangarin ni Oliver na magsalin ng mga bahagi ng mga lamina, marami pang itinuro sa kanya ang Panginoon tungkol sa pagtanggap ng paghahayag.
Tungkol sa paraan kung paano nangungusap ang Panginoon kapwa sa ating isipan at puso sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang paraan na maaaring mangyari ito:
Ang pahiwatig na nadarama sa puso ay mas karaniwang impresyon. Madalas nagsisimula ang Panginoon sa pagbibigay ng mga impresyon. Kapag kinilala ang kahalagahan nito at sinunod ang mga ito, ang isang tao ay nagkakaroon ng karagdagang kakayahan na makatanggap ng mas detalyadong tagubilin sa isipan. (Richard G. Scott, “Helping Others to Be Spiritually Led” [mensahe sa mga CES religious educator, Ago. 11, 1998, 4], ChurchofJesusChrist.org)
Itinuro din ni Elder Craig C. Christensen ng Pitumpu:
Lahat tayo ay nagagabayan ng Espiritu Santo, hindi man natin laging natutukoy iyon. Kapag may magaganda tayong naiisip, alam nating tama iyon dahil sa espirituwal na nararamdaman ng ating puso. (Craig C. Christensen, “Hindi Masambit na Kaloob Mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 14)
Maaaring naiisip mo minsan kung talaga bang mula sa Diyos ang naiisip o nararamdaman mo.
Bahagi 2
Ano ang maaari kong gawin para maanyayahan ang diwa ng paghahayag sa buhay ko?
Kung minsan, maaari kang makadama ng pagkabigo kapag tila hindi dumarating ang hinihingi mong paghahayag. Kapag nangyari ito, maaari mong isaalang-alang ang tagubilin ng Panginoon kay Oliver Cowdery nang makadama ito ng pagkabigo dahil hindi siya makatanggap ng paghahayag na kinakailangan para maisalin ang mga lamina (tingnan sa Mga Banal, Tomo 1:71–73).
Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga turo ng Panginoon kay Oliver Cowdery:
Makatatanggap tayo ng mga pahiwatig ng Espiritu kapag nagawa na natin ang lahat ng makakaya natin, kapag nagtatrabaho tayo sa ilalim ng init ng araw sa halip na nagpapahinga sa lilim at nananalangin na humihiling ng patnubay tungkol sa unang hakbang na ating gagawin. …
Kaya gagawin natin ang lahat ng makakaya natin. Pagkatapos ay hihintayin natin ang paghahayag mula sa Panginoon. May sarili Siyang takdang panahon.
… Para maturuan ng Espiritu ay kailangang mayroon tayong gawin. Madalas ay hindi nakikipag-ugnayan ang Panginoon hangga’t hindi natin napag-aaralan ang mga bagay sa ating isipan. Pagkatapos ay tumatanggap tayo ng pagpapatibay. (Dallin H. Oaks, “Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan,” Liahona, Ago. 2013, 24, 26)
Bagama’t naihanda mo ang iyong sarili na tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng iyong pagkamarapat at katapatan, ang mga sagot ng Panginoon ay maaaring hindi dumating kaagad.
Ipinayo ni Elder Scott:
Ano ang gagawin ninyo kapag kayo ay nakapaghandang mabuti, taimtim na nanalangin, naghintay ng sapat na panahon para sa sagot, at wala pa rin kayong nadaramang kasagutan? Maaari kayong magpasalamat kapag nangyayari iyon, dahil patunay ito ng Kanyang pagtitiwala. Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos, magpatuloy nang may tiwala. … Kapag namumuhay kayo nang matwid at kumikilos nang may tiwala, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon. (Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 10)
Bahagi 3
Paano karaniwang dumarating ang paghahayag?
Pag-aralan ang pahayag ni Elder Bednar sa ibaba:
Ang ilang paghahayag ay natatanggap kaagad at matindi; ang ilan ay natutukoy nang unti-unti at marahan. …
Ang ilaw na binuksan sa isang madilim na silid ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang mabilis, lubusan, at biglaan. Marami sa atin ang nakararanas ng ganitong paraan ng paghahayag kapag sinasagot ang ating tapat na panalangin o pinapatnubayan o pinoprotektahan tayo, ayon sa nais at panahong itinakda ng Diyos. … Gayunman, mas bihira kaysa madalas ang ganitong paraan ng paghahayag.
Ang unti-unting pagliliwanag na nagmumula sa papasikat na araw ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. … Mas karaniwan kaysa bihira ang ganitong paraan ng paghahayag. …
Isa pang karaniwang karanasan sa liwanag ang nagtuturo sa atin ng karagdagang katotohanan tungkol sa “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” na paraan ng paghahayag. Kung minsan sumisikat ang araw sa umagang maulap o mahamog. Dahil makulimlim, mas mahirap mabanaag ang liwanag, at imposibleng matukoy kung anong oras talaga sisikat ang araw sa kalangitan. Ngunit kahit gayon ang umaga sapat pa rin ang liwanag para makita natin ang panibagong araw at simulan ang ating gawain.
Sa gayunding paraan, maraming pagkakataon na tumatanggap tayo ng paghahayag nang hindi alam kung paano o kailan natin ito natatanggap. (David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 88–89)