Liahona
Lahat ng Bagay para sa Ating Ikabubuti
Mayo 2024


14:14

Lahat ng Bagay para sa Ating Ikabubuti

Sa buhay na ito at sa kabilang buhay, ang layunin ng Paglikha at ang likas na katangian ng Diyos ay para magkakalakip na gumawa ang lahat ng bagay para sa ating ikabubuti.

Ngayon ay Abril 6, ang anibersaryo ng pagpapanumbalik ni Jesucristo ng Kanyang Simbahan sa mga huling araw—at bahagi ng panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, kung kailan masaya tayong nagpapatotoo tungkol sa sakdal na buhay, nagbabayad-salang sakripisyo, at maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Nagsisimula ang isang kuwentong Chinese sa isang lalaki na ang anak na lalaki ay may natagpuang magandang kabayo.

“Suwerte naman,” sabi ng mga kapitbahay.

“Tingnan natin,” sabi ng lalaki.

Tapos ay nahulog ang anak sa kabayo at tuluyang nabaldado.

“Malas naman,” sabi ng mga kapitbahay.

“Tingnan natin,” sabi ng lalaki.

Dumating ang isang hukbo ng mga naglilista ng mga maglilingkod bilang sundalo ngunit hindi kinuha ang baldadong anak.

“Suwerte naman,” sabi ng mga kapitbahay.

“Tingnan natin,” sabi ng lalaki.

Ang pabagu-bagong mundong ito ay kadalasang mahirap, walang katiyakan, kung minsa’y suwerte, at—kadalasan—malas. Subalit, sa mundong ito ng pagdurusa,1 “nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya.”2 Tunay ngang habang naglalakad tayo nang matwid at tinatandaan natin ang ating mga tipan, “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti.”3

Lahat ng bagay para sa ating ikabubuti.

Napakagandang pangako! Nakagiginhawang katiyakan mula sa Diyos mismo! Sa mahimalang paraan, ang layunin ng Paglikha at ang likas na katangian ng Diyos ay ang malaman ang simula at wakas;4 ang maisakatuparan ang lahat ng para sa ating ikabubuti; at tulungan tayo na maging dalisay at banal sa pamamagitan ng biyaya at Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maaari tayong iligtas at tubusin mula sa kasalanan. Ngunit lubos ding nauunawaan ni Jesucristo ang ating bawat pasakit, dalamhati, karamdaman,5 kalungkutan, pagkawalay. Sa buhay na ito at sa kabilang buhay, maaaring itama ng Kanyang tagumpay laban sa kamatayan at impiyerno ang lahat ng bagay.6 Pinasasaya Niya ang malungkot at hinamak, pinagbabati at pinapayapa Niya ang magkagalit at hindi magkasundo, inaaliw ang nalulumbay at nahiwalay, pinalalakas ang loob ng taong walang katiyakan at hindi perpekto, at nagsasagawa ng mga himala na Diyos lamang ang posibleng makagawa.

Kumakanta tayo ng alleluia at sumisigaw ng hosanna! May walang-hanggang kapangyarihan at walang-katapusang kabutihan, sa plano ng kaligayahan ng Diyos lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti. Maaari nating harapin ang buhay nang may tiwala at hindi natatakot.

Kapag mag-isa tayo, maaaring hindi natin malaman kung ano ang makakabuti sa atin. Kapag “pinili kong umasa sa sarili kong kakayahan,” pinipili ko rin ang sarili kong mga limitasyon, kahinaan, kakulangan. Sa huli, para magawa ang pinakamalaking kabutihan, kailangang maging mabuti tayo.7 Yamang walang mabuti maliban sa Diyos,8 hinahangad nating maging sakdal kay Jesucristo.9 Nagiging pinakatotoo at pinakamabuti lamang tayo kapag hinubad natin ang ating likas na pagkatao at naging isang bata sa harap ng Diyos.

