Liahona
Mga Haligi at Sinag
Mayo 2024


11:17

Mga Haligi at Sinag

Maaari din tayong magkaroon ng sarili nating haligi ng liwanag—na binubuo ng paisa-isang sinag.

Ang mensahe ko ay para sa mga nag-aalala tungkol sa kanilang patotoo dahil hindi pa sila nagkakaroon ng kamangha-manghang espirituwal na karanasan. Dalangin ko na nawa’y makapagbigay ako kahit paano ng kapayapaan at katiyakan.

Ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagsimula sa paglaganap ng liwanag at katotohanan! Isang binata sa hilagang bahagi ng New York, na may ordinaryong pangalang Joseph Smith, ang nagpunta sa kakahuyan para manalangin. Nag-aalala siya para sa kanyang kaluluwa at sa katayuan niya sa harapan ng Diyos. Humiling siya ng kapatawaran para sa kanyang mga kasalanan. Nalilito siya kung aling simbahan ang kanyang aaniban. Kailangan niya ng kalinawan at kapayapaan—kailangan niya ng liwanag at kaalaman.1

Nang lumuhod si Joseph para manalangin at “nagsimulang ialay ang mga naisin ng [kanyang] puso sa Diyos,” may makapal na kadiliman na bumalot sa kanya. May masama at malupit na kapangyarihang sumubok na pigilan siya—na igapos ang kayang dila upang hindi siya makapagsalita. Naging napakalakas ng kapangyarihan ng kadiliman na inakala ni Joseph na siya ay mamamatay na. Subalit “[ginamit niya ang] lahat ng [kanyang] lakas upang tumawag sa Diyos na iligtas [siya] sa kapangyarihan ng kaaway na ito na sumunggab sa [kanya].” At pagkatapos, “sa sandaling yaon nang [siya] ay nakahanda nang pumailalim sa kawalang-pag-asa at ipaubaya ang [kanyang] sarili sa pagkawasak,” nang hindi na niya alam kung kaya pa ba niya itong labanan, isang maluwalhating liwanag ang pumuno sa kakahuyan, itinataboy ang kadiliman at ang kaaway ng kanyang kaluluwa.2

Isang “haligi ng liwanag” na higit pa sa liwanag ng araw ang dahan-dahang bumaba sa kanya. Isang katauhan ang nagpakita, at sinundan ng isa pa.3 Ang Kanilang “liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan.” Ang una, ang ating Ama sa Langit, ay binigkas ang kanyang pangalan, “itinuturo ang isa—[Joseph!] Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!4

At sa napakatinding pagbuhos na iyon ng liwanag at katotohanan, nagsimula na ang Panunumbalik. Sinundan ito ng pagbuhos ng banal na paghahayag at mga pagpapala: bagong banal na kasulatan, ipinanumbalik na mga susi ng priesthood, mga apostol at propeta, mga ordenansa at tipan, at ang muling pagkakatatag ng tunay at buhay na Simbahan ng Panginoon, na balang araw ay pupunuin ang mundo ng liwanag at patotoo ni Jesucristo at ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ang lahat ng iyan, at marami pang iba, ay nagsimula sa nagsumamong panalangin ng isang batang lalaki at sa isang haligi ng liwanag.

Tayo rin ay may mga pangangailangang ating isinasamo. Tayo rin ay nangangailangan ng kalayaan mula sa espirituwal na pagkalito at sa kadiliman ng mundo. Kailangan din nating malaman para sa ating mga sarili.5 Iyan ang isang dahilan kaya inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “ibabad [natin] ang [ating] sarili sa maluwalhating liwanag ng Panunumbalik.”6

Ang isa sa mga dakilang katotohanan sa Panunumbalik ay na bukas ang kalangitan—na maaari din tayong makatanggap ng liwanag at katotohanan mula sa Diyos. Pinatototohanan ko na iyan ay totoo.

Ngunit kailangang mag-ingat tayo sa isang espirituwal na patibong. Kung minsan ang matatapat ng miyembro ng Simbahan ay pinanghihinaan ng loob at lumalayo dahil hindi sila nagkaroon ng kamangha-manghang espirituwal na karanasan—dahil hindi pa sila nakaranas ng sarili nilang haligi ng liwanag. Nagbabala si Pangulong Spencer W. Kimball, “Sa palaging pag-asam ng kagila-gilalas na karanasan, marami ang hindi lubos na mapapansin ang patuloy na pagdaloy ng inihayag na pakikipag-ugnayan.”7

Binanggit ni Pangulong Joseph F. Smith na “ipinagkait ng Panginoon ang mga kagila-gilalas na bagay sa akin [noong ako ay bata pa], at ipinakita sa akin ang katotohanan, nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon.”8

Mga kapatid, iyan ang karaniwang ginagawa ng Panginoon. Sa halip na padalhan tayo ng isang haligi ng liwanag, pinadadalhan tayo ng Panginoon ng isang sinag ng liwanag, na susundan ng marami pa.

