Liahona
Brother Chad H Webb
Mayo 2024


“Brother Chad H Webb,” Liahona, Mayo 2024.

Brother Chad H Webb

Unang Tagapayo sa Sunday School General Presidency

Noong binata pa siya, nag-aaral si Chad Webb sa College of Eastern Utah (ngayo’y Utah State University Eastern) nang magkaroon siya ng pundasyon ng espirituwal na karanasan na nagpalalim sa kanyang patotoo sa ebanghelyo. Nagsimula ang karanasang iyon sa isang hangaring palakasin ang kanyang pananampalataya.

Sa pagitan ng paggawa ng mga gawain sa paaralan at paglalaro ng basketball sa kanyang college team, ginawang prayoridad ni Brother Webb ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagninilay habang naghahanda siyang maglingkod sa full-time mission sa Veracruz, Mexico.

Isang malamig na gabi ay naglakad-lakad siya nang matagal sa Price, Utah, at pinag-isipan niya ang lahat ng natututuhan niya. Dumating ang patnubay ng langit nang pumasok siya sa isang bakanteng parking lot.

“Nadama kong dumating ang lahat ng sagot sa aking mga dalangin at tanong, at damang-dama ko kung gaano katotoo ang ebanghelyo at ang Simbahan,” wika niya. “Dumating nang napakalinaw ang mga katotohanang iyon sa aking isipan, pati na ang pakiramdam na alam ng Ama sa Langit ang aking sitwasyon. Nadama ko ang Kanyang pagmamahal at Kanyang direksyon. Isa iyon sa mga naunang karanasang nakaapekto sa akin para palalimin ang aking patotoo.”

Si Chad H Webb ay isinilang sa Rexburg, Idaho, USA, noong Disyembre 18, 1964, kina Larry George Webb at Paige Webb. Lumaki siya sa timog-silangang Idaho at ikinasal kay Kristi Ann Bronson sa Logan Utah Temple noong Agosto 4, 1990. Nakatira sila sa Layton, Utah, USA, at may anim na anak.

Si Brother Webb ay nagtapos sa Brigham Young University na may bachelor’s degree sa Spanish at master’s degree sa educational leadership and foundations. Nagturo siya sa mga seminary class sa Salt Lake City at mga institute class sa Virginia at Utah, nag-coordinate sa mga institute program sa Washington, D.C., at nangasiwa sa training at pagpili ng mga seminary teacher. Mula pa noong 2008, naglingkod na si Brother Webb bilang administrator ng Seminaries and Institutes of Religion.

Si Brother Webb ay ini-release bilang Layton Utah Valley View Stake president bago siya tinawag. Kabilang sa mga dati niyang calling ang bishop, high councilor, at elders quorum president.