Liahona
Tumawag, Huwag Bumagsak
Mayo 2024


9:58

Tumawag, Huwag Bumagsak

Kapag tumawag tayo sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi tayo babagsak.

Ngayon ay nais kong magsimula sa pagpapatotoo sa lubos na katiyakan na nasa aking puso na naririnig ng Diyos ang ating mga panalangin at sinasagot Niya ang mga ito sa personal na paraan.

Sa mundong dumaranas ng mga panahon ng kawalang-katiyakan, sakit, kabiguan, at kalungkutan, maaaring mas naisin nating umasa sa sariling kakayahan at kagustuhan, gayundin sa kaalaman at seguridad na mula sa mundo. Ito ay maaaring maging dahilan upang hindi natin mapansin ang tunay na pinagmumulan ng tulong at suporta na tugon sa mga hamon ng mortal na buhay na ito.

Silid sa ospital.

Naalala ko noong naospital ako dahil sa isang karamdaman, at hirap akong makatulog. Nang patayin ko ang mga ilaw at dumilim ang silid, nakita ko ang isang reflective sign sa kisame sa harap ko na nagsasabing, “Tumawag, huwag bumagsak.” Sa aking pagkamangha, nakita ko sa sumunod na araw ang parehong mensahe na nakapaskil sa ilang bahagi ng silid.

Tumawag, huwag bumagsak na paunawa.

Bakit napakahalaga ng mensaheng iyon? Nang tanungin ko ang nars tungkol dito, sinabi niya, “Ito ay upang maiwasan ang pinsala na maaaring makaragdag sa sakit na nararanasan mo na.”

Ang buhay na ito ay naghahatid ng masasakit na karanasan, ang ilan ay likas sa ating mga pisikal na katawan, ang ilan ay dahil sa ating mga kahinaan o paghihirap, ang ilan ay dahil sa paraan ng paggamit ng iba sa kanilang kalayaang pumili, at ang ilan ay dahil sa sarili nating paggamit ng kalayaang pumili.

May pangako pa bang mas makapangyarihan kaysa sa ipinangako ng Tagapagligtas mismo nang sabihin Niyang, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo,” o tumawag, “at kayo’y pagbubuksan”?1

Ang panalangin ay paraan ng pakikipag-ugnayan natin sa ating Ama sa Langit na nagtutulot sa atin na “tumawag at huwag bumagsak.” Gayunman, may mga sitwasyon na maaaring isipin natin na hindi tayo naririnig dahil hindi tayo nakatatanggap ng sagot na agaran o ayon sa ating mga inaasahan.

Humahantong ito kung minsan sa pagkabalisa, kalungkutan, at kabiguan. Ngunit alalahanin ang ipinakitang pananampalataya ni Nephi sa Panginoon nang sabihin niyang, “Paanong hindi niya ako maaaring atasan, na ako ay gumawa ng sasakyang-dagat?”2 Ngayon, tatanungin ko kayo, paanong hindi kayo maaaring atasan ng Panginoon, upang hindi kayo bumagsak?

Ang pagtitiwala sa mga sagot ng Diyos ay nagpapahiwatig na tinatanggap natin na ang Kanyang mga pamamaraan ay hindi natin mga pamamaraan3 at na ang “lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon.”4

Ang katiyakan na alam natin na tayo ay mga anak ng isang mapagmahal at maawaing Ama sa Langit ang dapat na maging motibasyon upang “tumawag” sa taimtim na panalangin taglay ang ugaling “laging [nananalangin], at [hindi nanghihina]; … upang [ang ating] pagganap ay maging para sa kapakanan ng [ating] mga kaluluwa.”5 Isipin ang nadarama ng Ama sa Langit kapag sa bawat panalangin ay nagsusumamo tayo sa pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Naniniwala ako na matinding kapangyarihan at pagmamahal ang naipapakita kapag ginagawa natin ito!

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng mga yaong tumawag sa Diyos upang hindi sila bumagsak. Si Helaman at ang kanyang hukbo, habang dumaranas ng mga paghihirap, ay tumawag sa Diyos, ibinubuhos ang kanilang mga kaluluwa sa panalangin. Nakatanggap sila ng katiyakan, kapayapaan, pananampalataya, at pag-asa, nagkakaroon ng tapang at determinasyon hanggang sa makamit nila ang kanilang mithiin.6

Isipin kung paano tumawag at nagsumamo sa Diyos si Moises nang matagpuan niya ang kanyang sarili sa pagitan ng Dagat na Pula at ng mga taga-Egipto na pasalakay sa kanila, o si Abraham nang sundin niya ang utos na isakripisyo ang kanyang anak na si Isaac.

Tiyak ko na ang bawat isa sa inyo ay nagkaroon at magkakaroon ng mga karanasan kung saan ang pagtawag ang sagot upang huwag bumagsak.

Tatlumpung taon na ang nakalipas, habang naghahanda kaming mag-asawa para sa aming kasal na sibil at sa aming kasal sa templo, nakatanggap kami ng tawag na nagpapabatid sa amin na ang mga kasal na sibil ay kinansela dahil sa isang pag-aaklas. Natanggap namin ang tawag tatlong araw bago ang nakaiskedyul na seremonya. Matapos subukang magpaiskedyul sa iba pang mga opisina at hindi makahanap ng mga available na appointment, nagsimula kaming mabalisa at mag-alinlangan kung talaga bang matutuloy ang kasal tulad ng ipinlano namin.