Ang mga sinag ng liwanag na iyon ay patuloy na ibubuhos sa atin. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na si Jesucristo ang “ilaw at … buhay ng daigdig,”9 na ang Kanyang “Espiritu ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig,”10 , at na ang Kanyang liwanag ay “[pinupuno] ang kalakhan ng kalawakan,” nagbibigay ng “buhay sa lahat ng bagay”.11 Ang Liwanag ni Cristo ay literal na nasa paligid natin.

Kung tinanggap na natin ang kaloob na Espiritu Santo at nagsusumikap na manapalataya, magsisi, at matupad ang ating mga tipan, tayo ay karapat-dapat na patuloy na tumanggap ng mga banal na sinag ng linawag. Sa di-malilimutang salita ni Elder David A. Bednar, “tayo ay ‘nabubuhay sa paghahayag.’”12

Gayunman, tayo ay magkakaiba. Walang dalawang tao ang magkaparehong-magkapareho ang karanasan sa liwanag at katotohanan ng Diyos. Pag-isipan sandali kung paano ninyo naranasan ang liwanag at Espiritu ng Panginoon.

Maaaring naranasan ninyo ang pagdaloy na ito ng liwanag at patotoo bilang “kapayapaan sa [inyong] isipan hinggil sa [isang] bagay” na bumabagabag sa inyo.13

O isang pakiramdam—isang marahan at banayad na tinig—“sa [inyong] isipan at sa [inyong] puso”14 na naghihikayat sa inyo na gumawa ng mabuti, tulad ng pagtulong sa isang tao.

Marahil kayo ay nasa klase sa simbahan—o nasa youth camp—at nakadama kayo ng malakas na pagnanais na sundin si Jesucristo at manatiling tapat.15 Marahil pa nga na kayo ay tumayo at nagbahagi ng patotoo habang umaasa na totoo nga ito at nadama ninyong totoo ito.

O marahil kayo ay nananalangin at nakadama ng galak at kapanatagan na mahal kayo ng Diyos.16

Marahil narinig ninyo ang isang tao na magpatotoo tungkol kay Jesucristo, at naantig ang inyong puso at napuspos kayo ng pag-asa.17

Marahil nagbabasa kayo ng Aklat ni Mormon at naantig ng isang talata ang inyong kaluluwa, tila bang inilagay iyon ng Diyos roon para lang sa inyo—at napagtanto ninyo na ginawa Niya nga iyon.18

Marahil nadama ninyo ang pagmamahal ng Diyos sa iba habang pinaglilingkuran ninyo sila.19

O marahil nahihirapan kayong madama ang Espiritu dahil sa depresyon o pagkabalisa ngunit mayroon kayong kaloob na magbalik-tanaw at kilalanin ang “magiliw na awa ng Panginoon.”20

Nais kong bigyang-diin na maraming paraan para matanggap ang mga sinag ng patotoo mula sa langit. Iilan lamang ang mga ito. Hindi man kagila-gilalas ang mga ito, ngunit ang lahat ng ito ay mga bahagi na bumubuo sa ating patotoo.

Mga kapatid, hindi pa ako nakakita ng isang haligi ng liwanag, ngunit tulad ninyo, ako ay nakaranas na ng maraming sinag ng liwanag mula sa langit. Sa paglipas ng mga taon, sinisikap kong maalala ang gayong mga karanasan. Nalaman ko na kapag ginagawa ko ito, mas marami pa akong napapansin at naaalalang mga karanasang tulad nito. Narito ang ilan sa mga halimbawa sa aking buhay. Hindi man kamangha-mangha ang mga ito para sa iba, ngunit napakahalaga ng mga ito para sa akin.

Naalala ko na naging makulit akong tinedyer sa isang binyag. Bago magsimula ang pulong, nadama ko ang Espiritu na humikayat sa akin na maupo at maging mapitagan. Ako ay umupo at nanatiling tahimik sa buong pulong.

Bago ako magmisyon, natakot ako na baka hindi sapat ang lakas ng aking patotoo. Wala ni isa sa pamilya ko ang nagmisyon, at hindi ko alam kung magagawa ko iyon. Naalala ko na desperado akong nag-aral at nanalangin para makatanggap ng higit na tiyak na patotoo tungkol kay Jesucristo. Isang araw, habang nagsusumamo ako sa Ama sa Langit, nakadama ako ng matinding damdamin ng liwanag at init. At noon nalaman ko. Nalaman ko ang totoo.