Sa ating pagtitiwala at pananampalataya sa Diyos, maaaring lubos na ilaan ang ating mga pagsubok at paghihirap para sa ating ikabubuti. Si Joseph, na ipinagbili sa pagkaalipin sa Ehipto, ay iniligtas kalaunan ang kanyang pamilya’t mga tao. Ang pagkakapiit ni Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail ay nagturo sa kanya na “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.”10 Sa pagsampalataya sa buhay, ang mga pagsubok at sakripisyong hindi natin pipiliin kailanman ay maaaring magpala sa atin at sa iba sa mga paraang hindi natin akalain.11

Nag-iibayo ang ating pananampalataya at tiwala sa Panginoon na lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti habang nagtatamo tayo ng walang-hanggang pananaw;12 nauunawaan natin na ang ating mga pagsubok ay maaaring “sumandaling panahon … lamang”;13 natutukoy natin na maaaring ilaan ang paghihirap para sa ating kapakinabangan;14 nauunawaan natin na ang mga aksidente, hindi inaasahang pagkamatay, nakapanghihinang karamdaman, at sakit ay bahagi ng mortalidad; at nagtitiwala tayo na ang ating mapagmahal na Ama sa Langit ay hindi nagbibigay ng mga pagsubok para magparusa o maghatol. Hindi Niya bibigyan ng bato ang isang taong humihingi ng tinapay ni ng ahas ang humihingi ng isda.15

Kapag dumarating ang mga pagsubok, ang pinakagusto natin kadalasan ay may makinig sa atin at may makasama tayo.16 Sa sandaling iyon, ang mga sagot na madalas nang gamitin ay maaaring hindi makatulong, kahit layon nitong makaaliw. Kung minsan ang gusto natin ay makasama ang isang taong magdadalamhati, masasaktan, at iiyak na kasama natin; hahayaan tayong magpahayag ng sakit, kabiguan, kahit ng galit kung minsan; at tatanggapin tulad natin na may mga bagay na hindi natin alam.

Kapag nagtitiwala tayo sa Diyos at sa Kanyang pagmamahal sa atin, kahit ang ating pinakamatitinding kalungkutan, sa huli, ay maaaring magkakalakip na gumawa para sa ating ikabubuti.

Naaalala ko ang araw na nabalitaan ko na nagkaroon ng matinding aksidente sa kotse ang mga mahal ko sa buhay. Sa gayong mga pagkakataon, nagdadalamhati at nananampalataya, masasabi lamang natin na katulad ni Job, “Ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi; purihin ang pangalan ng Panginoon.”17

Sa buong pandaigdigang Simbahan, mga 3,500 stake at district at mga 30,000 ward at branch ang naglalaan ng kanlungan at kaligtasan mula sa mga unos.18 Ngunit sa ating mga stake at ward, maraming tapat na pamilya at indibiduwal ang nagdaranas ng mahihirap na hamon, na nalalaman na (kahit hindi pa nalalaman kung paano) magkakalakip na gagawa ang mga bagay para sa ating ikabubuti.

Sa Huddersfield, England, natuklasan na may stage-four cancer si Brother Samuel Bridgstock bago siya binigyan ng calling na maging bagong stake president. Dahil sa kanyang malubhang sakit, tinanong niya ang kanyang asawa, kung bakit magpapainterbyu pa siya.

“Kasi,” sabi ni Sister Bridgstock, “tatawagin ka bilang stake president.”

Pamilya Bridgstock.

Binigyan noong una ng isa o dalawang taon para mabuhay, si President Bridgstock (na narito ngayon) ay nasa ikaapat na taon na ngayon ng paglilingkod. May mga araw na mabuti at masama ang kanyang pakiramdam. Nagtutulungan ang kanyang stake nang may ibayong pananampalataya, paglilingkod, at kabaitan. Hindi madali, ngunit namumuhay ang kanyang asawa at pamilya nang may pananampalataya, pasasalamat, at mauunawaang kalungkutan na nagtitiwala sila na magiging walang-hanggang kagalakan ang mga ito sa pamamagitan ng nagpapanumbalik na Pagbabayad-sala ni Jesucristo.19

Kapag tayo ay payapa, bukas, at mapitagan, maaari nating madama ang kagandahan, layunin, at katahimikan ng pagiging bahagi ng tipan na inaalok ng Panginoon. Sa mga sagradong sandali, maaari Niyang pasulyapan sa atin ang mas malaking walang-hanggang realidad kung saan bahagi ang ating pang-araw-araw na buhay, kung saan magkakalakip na gumagawa ang maliliit at mga simpleng bagay para sa ikabubuti ng mga nagbibigay at tumatanggap.

Ikinuwento ni Rebekah, anak ng una kong mission president, kung paano sinagot ng Panginoon ang kanyang panalangin na mapanatag sa isang di-inaasahang oportunidad na masagot ang panalangin ng ibang tao.

