Liahona
Elder David L. Buckner
Mayo 2024


“Elder David L. Buckner,” Liahona, Mayo 2024.

Elder David L. Buckner

General Authority Seventy

Si Elder David L. Buckner ay isinilang noong Setyembre 27, 1963, sa Ogden, Utah, USA, ngunit “humusto ang isipan” noong manirahan siya nang tatlong taon sa Sacramento, California, USA.

Bunso sa limang anak nina Melba at E. LaMar Buckner, lumipat sa California ang 11-anyos na si David at kanyang pamilya nang tawagin ang kanyang ama para mamuno sa mission ng Simbahan sa Sacramento. Malayo sa malalapit na mga kaibigan sa Utah, natuto siya kung paano magkaroon ng mga bagong kaibigan at nakatagpo ng “300 nakatatandang kapatid na lalaki at babae” sa mga full-time missionary.

Ang pinakamahalaga, tumatag ang kanyang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. “Binago ng karanasang iyon sa misyon ang lahat para sa akin,” wika niya.

Kalaunan ay naglingkod siya sa Ecuador Guayaquil Mission. Tatlong buwan pa lang sa kanyang misyon, habang naglilingkod bilang branch president sa bayan ng Jipijapa, nakidalamhati siya sa mga miyembro ng branch at iba pa matapos malunod ang isang 11-anyos na batang lalaki habang lumalahok sa isang aktibidad sa Simbahan.

Nang magsumamo siya sa Ama sa Langit sa mga sumunod na linggo at buwan, nagtamo siya ng matibay na patotoo sa plano ng kaligtasan. Nasaksihan din niya ang habag ng Panginoon nang tanggapin ng iba sa komunidad ang ebanghelyo. Sama-sama nilang naunawaan ang likas na kasagraduhan ng buhay at ang kapangyarihan ng biyaya ng Panginoon.

Pagkatapos ng kanyang misyon, nag-aral si Elder Buckner sa Brigham Young University, kung saan niya nakilala si Jennifer Romney Jackson. Ikinasal sila noong Agosto 30, 1990, sa Salt Lake Temple. Lumaki si Sister Buckner sa New York, USA, kung saan lumipat ang mag-asawa matapos silang makasal. Pinalaki nila ang kanilang limang anak sa Manhattan, kung saan kinatawan ni Elder Buckner ang Simbahan sa kilalang Commission of Religious Leaders.

Si Elder Buckner ay tumanggap ng bachelor of science degree sa finance mula sa BYU noong 1988 at master of business administration degree mula sa Durham University noong 1991. Tumanggap din siya ng master of international relations mula sa BYU noong 1995 at juris doctorate mula sa BYU noong 1996. Isa siyang propesor sa kolehiyo at, mula noong 1999, ay naging pangulo ng Bottom Line Training and Consulting Inc. Si Elder Buckner ay naglingkod na bilang Area Seventy, stake president, high councilor, at bishop.