Liahona
Gawing Sentro ng Ating Buhay si Jesucristo
Mayo 2024


11:37

Gawing Sentro ng Ating Buhay si Jesucristo

Ang malalalim na tanong ng kaluluwa, na lumilitaw kapag mayroon tayong matitinding hamon at pagsubok, ay nalulutas sa pamamagitan ng walang-maliw na pagmamahal ni Jesucristo.

Habang naglalakbay tayo sa buhay, kung minsa’y dinadagsa tayo ng mga pagsubok: ang matinding sakit na mamatayan ng mga mahal sa buhay, ang mahirap na pakikibaka sa karamdaman, ang kirot ng kawalang-katarungan, ang masasakit na karanasan ng panliligalig o pang-aabuso, ang lungkot ng kawalan ng trabaho, ang mga kapighatian ng pamilya, ang tahimik na hiyaw ng kalungkutan, o ang makabagbag-damdaming mga bunga ng digmaan.1 Sa gayong mga sandali, naghahanap ng kanlungan ang ating kaluluwa.2 Taimtim nating hinahangad na malaman: Saan natin matatagpuan ang balsamo ng kapayapaan?3 Sino ang maaari nating pagkatiwalaang tumulong sa atin na may kumpiyansa at lakas na madaig ang mga hamong ito?4 Sino ang may tiyaga, pagmamahal sa lahat, at may makapangyarihang lakas na makapagpapasigla at susuporta sa atin?

Nalulutas ang malalalim na tanong ng kaluluwa, yaong mga lumilitaw sa ating matitinding hamon at pagsubok, sa pamamagitan ng walang-maliw na pagmamahal ni Jesucristo.5 Sa Kanya, at sa pamamagitan ng mga ipinangakong pagpapala ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo,6 natatagpuan natin ang mga sagot na ating hinahanap. Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, tayo ay binibigyan ng isang kaloob na napakahalaga—ng pag-asa, paggaling, at katiyakan ng Kanyang di-nagbabago at nagtatagal na presensya sa ating buhay.7 Ang kaloob na ito ay para sa lahat ng humihingi ng tulong nang may pananampalataya, na tumatanggap ng kapayapaan at pagtubos na lubos Niyang ibinibigay.

Inaabot ng Panginoon ang Kanyang kamay sa bawat isa sa atin, na nagpapakita mismo ng Kanyang banal na pagmamahal at kabaitan. Ang Kanyang paanyaya sa atin ay hindi lamang isang simpleng panawagan; iyon ay isang banal na pangako, na pinatibay ng nagtatagal na kapangyarihan ng Kanyang biyaya. Sa mga banal na kasulatan, mapagmahal Niyang tiniyak sa atin:

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso: at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.

“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”8

Ang Kanyang malinaw na paanyaya na “lumapit kayo sa akin” at “pasanin ninyo ang aking pamatok” ay nagpapatunay sa Kanyang napakagandang pangako—isang pangakong napakalawak at ganap na kinapapalooban ng Kanyang pagmamahal, na nagbibigay sa atin ng taimtim na katiyakan: “Makakatagpo kayo ng kapahingahan.”

Habang masigasig tayong naghahangad ng espirituwal na patnubay,9 nagsisimula tayo sa proseso ng paglago at pag-unlad na nagpapalakas sa ating mga patotoo. Kapag nauunawaan natin ang lawak ng sakop ng sakdal na pagmamamahal ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo,10 ang ating puso ay napupuspos ng pasasalamat, pagpapakumbaba,11 at panibagong hangaring tahakin ang landas ng pagkadisipulo.12

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya.”13

Ipinahayag ni Alma, nang kausapin niya ang kanyang anak na si Helaman, “At ngayon, O anak kong Helaman, masdan, ikaw ay nasa iyong kabataan, at kaya nga, nagsusumamo ako sa iyo na pakinggan mo ang aking mga salita at matuto sa akin; sapagkat nalalaman ko na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.”14

Nagturo si Helaman, nang kausapin niya ang kanyang mga anak, tungkol sa walang-hanggang alituntuning ito na gawing sentro ng ating buhay ang Tagapagligtas: “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan.”15

Sa Mateo 14, nalaman natin na nang mabalitaan ang pagkamatay ni Juan Bautista, hinangad ni Jesus na mapag-isa. Gayunman, sinundan Siya ng maraming tao. Dahil sa pagkahabag at pagmamahal, at hindi tinulutang makagambala sa Kanyang misyon ang Kanyang pagdadalamhati, malugod silang tinanggap ni Jesus, at pinagaling ang mga maysakit sa kanila. Nang malapit nang gumabi, naharap sa malaking hamon ang mga disipulo: isang malaking grupo ng mga tao na kakaunti ang dalang pagkain. Iminungkahi nila na pauwiin ni Jesus ang mga tao para kumuha ng pagkain, ngunit sa halip ay iniutos ni Jesus sa mga disipulo, nang may lubos na pagmamahal at mataas na inaasahan, na pakainin sila.

Habang abala ang mga disipulo sa biglaang hamon na ito, ipinamalas ni Jesus ang Kanyang tiwala at pagmamahal sa Kanyang Ama, lakip ang walang-maliw na pagmamahal sa mga tao. Iniutos Niya sa mga tao na maupo sa damuhan, at habang hawak ang limang tinapay at dalawang isda lamang, ipinasiya Niyang magpasalamat sa Kanyang Ama, at mas kinilala ang kakayahang maglaan ng Diyos kaysa sa Kanyang awtoridad at kapangyarihan.

