Institute
Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Paghahanap ng Dalisay na Katotohanan sa mga Turo ni Jesucristo


“Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Paghahanap ng Dalisay na Katotohanan sa mga Turo ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

The Savior’s Teachings on Discipleship [Ang mga Turo ng Tagapagligtas tungkol sa Pagiging Disipulo], ni Justin Kunz

Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Paghahanap ng Dalisay na Katotohanan sa mga Turo ni Jesucristo

Ang mamuhay sa panahon ng makabagong teknolohiya ay nagbigay sa atin ng kamangha-manghang access sa napakaraming impormasyon. Subalit sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang isa sa mga salot ng ating panahon ay na kakaunti lamang ang may alam kung saan matatagpuan ang katotohanan” (“Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2021, 6). Habang iniisip mo ang iba’t ibang mensahe at tinig na umaagaw ng iyong pansin, isipin kung paanong si Jesucristo at ang Kanyang mga turo ang pinakadakilang pinagmumulan ng dalisay na katotohanan at may kapangyarihang gabayan, palakasin, at baguhin ang iyong buhay (tingnan sa Juan 14:6).

Bahagi 1

Paano mapagbubuti ng mga turo ni Jesucristo ang aking buhay?

Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, sumabay si Jesus sa dalawang disipulo na naglalakbay patungong Emaus. Hindi nila nakilala na Siya ang nabuhay na mag-uling Cristo. Habang sila ay naglalakad, itinuro ni Jesus mula sa mga banal na kasulatan ang kahulugan ng Kanyang banal na misyon. (Tingnan sa Lucas 24:13–27.)

nakikipag-usap si Jesus sa dalawang disipulo sa daan patungong Emaus
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Lucas 24:31–32, at alamin ang epekto ng turo ng Tagapagligtas sa mga disipulong ito.

Si Jesucristo ay nagturo nang may “kapamahalaan mula sa Diyos” at hindi tulad ng mga eskriba at mga Fariseo (Joseph Smith Translation, Matthew 7:37). . Nang magturo Siya sa Kanyang bayang sinilangan sa Nazaret, ang mga tao ay “namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan” (Lucas 4:32). Bagama’t nagturo ang Panginoon nang may kapangyarihan, nadama ng ilang tao na napakahirap ng Kanyang mga turo at doktrina at pinili nila na huwag Siyang sundin. Sa isang pangyayari, itinanong ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol, “Ibig din ba ninyong umalis?” (Juan 6:67; tingnan din sa Juan 6:68–69).

Sa ating panahon, maaari din tayong makadama na mahirap ang mga turo at doktrina ni Jesucristo. Kung minsan maaari pa nga tayong matuksong “umalis.” Upang manatiling tapat sa buong buhay natin hindi sapat na marinig lang ang Kanyang mga salita.

Matapos ituro sa isang Fariseo na nagngangalang Nicodemo ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ng Panginoon, “[Siya na] gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang malinaw na mahayag na ang kanyang mga gawa ay naaayon sa Diyos” (Juan 3:21; idinagdag ang pagbibigay-diin).

si Jesus na nagtuturo kay Nicodemo

Sa isa pang pagkakataon, habang nagtuturo sa templo, sinabi ni Jesus, “Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako’y nagsasalita mula sa aking sarili” (Juan 7:17; idinagdag ang pagbibigay-diin). Kalaunan, nang magpakita ng halimbawa ng paglilingkod si Jesus para sa Kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng paghuhugas ng kanilang mga paa, sinabi Niya, “Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin” (Juan 13:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ipinaliliwanag ang kahalagahan ng pagsunod sa mga turo ni Jesucristo, sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Ano ngayon ang gagawin natin?” Palagay ko iyan ang paulit-ulit na isinasagot ng Tagapagligtas bilang karugtong na bahagi ng Kanyang pagtuturo at pangangaral. Ang Kanyang mga sermon at panghihikayat ay walang saysay kung hindi nagbabago ang buhay ng Kanyang mga disipulo.

“Ano ngayon ang gagawin natin?” Alam natin na napakaraming tao ang iba ang ginagawa sa sinasabi nila na pinaniniwalaan nila. (“Teaching, Preaching, Healing,” Ensign, Ene. 2003, 37)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin ang mga turo ng Tagapagligtas na matatagpuan sa Mga Ebanghelyo (Mateo, Marcos, Lucas, at Juan) at sa 3 Nephi 11–27. Pumili ng isang turo na napakahalaga sa iyo at pag-aralan itong muli.

