Liahona
Nag-aalab sa T’wina
Mayo 2024


13:28

Nag-aalab sa T’wina

Naririnig ng Diyos ang bawat panalangin na iniaalay natin at tumutugon Siya sa bawat isa sa mga ito ayon sa landas na ibinalangkas Niya para sa ating pagiging perpekto.

Mga kapatid, natuto ako ng isang masakit na aral mula nang huli akong tumayo sa pulpito na ito noong Oktubre ng 2022. Ang aral na iyon ay: Kapag hindi ka nagbigay ng katanggap-tanggap na mensahe, maaari kang mapagbawalang lumahok sa susunod na ilang kumperensya. Mapapansin ninyo na pinagsalita ako nang maaga sa unang sesyon nito. Ang hindi ninyo nakikita ay na nasa ibabaw ako ng isang maselang trapdoor. Kung hindi maganda ang mensaheng ito, hindi ko kayo makikita ng ilang kumperensya.

Sa diwa ng magandang himnong iyon kasama ang magandang koro na ito, may mga natutuhan ako kamakailan na, sa tulong ng Panginoon, nais kong ibahagi sa inyo ngayon. Magiging isang napakapersonal na mensahe ito.

Ang pinakapersonal at masakit sa lahat ng nakalipas na karanasang ito ay ang pagpanaw ng mahal kong asawang si Pat. Siya ang pinakadakilang babaeng nakilala ko—isang perpektong asawa at ina, hindi pa kasama riyan ang kanyang kadalisayan, kaloob na pagpapahayag, at espirituwalidad. Minsan siyang nagbigay ng mensahe na pinamagatang “Pagtupad sa Layunin ng Paglikha sa Inyo.” Sa palagay ko ay natupad niya ang layunin ng paglikha sa kanya nang mas matagumpay kaysa sa iniisip ng sinuman na posibleng mangyari. Siya ay isang ganap na anak ng Diyos at isang babaeng nagpakita ng halimbawa ng mga katangian ni Cristo. Ako ang pinakamapalad na lalaki dahil nakasama ko siya sa 60 taon ng aking buhay. Kung mapapatunayan kong karapat-dapat ako, ang pagbubuklod sa amin ay nangangahulugang makakasama ko siya sa kawalang-hanggan.

Nagsimula ang isa pang karanasan ng pagkatuto 48 oras matapos ang libing ng aking asawa. Noong panahong iyon, itinakbo ako sa ospital dahil sa isang malubhang sakit. Ginugol ko ang unang apat na linggo ng anim na linggong pananatili roon na labas-pasok sa intensive care unit at pawala-wala ang malay.

Sa katunayan, lahat ng aking karanasan sa loob ng ospital noong panahong iyon ay nakalimutan ko na. Ang hindi nawala ay ang aking alaala ng paglalakbay sa labas ng ospital, palabas sa tila dulo ng kawalang-hanggan. Hindi ako lubos na makapagsasalita tungkol sa karanasang iyon dito, ngunit masasabi ko na bahagi ng natanggap ko ay isang paalala na bumalik sa aking ministeryo nang may higit na pagmamadali, higit na paglalaan, higit na pagtuon sa Tagapagligtas, higit na pananampalataya sa Kanyang salita.

Hindi ko maiwasang madama na nakatatanggap ako ng aking sariling bersyon ng paghahayag na ibinigay sa Labindalawa halos 200 taon na ang nakalilipas.

“Magpapatotoo ka sa aking pangalan … [at] papalaganapin ang aking salita hanggang sa mga dulo ng mundo. …

“… Bawat umaga; at sa bawat araw paratingin ang iyong nagbababalang tinig; at pagsapit ng gabi huwag patulugin ang mga naninirahan sa mundo, dahil sa iyong mga salita. …

“Bumangon[,] … pasanin mo ang iyong krus, [at] sumunod sa akin.”1

Mahal kong mga kapatid, mula noong karanasang iyon, sinikap ko nang mas taimtim na pasanin ang aking krus, nang may higit na panatang hanapin kung saan ako makapagbibigay ng mensahe bilang apostol na kapwa naghihikayat at nagbabalala sa umaga, sa hapon, at sa gabi.

