Liahona
Integridad: Isang Katangiang Tulad ng kay Cristo
Mayo 2024


11:25

Integridad: Isang Katangiang Tulad ng kay Cristo

Ang buhay na may integridad ay humihingi ng katapatan natin sa Diyos, sa isa’t isa, at sa ating banal na identidad.

Sa huling mga oras ng ministeryo ng Tagapagligtas, Siya ay nagtungo sa Bundok ng mga Olibo patungo sa isang halamanan na tinatawag na Getsemani at nagbilin sa Kanyang mga disipulo na maghintay.1 Ngayong mag-isa na Siya, nanalangin Siya sa Kanyang Ama, “Kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito.”2 Sa nadamang matinding sakit, ang Kanyang pagdurusa ay naging dahilan upang Siya, “maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, … nagnais na kung maaari ay hindi [Niya] lagukin ang mapait na saro at manliit.”3 Subalit sa sandali ng matinding pagdurusa, ang Tagapagligtas ay hindi tumalikod “at ininom [Niya] at tinapos ang [Kanyang] paghahanda para sa mga anak ng tao.”4

Bilang Bugtong na Anak ng Ama, si Jesucristo ay may kapangyarihang daigin ang kamatayan, sakit, at pagdurusa ngunit hindi Niya ito tinalikuran. Tinupad Niya ang tipang ginawa Niya sa Kanyang Ama at, sa paggawa nito, ay nagpakita ng isang katangian Niya na lalong mahalaga sa mundong ating tinitirhan—ang integridad. Siya ay nanatiling tapat sa Diyos, sa bawat isa sa atin, at sa Kanyang banal na pagkatao.

Integridad

Si Jesucristo ang ating Huwaran. Ang buhay na may integridad ay humihingi ng katapatan natin sa Diyos, sa isa’t isa, at sa ating banal na identidad. Ang integridad ay nagmumula sa unang dakilang utos na mahalin ang Diyos. Dahil mahal ninyo ang Diyos, kayo ay tapat sa Kanya sa lahat ng oras. Nauunawaan ninyo na mayroong tama at mali at mayroong tunay na katotohanan—ang katotohanan ng Diyos. Ang ibig sabihin ng integridad ay hindi natin ibinababa ang ating mga pamantayan o pag-uugali upang mapahanga ang iba at matanggap ng iba.5 “Tama’y gawin [ninyo]; ang bunga’y makikita.”6 Makikita sa mga bagong rebisyon sa manwal ng missionary na Mangaral ng Aking Ebanghelyo na idinagdag ang integridad bilang katangiang tulad ng kay Cristo.7

Ilang taon na ang nakaraan, naatasan si Elder Uchtdorf na muling iorganisa ang aming stake. Sa pag-uusap namin, natatandaan ko pa ang tanong niya: “May anumang bagay ba sa buhay mo na, kung makikita ng publiko, ay magiging kahihiyan sa iyo o sa Simbahan?” Nagulat ako, at agad kong naisip ang buong buhay ko, pilit na ginunita ang mga sandaling iyon na maaaring nagkulang ako at itinanong sa sarili ko, “Kung alam ng iba ang lahat ng ginawa ko, ano ang iisipin nila tungkol sa akin o sa Simbahan?”

Sa sandaling iyon, akala ko ay nagtatanong lang si Elder Uchtdorf ng tungkol sa pagkamarapat, pero naunawaan ko na, ang tanong na iyon ay talagang tungkol sa integridad. Tapat ba ako sa sinasabi ko? Makikita ba ng mundo na pareho ang mga sinasabi ko sa mga ginagawa ko? Makikita ba ng iba ang Diyos sa pamamagitan ng mga ginagawa ko?

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Ang integridad” ay ang ating “kahandaan at kakayahang ipamuhay ang ating mga paniniwala at pangako.”8

Tapat sa Diyos

Ang buhay na may integridad ay hinihingi, una sa lahat, ang katapatan natin sa Diyos.

Mula sa ating pagkabata, natutuhan natin ang kuwento tungkol kay Daniel sa yungib ng mga leon. Si Daniel ay palaging tapat sa Diyos. Ang naiinggit na mga kasamahan niya ay “[naghanap] ng batayan upang makapagsumbong laban sa [kanya]”9 at gumawa ng isang batas na nag-uutos na ang pagdarasal ay sa diyus-diyusan lamang nila. Alam ni Daniel ang utos ngunit umuwi siya at pumasok sa kanyang bahay—na ang “mga bintana ay bukas”10—lumuhod siya at nanalangin nang tatlong beses sa isang araw sa Diyos ng Israel. Dahil dito, si Daniel ay inihagis sa yungib ng mga leon. Kinaumagahan, natagpuan ng hari na iniligtas si Daniel ng Diyos nito at naglabas ng isang bagong batas na ang lahat ay dapat “manginig at matakot sa Diyos ni Daniel: sapagkat siya ang buhay na Diyos.”11

Nakilala ng hari ang Diyos sa pamamagitan ng integridad ni Daniel. Ang iba ay nakikita ang Diyos sa pamamagitan ng ating—mga salita at gawa. Tulad ni Daniel, ang pagiging tapat sa Diyos ay nagpapaiba sa atin sa sanlibutan.