Sa iyong pag-aaral at pagninilay, isulat ang mga naisip mo tungkol sa mga sumusunod na tanong:

  1. Ano ang pinakahinangaan mo sa partikular na turong ito ng Tagapagligtas?

  2. Sa paanong paraan nakaimpluwensya ang turong ito sa iyong buhay?

  3. Paano ka nito mas inilapit kay Jesucristo?

Dumating sa klase na handang ibahagi ang turong natukoy mo at kung paano ito nakaimpluwensya sa iyong buhay. Kung wala kang maiisip na turo mula sa Tagapagligtas na nakaimpluwensya sa iyo, maghanap ng isang turo na maaaring nauugnay sa iyong buhay. Pag-aralan ito at dumating na handang ibahagi kung ano ang pinakanakaantig sa iyo tungkol sa turong ito.

Bahagi 2

Alin sa mga turo ng Panginoon ang pinakakinakailangan sa aking kaligtasan?

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

Lahat ng katotohanan ay mahalagang malaman. Ang ilang katotohanan ay mas makatutulong, ngunit may mga katotohanan na napakahalagang malaman. (“Truths Most Worth Knowing” [Church Educational System devotional para sa mga young adult, Nob. 6, 2011], ChurchofJesusChrist.org)

Makahihingi tayo ng patnubay sa Tagapagligtas kung ano ang pinakamahalagang malaman. Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nagpakita si Jesucristo sa maraming tao, pati na sa Kanyang Labindalawang Apostol. Iniutos Niya sa Labindalawa na ipangaral ang Kanyang ebanghelyo sa lahat ng tao. Tiniyak din Niya na maliligtas ang mga naniwala sa Kanyang ebanghelyo at nabinyagan. (Tingnan sa Marcos 16:15–16.)

Nang magpakita si Jesucristo sa mga Nephita, itinuro Niya sa kanila ang kahulugan ng Kanyang ebanghelyo at kung bakit ito kinakailangan sa kanilang kaligtasan.

One by One [Isa-isa], ni Walter Rane
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 3 Nephi 27:13–14, 19–21, at maaari mong markahan ang mahahalagang bahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.

1:28

Sinabi ni Brother Daniel K Judd, dating Unang Tagapayo sa Sunday School General Presidency:

Brother Daniel K Judd

Kahit saklaw ng ebanghelyo ni Jesucristo ang buong katotohanan, hindi lahat ng katotohanan ay pantay-pantay ang kahalagahan. Malinaw na itinuro ng Tagapagligtas na ang Kanyang ebanghelyo, una at higit sa lahat, ay ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang Kanyang ebanghelyo ay isa ring paanyayang tanggapin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, binyag, pagtanggap sa Espiritu Santo, at pagtitiis nang tapat hanggang wakas. …

… Mahalagang pangalagaan natin ang ating mga tinuturuan at pinamumunuan sa pamamagitan ng pagtuon sa mahahalagang doktrina … sa halip na aksayahin ang mahalagang oras sa mga paksa at bagay na di-gaanong mahalaga. (“Mapangalagaan ng Mabuting Salita ng Diyos,” Liahona, Nob. 2007, 93–94)

Ipinayo ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, dating Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang sumusunod:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Kung inaakala ninyo na walang gaanong nagagawa ang ebanghelyo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong umatras, tingnan ang inyong buhay, at simplehan ang inyong pamamaraan sa pagiging disipulo. Magpokus sa mga pangunahing doktrina, alituntunin, at aplikasyon ng ebanghelyo. Ipinapangako ko na gagabayan at pagpapalain ng Diyos ang inyong landas tungo sa kasiya-siyang buhay, at talagang malaki ang magagawa ng ebanghelyo para sa inyo. (“Napakaganda ng Nagagawa Nito!,” Liahona, Nob. 2015, 22)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang maaaring mangyari kapag nakakaligtaan natin ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo at nakatuon sa di-gaanong mahahalagang turo? Ano ang lubos na nakatulong sa iyo para manatiling nakatuon sa mga pangunahing alituntunin?