Liahona
Magiging Maayos ang Lahat Dahil sa mga Tipan sa Templo
Mayo 2024


16:33

Magiging Maayos ang Lahat Dahil sa mga Tipan sa Templo

Wala nang mas hahalaga pa sa pagtupad sa mga tipan na ginawa o gagawin ninyo sa mga templo.

Mahal kong mga kapatid, para sa akin, ang sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya, ay isang sagradong panahon. Nagpapasalamat ako sa takdang-gawain na makapagsalita sa milyun-milyong mga Banal sa mga Huling Araw at sa ating mga kaibigan sa iba’t ibang panig ng mundo. Mahal ko kayo, at alam kong mahal kayo ng Panginoon.

Mahigit 50 taon na ang lumipas, nagkaroon ako ng pribilehiyong maglingkod bilang pangulo ng Ricks College sa Rexburg, Idaho. Umaga noon ng Hunyo 5, 1976, nagbiyahe kami ng asawa kong si Kathy mula Rexburg patungong Idaho Falls Idaho Temple para dumalo sa pagbubuklod ng isang malapit na kaibigan. Siyempre, dahil may apat na batang lalaki sa aming tahanan noon, ang aming paglalakbay papuntang templo ay maisasagawa lamang sa tulong ng isang magiting na babysitter! Iniwan namin ang aming mga mahal na anak sa kanyang pangangalaga at ginawa ang maikling 30 minutong biyahe.

Kahanga-hanga ang naging karanasan namin sa templo nang araw na iyon, tulad nang lagi. Gayunman, matapos ang pagbubuklod sa templo—at habang naghahanda kaming umuwi—napansin namin na maraming temple worker at patron ang kabadong nag-uusap-usap sa lobby ng templo. Hindi nagtagal, ipinaalam sa amin ng isa sa mga temple worker na gumuho ang bagong gawang Teton Dam sa silangang Idaho! Mahigit 80 bilyong galon (300 milyong metro kubiko) ng tubig ang umaagos sa dam at patungo sa 300 milya kuwadrado (775 kilometro kuwadrado) na mga kalapit na lambak. Halos buong lungsod ng Rexburg ay nalubog sa tubig, na may mga tahanan at sasakyang tinangay ng agos ng tubig-baha. Dalawang-katlo ng 9,000 residente ang biglang nawalan ng tirahan.1

Tulad ng naiisip ninyo, agad na nabaling ang aming isipan at pag-aalala sa kaligtasan at kapakanan ng aming mga mahal na anak, daan-daang estudyante sa kolehiyo at guro, at isang komunidad na mahal namin. Wala pang 30 milya (50 km) ang layo namin sa bahay, subalit sa araw na ito, na hindi pa uso ang mga cellphone at text messaging, walang paraan para agad na makausap namin ang aming mga anak, ni hindi namin magawang bumiyahe mula sa Idaho Falls patungong Rexburg dahil sarado ang lahat ng kalsada.

Ang tanging opsyon namin ay magpalipas ng gabi sa isang motel sa lugar ng Idaho Falls. Lumuhod kami ni Kathy sa aming maliit na silid sa motel at mapagpakumbabang nagsumamo sa Ama sa Langit para sa kaligtasan ng aming mga mahal na anak at ng libu-libong iba pa na naapektuhan ng nangyaring trahedya. Naaalala ko si Kathy na palakad-lakad sa sahig hanggang madaling-araw, balisang-balisa sa pag-aalala sa kanyang mga anak. Sa kabila ng aking pagkabahala, napapayapa ko ang aking isipan at nakatulog.

Ilang sandali pa lang at ginising ako ng mahal kong kabiyak at sinabing, “Hal, paano’t nagagawa mo pang matulog sa mga oras na ganito?”

Pagkatapos, ang mga salitang ito ay malinaw na tumimo sa puso at isip ko. Sinabi ko sa asawa ko: “Kathy, anuman ang mangyari, magiging maayos ang lahat dahil sa templo. Nakipagtipan tayo sa Diyos at nabuklod bilang walang-hanggang pamilya.”