Kami ng kasintahan ko ay “tumawag,” ibinubuhos ang aming mga kaluluwa sa Diyos sa panalangin. Sa huli, may nagsabi sa amin ng tungkol sa isang opisina sa maliit na bayan na malayo sa lungsod kung saan kakilala namin ang alkalde. Walang pag-aatubiling binisita namin siya at tinanong kung posible bang ikasal niya kami. Tuwang-tuwa kami nang pumayag siya. Ipinaliwanag sa amin ng kanyang sekretarya na kailangan naming kumuha ng sertipiko sa lungsod na iyon at ihatid ang lahat ng dokumento bago magtanghali kinabukasan.

Kinabukasan, pumunta kami sa maliit na bayan at nagpunta sa istasyon ng pulis upang humingi ng kinakailangang dokumento. Nagulat kami nang sabihin ng opisyal na hindi niya ito ibibigay sa amin dahil maraming bata pang magkasintahan ang tumatakas sa kanilang pamilya upang lihim na magpakasal sa bayan na iyon, na mangyari pa ay hindi gayon ang sitwasyon namin. Muli kaming nangamba at nalungkot.

Naalala ko na tahimik akong nanalangin at tumawag sa aking Ama sa Langit upang hindi ako bumagsak. Nakatanggap ako ng malinaw na impresyon sa aking isipan, paulit-ulit na nagsasabing, “Temple recommend, temple recommend.” Agad kong kinuha ang aking temple recommend at iniabot ito sa opisyal, sa pagkabigla ng aking kasintahan.

Nagulat kami ng sabihin ng opisyal, “Bakit hindi ninyo sinabi na miyembro kayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Kilala ko ang inyong simbahan.” Kaagad niyang sinimulang ihanda ang dokumento. Laking gulat namin nang umalis ang opisyal sa istasyon nang walang anumang pasabi.

Limampung minuto ang lumipas, at hindi pa siya bumabalik. 11:55 na ng umaga, at hanggang tanghali lamang ang taning upang maibigay namin ang mga dokumento. Walang anu-ano ay dumating siya na may dalang isang magandang tuta at sinabi sa amin na regalo iyon sa kasal at ibinigay sa amin kasama ng dokumento.

Tumakbo kami papunta sa opisina ng alkalde, dala ang aming dokumento at ang aming bagong aso. Pagkatapos ay nakita namin ang isang sasakyan na pag-aari ng gobyerno na papalapit sa amin. Huminto ako sa harap niyon. Tumigil ang sasakyan, at nakita namin ang sekretarya sa loob nito. Nang makita niya kami, sinabi niya, “Pasensya na, sinabi ko na sa inyo na hanggang tanghali lamang. May iba pa akong lalakarin.”

Tahimik akong nagpakumbaba, tumatawag nang buong puso sa aking Ama sa Langit, muling humihingi ng tulong upang “huwag bumagsak.” Biglang isang himala ang nangyari. Sinabi ng sekretarya sa amin, “Ang ganda ng aso ninyo. Saan ako makakikita ng ganyan para sa aking anak?”

“Para sa iyo ito,” agad naming sagot.

Gulat na tiningnan kami ng sekretarya at sinabing, “Sige, pumunta na tayo sa opisina at ayusin ang iskedyul.”

Makalipas ang dalawang araw, ikinasal kami ni Carol sa sibil na seremonya, tulad ng plano, at pagkatapos ay ibinuklod kami sa Lima Peru Temple.

Mangyari pa, kailangan nating tandaan na ang pagtawag ay tungkol sa pananampalataya at pagkilos—pananampalatayang kilalanin na mayroon tayong Ama sa Langit na sumasagot sa ating mga panalangin ayon sa Kanyang walang hanggang karunungan, at pagkatapos ay pagkilos ayon sa hiniling natin. Ang pananalangin—pagtawag—ay maaaring maging tanda ng ating pag-asa. Subalit ang pagkilos matapos manalangin ay tanda na tunay ang ating pananampalataya—pananampalataya na nasusubok sa mga sandali ng sakit, takot, o pagkabigo.

Iminumungkahi ko na isaisip ang mga sumusunod:

  1. Palaging isipin ang Panginoon bilang inyong unang opsiyon sa paghingi ng tulong.

  2. Tumawag, huwag bumagsak. Bumaling sa Diyos sa taimtim na panalangin.

  3. Matapos manalangin, gawin ang lahat ng makakaya ninyo upang matamo ang mga pagpapalang hiniling.

  4. Magpakumbaba ng inyong mga sarili na tanggapin ang sagot sa Kanyang panahon at Kanyang paraan.

  5. Huwag tumigil! Patuloy na sumulong sa landas ng tipan habang naghihintay kayo ng sagot.

Marahil may isang tao ngayon, na dahil sa mga sitwasyon, ay nakadarama na parang babagsak na siya at nais tumawag tulad ng ginawa ni Joseph Smith nang magsumamo siya: “O Diyos, nasaan kayo? … Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay?”7

Kahit nasa mga sitwasyong tulad nito, manalangin nang may “espirituwal na momentum,” tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson,8 dahil laging naririnig ang inyong mga panalangin!

Tandaan ang himnong ito:

Naisip bang manalangin

Nang gumising ka?

Sa kay Jesucristong ngalan,

Ikaw ba ay nanawagan

Upang ingatan?

Panalangin ay ginhawa

Sa mga nagdurusa.

Kung buhay ay may ligalig,

Manalangin ka.9

Habang nananalangin tayo, madarama natin ang yakap ng ating Ama sa Langit, na siyang nagsugo ng Kanyang Bugtong na Anak upang pagaanin ang ating mga pasanin, dahil kapag tumawag tayo sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi tayo babagsak. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.