Liahona
Tapat Hanggang Wakas
Mayo 2024


11:25

Tapat Hanggang Wakas

Sa Kanyang patnubay, maitutumba ninyo ang lahat ng Goliat na dumarating sa inyong buhay.

Mahal na mga kaibigang kabataan, gusto kong magsalita ngayon nang tuwiran sa inyo—na mga kabataan ng Simbahan.

Isang taon na simula nang matawag ang ating Young Women General Presidency. Napakarami nang nangyari nitong nakaraang taon!

Nakilala namin ang marami sa inyo at sama-sama nating napag-aralan ang mga turo ni Cristo. Kumanta kami ng mga awitin, nagkaroon ng mga bagong kaibigan, at naglingkod na kasama ninyo sa ating mga komunidad. Napalakas kami sa pakikinig sa inyong mga patotoo sa mga youth conference at mga pandaigdigang kaganapan. At sama-sama tayong sumamba sa bahay ng Panginoon.

Sa bawat pagkakataon, nagbahagi kami ng isang mensahe mula sa ating Panginoong Jesucristo. Hindi maiiba ang gabing ito; may mensahe ako para sa inyo, na mga kabataan ng Simbahan ni Jesucristo.

Ang Mahahalagang Tanong

Naisip na ba ninyo kung paano kayo magiging tapat sa Diyos habang namumuhay sa isang makasalanang mundo? Saan kayo humuhugot ng lakas na sumulong at patuloy na gumawa ng mabuti? Paano ninyo nararanasan ang tunay na kagalakan?

Sa palagay, ko makatutulong ang karanasan nina David at Goliat1.

Sina David at Goliat

Sa Lumang Tipan, nakikidigma ang hukbo ng mga Filisteo sa mga Israelita, at tuwing umaga at tuwing gabi, hinamon ng higanteng Filisteo na si Goliat ang sinumang Israelita na labanan siya.

Sina David at Goliat.

Kabilang sa mga Israelita si David, isang binatilyong pastol na mas maliit kaysa kay Goliat ngunit malaki ang pananampalataya kay Jesucristo! Nagboluntaryo si David na makipaglaban. Maging ang hari ay nagsikap na pigilan siya, pero pinili ni David na magtiwala kay Jesucristo.

Dati, nakipaglaban na si David sa isang leon at pati na sa isang oso. Mula sa sarili niyang karanasan, batid niya na pinrotektahan siya ng Diyos at tinulungan siyang magtagumpay. Para kay David, ang adhikain ng Diyos ang pinakamahalagang adhikain. Kaya, buo ang pananampalataya niya sa Diyos na hindi siya pababayaan, nagtipon siya ng limang makikinis na bato, dinala niya ang kanyang tirador, at hinarap ang higante.

Limang bato ni David.

Sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na tumama ang unang batong inihagis ni David sa noo ni Goliat, na kumitil sa buhay nito.2

Paghahanap sa Sagot

Bagama’t isang bato lamang ang ginamit ni David para patayin si Goliat, naghanda siya ng lima. Lima! Naiisip ko tuloy kung paano ko ihahanda ang sarili ko na harapin ang mundo.

Paano kung kumakatawan sa lakas na kailangan natin ang bawat bato ni David para magtagumpay sa ating buhay? Ano kaya ang limang batong iyon? Naisip ko ang mga posibilidad na ito:

  1. Ang bato ng aking pagmamahal sa Diyos.

  2. Ang bato ng aking pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

  3. Ang bato ng kaalaman tungkol sa aking tunay na pagkatao.

  4. Ang bato ng aking araw-araw na pagsisisi.

  5. Ang bato ng aking pagtanggap sa kapangyarihan ng Diyos.

Pag-usapan natin kung paano tayo pinagpapala ng mga kalakasang ito.

Una, ang bato ng aking pagmamahal sa Diyos. Pagmamahal sa Diyos ang unang dakilang utos.3 Itinuro sa atin ng gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan na: “Mahal kayo ng Diyos. Siya ang inyong Ama. Ang Kanyang sakdal na pagmamahal ay maaaring magbigay-inspirasyon sa inyo na mahalin Siya. Kapag ang pagmamahal ninyo sa Ama sa Langit ang pinakamahalagang impluwensya sa inyong buhay, maraming desisyon ang nagiging mas madali.”4

Ang pagmamahal natin sa Diyos at ang malapit na kaugnayan natin sa Kanya ay nagbibigay sa atin ng lakas na kailangan natin upang baguhin ang ating puso at mas madaling madaig ang ating mga hamon.

Pangalawa, ang bato ng aking pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Nang pumarito si Jesucristo sa lupa, nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan,5 at dinala sa Kanyang sarili ang ating mga kalungkutan, pasakit, kahinaan, at pisikal at mental na mga karamdaman. Kaya nga alam Niya kung paano tayo tutulungan. Ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesucristo ay lubos na magtiwala sa Kanyang karunungan, panahon, pagmamahal, at kapangyarihang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Ang bato ng pananampalataya kay Jesucristo ay tatalunin ang anumang “higante” sa ating buhay.6 Madaraig natin ang makasalanang mundong ito dahil Siya ang unang dumaig dito.7

Pangatlo, ang bato ng kaalaman tungkol sa aking tunay na pagkatao. Itinuro sa atin ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson na ang ating pinakamahahalagang pagkakakilanlan ay bilang mga anak ng Diyos, mga anak ng tipan, at mga disipulo ni Jesucristo.8

Lahat ay nagbabago kapag alam ko kung sino talaga ako.9 Kapag nagdududa ako sa aking mga kakayahan, madalas kong inuulit sa sarili kong isipan o nang malakas, “Ako ay anak ng Diyos, ako ay anak ng Diyos,” nang maraming beses hangga’t kailangan ko hanggang sa muli akong makadama ng tiwala na magpatuloy.

