“Interpretasyon ng Wika para sa Pangkalahatang Kumperensya,” Liahona, Mayo 2024.
Mga Lihim na Pangyayari
Interpretasyon ng Wika para sa Pangkalahatang Kumperensya
Isang oras bago ang bawat sesyon ng pangkalahatang kumperensya, daan-daang espesyalista sa wika ang nagtitipon sa isang malaking silid para pinuhin pa ang mga mensahe sa kumperensya na naisalin at babasahin sa isa sa 103 wika.
Kapag nagsimula na ang kumperensya, mayroon silang isang pagkakataon lamang. Kailanga’y maayos, at kailanga’y maayos sa una pa lang. Ang epektibong interpretasyon ay nangangailangan ng tamang tono, intonasyon, malinaw na pagsasalita, at kahusayan sa wika, habang ipinararating ang damdamin at layunin ng tagapagsalita sa pulpito sa diwang kapareho ng pagkalikha sa mensahe.
Mahigit 800 katutubong tagapagsalita at returned missionary ang nag-interpret sa mga bahagi ng pangkalahatang kumperensyang ito. Halos kalahati ang nagbigay ng mga mensahe mula sa Salt Lake City, Utah, USA, habang ang natitirang kalahati ay nagbigay ng kanilang interpretasyon mula sa sarili nilang bansa. Lumalahok din ang ilan sa pagsasalin ng mga mensahe sa kumperensya sa mga linggo bago ang pangkalahatang kumperensya.
Sa broadcast, binabasa ng mga interpreter, na karaniwa’y nakikipagtulungan sa mga team ng apat hanggang anim bawat sesyon, ang bawat mensahe sa isang sound-proof booth sa Church Office Building o sa mga itinalagang lugar sa buong mundo. Habang nakasuot ng mga headset para marinig ang mga sinasabi sa Ingles, nanonood ang mga interpreter sa isang monitor para maisabay ang kanilang interpretasyon sa tagapagsalita. Kailangang pagsabayin ng mga interpreter ang dalawang pagsasalita—sa magkaibang wika—sa kanilang isipan.
Sabi ng interpreter na si Jonas Prasad, sabik ang mga miyembro ng Simbahan sa Fiji na nagsasalita ng Hindi na marinig ang mga propeta sa kanilang wika. Sa paglalarawan sa isang sister, sinabi niya, “Sa loob ng ilang taon, ang tanging mga miting ng Simbahan na available sa kanya ay Ingles lamang ang salita. Bagama’t hindi siya marunong ng wika, dumalo siya at tahimik na naupo para lamang madama ang Espiritu. Ngayo’y tuwang-tuwa siya na marinig ang ebanghelyo sa kanyang wika.”