Sa sandaling iyon, tila pinagtibay ng Espiritu ng Panginoon sa aming puso at isipan ang alam na naming dalawa na totoo: ang mga ordenansa ng pagbubuklod, na matatagpuan lamang sa bahay ng Panginoon at pinangangasiwaan ng wastong awtoridad ng priesthood, ay nagbuklod sa amin bilang mag-asawa, at naibuklod sa amin ang aming mga anak. Tunay na walang dapat ikatakot, at nagpasalamat kami, kalaunan, nang malamang ligtas ang aming mga anak.

Marahil ang pahayag na ito ni Pangulong Thomas S. Monson ang pinakamainam na pagsasalarawan sa nadama namin ni Kathy sa di-malilimutang gabing iyon. “Sa pagpunta natin sa templo, maaaring madagdagan ang ating espirituwalidad at makadarama tayo ng kapayapaan. … Mauunawaan natin ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang: ‘Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. … Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man [Juan 14:27].’”2

Pinagpapala akong madama ang kapayapaang iyon sa tuwing pumapasok ako sa sagradong templo. Naaalala ko ang unang araw na pumasok ako sa Salt Lake Temple. Binatilyo pa ako noon.

Tumingala ako sa mataas na puting kisame na nagpaliwanag nang husto sa silid kaya tila nakabukas ito sa kalangitan. At sa sandaling iyon, pumasok sa aking isipan ang malilinaw na salitang ito: “Nakarating na ako sa maliwanag na lugar na ito dati.” Ngunit biglang pumasok sa aking isipan, sa tinig na hindi akin, ang mga salitang ito: “Hindi, hindi ka pa nakarating dito kahit kailan. Naaalala mo ang isang sandali bago ka isinilang. Nasa isang sagradong lugar kang tulad nito kung saan makaparoroon ang Panginoon.”

Mga kapatid, mapagpakumbaba kong pinatototohanan na kapag dumadalo tayo sa templo, maipapaalala sa atin ang walang hanggang katangian ng ating espiritu, ang ating kaugnayan sa Ama at sa Kanyang banal na Anak, at ang ating pinakahahangad na makabalik sa ating tahanan sa langit.

Sa mga nakaraang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang pinakaligtas na lugar para maging ligtas sa espirituwal ay pamumuhay ayon sa inyong mga tipan sa templo!”

Lahat ng pinaniniwalaan natin at lahat ng pangako ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang [tao ay pinagsama-sama] sa templo.”3

“Bawat taong nakikipagtipan … sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo.”4

Itinuro din niya na “kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nililisan natin [magpakailanman] ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama. Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang ugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya. Sa katunayan, ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa.”5

Sa ilalim ng inspiradong pamumuno ni Pangulong Nelson, pinabilis at patuloy na pabibilisin ng Panginoon, ang pagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Magbibigay ito ng oportunidad na matanggap ng lahat ng anak ng Diyos ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, at gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Ang maging karapat-dapat gumawa ng mga sagradong tipan ay hindi lang isang beses na pagsusumikap kundi isa itong pang-araw-araw na proseso. Sinabi ng Panginoon na kailangang ibigay natin ang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.6

Ang madalas na pakikilahok sa mga ordenansa sa templo ay makalilikha ng huwaran ng debosyon sa Panginoon. Kapag tumutupad kayo sa inyong mga tipan sa templo at isinasaisip ang mga ito, inaanyayahan ninyo ang Espiritu Santo na maging katuwang ninyo upang palakasin at dalisayin kayo.

Pagkatapos, mararanasan ninyong madama ang liwanag at pag-asa na nagpapatotoo na tunay ang mga pangako. Malalaman ninyo na ang bawat pakikipagtipan sa Diyos ay oportunidad na mas mapalapit sa Kanya, na pagkaraan ay lilikha ng hangarin sa inyong puso na tuparin ang mga tipan sa templo.