Pang-apat, ang bato ng aking araw-araw na pagsisisi. Sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan, mababasa natin: “Ang pagsisisi ay hindi kaparusahan sa kasalanan; ito ang paraan na pinalalaya tayo ng Tagapagligtas mula sa kasalanan. Ang ibig sabihin ng magsisi ay magbago—tumalikod sa kasalanan at lumapit sa Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magpakabuti at tumanggap ng kapatawaran. Ang ganitong uri ng pagbabago ay hindi minsanang pangyayari; ito ay patuloy na proseso.”10

Wala nang ibang mas nagpapalaya kaysa sa madama ang kapatawaran ng Diyos at malaman na tayo ay malinis at nakipagkasundo sa Kanya. Posible ang kapatawaran para sa lahat.

Ang panlimang bato ay ang bato ng aking pagtanggap sa kapangyarihan ng Diyos. Ang mga tipang ginagawa natin sa Diyos, tulad ng mga ginagawa natin sa ordenansa ng binyag, ay tinutulungan tayong tanggapin ang kapangyarihan ng kabanalan.11 Ang kapangyarihan ng Diyos ay isang tunay na kapangyarihang tumutulong sa atin na humarap sa mga hamon, gumawa ng mabubuting desisyon, at dagdagan ang kakayahan nating tiisin ang mahihirap na sitwasyon. Isa itong kapangyarihan kung saan maaari nating palaguin ang partikular na mga kakayahang kailangan natin.12

Ipinaliwanag sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan na: “Iniuugnay kayo ng mga tipan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Dinaragdagan ng mga ito ang kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay.”13

Pag-usapan natin ang ugnayang iyan. Naaalala ba ninyo noong ituro ni Cristo ang pagkakaiba ng bahay na itinayo sa bato at ng bahay na itinayo sa buhangin?14 Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Hindi nakakaligtas ang isang bahay sa malakas na bagyo dahil sa matatag ang bahay. Hindi rin ito nakakaligtas dahil lang sa matatag ang bato. Nakakaligtas ang bahay sa bagyo dahil matibay itong nakakabit sa matibay na batong iyon. Ang tibay ng pagkakabit sa bato ang mahalaga.”15

Bahay na itinayo sa ibabaw ng bato.

Ang ating personal na ugnayan kay Jesucristo ay magbibigay sa atin ng tapang at tiwalang sumulong sa kabila ng mga taong walang respeto sa ating mga paniniwala o nangbu-bully sa atin. Inaanyayahan tayo ni Cristo na panatilihin Siya palagi sa ating isipan; sinasabi Niya sa atin, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip.”16 Ang pag-iisip tungkol sa Tagapagligtas ay nagbibigay sa atin ng linaw ng isipan sa paggawa ng mga desisyon, pagkilos nang walang takot, at pagtanggi sa anumang salungat sa mga turo ng Diyos.17 Kapag nahihirapan ako sa maghapon at pakiramdam ko’y hindi ko na kaya, ang pag-iisip tungkol kay Cristo ay naghahatid sa akin ng kapayapaan at pag-asa.

Paano tayo makahuhugot ng lakas sa kapangyarihang ito ni Jesucristo? Ang pagtupad sa ating mga tipan at pagpapalakas ng ating pananampalataya kay Jesucristo ang susi rito.

Naisip ko talaga na sana ay may isa pang bato si David; na magiging bato ng aking patotoo. Ang ating patotoo ay tumatatag sa pamamagitan ng personal at espirituwal na mga karanasan kung saan napapansin natin ang banal na impluwensya sa ating buhay.18 Walang makakukuha ng kaalamang iyan mula sa atin. Walang katumbas ang kaalamang natututuhan natin mula sa ating mga espirituwal na karanasan. Ang pagiging tapat sa kaalamang iyan ay nagbibigay sa atin ng kalayaan. Nagbibigay ito sa atin ng kagalakan! Kung mahal natin ang katotohanan, hahanapin natin iyon, at kapag natagpuan natin iyon, ipagtatanggol natin iyon.19

Isang Paanyaya

Tulad lang ng pagpili ko sa pang-anim na bato, inaanyayahan ko kayong kausapin ang inyong klase, korum, o pamilya at pag-isipan kung ano ang iba pang mga kalakasang kailangan ninyong makamtan para manatiling tapat sa Diyos at sa gayon, madaig ang mundo.

Isang Pangako

Mahal na mga kaibigan, masigasig si Cristo na samahan tayo sa pagtahak sa landas ng ating buhay. Ipinapangako ko sa inyo, kapag humahawak kayo nang mahigpit sa gabay na bakal, sasabay si Jesucristo sa paglakad ninyo.20 Gagabayan Niya kayo, at tuturuan Niya kayo.21 Sa Kanyang patnubay, maitutumba ninyo ang lahat ng Goliat na dumarating sa inyong buhay.

Patotoo

Pinatototohanan ko na may kagalakan sa pagdarasal araw-araw, sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw, sa pagtanggap ng sakramento tuwing Linggo, at sa pagdalo sa seminary—kahit sa madaling-araw! May kagalakan sa paggawa ng mabuti.

May kagalakan sa pagiging tapat sa Diyos ng sansinukob, sa Tagapagligtas ng sanlibutan, sa Hari ng mga hari. May kagalakan sa pagiging disipulo ni Jesucristo.

Ang Diyos ang ating Ama. Alam Niya ang mga hangarin ng inyong puso at ang inyong mga posibilidad, at may tiwala Siya sa inyo.

Mahal kong mga kabataan, tutulungan kayo ni Jesucristo na maging tapat hanggang wakas. Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.