Ibinigay ni Rebekah sa babae ang oxygen machine ng kanyang ina.

Isang hatinggabi, si Rebekah, na nagdadalamhati sa pagpanaw kamakailan ng kanyang ina, ay nagkaroon ng impresyon na bumili ng gasolina para sa kotse niya. Pagdating niya sa gasolinahan, nakilala niya ang isang matandang babae na nahihirapang huminga gamit ang isang malaking oxygen tank. Kalaunan, nagawang ibigay ni Rebekah sa babae ang portable oxygen machine ng kanyang ina. Nagpapasalamat na sinabi ng sister na ito, “Ibinalik mo sa akin ang aking kalayaan.” Magkakalakip na gumagawa ang mga bagay para sa ikabubuti kapag naglilingkod tayo na katulad ni Jesucristo.

Ipinaliwanag ng isang ama na itinalagang maging ministering companion ng kanyang anak na kasama sa teachers quorum, “Ang ministering ay kapag tayo na nagdadala ng cookies sa mga kapitbahay ay naging pinagkakatiwalaang mga kaibigan, mga espirituwal na unang tumutulong.” Ang pagiging bahagi ng tipan kay Jesucristo ay nag-aaliw, nag-uugnay, naglalaan.

Maging sa trahedya, maaaring ipaalala sa atin ng espirituwal na paghahanda na batid ng Ama sa Langit kapag tayo ay nakaramdam ng labis na panghihina at pag-iisa. Halimbawa, isang pamilya na ang anak ay dinala sa ospital ang nakasumpong ng kapanatagan kalaunan sa pag-alaala na naibulong na nang maaga ng Espiritu Santo kung ano ang aasahan.

Kung minsa’y kasama sa mas malaking walang-hanggang realidad na ipinadarama sa atin ng Panginoon ang mga kapamilyang pumanaw na. Nakasumpong ng kagalakan ang isang sister sa pagbabalik-loob sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Subalit dalawang trauma ang labis na nakaapekto sa kanyang buhay—pagkakita sa isang aksidente sa pamamangka at pagpapakamatay ng kanyang ina.

Nadaig ng sister ang kanyang takot at nabinyagan.

Subalit nadaig ng sister na ito ang kanyang takot sa tubig para mabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. At sa naging napakasayang araw, nasaksihan niya ang isang tao, na nag-proxy sa kanyang pumanaw na ina, na mabinyagan sa templo. “Ang binyag sa templo ay nagpagaling sa aking ina, at nagpalaya sa akin,” sabi ng sister na ito. “Noon ako unang nakadama ng kapayapaan mula nang mamatay ang aking ina.”

Inuulit ng ating sagradong musika ang Kanyang pagtiyak na lahat ng bagay ay maaaring magkakalakip na gumawa para sa ating ikabubuti.

Pumayapa, aking kaluluwa:

Diyos ang patnubay mo at kalinga.

Pag-asa mo ay h’wag mapaparam,

Bawat hiwaga’y may kasagutan.20

Mga Banal, halina’t gumawa;

Maglakbay sa tuwa.

Mahirap man ang ’yong kalagayan,

Biyaya’y kakamtan. …

At masawi man sa ’ting paglakbay,

Kay inam ng buhay!21

Ang Aklat ni Mormon ay katibayang mahahawakan natin na si Jesus ang Cristo at tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga propesiya. Isinulat ng mga inspiradong propeta na nakakita sa ating panahon, nagsisimula ang Aklat ni Mormon sa simpleng drama—isang pamilyang nagkaroon ng matitinding di-pagkakasundo. Subalit, habang pinag-aaralan at pinagninilayan natin ang 1 Nephi 1 hanggang Moroni 10, natutuon tayo kay Jesucristo na may matibay na patotoo na ang nangyari doon noon ay maaaring magpala sa atin dito ngayon.