Pinangakuan tayo na, “Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin.”7

Sa pamamagitan ng mga tipan ng pagbubuklod sa templo, matatanggap natin ang katiyakan ng mapagmahal na mga ugnayan ng pamilya na magpapatuloy sa kabilang buhay at magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan. Ang pagtupad sa mga tipan sa kasal at pamilya na ginawa sa mga templo ng Diyos ay magbibigay ng proteksyon mula sa kasamaan ng kasakiman at kapalaluan.

Ang walang-maliw na malasakit ng magkakapatid sa isa’t isa ay uusbong lamang sa patuloy na pagsisikap na akayin ang inyong pamilya sa landas ng Panginoon. Bigyan ng pagkakataon ang mga anak na ipagdasal ang bawat isa. Alamin kaagad ang pinagsisimulan ng mga pag-aaway, at positibong tukuyin ang mga ginagawang paglilingkod na di-makasarili, lalo na sa isa’t isa. Kapag ipinagdarasal at pinaglilingkuran ng magkakapatid ang bawat isa, ang mga puso ay lalambot at babaling sa isa’t isa at sa kanilang mga magulang.

Bahagi iyon ng inilarawan noon ni Malakias nang magbadya siya ng tungkol sa pagdating ni propetang Elijah: “Kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito.”8

Lahat tayo ay tiyak na dadanas ng mga pagsubok, hamon, at kabiguan. Wala ni isa man sa atin ang makaiiwas sa “[mga] tinik sa laman.”9 Gayunman, kapag dumadalo tayo sa templo at isinasaisip ang ating mga tipan, makapaghahanda tayo sa pagtanggap ng personal na patnubay mula sa Panginoon.

Nang ikasal kami ni Kathy at ibuklod sa Logan Utah Temple, ang noo’y si Elder Spencer W. Kimball ang nagsagawa ng pagbuklod sa amin. Sa iilang salitang sinambit niya, ibinigay niya ang payong ito: “Hal at Kathy, mamuhay kayo sa paraan na kapag dumating ang tawag, madali ninyong maiiwan ang lahat.”

Noong una, hindi namin naunawaan ang ibig sabihin ng payong iyon sa amin, ngunit ginawa namin ang lahat para mamuhay sa paraang magiging handa kaming lumisan upang maglingkod sa Panginoon kapag tinawag kami. Halos 10 taon na ang lumipas nang maikasal kami, isang hindi inaasahang tawag ang dumating mula sa Commissioner of Church Education na si Neal A. Maxwell.

Ang magiliw na payong ibinigay ni Pangulong Kimball sa templo noon na “madali ninyong maiiwan ang lahat” ay nagkatotoo. Tinanggap namin ni Kathy ang tawag na lisanin ang tila perpektong buhay-pamilya sa California upang maglingkod sa isang gawain at sa isang lugar na hindi ko alam. Gayunman, handang lumisan ang aming pamilya dahil nakita ng isang propeta, sa isang banal na templo, sa isang lugar ng paghahayag, ang isang pangyayari sa hinaharap na napaghandaan namin.

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na wala nang mas hahalaga pa sa pagtupad sa mga tipang ginawa o gagawin ninyo sa templo. Saan man kayo naroon sa landas ng tipan, hinihikayat ko kayo na maging karapat-dapat at marapat dumalo sa templo. Bumisita [sa templo] sa tuwing may pagkakataon kayo. Gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Tinitiyak ko sa inyo ang katotohanan ng siya ring binanggit ko kay Kathy noon sa gitna ng gabi halos limang dekada na ang nakararaan sa isang maliit na silid ng motel sa Idaho Falls: “Anuman ang mangyari, magiging maayos ang lahat dahil sa mga tipan sa templo.”

Ibinabahagi ko sa inyo ang aking tiyak na patotoo na si Jesus ang Cristo. Buhay Siya at pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan. Ang mga templo ay mga bahay ng Panginoon. Si Pangulong Russell M. Nelson ang buhay na propeta ng Diyos sa mundo. Mahal ko siya, at mahal ko ang bawat isa sa inyo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.