Naalala ko na nagising ako isang gabi na nakadarama ng “dalisay na talino” na nagsasabi sa akin na tatawagin ako para maglingkod sa elders quorum.21 Tinawag akong maglingkod makalipas ang dalawang linggo.

Naalala ko ang isang pangkalahatang kumperensya kung saan ang isang pinakamamahal na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay binigkas ang eksaktong patotoo na sinabi ko sa kaibigan ko na nais kong marinig.

Naalala ko ang pagluhod kasama ang daan-daang kalalakihan para ipanalangin ang isang kaibigan na walang malay na nakakabit sa ventilator sa isang maliit at malayong ospital pagkatapos huminto ang kanyang puso. Nang magkaisa ang aming mga puso sa pagsamo para sa kanyang buhay, siya ay nagising at tinanggal niya ang ventilator sa kanyang sariling lalamunan. Naglilingkod siya ngayon bilang stake president.

At naaalala ko na gumising ako dahil sa isang matinding espirituwal na damdamin pagkatapos kong malinaw na mapanaginipan ang isang malapit na kaibigan at mentor na maagang namatay, na nag-iwan ng malaking puwang sa aking buhay. Siya ay nakangiti at masaya. Alam kong ayos lang siya.

Ang mga ito ay ilan sa mga natanggap kong sinag ng liwanag. Mayroon kayong sarili ninyong mga karanasan—mga pagbuhos ng liwanag na nagpapalakas ng inyong patotoo. Kapag kinilala, inalala, at tinipon natin ang mga sinag na ito ng liwanag,”22 may maganda at makapangyarihang bagay na magsisimulang mangyari. Ang “liwanag ay kumukunyapit sa liwanag”—ang “katotohanan ay yumayakap sa katotohanan.”23 Ang katotohanan at kapangyarihan ng isang sinag ng liwanag ng patotoo ay nagpapalakas at sumasama sa isa pang sinag, at sa isa pa, at sa isa pa. Nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, isang sinag dito at isang sinag doon—paisa-isang maliit at itinatanging espirituwal na mga sandali—tayo ay magkakaroon ng isang matibay na saligan na binubuo ng mga espirituwal na karanasan. Marahil walang isang sinag ng liwanag ang may sapat na lakas o ningning para makabuo ng matibay na patotoo, ngunit kapag pinagsama-sama, ang mga ito ay magiging ilaw na hindi kayang daigin ng kadiliman.

“O sa gayon, hindi ba’t ito ay tunay?” Tanong ni Alma. “Sinasabi ko sa inyo, Oo, sapagkat ito ay liwanag.”24

“Yaong sa Diyos ay liwanag,” ang turo sa atin ng Panginoon, “at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”25

Ibig sabihin, mga kapatid, sa paglipas ng panahon at sa pamamagitan ng “malaking pagsisikap,”26 magkakaroon din tayo ng sarili nating haligi ng liwanag—na binubuo ng paisa-isang sinag. At sa gitna ng haliging iyan ng liwanag, matatagpuan din natin ang isang mapagmahal na Ama sa Langit, na tinatawag tayo sa ating pangalan, at itinuturo tayo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at inaanyayahan tayong “Pakinggan Siya!”

Pinatototohanan ko si Jesucristo, na Siya ang ilaw at buhay ng buong mundo—at sa iyo at sa aking personal na mundo.

Pinatototohanan ko na Siya ang tunay at buhay na Anak ng tunay at buhay na Diyos, at Siya ang tumatayong pinuno ng tunay at buhay na Simbahang ito, na ginagabayan at pinangangasiwaan ng Kanyang mga buhay na propeta at apostol.

Nawa’y matukoy at matanggap natin ang Kanyang maluwalhating liwanag at pagkatapos ay piliin Siya sa halip na ang kadiliman ng mundo—ngayon at kailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–13.

  2. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–16.

  3. Tingnan sa Joseph Smith, Journal, Nov. 9–11, 1835, p.24, josephsmithpapers.org.

  4. Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.

  5. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:20. Pagkauwi ni Joseph Smith pagkatapos ng Unang Pangitain, nagtanong ang kanyang ina kung ayos lang siya. Sabi niya, “mabuti na ang aking pakiramdam. … Nalaman ko para sa aking sarili na ang Presbyterianismo ay hindi totoo” (idinagdag ang pagbibigay-diin).

  6. Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 122.

  7. Spencer W. Kimball, sa Conference Report, Munich Germany Area Conference, 1973, 77; sinipi ni Graham W. Doxey, “The Voice Is Still Small,” Ensign, Nob. 1991, 25.