Habang ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang buhay na propeta, ay mas inilalapit ang mas maraming bahay ng Panginoon sa mas maraming lugar, magkakalakip na gumagawa ang mga pagpapala ng templo para sa ating ikabubuti. Lumalapit tayo sa Diyos Ama at kay Jesucristo sa pamamagitan ng tipan at ordenansa at nagtatamo ng walang-hanggang pananaw tungkol sa mortalidad. Nang isa-isa, sa paisa-isang pangalan, nag-aalok tayo sa mahal na mga miyembro ng pamilya—mga ninuno—ng mga pagpapala ng mga sagradong ordenansa at tipan ayon sa huwaran ng Panginoon ng mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.22

Habang mas lumalapit sa atin ang mga templo sa maraming lugar, ang isang sakripisyo sa templo na maiaalok natin ay ang maghangad ng kabanalan sa bahay ng Panginoon nang mas madalas. Sa loob ng maraming taon, nag-ipon, nagplano, at nagsakripisyo tayo para makapunta sa templo. Ngayon, kung ipahihintulot ng sitwasyon, mas dalasan sana ninyo ang pagpunta sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay. Hayaan ang regular na pagsamba at paglilingkod sa templo na magpala, magprotekta, at magbigay-inspirasyon sa inyo at sa inyong pamilya—ang pamilyang mayroon kayo o ang pamilyang mapapasainyo at magiging pamilya ninyo balang araw.

Lola sa labas ng templo.

Gayundin, kung saan ipahihintulot ng inyong sitwasyon, isipin sana ninyo ang pagpapalang magkaroon ng sarili ninyong mga kasuotan sa templo.23 Sinabi ng isang lolang nagmula sa isang mahirap na pamilya na sa anuman sa mundo, ang pinakagusto niya ay ang sarili niyang mga kasuotan sa templo. Sabi ng kanyang apong lalaki, “Ibinulong ni Lola, ‘Maglilingkod ako na suot ang sarili kong mga kasuotan sa templo, at pagkamatay ko, ililibing ako na suot iyon.’” At nang dumating ang panahong iyon, suot niya iyon.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Lahat ng pinaniniwalaan natin at lahat ng pangakong nagawa ng Diyos sa Kanyang pinagtipanang mga tao ay nagsasama-sama sa templo.”24

Sa buhay na ito at sa kabilang buhay, ang layunin ng Paglikha at ang likas na katangian ng Diyos ay para magkakalakip na gumawa ang lahat ng bagay para sa ating ikabubuti.

Ito ang walang-hanggang layunin ng Panginoon. Ito ang Kanyang walang-hanggang pananaw. Ito ang Kanyang walang-hanggang pangako.

Kapag magulo ang buhay at hindi malinaw ang layunin, kapag gusto ninyong mamuhay nang mas mabuti ngunit hindi ninyo alam kung paano, nakikiusap ako, lumapit sa ating Diyos Ama at kay Jesucristo. Magtiwala na Sila ay buhay, mahal Nila kayo, at gusto Nila ang lahat ng bagay para sa inyong ikabubuti. Pinatototohanan ko na ito ay totoo, nang walang katapusan at walang hanggan, sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Juan 16:33.

  2. Roma 8:28.

  3. Doktrina at mga Tipan 90:24. Ang popular na pariralang “Mabuti ang lahat” ay kadalasang nagpapahiwatig na OKAY at maayos ang lahat, ngunit hindi nangangahulugan na ang mga iyon ay talagang para sa ating ikabubuti.

  4. Tingnan sa Moises 1:3.

  5. Tingnan sa Alma 7:11.

  6. Tingnan sa 2 Nephi 9:10–12. Iginagalang ng Diyos ang kalayaang moral, na kung minsa’y pinahihintulutan na maapektuhan tayo maging ng masasamang gawain ng iba. Ngunit kapag kusa nating hinahangad na gawin ang lahat ng kaya natin, ang biyaya ni Jesucristo at ang Kanyang nagbibigay-kakayahan at nagbabayad-salang kapangyarihan ay maaaring linisin, pagalingin, gamutin, pagkasunduin tayo sa ating sarili at sa isa’t isa, sa magkabilang panig ng tabing.

  7. Tingnan sa Moroni 7:6, 10–12. Sumulat si Professor Terry Warner nang may pag-unawa tungkol sa paksang ito.

  8. Tingnan sa Roma 3:10; Moroni 10:25.

  9. Tingnan sa Moroni 10:32.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:4, 7.

  11. Natututo tayo sa mga karanasang hindi natin pipiliin kailanman. Kung minsan ang pagdadala ng mga pasanin sa tulong ng Panginoon ay maaaring magpaibayo sa kakayahan nating dalhin ang mga pasaning iyon; inilalarawan sa Mosias 24:10–15 ang pangako ng Panginoon na “[dadalawin ang] aking mga tao sa kanilang mga paghihirap” at “[palalakasin] sila … upang madala nila ang kanilang mga pasanin.” Itinuturo sa Alma 33:23 na maaaring “gumaan ang [ating] mga pasanin, sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak.” Ipinaaalala sa atin sa Mosias 18:8 na kapag tayo ay “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … [maaaring] ang mga yaon ay gumaan.”