Ipinaalala sa atin ng Tagapagligtas, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”12 Sinabi sa atin ni Pangulong Russell M Nelson: “Ang ibig sabihin [ng pagdaig sa sanlibutan] ay pagdaig sa tukso na higit na pahalagahan ang mga bagay ng mundong ito kaysa sa mga bagay ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay pagtitiwala sa doktrina ni Cristo kaysa sa mga pilosopiya ng mga tao.”13 Gayundin, dapat nating daigin ang tukso na lumakad “sa sarili [nating] paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili [nating] diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig.”14

Ang pagsalungat o oposisyon sa mundong ito ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Diyos. Ang paraan ng pagtugon natin sa oposisyon ay nagpapakita ng ating pagkatao—isang sukatan ng ating integridad. Ang oposisyon ng mundo ay maaaring tuwirang makasira sa katapatan sa asawa o ang hindi napapansing tukso na pagpo-post ng mga komento nang walang pangalan, na bumabatikos sa doktrina at kultura ng Simbahan. Ang pagkakaroon ng integridad sa ating pagpili ay nagpapakita ng ating katapatan na sundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Tapat sa Kapwa

Tulad ng integridad na nagmumula sa unang dakilang utos na mahalin ang Diyos, ang pagiging tapat sa isa’t isa ay nagmumula sa pangalawang utos, ang mahalin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili. Ang buhay na may integridad ay hindi isang buhay na puno ng kasakdalan; ito ay isang buhay kung saan pinagsisikapan natin araw-araw na maging tapat, una sa lahat sa Diyos at sa kontekstong iyan ay pagiging tapat sa kapwa. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang pagsusumigasig nating sundin ang pangalawang utos na ito ay hindi dapat maging dahilan para malimutan ang una[ng utos].”15

Pinagsisikapan ng mundo na magkaroon ng integridad sa pamamagitan ng mga tuntunin sa pag-uugali o kagandahang-asal na ipinatutupad sa pagitan ng mga tao at mga institusyon. Bagama’t mabuti ito, ang mga patakarang ito ay karaniwang hindi nakabatay sa tunay na katotohanan at malamang na nagbabago ayon sa pagtanggap ng kultura. Tulad ng tanong ni Elder Uchtdorf, sinasanay ng ilang organisasyon ang mga empleyado para pag-isipan kung ang kanilang mga desisyon o paraan ng pagpapasiya ay magbabago kung ilalathala ito sa internet o sa front page ng kilalang pahayagan. Habang lumalabas ang Simbahan mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman,16 tayo, tulad ni Daniel, ay dapat maging higit pa sa inaasahan ng mundo at maging mukha ng tunay at buhay na Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar.17

Ang pagsasabing may integridad tayo ay hindi sapat kung ang mga kilos natin ay iba sa sinasabi natin. Gayundin, ang pagiging mabuting Kristiyano ay hindi panghalili sa integridad. Bilang mga pinagtipanang tao, at bilang mga lider ng Kanyang Simbahan, dapat nating ipamuhay ang mataas na pamantayan na itinakda ng Panginoon.

Ang pagkilos nang may integridad ay nagpapatibay ng pananampalataya at tiwala at nagbibigay ng katiyakan sa iba na ang hangarin lamang natin ay gawin ang kalooban ng Panginoon. Sa ating mga council, tinatanggihan natin ang impluwensya ng mundo at sinusunod ang inihayag na proseso ng Panginoon, na humihingi ng mga ideya sa bawat babae at lalaki na kumikilos nang naaayon sa inspiradong payo na natanggap nila.18

Nakatuon tayo sa Tagapagligtas, at maingat na iniiwasan ang mga kilos na kakikitaan ng pansariling interes, kapakinabangan ng ating pamilya, o higit na pagpabor sa isang tao kaysa sa isa pa. Ginagawa natin ang lahat para hindi ipalagay ng iba na kumikilos tayo para sa parangal ng tao,19 tumanggap ng papuri, makatanggap ng maraming likes, ma-quote, o maihayag.

Tapat sa Ating Banal na Identidad

Sa huli, ang buhay na may integridad ay humihingi ng katapatan natin sa ating banal na identidad.

May kilala tayo na hindi ganito. Isa na rito ay ang anti-Cristo na si Korihor, na inakay palayo ang puso ng marami, na umakit sa kanilang “makamundong kaisipan.”20 Gayunman, sa huling sandali ng kanyang buhay, ipinagtapat niya na, “noon pa ay nalalaman ko nang may Diyos.”21 Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring na ang pagsisinungaling “ay salungat sa likas na katangian ng ating espiritu,”22 ng ating banal na identidad. Nilinlang ni Korihor ang kanyang sarili, at ang katotohanan ay wala sa kanya.23

Sa kabilang banda, tiwalang ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”24

Ang kapatid ni Propetang Joseph Smith na si Hyrum ay minahal ng Panginoon “dahil sa katapatan ng kanyang puso.”25 Siya at si Joseph ay nanatiling tapat hanggang wakas—tapat sa kanilang banal na identidad, sa liwanag at kaalamang natanggap nila, at tapat sa taong alam nilang magiging sila.

Katapusan

Nawa’y makipagkasundo tayo “sa kalooban ng Diyos,”26 at magkaroon ng integridad na tulad ng kay Cristo. Nawa’y tularan natin ang ating Huwaran, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, at huwag manliit kundi mamuhay na tapat sa Diyos, sa isa’t isa, at sa ating banal na identidad.

Tulad ng sabi ni Job, “Timbangin ako sa matuwid na timbangan, at hayaang malaman ng Diyos ang aking katapatan!”27 Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.