  8. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith 1998), 243: “Nang magsimula ako sa pagmiministeryo noong ako ay bata pa, madalas kong hanapin at hilingan ang Panginoon na ipakita sa akin ang ilang mga kagila-gilalas na bagay, nang sa gayon ay makatanggap ako ng patotoo. Subalit ipinagkait ng Panginoon ang mga kagila-gilalas na bagay sa akin, at ipinakita sa akin ang katotohanan, nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti doon, hanggang sa maipaalam niya sa akin ang katotohanan mula sa aking ulo hanggang sa aking talampakan, at hanggang sa tuluyang maglaho sa akin ang alinlangan at takot. Hindi niya kinailangan[g] magpadala ng anghel mula sa kalangitan upang gawin ito, ni hindi rin niya kinailangan[g] makapangusap nang may pakakak ng arkanghel. Sa pamamagitan ng mga pagbulong ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu ng buhay na Diyos, ipinagkaloob niya ang patotoo na aking tinataglay. At sa pamamagitan ng ganitong alituntunin at kapangyarihan ay ipinagkakaloob niya sa lahat ng anak ng tao ang kaalaman ng katotohanan na mananatili sa kanila, at magagawa nitong ipaalam sa kanila ang katotohanan, tulad ng kung paano ito nalalaman ng Diyos, at gawin ang kalooban ng Ama tulad ng kung paano ito ginagawa ni Cristo.”

  9. Mosias 16:9.

  10. Doktrina at mga Tipan 84:46; tingnan din sa Juan 1:9.

  11. Doktrina at mga Tipan 88:12–13.

  12. David A. Bednar, The Spirit of Revelation (2021), 7.

  13. Doktrina at mga Tipan 6:23.

  14. Doktrina at mga Tipan 8:2; tingnan din sa Helaman 5:30.

  15. Tingnan sa Mosias 5:2; Doktrina at mga Tipan 11:12.

  16. Tingnan sa 2 Nephi 4:21; Helaman 5:44.

  17. Tinukoy ng Panginoon bilang espirituwal na kaloob ang kakayahang maniwala sa patotoo ng ibang tao.(tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:13–14).

  18. Itinuro ng makabagong paghahayag na ang mga salita ng banal na kasulatan ay “ibinigay sa pamamagitan ng aking Espiritu sa inyo, … at maliban sa aking kapangyarihan hindi ninyo matatanggap ang mga ito; dahil dito, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig, at nababatid ang aking mga salita.” (Doktrina at mga Tipan 18:35–36).

  19. Tingnan sa Mosias 2:17; Moroni 7:45–48.

  20. 1 Nephi 1:20. Nagsalita si Elder Gerrit W. Gong tungkol sa “[pagtingin] at [pagka]galak sa maraming magiliw na awa ng Panginoon sa ating buhay” (“Ministering,” Liahona, Mayo 2023, 18) at kung paanong “ang impluwensya ng Panginoon sa ating buhay ay pinakamadaling makita kapag tapos na ang mga pangyayari” (“Lagi Siyang Aalalahanin,” Liahona, Mayo 2016, 108). Ang kaloob na mapagpasalamat na makilala ang kamay ng Panginoon sa ating buhay, kahit na hindi natin ito nakilala o nadama sa mismong sandaling iyon, ay makapangyarihan. Madalas mabanggit sa mga banal na kasulatan ang espirituwal na kapangyarihan ng pagkaalala (tingnan sa Helaman 5:9–12; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79), na siyang nagpapasimula sa paghahayag (tingnan sa Moroni 10:3–4).

  21. “Maaaring makinabang ang isang tao sa pagpansin sa unang pahiwatig ng espiritu ng paghahayag; halimbawa, kapag nadarama ninyo ang pagdaloy ng dalisay na talino sa inyo, maaaring may bigla kayong maisip, kaya kapag pinansin ninyo ito, malalaman ninyo na nangyari na ito sa araw ding iyon o sa malao’t madali; (ibig sabihin) yaong mga bagay na itinanghal ng Espiritu ng Diyos sa inyong isipan, ay mangyayari; at sa gayon sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa Espiritu ng Diyos at pag-unawa rito, kayo ay maaaring umunlad sa alituntunin ng paghahayag, hanggang sa maging sakdal kayo kay Cristo Jesus” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153).

  22. Efeso 1:10.

  23. Doktrina at mga Tipan 88:40: “Sapagkat ang katalinuhan ay kumukunyapit sa katalinuhan; karunungan ay tumatanggap ng karunungan; katotohanan ay yumayakap sa katotohanan; karangalan ay nagmamahal sa karangalan; liwanag ay kumukunyapit sa liwanag.”

  24. Alma 32:35. Binigyang-diin ni Alma na ang mga karanasang ito na puno ng liwanag, gaano man kaliit, ay talagang totoo. Ang katotohanan ng mga ito ay nagiging mas matibay pa kapag pinagsamasama.

  25. Doktrina at mga Tipan 50:24.

  26. Alma 32:41.