  12. Binanggit ng propetang si Isaias ang Mesiyas: “Ang Espiritu ng Panginoong Diyos ay sumasaakin; sapagkat hinirang ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabuting balita sa inaapi; kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, … upang aliwin ang lahat ng tumatangis; upang pagkalooban sila na tumatangis sa Zion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo, sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan, sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan” (Isaias 61:1–3). Gayundin, inialay ng mang-aawit ang ipinangakong pananaw ng Panginoon: “Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak” (Mga Awit 30:5). Kabilang dito ang maluluwalhating pangako para sa mga matwid sa umaga ng Unang Pagkabuhay na Mag-uli.

  13. Doktrina at mga Tipan 122:4. Naniniwalang ang mga pagsubok ay maaaring “sumandaling panahon” lamang sa kawalang-hanggan ay hindi nangangahulugan na huwag gaanong pahalagahan o pagmukhaing di-gaanong mahirap o mapanghamon ang pasakit o pagdurusang maaari nating maranasan sa araw-araw sa buhay na ito, ang mahirap tiising mga gabi na walang tulog, o ang matinding kawalan ng katiyakan sa bawat bagong araw. Marahil ang pangako na magawang lingunin at tingnan ang ating pagdurusa sa mortalidad na iniisip ang habag at walang-hanggang pananaw ng Diyos ay nagdaragdag ng kaunting pananaw sa ating pag-unawa sa mortalidad at sa ating pag-asang makapagtiis nang may pananampalataya at tiwala sa Kanya hanggang wakas. Gayundin, kapag mayroon tayong mga mata na nakakakita, kadalasa’y may kabutihan sa ngayon; hindi na natin kailangang maghintay nang matagal para makakita ng kabutihan.

  14. Tingnan sa 2 Nephi 2:2.

  15. Tingnan sa Mateo 7:9–10. Ang pagtutulot na manaig ang Diyos sa ating buhay ay hindi ang basta tanggapin anuman ang mangyari nang walang ginagawa. Masayang isipin na gusto lamang palagi ng Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Kapag dumating ang trahedya, maaari tayong magtanong nang may pananampalataya, hindi ng “Bakit ako?” kundi ng “Ano ang matututuhan ko?” At maaari tayong magdalamhati nang may bagbag ba puso at nagsisising espiritu, batid na sa Kanyang panahon at paraan, darating ang mga pagpapala at oportunidad.

  16. Nakipagtipan tayong makidalamhati sa mga nagdadalamhati at aluin ang mga nangangailangan ng pag-alo (tingnan sa Mosias 18:9).

  17. Job 1:21.

  18. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 115:6.

  19. Ang pananampalataya sa harap ng paghihirap ay kabaligtaran ng umiiral na dalamhati at kawalan ng pag-asa na inilalarawan sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga yaong “isinumpa … ang Diyos, at naghangad na mamatay” ngunit “gayon pa man … nakipaglaban sila gamit ang espada para sa kanilang mga buhay” (Mormon 2:14).

  20. “Pumayapa, Aking Kaluluwa,” Mga Himno, blg. 71.

  21. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23. Isaalang-alang din ang:

    Dakilang karunungan at pag-ibig. …

    Hangaring tayo’y matubos.

    Pag-ibig, awa at katarungan

    Ay nagtutugma nang lubos!

    (“Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.)

    Sa gitna ng mga kawalang-katiyakan sa buhay, alam natin na ang dakilang layunin ng pagtubos ay sama-samang maghahatid ng katarungan, pag-ibig, at awa para sa ating ikabubuti.

  22. Tingnan sa Obadias 1:21. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Paano sila [ang mga Banal sa mga Huling Araw] magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion? Sa … pagtatayo ng kanilang mga templo, pagtatayo ng kanilang mga bautismuhan, at [paghayo at] pagtanggap ng lahat ng ordenansa … para sa kanilang mga ninuno na namatay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 555).

  23. Ang mga miyembrong dumadalo sa templo sa unang pagkakataon ay maaaring bumili ng mga kasuotan sa templo sa mas murang halaga.

  24. Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 94.