Iyon ay humahantong sa pangatlong katotohanan na dumating sa mga buwang iyon ng pagkawala, karamdaman, at pagkabalisa. Ito ay isang pinanibagong saksi sa at walang katapusang pasasalamat para sa mga determinadong panalangin ng Simbahang ito—ang inyong mga panalangin—na kung saan ay benepisyaryo ako. Ako ay walang hanggang magpapasalamat para sa pagsusumamo ng libu-libong tao na, tulad ng nakikiusap na balo,2 paulit-ulit na naghangad ng tulong ng langit para sa akin. Nakatanggap ako ng mga basbas ng priesthood, at nakita ko ang aking mga kaklase noong hayskul na nag-ayuno para sa akin, tulad ng ginawa ng ilang iba’t ibang ward sa Simbahan. At marahil ang aking pangalan ay nasa prayer roll ng bawat templo sa Simbahan.

Sa aking matinding pasasalamat para sa lahat ng ito, makikiisa ako kay G. K. Chesterton, na minsang nagsabi “na ang pasasalamat ay ang pinakamataas na antas ng pag-iisip; at … ang pasasalamat ay kaligayahan na pinaiigting ng pagkamangha.”3 Nang may sarili kong “kaligayahan na pinaiigting ng pagkamangha,” pinasasalamatan ko kayong lahat at pinasasalamatan ko ang aking Ama sa Langit, na nakinig sa inyong mga panalangin at nagpala sa aking buhay.

Mga kapatid, nagpapatotoo ako na naririnig ng Diyos ang bawat panalangin na inihahandog natin at tumutugon Siya sa bawat isa sa mga ito ayon sa landas na ibinalangkas Niya para sa ating pagiging perpekto. Natanto ko na halos sa parehong panahon na napakaraming nanalangin para sa pagbuti ng aking kalusugan, may kapantay na bilang—kabilang ako—na nanalangin para sa pagbuti ng kalusugan ng aking asawa. Nagpapatotoo ako na kapwa ang mga panalanging iyon ay napakinggan at nasagot ng isang banal na maawaing Ama sa Langit, kahit na ang mga panalangin para kay Pat ay hindi nasagot sa paraang hiniling ko. Sa mga kadahilanang tanging ang Diyos lamang ang nakaaalam, ang mga panalangin ay nasasagot sa paraang iba sa inaasahan natin—ngunit nangangako akong ang mga ito ay naririnig, at ang mga ito ay nasasagot ayon sa Kanyang walang maliw na pagmamahal at banal na oras.

Kung tayo ay “hihingi nang hindi lisya,”4 walang limitasyon sa kung kailan, kung saan, at tungkol sa kung ano ang dapat nating ipanalangin. Ayon sa mga paghahayag, dapat tayong “[manalangin] sa bawat panahon.”5 Dapat tayong manalangin, sabi ni Amulek, para sa “[kanila] na nasa paligid ninyo,”6 na may paniniwalang ang “panalangin ng [mga] taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.”7 Dapat bigkasin nang malakas ang ating mga panalangin kapag nasa pribadong lugar tayo at posible na magawa ito.8 Kung hindi iyon praktikal, dapat tayong manalangin nang tahimik at taos-puso.9 Inaawit natin na ang ating mga panalangin ay “nag-aalab sa t’wina,”10 na laging iniaalay, ayon sa Tagapagligtas Mismo, sa Diyos na Amang Walang Hanggan sa pangalan ng Kanyang Bugtong na Anak.11

Mahal kong mga kaibigan, ang ating mga panalangin ay ang ating pinakasintang oras,12 ang ating “mithiing [pinakatunay],”13 ang ating pinakasimple at pinakadalisay na anyo ng pagsamba.14 Dapat tayong manalangin nang indibiduwal, sa ating mga pamilya, at sa mga kongregasyon malaki man o maliit.15 Dapat nating gamitin ang panalangin bilang panangga laban sa tukso,16 at kung may anumang panahon na nadama nating ayaw nating manalangin, makatitiyak tayo na ang pag-aalinlangang iyon ay hindi nagmumula sa Diyos, na sabik makipag-ugnayan sa Kanyang mga anak kailanman at sa lahat ng panahon. Tunay nga, ang ilang mga pagsisikap na pigilan tayong manalangin ay direktang nagmumula sa kaaway.17 Kapag hindi natin alam kung papaano manalangin o kung ano mismo ang ipananalangin, dapat tayong magsimula, at magpatuloy, hanggang sa gabayan tayo ng Banal na Espiritu sa panalanging dapat nating ialay.18 Maaaring ang paraang ito ang dapat nating isamo kapag nananalangin para sa ating mga kaaway at mga yaong gumawa sa atin ng masama.19