Matapos Siyang magpasalamat, pinira-piraso ni Jesus ang tinapay, at ipinamahagi iyon ng mga disipulo sa mga tao. Mahimalang hindi lamang sumapat ang pagkain kundi naging napakarami niyon, at may 12 sisidlan pa ng natirang pagkain. Ang grupong pinakain ay kinabilangan ng limang libong kalalakihan, bukod pa ang mga kababaihan at mga bata.16

Itinuturo ng himalang ito ang isang malalim na aral: kapag naharap sa mga hamon, madaling matuon sa ating mga paghihirap. Gayunman, ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng kapangyarihang magtuon sa Kanyang Ama, magpasalamat, at kilalanin na ang mga solusyon sa ating mga pagsubok ay hindi palaging nakasalalay sa atin mismo kundi sa Diyos.17

Kapag nakakaranas tayo ng mga paghihirap, sadyang nagtutuon tayo sa mga balakid na kinakaharap natin. Totoo ang ating mga hamon at kinakailangan nating pagtuunan ng pansin ang mga ito, subalit ang alituntunin ng pagdaig sa mga ito ay nasa ating mga kamay. Sa paglalagay kay Cristo sa sentro ng ating mga iniisip at ginagawa, inaayon natin ang ating sarili sa Kanyang pananaw at lakas.18 Hindi pinadadali ng pagbabagong ito ang ating mga paghihirap; sa halip, tinutulungan tayo nitong bigyan ito ng solusyon sa ilalim ng patnubay ng langit.19 Dahil diyan, nakatutuklas tayo ng mga solusyon at suportang nagmumula sa mas mataas na karunungan. Ang pagkakaroon ng pananaw na ito na nakasentro kay Cristo ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihang magkaroon ng lakas ng loob at pananaw para magtagumpay sa ating mga pagsubok,20 at nagpapaalala sa atin na sa Tagapagligtas, ang tila malaking problema ay maaaring maging landas na tatahakin tungo sa mas malaking espirituwal na pag-unlad.

Ang kuwento tungkol sa Nakababatang Alma sa Aklat ni Mormon ay naglalahad ng isang nakaaantig na salaysay tungkol sa pagtubos at sa malaking epekto ng pagsentro ng buhay ng isang tao kay Cristo. Noong una, naging kalaban ng Simbahan ng Panginoon si Alma, at nailigaw niya ang marami mula sa landas ng kabutihan. Gayunman, isang banal na pamamagitan, isang pagbisita ng isang anghel, ang pumukaw sa kanya mula sa kanyang mga maling gawain.

Sa kanyang pinakamadilim na sandali, na binabagabag ng kanyang pagkakasala at desperadong naghahanap ng paraan para matakasan ang kanyang espirituwal na paghihirap, naalala ni Alma ang mga turo ng kanyang ama tungkol kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa paghahangad na matubos, taimtim siyang nagsisi at nagsumamo na kaawaan siya ng Panginoon. Ang mahalagang sandaling ito ng ganap na pagsuko, na inuna si Cristo sa kanyang mga iniisip at habang taimtim na humihingi si Alma ng Kanyang awa, ay naghatid ng kapansin-pansing pagbabago. Ang bigat ng pambabagabag ng budhi at kawalan ng pag-asa ay naglaho at napalitan ng labis na kagalakan at kapayapaan.21

Si Jesucristo ang ating pag-asa at ang sagot sa matitinding pasakit sa buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo, binayaran Niya ang ating mga kasalanan at dinanas Niya mismo ang lahat ng ating pagdurusa—pasakit, kawalang-katarungan, kalungkutan, at takot—at pinatatawad at pinagagaling Niya tayo kapag nagtiwala tayo sa Kanya at hinangad nating magpakabuti sa ating buhay. Siya ang ating Manggagamot,22 na nagpapanatag at naghihilom sa ating puso sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal at kapangyarihan, tulad ng pagpapagaling Niya sa marami noong narito Siya sa lupa.23 Siya ang tubig na buhay, na tumutugon sa pinakamatitinding pangangailangan ng ating kaluluwa ng Kanyang di-nagbabagong pagmamahal at kabaitan. Katulad ito ng pangakong ginawa Niya sa Samaritana sa may balon, na nag-aalok ng “isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.”24

Taimtim kong pinatototohanan na si Jesucristo ay buhay, na Siya ang nangungulo rito, na Kanyang sagradong Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.25 Pinatototohanan ko na Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan, ang Prinsipe ng Kapayapaan,26 ang Hari ng mga hari, ang Panginoon ng mga panginoon,27 ang Manunubos ng mundo. Pinagtitibay ko nang may katiyakan na lagi tayong nasa Kanyang puso’t isipan. Bilang patunay nito, ipinanumbalik na Niya ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito at tinawag si Pangulong Russell M. Nelson bilang Kanyang propeta at Pangulo ng Simbahan sa panahong ito.28 Alam ko na inialay Niya ang Kanyang buhay upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Kapag nagsikap tayo na gawin Siyang sentro ng ating buhay, unti-unting darating sa atin ang mga paghahayag, mababalutan tayo ng Kanyang masidhing kapayapaan, at pangyayarihin ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala na mapatawad at mapagaling tayo.29 Sa Kanya natin natutuklasan ang lakas na makapanaig, ang tapang na magtiyaga, at ang kapayapaang mahirap unawain. Nawa’y sikapin natin bawat araw na mas mapalapit sa Kanya, ang pinagmumulan ng lahat ng mabuti,30 ang tanglaw ng pag-asa sa ating paglalakbay pabalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.