Sa huli, maaari nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na nanalangin nang napakadalas. Ngunit matagal na akong napapaisip kung bakit nadama ni Jesus na kailangan niyang manalangin. Hindi ba perpekto Siya? Tungkol saan ang kailangan Niyang ipanalangin? Napagtanto ko na Siya rin, kasama natin, ay nagnais na “[hanapin ang Ama], manalig [sa kanyang salita,] at [magtiwala sa kanyang biyaya].”20 Sa maraming pagkakataon, Siya ay lumayo sa maraming mga tao upang mapag-isa bago ialay ang Kanyang mga panalangin sa langit.21 Sa ibang pagkakataon, nanalangin siya kasama ang ilang tao. Nagsumamo din Siya sa langit sa ngalan ng maraming tao na pumuno sa gilid ng burol. Kung minsan ay niluwalhati ng panalangin ang Kanyang kasuotan.22 Kung minsan naman ay niluwalhati nito ang Kanyang mukha.23 Kung minsan ay tumayo Siya upang manalangin, kung minsan naman ay lumuhod Siya, at hindi bababa sa isang beses ay nagpatirapa Siya sa panalangin.24

Inilarawan ni Lucas ang paghihirap ni Jesus sa Kanyang pagbabayad-sala bilang isang bagay na nangailangang Siya ay manalangin nang “higit na taimtim.”25 Paano mananalangin nang mas taimtim ang isang perpektong nilalang? Ipinapalagay natin na ang lahat ng Kanyang panalangin ay taimtim, ngunit sa pagsasagawa ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at sa pasakit na kasama ng pandaigdigang sakop nito, nadama Niyang manalangin nang mas nagsusumamo kaysa kailan pa man, at dahil sa bigat ng Kanyang handog, sa huli ay lumabas ang dugo sa bawat butas ng kanyang balat.

Sa konteksto ng tagumpay ni Cristo sa kamatayan at ng Kanyang kaloob sa akin kamakailan na ilan pang linggo o buwan sa mortalidad, nagbibigay ako ng taimtim na saksi sa katotohanan ng buhay na walang hanggan at sa pangangailangan para sa atin na maging seryoso sa pagpaplano para rito.

Nagbibigay ako ng saksi na kapag dumating si Cristo, kailangan Niya tayong makilala—hindi bilang natuturingan lamang na miyembro na nakalista sa isang kupas na talaan ng binyag kundi bilang mga lubusang nakatuon, tapat na naniniwala, at nagbibigay ng magandang halimbawa na disipulo. Ito ay isang mahalagang bagay para sa ating lahat upang hindi natin marinig nang may nakapanlulumong panghihinayang: “Hindi ko kayo kilala kailanman,”26 o, sa pagsasalin ni Joseph Smith sa pariralang iyon, “Hindi [ninyo] ako kilala kailanman.”27

Sa kabutihang-palad, may tulong tayo para sa gawaing ito—maraming tulong. Kailangan nating maniwala sa mga anghel at himala at sa mga pangako ng banal na priesthood. Kailangan nating maniwala sa kaloob na Espiritu Santo, sa impluwensya ng mabubuting kapamilya at kaibigan, at sa kapangyarihan ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Kailangan nating maniwala sa paghahayag at mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at kay Pangulong Russell M. Nelson. Kailangan nating maniwala na sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo at personal na katuwiran, maaari talaga tayong umakyat sa “Bundok ng Sion, … sa bayan ng buhay na Diyos, ang makalangit na lugar, ang pinakabanal sa lahat.”28

Mga kapatid, habang tayo ay nagsisisi sa ating mga kasalanan at matapang na nagtutungo sa “trono ng biyaya,”29 nag-iiwan sa Kanyang harapan ng ating mga limos at taos-pusong pagsusumamo, makasusumpong tayo ng awa at kapatawaran sa mabubuting kamay ng ating Walang Hanggang Ama at ng Kanyang masunurin at ganap na dalisay na Anak. Kung gayon, kasama si Job at ang lahat ng pinadalisay na matatapat, mamamasdan natin ang isang mundong “lubhang kahanga-hanga”30 upang maunawaan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.